Pagmamasid sa Daigdig
Nakakaharap ng Daigdig ang “Kapahamakan sa Kalusugan”
“Ang pinakamalaking pumapatay at pinakamatinding sanhi ng sakit at pagdurusa na nararanasan ng daigdig ay . . . ang labis na karukhaan.” Gayon ang sabi ng The World Health Report 1995, na inilathala ng WHO (World Health Organization). Kalahati sa 5.6 na bilyon katao sa daigdig ang wala man lamang makuhang kinakailangang gamot; halos sangkatlo ng mga bata sa daigdig ang kulang sa pagkain; at sangkalima ng populasyon sa daigdig ang nabubuhay sa labis na karukhaan, ayon sa ulat. Sinipi ng The Independent, isang pahayagan sa London, Inglatera, ang sinabi ng pangkalahatang patnugot ng WHO bilang babala tungkol sa “kapahamakan sa kalusugan na ang marami sa malalaking tagumpay . . . sa nakaraang mga dekada ay mapapaharap sa malulubhang sagwil.”
Nababawasang Pagkamatay sa Kuna
Sa estado ng North Rhine-Westphalia sa Alemanya isang programa ang namigay sa lahat ng magulang ng bagong silang na mga sanggol ng isang pulyeto na nagbibigay kaalaman sa kanila tungkol sa mga salik na maaaring makaragdag sa panganib na pagkamatay sa kuna. Pagkatapos na maitatag ang programa, ang mga sanggol na namamatay sa kuna sa estado ay bumaba nang 40 porsiyento, ayon sa pahayagang Süddeutsche Zeitung. Kasunod ng gayunding programa, ang Australia, Inglatera, Netherlands, at Norway diumano’y nagkaroon ng pagbaba na kasinlaki ng 60 porsiyento sa gayong uri ng kamatayan. Ang bagong programa na ito sa kabatiran tungkol sa pagkamatay sa kuna ay nagbabala sa mga magulang laban sa pagpapatulog sa sanggol na nakadapa, paggamit ng malalaking kama na may saping balahibo o malalambot na kutson, paninigarilyo habang nagdadalang-tao, at paghahantad sa mga bagong silang sa usok ng sigarilyo.
Pagbata sa Kirot sa Likod
Nagaganap sa 90 porsiyento ng mga tao sa buong mundo sa anumang panahon sa kanilang buhay, ang kirot sa balakang ang “pinakamalimit na kalagayan na nakaaapekto sa mga tao,” ayon sa The Medical Post ng Canada. Gayunman, sa karamihan ng kaso ang magastos na pagpapagamot ay maaaring hindi kailangan. Sinabi ni Dr. Garth Russell, isang dalubhasa sa buto, na “90% ng mga kaso ng bigla o matinding kirot sa likod na may pamamaga (karaniwang pagkatapos ng pisikal na gawain) ay nagsasangkot lamang ng matinding pamumulikat ng kalamnan sa likod, at maiibsan sa pamamagitan ng dalawa o tatlong araw na pahinga.” Kaya naman, iminungkahi ni Dr. Russell, na “magsimulang mag-ehersisyo nang bahagya at bumalik sa iyong pang-araw-araw na gawain.”
Mararahas na Laro sa Video
Sa totoo, ang mararahas na laro sa video ay laganap sa grupo ng maraming kabataan, ayon sa ulat ng The Vancouver Sun ng Canada. Binabanggit ng pahayagan ang isang pagsusuri na nagpapakita na ang mga kabataang manlalaro ay nagiging masiglang-masigla ang katawan kapag naglalaro ng gayong mga laro. Ang tibok ng kanilang puso ay kapansin-pansing bumibilis—sa ilang kalagayan ay higit pa sa makalawang ulit. Ang nakababahala sa mananaliksik ay ang tanong na, “Napananatili ba ng mga bata ang karahasan hanggang sa laro ng video lamang o ito’y nakaiimpluwensiya sa kanilang buhay”? Ipinalalagay ng propesor sa edukasyon sa University of British Columbia na si Charles Ungerleider na ang gayong mga laro ay nagpapahiwatig na ang karahasan ang paraan upang lutasin ang mga problema. Ganito ang sabi niya: “Ito’y isang kakaibang paglalarawan sa lipunan na ang mararahas na laro sa video ay isang kaayaayang anyo ng libangan.”
