Kristal—Napakatagal Nang Nabubuhay ng Unang mga Tagagawa Nito
ANG mga diatom (liya o gilik), ay pagkaliliit na isang-selulang organismo, na lumulutang-lutang sa ibabaw ng tubig sa karagatan at siyang bumubuo ng ikaanim sa sampung bahagi ng mga organismo na bumubuo ng plankton sa mga karagatan. Ang salitang “plankton” ay nangangahulugan na “siya na ginawa upang magpalibut-libot,” at ang plankton diumano’y “napakaliit at napakahina upang gumawa ng anumang bagay maliban sa magpaanod nang lubusan sa mga agos.”
Ang mga ito’y maaaring napakaliit, subalit hindi naman ito napakahina. Kapag hinalukay ng bagyo ang mga sustansiya sa kailaliman ng dagat, ang isang-selulang lumot na ito na tinatawag na mga diatom ay humuhugos para manginain, at sa loob ng dalawang araw ay nadodoble nila ang kanilang bilang. At kapag dumoble ang mga ito, nadodoble rin nila ang paggawa nila ng mga kristal. Ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay nagpapaliwanag nang lubusan hinggil dito:
“Ang mga diatom, isang-selulang organismo, ay kumukuha ng silicon at oksiheno mula sa tubig ng dagat at gumagawa ng kristal, kung saan bumubuo ang mga ito ng maliliit na ‘pillbox’ na naglalaman ng luntiang chlorophyll nito. Ang mga ito’y hinangaan ng isang siyentipiko dahil sa kapuwa kahalagahan at kagandahan nito: ‘Ang luntiang mga dahon na nakukulong sa tila mga kahon ng alahas ay nagsisilbing pagkain sa siyam sa sampung bahagi ng pagkain ng lahat na nabubuhay sa dagat.’ Ang malaking bahagi ng mahalagang pagkain nito ay nasa langis na ginagawa ng mga diatom, na tumutulong din sa mga ito upang lumutang nang husto malapit sa ibabaw kung saan maaaring mabilad sa araw ang chlorophyll ng mga ito.
“Ang magagandang takip na kristal na kahon ng mga ito, ang sabi sa amin ng siyentipiko ring iyon, ay may ‘nakalilitong pagkasari-sari ng hugis—mga bilog, kuwadrado, hugis kalasag, tatsulok, hugis-itlog, parihaba—laging napakagandang napalalamutian ng geometrikong mga ukit. Ang mga ito ay nakakalupkop sa pulos kristal na gayon na lamang kapino anupat ang buhok ng tao ay kailangang putulin nang paayon sa apat na raang hati upang humusto sa pagitan ng mga marka.’ ”—Pahina 143-4.a
Isa pang grupo ng maliliit na gawa ng sining na nangalat sa karagatan ng plankton ay ang mga radiolarian. Ang maliliit na protozoa na ito—20 o higit pa na maaaring magpatung-patong sa isang ulo ng aspili nang hindi nagdidiit ang mga ito—ay nakagagawa rin ng kristal mula sa silicon at oksiheno sa karagatan. Ang maselan na kariktan at kahanga-hangang mga disenyo na inanyo ng mga nilikhang ito ay humahamon sa paglalarawan, sapagkat nilaluan ng mga ito maging ang mga diatom. Ang maingat na pagsusuri kalakip ng larawang ito ay nagpapakita sa isa sa mga radiolarian na may tatlong bola na magkakapatong na gaya ng mga manikang Ruso, na may mga gulugod ng protoplasm na tumatagos sa mga butas ng kristal na balangkas nito upang hulihin at tunawin ang nasila nito. Isang siyentipiko ang nagkomento nang ganito: “Ang isang tuwid ang pagkakaguhit na simboryo ay walang sinabi sa napakahusay na gawa ng arkitektura na ito; kailangang ito’y maging tatlong tulad-puntas na napalalamutiang kristal na simboryo, na magkakapatong ang bawat isa.”
May mga espongha na gumagawa ng mga balangkas na kristal—ang pinakakahanga-hanga ay ang Venus’s-flower-basket. Nang unang dalhin ito sa Europa sa pasimula ng ika-19 na siglo, ang disenyo nito ay may gayon na lamang ganda anupat ang mga esponghang ito ay naging napakamahal na kayamanan na inilagay sa soolohikal na mga koleksiyon—hanggang sa natuklasan na ito’y hindi pambihira kundi “siyang pinakaalpombra sa ilalim ng dagat sa lugar ng Cebu, Pilipinas, at sa kahabaan ng baybayin ng Hapón sa lalim na 200-300 metro [700-1,000 talampakan].”
