Pagmamasid sa Daigdig
“Pagkakasalungatan” sa Batikano
“Kabanalan, bakit ang Batikano ay nagtitinda pa rin ng sigarilyo?” ang tanong ng isang pari kay John Paul II sa panahon ng taunang pakikipagpulong sa mga klero ng Roma. Ganito ang kaniyang pagpapatuloy: “Maliban pa sa pumipinsala sa kalusugan, ang negosyong ito ay sumasalungat sa inyong patuloy na panawagan pabor sa pag-iingat ng kalusugan at ng ating gawaing pagpapastor.” Para kay Ugo Mesini, ang 76-na-taóng-gulang na pari, ang bagay na nagtitinda ng tabako at mga sigarilyo ang Batikano na nagtataglay ng pangungusap na “ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa iyong kalusugan” ay isang “kabaligtarang testimonya” at isang “pagkakasalungatan” sa mensahe ng papa. Gaya ng iniulat sa pahayagang Il Messaggero sa Roma, sumagot ang papa na kung tungkol sa tabako, ang kaniyang “budhi ay malinis.” Subalit, nangako siya na ipakikipag-usap ang tungkol sa benta ng sigarilyo ng Batikano sa nangangasiwang kardinal.
“Siglo ni Satanas”
“Kung pinakamasamang bagay ang pag-uusapan, ito ang siglo ni Satanas,” sabi ng editoryal ng New York Times. “Walang anumang panahon ang nakitaan na ang mga tao ay nagpakita ng matinding kakayahan, at pagkahilig, sa pagpatay sa milyun-milyong ibang tao dahil sa lahi, relihiyon o antas sa lipunan.” Gaya ng napatunayan, binanggit nito ang kampo ng kamatayan sa Auschwitz na natuklasan pagkaraan ng 50 taon. Natuklasan ng mga tagapagpalaya sa kampong piitang ito sa Alemanya ang “aliping mga trabahador na kasimpayat ng posporo, mga batang pinagputul-putol ng may kabaliwang mga eksperimento sa laboratoryo, at ang mga labí ng apat na mga gas chamber at sunugan ng bangkay na minsang kumitil ng 20,000 biktima sa isang araw,” sabi ng editoryal, at napatimo sa kanilang alaala “ang nakabunton na mga bangkay na parang mga kahoy na pamparikit, ang 43,000 pares ng sapatos, ang bunton ng mga buhok ng tao.” Sabi pa nito: “Hanggang sa panahong ito, hindi mawari at maunawaan ang nangyari sa Auschwitz.”
Inaasahang Kakapusan sa Pagkain
“Maliban na magkaroon ng malaking puhunan sa pagbabago ng teknolohiya, tayo’y napapasuong sa matitinding problema,” sabi ni Ismail Serageldin, isang dalubhasa sa pagpapaunlad mula sa Ehipto at bise presidente ng World Bank. Ang sinasabi niya ay tungkol sa tumitinding pangangailangan para sa pangunahing pagkain—isang pangangailangan na dumaraig sa panustos sa ilang bahagi ng Asia at Aprika, kung saan pinakamabilis na dumami ang populasyon. “Madadagdagan tayo ng dalawang bilyon[g tao] sa susunod na 20 taon anuman ang gawin, at 95 porsiyento sa kanila ay magmumula sa pinakamahihirap na bansa,” sabi niya. Bagaman ang biglang pagdami ng pangunahing ani ay naganap sa nakalipas na 25 taon, ang karagdagang ani ay higit na nagiging mahirap matamo dahil sa pangkapaligiran at biolohikal na mga limitasyon. Ang kita ay isinasapanganib din ng mababagsik na peste at mga sakit sa halaman at ng pagkasira ng lupa. Ang Worldwatch Institute ay sumasang-ayon. “Ang katibayan na ang daigdig ay nasa isang landas ng kabuhayan na hindi kayang tustusan ng kapaligiran ay makikita sa pag-unti ng mga huli ng isda, natutuyong tubigan, umuunting bilang ng mga ibon, matitinding ulat ng init at umuunting imbak ng mga butil, upang banggitin lamang ang ilan,” sabi nito sa ulat nito sa State of the World 1995.
