Paggamit sa Lakas ng Hangin
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NETHERLANDS
IKOT nang ikot ang malalaking elise. Ang mga ito ay may kabagalang umiikot, nang patuluyan, gaya ng mga bisig ng isang higanteng manlalangoy na walang pagod na lumalangoy nang pasalungat sa agos ng tubig na pumipigil sa kaniya magpakailanman para umusad. Subalit, ang mga bisig na ito ay gumagalaw dahil sa puwersa—hindi upang hadlangan ito. Ang puwersa ay ang hangin. Maliban pa sa pagpagaspas nito, ang ingay ng mekanikal na mga bisig na ito ang tanging tunog na maririnig. Ito ang wind turbine, lumilikha ng elektrisidad mula sa lakas ng hangin.
Sa mahanging bahagi ng mga bansang gaya ng Denmark, Pransiya, Alemanya, Netherlands, at Estados Unidos, napakaraming mga wind turbine ang nagkalat sa tanawin. Sa Estados Unidos, ang California ay mayroon nang mahigit na 16,000 ng mga ito. Halos 50 kilometro sa silangan ng San Francisco, sa Altamont Pass, may isang lugar ng mga turbine ang may 7,000 turbine ang nagsisiksikan sa tabi ng burol upang kumuha ng lakas mula sa walang hintong hangin. Kung pagsasama-samahin, ang mga wind turbine ng California diumano’y makalilikha ng sapat na lakas upang tustusan ang mga pangangailangan ng mga residente sa San Francisco at Washington, D.C.
Ang Denmark, na pinalilibutan ng dagat, ay angkop din para gumamit ng lakas ng hangin; mayroon na itong mga 3,600 wind turbine roon. Noong 1991 ang Netherlands ay mayroon lamang 300 wind turbine, subalit ang pinakamahanging mga lalawigan ng bansa ay sumang-ayon na dagdagan ang bilang tungo sa 3,000. Ang mga tagaplano ng enerhiya sa Inglatera ay umaasa rin na gamitin ang hangin sa gayunding lawak sa kanilang bansa.
Mangyari pa, ang paggamit ng lakas ng hangin ay hindi na bagong idea. Isip-isipin lamang ang lahat ng barko na ipinapadpad ng hangin na naglalayag sa mga karagatan sa loob ng maraming taon bago pa dumating ang mga makina. Ang mga windmill ay ginamit na sa loob ng maraming siglo upang magbomba ng tubig, upang gumiling ng mais at mga espesiya, at upang magputol ng kahoy. Sa Netherlands may halos 900 ng magagandang monumentong ito ang natira. Marami sa mga ito ay patuloy pa ring nagbobomba ng tubig; ang mga ito’y maaasahan pa rin maging sa panahon ng kawalan ng kuryente.
Pagkalipas ng sandaang taon nang unang imbentuhin ng propesor sa Denmark na si Poul de la Cour ang paggamit sa lakas ng hangin upang lumikha ng elektrisidad. Nagawa niya ang maliit na pasimula ng makabagong wind turbine sa ngayon. Gayunman, noong ika-20 siglo, natuklasan ng sangkatauhan na ang mga fossil fuel (panggatong mula sa labi ng mga halaman at hayop) ay mas madaling gamitin at naglalaan ng mas malakas na kuryente. Sa simula, ang gayong mga panggatong ay waring mura at marami; kaya madaling natabunan ng mga ito ang hangin bilang pinagmumulan ng kuryente. Hanggang nito na lamang nagkaroon ng krisis sa langis noong 1973 na muling pinagtuunan ng pansin ang lakas ng hangin.