Isang siyentipiko ang humanga ng gayon na lamang rito, at pinagtakhan ito, anupat siya’y nagsabi nang ganito: “Kapag tiningnan mo ang masalimuot na balangkas ng espongha gaya ng bumubuo sa silica spicules na kilala bilang [Venus’s-flower-basket], ang isipan ay malilito. Paanong ang medyo-independiyenteng pagkaliliit na selula ay makapaglalabas ng milyong malakristal na tinik at makagawa ng gayong masalimuot at magandang tila balag na anyo? Hindi namin alam.”
Hindi rin ito alam ng espongha. Wala itong utak. Ginawa nito ang bagay na ito sapagkat ito’y nakaprograma na gawin ito. Sino ang nagprograma? Hindi ang tao. Wala siya roon.
Ang Bahagi ng Tao sa Kasaysayan ng Kristal
Subalit narito na ang tao ngayon, at maliwanag na nasasakupan niya ang pangunahing kalagayan sa paggawa at paggamit ng kristal o salamin. Ito’y nasa lahat ng dako; pinalilibutan ka ng mga ito. Ito’y nasa iyong mga bintana, mga salamin sa mata, iskrin ng computer, gamit sa mesa, at libu-libong iba pang produkto.
Ang maraming gamit at ganda ng kristal ang tumulong dito upang mapanatili ang popularidad nito. Bagaman ito’y madaling mabasag, mayroon naman itong ibang matibay na katangian. Higit na pinipili pa rin ito para sa pag-iimbak ng pagkain. Di-tulad ng metal, halimbawa, hindi ito humahawa sa lasa ng pagkain. Ang ilang lalagyang salamin ay maaaring gamitin sa pagluluto. Mahirap isipin na ang iyong paboritong restauran ay magsisilbi ng napakasarap na alak na laon sa mga plastik na kopa.
Inihambing ni Job ang halaga ng kristal sa ginto. (Job 28:17) Iyon ay hindi kasingkaraniwan noong kaniyang panahon na gaya sa ngayon, subalit posible na ginagamit na iyon sa mahigit na libong mga taon.
Ang sining ng paggawa ng kristal o salamin sa wakas ay nakarating sa Ehipto. Ginamit ng mga Ehipsiyo ang pamamaraan na tinatawag na paghuhulma. Ang hulmahan ay yari sa luwad at dumi ng hayop, at ibinubuhos ang tinunaw na kristal sa palibot nito at huhugisan ito kapag ito’y pinagugulong sa makinis na ibabaw. Pagkatapos ang gahiblang mga sinulid ng matitingkad na kulay ng kristal ang basta ikinakalat sa ibabaw upang makagawa ng iba’t ibang disenyo. Minsang lumamig ang kristal, ang hulmahang luwad ay inaalis ng matalim na gamit. Kung isasaalang-alang ang sinaunang hakbang, nagawa ang ilang kahanga-hanga’t magagandang kristal na bagay.
Matagal-tagal din na ang bagong pamamaraan, ang paghihip ng kristal (glassblowing), ang makapagpapabago sa paggawa ng kristal. Marahil ang sining na ito ay natuklasan sa Baybayin ng Mediteraneo, at ito pa rin ang pangunahing paraan sa manu-manong paggawa ng kristal sa ngayon. Sa pamamagitan ng paghihip sa isang tubong hungkag, ang isang bihasang humihihip sa kristal ay mabilis na makagagawa ng masalimuot at magkatulad na mga hugis mula sa “kimpal” ng tunaw na kristal sa dulo ng kaniyang tubo. Kung papapamiliin, maaari niyang hipan ang tunaw na kristal sa isang molde. Nang si Jesus ay nasa lupa, ang paghihip ng kristal ay nagpapasimula pa lamang.
Ang pagbabago sa paghihip ng kristal, kalakip ang pagtulong ng makapangyarihang Romanong Imperyo, ang nagpangyari sa mga produkto ng kristal na higit na madaling makuha ng karaniwang mga tao, at ang mga bagay na yari sa kristal ay hindi na pag-aari lamang ng maharlika at mayaman. Habang lumalaganap ang impluwensiya ng Romano, ang sining ng paggawa ng kristal ay kumalat sa maraming bansa.
