Ang Ahas-Daga—Ginawa Para Umakyat
ISANG manwal tungkol sa mga ahas sa Alabama ang naglalarawan sa ahas-daga na isang sanáy sa pag-akyat. Ipinakikita ng isang ito ang kaniyang kasanayan sa pamamagitan ng pag-akyat sa laryong dingding ng isang gusali. Ito ay mukhang bata pa, yamang nagkakasiya pa ito sa mga uka sa pagitan ng mga laryo. Gustung-gusto nitong kainin ang mga daga at mga bubuwit.
Isinisiwalat ng The Audubon Society Encyclopedia of Animal Life ang pantanging kasanayan nito sa pag-akyat: “Ang mga ahas-daga ay may mahinang pinaka-kilya sa tiyan nito. Sa paano man ang isang gawain ng tiyan nito ay upang makaliko nang bigla o makausli anupat ang ahas ay maaaring dumiin sa balat ng kahoy sa gayo’y magkaroon ng mas mabuting bentaha. Maaari itong umakyat sa katawan ng isang malaking punungkahoy sa pamamagitan ng pagsisiksik ng katawan nito sa pagitan ng mga uka sa balat ng kahoy at paghaltak pataas sa paano man sa pamamagitan ng pinaka-kilya ng tiyan nito.”
Ang pagkanaroroon nito sa isang puno ay gumagawa rito na tudlaan ng isang kawan ng naghihiyawan, bumubulusok na mga ibong blue jay. Ang pag-akyat sa dingding ng gusaling ito ay malamang na hindi nangangahulugan na ang ahas ay makasusumpong ng mga ibon o itlog ng ibon na makakain, subalit ito’y makapagbibigay ng isang pag-idlip sa mainit na mga laryo.