Pagmamasid sa Daigdig
Mga Pagnanakaw sa Simbahan sa Britanya
“Ang mga dako ng pagsamba ay hindi na itinuturing na napakasagrado,” ulat ng The Sunday Times ng London. Ang mga kandelero, mga upuan ng obispo, mga atril na tanso, mga sisidlan ng alak noong Edad Medya, at sinaunang mga benditahan ay ninanakaw mula sa mga simbahan sa Inglatera at ipinagbibili bilang mga palamuti sa hardin. Ang ilegal na kalakalang ito ay internasyonal, na ang sinaunang mga bagay na ito ay ninanakaw ayon sa kahilingan. Ang isang nawawalang bintanang stained-glass ay nakita sa isang restauran sa Tokyo. Ang taunang kalugihan sa mga simbahan ay umaabot ng halos $7 milyon. Ngayon ang makabago’t masalimuot na mga aparato ay ikinakabit at ang paglilingkod ng mga kompanya ng seguridad ay ginagamit upang bantayan ang eklesyastikál na mga lugar.
Mas Maraming Aborsiyon sa Canada
Isang mataas na rekord ng 104,403 aborsiyon ang isinagawa sa Canada noong 1993, na isang 2.3-porsiyentong pagdami kaysa nakaraang taon. Ayon sa The Toronto Star, “iyan ay nangangahulugan ng 26.9 na mga aborsiyon sa bawat 100 ipinanganganak nang buháy.” Bakit ang pagdami? Bagaman ito ay ipinalalagay ng ilan na dahil sa pagdami ng pribadong mga klinika na nagsasagawa ng aborsiyon sa bansa, itinuturo naman ng mga opisyal sa Planned Parenthood Federation ng Canada ang panggigipit sa kabuhayan bilang “ang numero unong dahilan na ibinibigay sa pagpapalaglag.” Inaakala ni Anna Desilets, ehekutibong direktor ng Alliance for Life, isang grupo na kampi sa buhay, na “dahil madaling magpalaglag ang mga tao ay bumabaling sa paggamit nito bilang isang paraan ng pagkontrol sa pag-aanak, na ipinababalikat ang bayarin sa pamahalaan.”
Mga Sanggol na May AIDS
Ang bilang ng mga sanggol sa Venezuela na may AIDS ay dumarami sa nakatatakot na bilis, ulat ng El Universal ng Caracas. “Dati-rati sa pagitan ng dalawa at anim na batang may AIDS ang iniuulat taun-taon,” sabi ng isang dalubhasa, “subalit sa ngayon mayroon kami ng mula dalawa hanggang anim na kaso sa isang linggo.” Ang persentahe ng mga babaing nahawahan, na inililipat naman ito sa kanilang mga sanggol, ay dumarami araw-araw. “Mahalagang tandaan,” ang konklusyon ng ulat ng pahayagan, “na ang mga estadistikang hawak ng Ministri ng Kalusugan ay gangga-kalingkingan lamang ang ipinakikita.”
Dumaraming Mararahas na Babae
“Ang mga babae ay mas madalas na nasasangkot sa karahasan kaysa dati,” sabi ng dalubhasa sa kriminolohiya sa University of Ottawa na si Tom Gabor. “Ang karahasan,” ulat ng pahayagang The Globe and Mail, “ay higit at higit na isinasagawa ng mga babae na siyang nangunguna, sa halip na pumangalawa lamang sa paggawa ng kasamaan. Sila’y hindi nakabababa sa galing ng lalaki sa masamang gawa.” Ang marahas na krimen na pagsasakdal laban sa mga babaing nasa hustong gulang ay dumami mula sa 6,370 noong 1983 tungo sa 14,706 noong 1993. Subalit, ang karamihan ng mararahas na krimen ay isinasagawa pa rin ng mga lalaki. Ayon sa Globe, “noong 1993, 88.6 na porsiyento ng mga nasa hustong gulang at 76.3 porsiyentong mga kabataang nasasakdal dahil sa mararahas na krimen ay mga lalaki.”
