Natuto ang mga Doktor sa Pagkabingit Ko sa Kamatayan
NOONG kalagitnaan ng Mayo 1991, napag-alaman namin na magkakaroon kami ng aming ikaapat na anak. Ang aming bunso, si Mikael, ay siyam na taon na, at ang aming kambal na anak na babae, si Maria at si Sara, ay 13. Bagaman wala sa plano namin ang karagdagang anak, natanggap na rin namin ang pagkakaroon ng isa pang sanggol.
Isang gabi noong ikatlong buwan ng pagdadalang-tao, ako’y nakadama ng biglang kirot sa aking bagà. Kinabukasan ay hindi ako halos makalakad. Sinabi ng doktor na ako’y may pulmunya, at binigyan niya ako ng penicillin. Bumuti-buti ang pakiramdam ko pagkaraan ng dalawang araw, subalit mahina pa ako. Pagkatapos ay bigla akong nakaranas ng mga kirot sa aking kabilang bagà, at inulit ang gayunding pamamaraan.
Nang sumunod na mga araw, hindi ako makahiga dahil sa nahihirapan akong huminga. Makalipas ang mahigit na isang linggo pagkatapos ng unang pag-atake ng kirot, ang isa sa aking mga binti ay nangitim at namagâ. Sa pagkakataong ito ako’y ipinasok sa ospital. Ipinaalam sa akin ng doktor na ang kirot sa aking mga bagà ay hindi dahil sa pulmunya kundi dahil sa mga namuong dugo. Sinabi rin niya na may namuong dugo sa aking singit. Napag-alaman ko na ang mga namuong dugo ay isa sa pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga nagdadalang-tao sa Sweden. Pagkaraan ng ilang araw, ako’y inilipat sa Karolinska Sjukhuset Hospital sa Stockholm, na may pantanging klinik sa panganganak para sa mga komplikadong pagbubuntis.
Ang mga doktor ay nagpasiyang bigyan ako ng gamot na heparin upang hadlangan ang pamumuo ng dugo. Tiniyak nila sa akin na ang panganib sa pagdurugo dahil sa pag-inom ko ng heparin ay maliit kung ihahambing sa panganib ng isa pang pamumuo ng dugo sa mga bagà. Pagkaraan ng dalawang linggo, ako’y magaling na upang umuwi ng bahay. Nakadama ako ng isang mainit at marubdob na kaligayahan sa pagiging buháy na may masiglang munting sanggol na lumalaki sa sinapupunan ko.
Panganganak
Naipasiyang bigyan ako ng pampahilab sa panganganak, subalit bago pa maisagawa ang mga hakbang upang simulan ang pamamaraan, nakadama ako ng matinding kirot sa gawing ibaba ng aking tiyan. Kaya ako ay isinugod sa ospital. Subalit, wala namang masumpungang diperensiya ang mga doktor.
Nang sumunod na gabi ang aking tiyan ay magáng-magâ, at hindi humupa ang kirot. Sa kalagitnaan ng gabi, sinuri ako ng doktor at natuklasan na ako’y nagdaramdam na sa panganganak. Kinaumagahan lalo pang namaga ang aking tiyan, at hindi ko na matiis ang kirot. Ang doktor ay nag-alala at nagtanong kung kailan ko huling napansin ang mga kilos ng bata. Saka ko natanto na matagal na itong hindi kumikilos.
Agad akong isinugod sa silid na paanakan. Mula sa malayo ay naririnig ko ang mga tauhan sa ospital na nag-uusap. “Tumatanggi siyang pasalin ng dugo,” sabi ng isa. Pagkatapos isang nars ang yumuko sa akin at nagsabi sa isang malakas na tinig: “Alam mong patay na ang anak mo, di ba?” Para bang may sumaksak sa aking puso.—Kawikaan 12:18.