Edad at Pagkain
Sinasabi ngayon ng ilang mananaliksik na ang mga tao na mahigit na 50 taon ay di na kailangang mag-alala pa tungkol sa nadaragdag na timbang para sa mga nasa katanghaliang-gulang, ulat ng The Times ng London. Halimbawa, si David Dickinson, patnugot ng magasin ng Consumers’ Association, ay nagsabi: “Ang pagsasabi na sinuman na may mas mataas na katumbasan sa taas kaysa timbang ay napakataba at dapat na magpapayat ay mali. Ang pagpapapayat ay totoong makapipinsala sa iyong kalusugan kung ipagwawalang-bahala ang epekto nito sa katumbasan sa tangkad at timbang. Ang karamihan ng tao na mahigit na 50 ay hindi kailangang magpapayat.” Ang propesor sa Nutrition and Dietetics na si Tom Sanders ay nagpapaliwanag: “Ang panganib sa kalusugan ng sobrang katabaan ay kalimitang may pagmamalabis. Totoong pinalalala nito ang panganib na magkaroon ng diabetes at arthritis, subalit ang panganib sa kalusugan dahil sa pagiging mabilog ay bale wala. Maaari pa nga itong maging bentaha sa mga babae.” At ganito ang payo ni Dr. Martin Wiseman ng Kagawaran ng Kalusugan: “Anumang edad mahalaga na hindi gaanong maging napakataba o napakapayat. Ang makatuwirang pagkain at pananatiling aktibo ang pinakamabuting paraan ng pagtatamo nito subalit habang tayo’y tumatanda ang pagiging mabilog ay mas maigi kaysa pagiging payat.”
Magandang Aksidente?
Isang container na punô ng 29,000 plastik na laruan—mga bibi, pagong, beaver, at mga palaka—ang inanod mula sa isang barko sa isang bagyo sa North Pacific noong Enero 1992. Naging isang pagpapala ang aksidenteng ito para sa mga siyentipiko. Di-gaya ng 61,000 panlarong sapatos na Nike na inanod dalawang taon na ang nakalilipas, ang magagaang na laruan ay lumulutang nang lubusan sa ibabaw ng tubig at itinataboy ng hangin gayundin ng mga alon sa karagatan. Nagpangyari ito sa mga dalubhasa sa karagatan na pinag-aaralan ang paglaki at pagliit ng tubig sa North Pacific na mailakip ang epekto ng hangin sa kanilang pag-aaral. Ang una sa mga laruan ay nagsimulang lumitaw sa mga dalampasigan sa timog-silangan ng Alaska halos sampung buwan pagkatapos ng pagtapon, at mahigit na 400 pa ang umabot sa baybay sa 850-kilometrong kahabaan ng Gulpo ng Alaska sa loob ng sumunod na sampung buwan. Ang maliliit na laruan, wala pang labintatlong centimetro ang haba, ay ipinadadala mula sa Hong Kong patungong Tacoma, Washington, E.U.A. Inaasahan na ang ilan ay sa wakas daraan sa Bering Strait, babagtas sa malalaking tipak ng yelo sa Arctic Ocean, at hahantong sa North Atlantic.
Bahagyang Tagumpay sa Polio
Ang paralytic poliomyelitis, karaniwang kilala bilang polio, diumano’y kumitil o bumalda sa mahigit na 10 milyon katao sa buong kasaysayan. Ito’y isinalarawan sa mga ukit sa sinaunang Ehipto, Gresya, at Roma. Dahil sa ang mga bata ang karamihang pinahihirapan nito, maaari itong maging sanhi ng pagkaparalisado o kamatayan dahil sa hirap na paghinga (asphyxiation). Ngayon, ayon sa Pan American Health Organization, isang pangkat ng World Health Organization, ang polio ay nasugpo na sa Kanlurang Hemispero. Ang huling naiulat na kaso ay tungkol sa isang batang taga-Peru noong 1991, na nakaligtas na may pinsala ang isang binti. Gayunman, di-tulad ng bulutong, na nasugpo sa buong mundo noong 1977, ang virus ng polio ay nasusumpungan pa rin sa ibang mga rehiyon at maaaring madala muli sa mga bansa sa Amerika sa pamamagitan ng pandarayuhan at paglalakbay. Ang huling kumpletong ulat ay nagpakita ng mas kakaunti pa sa 10,000 kaso sa taóng 1993. Hanggang sa lubusang masugpo, ang pagbabakuna laban sa sakit ay dapat na magpatuloy, sabi ng mga dalubhasa sa kalusugan.
