SALAMIN, I
[sa Ingles, glass].
Isang kombinasyon ng pantanging buhangin (silica) na may bahid ng iba pang mga elemento gaya ng boron, phosphorus, at tingga. Magkakasamang tinutunaw ang mga sangkap na ito sa temperatura na mga 1650° C. (3000° F.). Kapag lumamig na ang bagong-hubog na salamin, hindi ito malakristal ngunit makinis, napakatigas, at madaling mabasag. Ang init ng bulkan ay nakalilikha ng isang uri ng salamin na tinatawag na obsidian, at kapag tinamaan ng kidlat ang buhangin, kung minsan ay nagsasanib-sanib ang mga iyon at nagiging mahaba at payat na mga tubo ng salamin na tinatawag na fulgurite.
Sa Ehipto ay may nasumpungang mga glass bead na pinaniniwalaan ng mga arkeologo na ginawa mga 4,000 taon na ang nakararaan, humigit-kumulang noong panahong ipanganak si Abraham. Noong ika-17 siglo bago ang Karaniwang Panahon, binanggit ni Job ang salamin kasama ng ginto dahil sa kahalagahan nito nang sabihin niya: “Ang ginto at ang salamin ay hindi maihahambing [sa karunungan].”—Job 28:17.
Nang inilalarawan ng apostol na si Juan ang kaniyang mga pangitain, may binanggit siyang “malinaw na salamin” (Apo 21:18, 21) at “isang malasalaming dagat na tulad ng kristal.”—Apo 4:6.