Nagpapahirap na mga Virus
Ayon sa isang artikulo sa U.S.News & World Report, “ang bagong mga salot gayundin ang dati nang mga sakit ay lumalaganap.” Bakit? Maraming salik ang nagpalalâ sa pagkamadaling mahawa ng tao sa mga sakit, paliwanag ng pahayagang Swiso na Neue Zürcher Zeitung. Kalakip sa mga salik ang dumaraming internasyonal na paglalakbay, na nagbubunga ng paghantad ng mga sakit sa maraming tao na walang imyunidad. Karagdagan pa, ang bagay na kinatatakutan ng mga tao sa CDC (Centers for Disease Control), sa Atlanta, Georgia, sabi ng U.S.News, “ay tinatalo na ng karaniwang mga mikrobyo, na minsang madaling nasugpo ng mga antibayotik, maging ang pinakabago at pinakamalakas na mga gamot.”
Mga Epekto ng Nakalalasong Kapaligiran?
Ayon sa pahayagang The Globe and Mail, sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ng Canada ang pagtaas sa bilang ng namamatay sa bansa na mas mataas kaysa inihula. Sa halip ng inaasahang 3-porsiyentong pagtaas, ang namamatay sa gitna ng mga taga-Canada mula 1992 hanggang 1993 ay tumaas ng 4.3 porsiyento, ang pinakamataas na naiulat. Kalakip sa bilang ang pagtaas sa bilang ng namamatay na mga sanggol, ang kauna-unahang pagtaas sa loob ng 31 taon. Ang pagtaas na ito ay di-pangkaraniwan at nakababahala, ayon sa ulat. Isang dalubhasa na taga-Canada ang nakaalaala sa pagkamatay ng isang canary—na ginamit noon upang magbabala tungkol sa mga nakalalasong gas sa mga minahan. “Ito ba ang kauna-unahang pahiwatig na ang kapaligiran ay nagiging lalong nakalalason?” ang naitanong.
Mga Kabataang Nawawalan ng Pag-asa sa Kinabukasan
Dati-rati ang Australia ang tinatawag na “mapalad na bansa,” subalit ang dumaraming bilang ng mga kabataang Australiano ay maaaring hindi sumang-ayon sa pagtantiyang iyan sa ngayon. Natuklasan ng pahayagang The Australian, nag-uulat tungkol sa pagsusuri sa mga kabataang nasa pagitan ng 15 at 19 na taóng gulang, na sila’y may “‘nakatatakot’ na pangitain tungkol sa kabuhayan ng Australia sa hinaharap.” Ang mga estudyante sa kanilang ika-9, ika-10, at ika-11 taon sa mga paaralang suportado ng pamahalaan, Katoliko, at nasa pribadong mga paaralan ay kinapanayam. “Ayon sa ulat, ipinakikita ng natuklasan na ‘halos maliwanag’ na ang kasalukuyang henerasyon ng 15 at 16-na-taóng-gulang na mga kabataan ay ‘hindi nananabik sa hinaharap’—ipinalalagay nila na ang lipunan ay lalong nagiging marahas at mananatiling mataas ang bilang ng mga walang trabaho,” sabi ng pahayagan. Nang hilingang ilarawan ang kanilang buhay sampung taon mula ngayon, “binanggit ng karamihan sa mga tumugon ang bumabagsak na ekonomiya at isang lipunan kung saan ang mga indibiduwal ay lalong walang kontrol sa kahihinatnan ng kanilang kabuhayan.”
Hindi Sinabihan ang mga Naglilipat ng HIV
Hindi naipagbigay-alam ng ilang doktor sa Hapón sa mga naglilipat ng HIV ang tungkol sa pagkanakahahawa nila, kaya ang mga asawa ng gayong mga naglilipat ng sakit ay nahawahan. Pagkatapos na masurbey ang 363 ospital at institusyon sa paggamot ng bansa, isiniwalat ng Health and Welfare Ministry na 43 porsiyento lamang ng mga institusyon ang nagpabatid sa lahat ng may sakit ng HIV tungkol sa kanilang kalagayan. Halos 28 porsiyento lamang ang nagbigay-alam sa ilang pasyente nila. Inamin ng ilang ospital ang pagkukulang nila na pabatiran man lamang ang kanilang mga pasyente, samantalang ang iba ay tumangging sumagot sa katanungan sa surbey, sabi ng The Daily Yomiuri. Ang isang pangunahing dahilan na ibinigay ng mga doktor sa hindi pagbibigay ng impormasyon ay ang “labis-labis na kawalang-katatagan sa mental na kalagayan” ng mga naglilipat ng sakit.