Mga Bentaha sa Kapaligiran
Pinakilos ng krisis sa langis ang mga siyentipiko na magsaalang-alang kung ano ang mangyayari kapag ang panggatong na mga panustos ay maubos. Ang mga mapagpipilian gaya ng lakas ng hangin ay higit na naging kapansin-pansin. Tutal, ang hangin ay hindi nauubos. Sa katunayan, palagi nga itong nagpapalit, gaya ng sinabi ng Bibliya: “Bumabalik ito muli ayon sa kaniyang pihit.” (Eclesiastes 1:6) Ang lakas ng hangin ay higit na mabuti sa kapaligiran kaysa mga fossil fuel, na sanhi ng nakatatakot na kalagayang gaya ng acid rain at maaaring magpalala sa greenhouse effect. Ang enerhiya ng hangin ay hindi naglalabas ng anumang kemikal.
At yamang ang lakas ng hangin ay hindi isang purong anyo ng enerhiya gaya ng gas, karbón, o langis, ito’y mayroong di-inaasahang mga bentaha. Halimbawa, guni-gunihin ang isang wind turbine na umiikot nang dahan-dahan sa banayad na sampung-kilometro-bawat-oras na hangin. Walang anu-ano lumakas ang hangin, nadoble ito nang 20 kilometro bawat oras. Gaano karaming enerhiya ngayon ang nakukuha ng turbine mula sa hangin? Doble ng dami? Hindi. Ganito ang paliwanag ng magasing New Scientist: “Ang enerhiya ng hangin ay nagbabagu-bago habang nagbabago ang cube ng bilis ng hangin.” Kaya kapag nadoble ang bilis ng hangin, naglalaan ito ng walong ulit na lakas! Kahit na ang kaunting dagdag sa bilis ng hangin ay nangangahulugan ng malaking pagtaas sa output ng enerhiya mula sa wind turbine. Upang lubusang mapakinabangan ang cube law, gaya ng tawag dito, ang mga wind turbine ay inilalagay sa mga tuktok ng burol, kung saan ang bilis ng hangin ay tumutulin habang ito’y humahagunot.
Isa pang magandang aspekto ng lakas ng hangin ay na ito’y mabuting naibabaha-bahagi. Maaaring dalhin ng windmill ang pinagmumulan ng enerhiya nang malapit sa gagamit nito. Ang mga makina ay mabilis buuin at madaling ilipat. Ang hangin ay hindi minimina, isinasakay ng barko, o binibili. Ito’y nangangahulugan na ang lakas ng hangin ay hindi mahirap ibahagi, lalo na kung ihahambing sa di-repinadong langis, na ibinabarko sa malalaking carrier. Ang mga aksidenteng nasasangkot sa gayong mga carrier ay humantong sa pagkalalaking sakuna sa kapaligiran nang paulit-ulit—gaya ng natapong langis sa Alaska noong 1989. Ang mga wind turbine ay wala ng gayong mga disbentaha.
Ilang Balakid
Hindi ibig sabihin nito na ang lakas ng hangin ang sagot sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan sa enerhiya. Ang isang malaking hamon ay nakabatay sa di-pagiging maaasahan ng hangin. Ito’y maaaring pumihit sa ibang direksiyon anumang oras. Matagal nang naghahanap ang mga mananaliksik ng mga solusyon sa problemang ito. Ang isang solusyon ay nagawa noong dekada ng 1920, nang ang Pranses na inhinyerong si Georges Darrieus ay nakagawa ng isang wind turbine na may patayong axis. Ito’y kahawig na kahawig ng isang malaking mixer (makinang panghalo), at ito’y gumagana anuman ang direksiyon ng hangin. Ang iba’t ibang anyo ng kakatuwang-hitsura na kagamitang ito ay gumagana sa ngayon. Gayunman, ang hangin ay maaaring huminto nang sabay-sabay sa anumang oras. At sa kasukdulan naman nito, ang biglang ragasa ng hangin ay maaaring makasira ng mga elise at ng turbine.