Matatag na Pagtangging Tumanggap ng Dugo
Walang anu-ano’y lumitaw ang aking doktor at sinabi sa akin na ang aking kalagayan ay totoong grabe. Tinanong niya ako kung maninindigan pa rin ako sa aking pasiyang huwag tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Mariin kong sinabi na iyon pa rin ang aking paninindigan, subalit wala na akong maalaala pa pagkatapos niyan. Gayunman, niliwanag ko nang husto sa aking doktor na ang mga Kristiyano ay pinag-utusan na umiwas sa dugo at na nais kong maging masunurin sa batas ng Diyos.—Gawa 15:28, 29; 21:25.
Samantala ay tumawag sila ng isa pang doktor, si Barbro Larson, isang bihasang seruhano. Agad siyang dumating at karaka-rakang isinagawa ang operasyon. Nang buksan nila ang aking tiyan, nasumpungan nila na ako’y nawalan ng tatlong litrong dugo dahil sa pagdurugo sa loob. Subalit iginalang ni Dr. Larson ang aking pasiya may kinalaman sa pagsasalin ng dugo.
Pagkatapos, isa pang doktor ang nagsabi na ilang minuto na lamang at ako’y mamamatay na. “Ewan ko kung buháy pa siya ngayon,” iniulat na sinabi niya. Nang maglaon ay napag-alaman na hindi masumpungan ng mga doktor ang pinagmumulan ng pagdurugo, kaya’t nilagyan nila ng gasa ang aking tiyan. Ang mga doktor at nars ay nawalan na ng pag-asa na ako’y makaliligtas.
Pagdating ng mga anak ko sa ospital at nalaman ang tungkol sa aking kalagayan, ang isa sa kanila ay nagsabi na malapit na ang Armagedon at na pagkatapos niyan ay makakasama nila akong muli sa pagkabuhay-muli. Anong kamangha-mangha at makatuwirang kaayusan nga ang pagkabuhay-muli!—Juan 5:28, 29; 11:17-44; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3, 4.
Nakabingit na Buhay
Ang aking hemoglobin ay bumaba sa 4 na gramo bawat decilitro, subalit ang pagdurugo ay waring huminto. Bago nito ako’y naglagay ng isang kopya ng magasing Gumising! ng Nobyembre 22, 1991, sa rekord ng aking kaso. Nasumpungan ito ni Dr. Larson at napansin ang pamagat na, “Paghadlang at Pagsupil sa Pagdurugo Nang Walang Pagsasalin ng Dugo.” Buong pananabik na sinuri niya ito upang makita kung may magagamit ba siya rito upang tulungan akong makaligtas. Napansin niya ang salitang “erythropoietin,” isang gamot na nagpapasigla sa katawan na gumawa ng pulang mga selula ng dugo. Isinagawa niya ito ngayon. Subalit ang paggamot ay nangangailangan ng panahon upang magkaroon ng resulta. Kaya ang tanong ay, Umepekto kaya agad ang erythropoietin?
Kinabukasan ang antas ng aking hemoglobin ay bumaba sa 2.9. Nang magising ako at makitang ang lahat ng pamilya ko ay nasa tabi ng kama ko, nagtaka ako kung ano ang nangyari. Hindi ako makapagsalita dahil sa aparato sa paghinga. Halos gusto kong humagulhol sa dalamhati, ngunit hindi ko magawang umiyak. Sinabihan ako ng lahat na ipunin ko ang aking lakas upang mabuhay.
Kinabukasan ako’y nilagnat dahil sa pamamagâ na dulot ng gasa na iniwan sa aking tiyan. Ang aking hemoglobin ay bumaba sa 2.7. Bagaman lubhang mapanganib na bigyan ng anestisya ang isang taong nasa gayong kalagayan, ipinaliwanag ni Dr. Larson na sa kabila ng panganib, sila’y napilitang muling mag-opera upang alisin ang gasa.
Bago ang operasyon ang mga bata ay pinayagang pumasok at tingnan ako. Inakala ng lahat na ito’y isang pamamaalam na. Ilang miyembro ng kawani sa ospital ay umiiyak. Hindi sila naniniwala na ako’y makaliligtas. Ang aming mga anak ay napakalakas ng loob, at ito’y nagpangyari sa akin na maging mahinahon at nagtitiwala.