Bagong Bagay sa Bilihan ng Kamelyo
Samantalang ang mga turista ay kalimitang naghahanap ng di-pangkaraniwang bagay kapag sila’y naglalakbay, sila mismo ay waring kakatwa para sa lokal na naninirahan doon. Iniuulat ng International Herald Tribune na natuklasan ng mga turistang taga-Kanluran ang maaaring siyang pinakamalaking pamilihan ng kamelyo sa daigdig sa gawing hilaga ng disyertong lungsod ng Pushkar, India. Doon, natutuwa ang mga nagbebenta ng kamelyo sa kanilang banyagang mga bisita. Ipinaliliwanag ng Tribune na “ang mga namamanihala sa kamelyo ay nagugulat sa kakatwang mga turistang ito na namumula sa ilalim ng init ng araw sa disyerto, pinagmamasdan ang daigdig sa pamamagitan ng itim na mga kahon na nakatapat sa kanilang mga mukha [mga kamera] at handang magbayad ng $2 (mahigit sa dalawang araw na kita para sa karamihan ng nagtatrabaho sa disyerto) para sa isang oras na pagsakay sa mahinhing kamelyo.” Kapag tinatanong kung ang dumaraming bilang ng mga turista ay mabuti o masama, ganito ang sabi ng isang nagbibili ng kamelyo: “Mabuti naman. Gustung-gusto namin silang pinagmamasdan.”
Gumuguhong Pinahahalagahang Kaasalan sa Tsina
“Isinasapanganib ng pagiging abala sa kayamanan ang pundasyon ng lipunan sa Tsina, ang pamilya,” ulat ng The Wall Street Journal. “Ang mga pamilya ay nagkakawatak-watak, lumilikha ng masakim na ‘makaakong henerasyon’ ng mga kabataan. Ang krimen at katiwalian ay nasa di-mapapantayang antas.” Ang mga bata na dati-rati’y gumagalang sa kanilang mga magulang sa ngayon ay inaalila ang kanilang mga magulang at ayaw mag-alaga sa kanila sa katandaan, sabi ng isang mananaliksik. Bagaman marami sa Tsina ang nanghahawakan pa rin sa tradisyunal na pinahahalagahang kaasalan, ang mga ito’y gumuguho na habang ang milyun-milyon ay lumilisan sa kanilang mga tahanan upang maghanap ng pagkakataon saanman. “Ang paghahabol sa salapi ang naging tunguhin. Dahil sa salapi, handang ipagwalang-bahala ng mga tao ang mabuti, ipagwalang-bahala ang panlipunang kaasalan,” sabi ng pangalawang minister sa pampublikong kaligtasan na si Bai Jingfu.
Bagong mga Uri ng Halaman
Sa paghahanap ng bagong mga uri ng halaman, ginagalugad ng mga botanikong Britano at taga-Brazil ang isang bundok sa hilaga-silangang Brazil sa loob ng mahigit na 20 taon. Sa kasalukuyan natuklasan nila ang nakagugulat na 131 uri na dati-rati’y hindi kilala, lahat ay tumutubo sa isang lugar na 171 kilometro kudrado lamang. Ang “hardin ng Eden” na ito, gaya ng tawag ng pahayagang Folha de São Paulo, ay tinutubuan ng Pico das Almas na may taas na 1,960 metro sa estado ng Bahia sa Brazil. Sinuri ng mga botaniko ang halos 3,500 ispesimen ng tuyong halaman upang matiyak na ang lahat ng halamang ito ay totoong bagong mga natuklasan—at talagang bagong mga tuklas nga. Ganito ang sabi ni Simon Mayo ng Royal Botanic Gardens sa Inglatera sa pahayagan: “Kahanga-hanga na matuklasan ang napakaraming halaman sa dulo ng ikadalawampung siglo.”