Noong ika-15 siglo, ang Venice, na isang mahalagang sentro ng kalakalan sa Europa, ay naging isang pangunahing tagagawa ng mga kagamitang kristal sa Europa. Ang industriya ng kristal sa Venice ay tinipon sa Murano. Labis na pinahahalagahan ang mga tagagawa ng kristal sa Venice, subalit sila’y pinagbawalang umalis ng isla ng Murano, lalo na ang ibahagi nila sa iba ang mahalagang sekreto sa negosyo.
Malaki ang nagawa ng magagandang kagamitang kristal ng Venice upang mapasidhi ang pagiging kilala ng kristal, subalit ang paggawa ng kristal ay hindi madaling gawain. Ang aklat na A Short History of Glass ang sumangguni sa isang publikasyon ng 1713 na naglalarawan kung ano ang gaya nito noon. “Ang mga lalaki ay palaging nakatayo na walang pang-itaas na damit sa nagyeyelong panahon ng taglamig malapit sa nagbabagang mga pugon . . . Sila’y nanguluntoy dahil sa ang kanilang naturalesa at sangkap . . . ay nadarang at napinsala ng matinding init.” Sa huling mga taon pinakinis ng mga pumuputol ng salamin ang kristal sa pamamagitan ng paggamit ng umiikot na gulong at magaspang na pulbos.
Mga Pagbabago sa Dakong Huli
Ang Inglatera ang pantanging nabanggit sa kasaysayan ng kristal o salamin. Isang Ingles na gumagawa ng salamin ang lubos na nakagawa ng isang pormula ng salamin na tingga noong 1676. Ang pagdaragdag ng lead oxide ang gumawa ng mabigat na salamin na matibay, malinaw, at kumikinang.
Ang Imperyo ng Britanya ang nasa tugatog noong panahon ni Reyna Victoria, at sa panahong iyon ang Britanya ay pangunahing gumagawa rin ng salamin. Ang lalong bantog ay ang malaking eksibisyon sa Crystal Palace noong 1851, ang unang perya sa daigdig, na umakit ng mga sasali sa eksibit ng pang-industriyang sining at mga yaring-kamay mula sa halos 90 bansa. Bagaman pangunahing naitanghal ang kristal sa mga displey, ang Crystal Palace mismo, taglay ang pinakasentrong kristal na fountain nito na may taas na 8.2 metro, ang umagaw ng pansin. Halos 400 tonelada ng piraso ng salamin ang ginamit para sa napakalaking itinayo na ito, na bumubuo ng 300,000 manu-manong hinipan na pinakadingding nito.
Subalit, sa Estados Unidos naganap ang sumunod na malaking pagbabago sa paggawa ng salamin. Ito ang lubusang mekanikal na paggawa ng pressing machine noong dekada ng 1820. Ganito ang komento ng aklat na A Short History of Glass tungkol dito: “Sa pressing machine, ang dalawang lalaki na may sapat na kasanayan ay maaaring makagawa ng salamin nang apat na ulit ang kahigitan kaysa sa isang pangkat ng tatlo o apat na sinanay na mga humihihip ng salamin.”
Noong pasimula ng ika-20 siglo, isang awtomatikong makina na humihihip ng bote ang ganap na nagawa ng Estados Unidos. Noong 1926 isang planta sa Pennsylvania ang gumamit ng awtomatikong kagamitan na panghihip na magagamit upang makagawa ng 2,000 bombilya sa isang minuto.
Maraming dalubsining at disenyador ang naakit ng masining na magagawa sa kristal. Ito ang nagdulot ng pagbabago sa disenyo sa mga produkto ng kristal at ang paggawa ng marami pang gawa ng sining sa kristal.
Ang kristal ay isang kahanga-hangang bagay. Maliban pa sa pawang pantahanang gamit nito, isaalang-alang ang maraming iba pang mapaggagamitan nito—sa Hubble Space Telescope, sa mga lente ng kamera, sa fiber-optic ng mga sistema ng komunikasyon, at sa laboratoryo sa paggawa ng kemikal. Totoong madaling mabasag, subalit maraming gamit at maganda.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Itaas at Ibaba: The Corning Museum of Glass
[Picture Credit Line sa pahina 26]
The Corning Museum of Glass