Suliranin sa mga Oranggutang ng Taiwan
Kinakaharap ng mga awtoridad sa Taiwan ang isang di-pangkaraniwang problema: Kung ano ang gagawin sa mga oranggutang na nausong maging alagang mga hayop noong 1986 pagkatapos na itampok ang isa sa isang palabas sa telebisyon bilang isang “huwarang kasama.” Gaya ng iniulat sa New Scientist, di-kukulangin sa isang libong batang oranggutang ang dinala sa bansa at ipinagbili bilang mga alagang hayop. Ngayon, habang sumasapit na ang mga hayop sa pagkamaygulang sa sekso at nagiging mabalasik at di-maunawaan, daan-daan ang pinababayaan ng mga may-ari nito. Dahil sa ito ang mga hayop na mahilig na mapag-isa at hindi humaharap sa suliranin ng pakikihalubilo sa grupo di-gaya ng mga chimpanzee at gorilya, ang inaalagaang mga oranggutang ay maaaring ibalik sa iláng o gubat. Gayunman, nakuha ng mga alagang hayop ang mga sakit ng tao, gaya ng hepatitis B at tuberkulosis, at maaaring isapanganib ang dati nang nanganganib-malipol na dami ng oranggutang. Ang marami ay kailangang patayin, na inaakala ng ilan na mas may kabaitan pa kaysa hayaang gugulin ng mga ito ang kanilang buhay sa malungkot na kulungan ng mga hayop.
Mga Batang Lansangan sa Toronto
Sinasabi ng mga opisyal na hanggang 10,000 batang lansangan ang palabuy-laboy sa lungsod ng Toronto nang palagian. “Ang bilang ay tumaas nang husto sa nakalipas na sampung taon,” ulat ng The Toronto Star. “Sinasalaysay ng karamihan ng mga batang lansangan ang tungkol sa mga problema sa tahanan, mula sa pang-aabuso hanggang sa pagtangging sumunod sa mga alituntunin ng mga magulang. Binabanggit nila ang tungkol sa daigdig ng mga droga, karahasan at prostitusyon, at mahahabang oras ng pagkabagot.” Tinataya na 54 na porsiyento ng mga batang lansangan sa Toronto ay nasasangkot sa prostitusyon. Isa sa limang batang babae ang magdadalang-tao, 80 porsiyento ang nagdodroga o umiinom, 67 porsiyento ang inabuso, at 43 porsiyento ang nagtangkang magpatiwakal. “Kung may magsabi sa iyo na ang buhay sa lansangan ay maganda at nakatutuwa, huwag mong paniwalaan ito. Para itong kamatayan, hindi naman talaga ito buhay,” sabi ng isang kabataan. “Hindi na matakasan pa ng ilang kabataan ang patuloy na buhay ng pagdodroga, prostitusyon at lumalagong krimen; ang iba, mas matanda at mas pantas, ay umaasang makapag-aral at makapagtrabaho,” sabi pa ng Star.
Iligtas ang Ngiping Iyan!
Kung malagas ang ngipin nang di-sinasadya, huwag itong itapon, payo ng UC Berkeley Wellness Letter. “Ipinakikita ng pananaliksik na mayroon kang 50% tsansa na matagumpay na pagtatanim muli nito kung makapupunta ka sa dentista sa loob ng 30 minuto.” Ano ang dapat mong gawin? Manatiling kalmado hangga’t maaari. Hawakan ang ngipin sa pinakakorona nito at hugasan ito nang maingat sa maligamgam na tubig—huwag itong kuskusin. Tumawag sa iyong dentista upang ipaalam sa kaniya na makikipagkita ka at, maliban na iba ang sabihin niya sa iyo, ilagay nang maingat ang ngipin sa saket nito. Kumagat nang mariin sa isang malinis na tela o panyo sa loob ng limang minuto upang mapamalagi ang ngipin, at patuloy na kumagat nang may katamtamang lakas hanggang sa makarating sa iyong dentista. Kung hindi mo agad na maisaksak ang ngipin, patuloy itong basain ng laway sa iyong bibig. Para sa mga batang napakabata pa anupat maaari nilang malulon ang ngipin, ilagay ito sa isang plastik bag o isang tasa at ibabad ito sa gatas o tubig na may kaunting asin. Kahit na lumipas ang mas mahabang oras, makabubuti pa rin na magtungo sa dentista at hayaan siyang magpasiya kung ano ang dapat gawin. “Ang pagliligtas ng ngipin ay totoong sulit na pagsisikap,” sabi ng ulat.