Mga Pari at Pag-aasawa
Ang pahayagan sa Australia na The Sydney Morning Herald ay nag-ulat na dumaraming maimpluwensiyang Katoliko ay nangangatuwiran na “ang pagwawakas sa sapilitang hindi pag-aasawa ng mga pari ay tutulong upang masugpo ang kawalan ng mga pari.” Ang hindi pag-aasawa ng mga pari ay itinuturing bilang ang pangunahing sagwil na humahadlang sa mga binata sa pagpasok sa pagkapari. Itinatampok ang problema, ang Herald ay nagbigay ng ilang nagsisiwalat na mga bilang. Ang pangunahing sentro sa pagsasanay ng mga pari sa New South Wales ay may katamtamang pinakamataas na bilang na 60 pumapasok sa pagkapari sa isang taon mula noong 1955 hanggang 1965. Subalit ang katapat na bilang sa pagitan ng 1988 at 1994 ay siyam lamang na pumapasok sa pagkapari sa isang taon. Ang kinatawang patnugot ng isa pang kolehiyo na nagsasanay ng mga pari sa Sydney ay nagsabi na, sa kaniyang opinyon, ang pagpapahintulot sa klero na mag-asawa ay maaaring maging isang “mabilis” na lunas ngunit hindi isang pangmatagalang lunas sa napakalaking kakulangan ng mga pari sa Australia.
“Matiyagang mga Mamamatay-tao”
Ang United Nations ay nagsisikap mangilak ng $75 milyon upang simulan ang pag-aalis ng tinatayang 110 milyong minang ibinaon sa lupa sa 64 na bansa, ulat ng International Herald Tribune. Nagkakahalaga ng halos $3 upang gumawa ng isang minang sinadya para sa tauhan ng militar o antipersonnel (AP) na sinlaki ng isang kaha ng sigarilyo. Subalit upang mahanap at maalis ang gayong mina sa lupa ay nagkakahalaga sa pagitan ng $300 at $1,000. Ang pag-aalis ng mga mina ay nahahadlangan ng isa pang problema. Ganito ang sabi ng isang tagapagsalita ng United Nations: “Taun-taon 2 milyong bagong mga minang AP ang ibinabaon karagdagan pa sa 100 milyong mahigit na naroroon na.” Ang mga eksperto ay sumasang-ayon na mangangailangan ng mga dekada upang alisin sa daigdig ang inilarawan ng isang heneral na taga-Cambodia bilang “matiyagang mamamatay-tao na hindi kailanman nabibigong pumatay o puminsala.”
Mga Pagpapatiwakal sa Tulay
Mahigit na isang libo katao ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon mula sa bantog na Golden Gate Bridge sa San Francisco sapol nang buksan ito noong 1937. “Ang pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon mula sa Golden Gate Bridge ay may emosyonal na pang-akit dito, isang gayuma. Napakaganda roon. May partikular na guniguning nasasangkot,” sabi ng dalubhasa tungkol sa pagpapatiwakal na si Richard Seiden. Iilan sa mga tumalon ang nabuhay upang magkuwento, na hindi naman kataka-taka yamang sila’y tumatama sa tubig sa bilis na 120 kilometro isang oras at karaniwang sumasabog ang panloob na mga sangkap ng katawan. Isang pagsusuri sa 500 katao na nahikayat na huwag tumalon ay nagsiwalat na wala pang 5 porsiyento ang sa dakong huli’y nagpakamatay.
Mga Kamatayang Nauugnay sa Trapiko
Dahil sa 26 na mga kamatayan sa bawat 100,000 mamamayan, ang Argentina ngayon ang nangunguna sa daigdig sa dami ng mga namamatay araw-araw na nauugnay sa trapiko, ayon sa pahayagan ng Argentina na Clarín. Noong 1993 may 8,116 gayong kamatayan sa bansa. Ang bilang ay tumaas tungo sa 9,120 noong 1994. Subalit noong unang anim na buwan ng 1995, mayroon nang mahigit na 5,000 kamatayang nauugnay sa trapiko. Noong 1994 halos 25 porsiyento ng mga biktima ay mga taong naglalakad. Sa lalawigan lamang ng Buenos Aires, ang mga kamatayang nauugnay sa trapiko ay dumami nang 79 na porsiyento. Isang malaking porsiyento ng mga aksidente ay dahil sa hindi mabuting pagtantiya ng mga tsuper kapag nilalampasan ang ibang sasakyan.
Mga Batang Naninigarilyo
Ipinakikita ng isang ulat noong 1993/94 na mas maraming bata ang naninigarilyo sa Britanya. Ang bilang ng mga máninigarilyóng 11 hanggang 15 taóng gulang ay dumami mula sa 10 porsiyento tungo sa 12 porsiyento. Ang pagdaming ito ay doble ng inaasahan ng mga opisyal ng pamahalaan sa kalusugan para sa 1994, sabi ng pahayagang Independent. Bagaman nagkaroon ng pagbaba sa bilang ng mga nasa hustong gulang na naninigarilyo, mga 29 na porsiyento ng mga lalaking Britano at 27 porsiyento ng mga kababaihan ang naninigarilyo pa rin. “Baka kailanganin ang mas kapansin-pansing pagbawas sa paninigarilyo ng mga nasa hustong gulang bago lubhang maapektuhan ang mga saloobin ng mga tin-edyer,” hinuha ng ulat.