Dahil sa ang anestisyang ibinigay ay kaunti lamang, kung minsan ay naririnig ko ang usapan ng mga doktor at nars. Ang ilan ay nag-uusap tungkol sa akin na para bang ako’y patay na. Nang maglaon, nang ikuwento ko ang narinig ko noong panahon ng operasyon, isang nars ang humingi ng paumanhin. Subalit sinabi niya na siya’y kumbinsido na ako’y mamamatay at hindi pa rin niya lubusang maunawaan kung paano ako nakaligtas.
Kinabukasan bumuti-buti ang pakiramdam ko. Ang aking hemoglobin ay 2.9, at ang aking hematocrit ay 9. Ang aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay dumalaw, nagdadala ng pagkain at kape para sa aking pamilya. Kami’y nagpapasalamat sa kanilang pag-ibig at pagmamahal. Kinagabihan ang aking kalagayan ay kritikal pa rin ngunit matatag, at ako’y inilipat sa ibang ward.
Natuto ang mga Doktor
Maraming miyembro ng kawani sa ospital ang nag-usyoso sa akin, at karamihan sa kanila ay napakabait. Isang nars ang nagsabi: “Tiyak na iniligtas ka ng iyong Diyos.” Isang doktor mula sa ibang ward ang dumating at nagkomento: “Gusto ko lang makita kung ano ang hitsura ng isang taong may gayon kababang hemoglobin. Hindi ko maunawaan kung paanong napakaalisto mo.”
Kinabukasan, bagaman hindi niya araw ng pagtatrabaho, dinalaw ako ng aking doktor. Sinabi niya sa akin na siya’y nakadama ng kapakumbabaan dahil sa nangyari. Kapag ako’y gumaling nang lubusan, aniya, sisimulan nila ang isang bagong pananaliksik sa mga kahalili ng pagsasalin ng dugo sa paggamot sa mga pasyente.
Napakabilis ng aking paggaling. Dalawa at kalahating linggo pagkaraan ng kalunus-lunos na panganganak, ang aking hemoglobin ay tumaas nang kaunti sa 8. Kaya ako’y pinalabas sa ospital. Makalipas ang tatlong araw ay ginanap ang aming taunang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova, at ako’y naroroon. Kay laking pampatibay-loob na muling makita ang lahat ng aming Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae na umalalay sa amin nang husto noong panahon ng aming mahigpit na pagsubok!—Kawikaan 17:17.
Gaya ng ipinangako ni Dr. Larson, isang ulat tungkol sa aking kaso, na tinatawag na “Pinalitan ng Erythropoietin ang Pagsasalin ng Dugo,” ay inilathala nang maglaon sa babasahing pangmedisina ng Sweden na Läkartidningen. Sabi nito: “Isang 35-anyos na babae, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagkaroon ng malubhang pagdurugo sa panganganak. Siya’y tumangging pasalin ng dugo subalit sumang-ayon sa paggamot na gumagamit ng erythropoietin. Pagkaraan ng siyam na araw ng paggamot pagkatapos ng operasyon sa pamamagitan ng matataas na dosis ng erythropoietin, ang hemoglobin ay tumaas mula sa 2.9 tungo sa 8.2 gramo bawat decilitro nang walang masamang mga epekto.”
Ang artikulo ay nagtapos: “Sa simula ang pasyente ay napakahina, subalit siya’y nakapagtatakang gumaling nang mabilis. Bukod pa riyan, lubusang walang anumang komplikasyon pagkatapos ng operasyon. Ang pasyente ay maaari nang palabasin sa ospital pagkatapos ng dalawang linggo.”
Bagaman ang karanasang ito ay isang matinding dagok para sa amin, kami’y nasisiyahan na bunga nito, ang ilang doktor ay maaaring may higit na natutuhan tungkol sa mga kahalili ng pagsasalin ng dugo. Inaasahan namin, sila’y magiging handa na subukin ang mga pamamaraan ng paggamot na napatunayang matagumpay.—Gaya ng inilahad ni Ann Yipsiotis.
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ng aking matulunging seruhano