Nakapagtataka naman, ang ilang pinakatahasang pagtutol sa paggamit ng lakas ng hangin ay may kinalaman sa kapaligiran. Una, ang high-tech na mga wind turbine sa ngayon ay talagang ibang-iba mula sa kaakit-akit, kakatuwang mga anyo sa nagdaang panahon. Ang malalaking turbine ay kasintaas ng 100 metro; ang mga katamtamang laki ay 40 metro. Iilan ang maglalarawan sa mga ito na kaakit-akit. Totoo, ang maraming linyang high-tension at mga tore sa radyo ay maaaring gayong katataas, subalit ang umiikut-ikot na mga elise ng wind turbine ay umaagaw nang higit na pansin.
Nariyan din ang bagay na tungkol sa ingay. Gayon na lamang ang pagtutol ng ilan sa pagkakaroon ng wind turbine sa kanilang lugar dahil sa ingay na nalilikha nito. Subalit kawili-wili, natuklasan ng isang pagsusuri na ang isang katamtamang-laking turbine sa Cornwall, Inglatera, ay lumilikha ng halos sa antas ng ingay na maririnig mo kung ang isang kotse na naglalakbay sa bilis na 60 kilometro bawat oras ay dumaan 7 metro ang layo mula sa iyo. Ang antas ng ingay na ito ay biglang humihina habang papalayo. Wala nang maririnig na ingay ang isang tao na nasa layong 300 metro gaya ng walang ingay na kalagayan sa isang katamtamang aklatan. Maliban pa rito, ang hangin na nagpapaikot sa turbine ang siyang nagkukubli sa ingay. Gayunman, totoo na kapag daan-daang wind turbine ang nasa isang lugar—o libu-libo na gaya niyaong nasa Altamont Pass sa California—maaaring maging malaking problema ang ingay.
Ang isa pang problema ay nagsasangkot sa mga ibon. Isang organisasyon na nag-iingat sa mga ibon sa Netherlands ang kamakailang nagbabala laban sa pagtatayo ng lugar para sa mga wind turbine kung saan ang mga ibon ay nanginginain at namumugad—kapag madilim o maulap sa labas, maaaring ang mga ito ay bumangga sa mga elise. Ayon sa isang pagtaya, sa isang lugar ng mga wind turbine sa Holland na may 260 turbine, umabot ng 100,000 ibon sa isang taon ang napatay sa ganitong paraan. Gayunman, ipinakita ng ibang pananaliksik na ang mga wind turbine ay may kakaunting pinsala sa buhay ng mga ibon.
Isang Polisa sa Seguro?
Sa kabila ng ganitong mga sagwil, maliwanag na ang lakas ng hangin ay may mahalagang tulong sa pagbabawas sa paggamit ng daigdig sa mga fossil fuel. Sa kaniyang aklat na Wind Energy Systems, si Propesor Gary L. Johnson ng Kansas State University, E.U.A., ay nagpapaliwanag na ang lakas ng hangin ay maaaring gumawang kasama ng isang sinaunang sistema sa paggawa ng enerhiya. Kung gagamitin sa ganitong paraan, aniya, “ang mga generator ng hangin ay maaaring ipalagay na isang polisa sa seguro laban sa malulubhang suliranin sa panustos ng panggatong.”
Di-magtatagal, ang tao ay labis na mangangailangan ng gayong polisa sa seguro. Ang balita ay kalimitang bumabanggit ng walang-katapusang paghahanap ng tao sa panggatong. Habang ang tao ay nagmimina ng karbon at naghuhukay ng langis at gas, hindi lamang niya inuubos ang di-mapapalitang mahahalagang gamit na ito kundi sa ilang lugar ay pinarurumi rin ang kaniyang sariling kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito! Samantala, humihihip ang hangin—malinis, walang-tigil, at, sa kalakhang bahagi, ay ipinagwawalang-bahala pa rin.
[Larawan sa pahina 23]
Libu-libong wind turbine ang lumilikha ng elektrisidad sa maraming bansa
[Larawan sa pahina 24]
Daan-daan ng magagandang monumentong ito ang natitira pa sa Netherlands