Kalinisan ng Bibig Para sa mga May Edad Na
“Ang kalinisan ng bibig ay maaaring mangahulugan ng buhay at kamatayan para sa mga taong may edad na,” sabi ng Asahi Evening News. Ang mga siyentipikong Haponés ay naghinuha na “maaaring bawasan ng mga taong may edad na ang panganib ng pulmunya sa pamamagitan lamang ng basta pagsisipilyo ng kanilang ngipin.” Sa isang pag-aaral ng 46 na taong may edad na, sinisipilyo ng mga nars ang ngipin ng isang grupo ng 21 tao araw-araw pagkatapos kumain. Sinusuri rin ang kalinisan ng kanilang ngipin dalawa o tatlong beses sa isang linggo. Pagkaraan ng tatlong buwan nasumpungan na ang 21 ay nilagnat nang wala pang sampung araw kaysa 25 na hindi sumunod sa rutinang ito. Ang mas mabuting kalusugan ay ipinalalagay na dahil sa kawalan ng baktirya sa bibig. Isang naunang pag-aaral ay naghinuha na “ang laway o ang mga tinga ng pagkaing di-sinasadyang nalalanghap sa mga bagà ang kadalasang sanhi ng pulmunya,” sabi ng pahayagan.
Ipinagbibiling Imortalidad?
“Sa halagang $35, Maaaring Makamit Mo ang Imortalidad,” sabi ng Register-Guard ng Eugene, Oregon, E.U.A. Ang mikrobiologong si James Bicknell ay nag-aalok na ipreserba ang iyong DNA upang, gaya ng pagkakasabi rito ng pahayagan, “sa hinaharap na dantaon, maaaring gamitin ng isang maibiging inapo ang biolohikal na impormasyon sa DNA upang gumawa ng isang kopya mo.” Si Dr. Bicknell ay nagbibili ng isang DNA kit na binubuo ng dalawang piraso ng isterilisadong gasa at isang maliit na sisidlan ng likido. “Ikuskos mo ang gasa sa loob ng iyong mga pisngi,” aniya, “ipasok ang gasa sa likido, at ibalik ito sa akin sa pamamagitan ng koreo.” Pagkatapos kaniyang kinukuha ang DNA mula sa mga selula na nakadikit sa gasa at inilalagay ang DNA sa ilang panalang papel. Ang papel ay saka ipinipreserba sa isang tubo sa isang maliit na aluminyong kahon na doo’y nakatatak ang pangalan mo para ipakita mo kung nais mo. Ganito ang sabi ng Guard: “Siya’y naghihinuha na itinatabi ng mga tao ang mga abo ng patay, mga bungkos ng buhok at mga ginupit na kuko. Ang isang kahon ng DNA ay isang bagay na maipamamana sa mga apo.”
Matinding Binatikos ang “Gene Therapy”
Malaki ang mga inaasahan noong nakalipas na anim na taon nang unang magsimula ang gene therapy sa mga tao. Inaasahan ng mga siyentipiko, balang araw, na gamutin ang likas na henetikong mga sakit sa pamamagitan ng pagtuturok ng pangwastong mga gene sa kanilang mga pasyente. Inaasahan din nilang magturok ng henetikong mga sangkap na magpapangyari sa nakapipinsalang mga selula, gaya ng mga selula ng kanser, na puksain ang sarili nito. Subalit, pagkatapos ng maraming may pananabik na pananaliksik, ang terapi ay sumailalim ng matinding mga pagbatikos. Ganito ang sabi ng International Herald Tribune: “Sa lahat ng labis na kasiglahan, walang isa mang nailathalang ulat tungkol sa isang pasyenteng natulungan ng gene therapy.” Ikinatatakot ng kilalang mga siyentipiko na ang pananaliksik ay napakabilis na iginigiit na ikapit dahil sa komersiyal at personal na mga interes, sa halip na dahil sa pagkabahala sa mga pasyente. Ang isang problema ay na ang mga selulang ginamot sa pamamagitan ng gene therapy ay maaaring salakayin at sirain ng sistema ng imyunidad ng katawan, na itinuturing ang mga ito na ibang bagay sa katawan.