Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapabukas-bukas Ang artikulo na “Pagpapabukas-bukas—Ang Magnanakaw ng Panahon” (Abril 8, 1995) ay naisulat sa praktikal at nakatatawang paraan. Habang binabasa ko ito, natatawa ako sa sarili ko, yamang matindi ang nakagawian kong pagpapabukas-bukas.
F. B. H., Brazil
Naging matindi ang ugali kong pagpapabukas-bukas sa halos buong buhay ko, kaya ito’y napapanahon na impormasyon sa akin. Napakahusay ng pagkakasulat nito, at pinaplano kong gamitin ang impormasyon upang makatulong sa akin na ayusin nang mas mahusay ang aking panahon. Kalimitan nang ibig kong sumulat ng pasasalamat para sa iba’t ibang artikulo at hindi ko naman ito nagawa kailanman. Ngayon sa wakas ay nagawa ko na iyon!
M. H., Estados Unidos
Binubuklat ko ang magasin nang mapansin ko ang artikulo. Binasa ko ang pambungad, inaakala ko na sa susunod ko na lamang babasahin ang natitirang bahagi ng artikulo. Subalit ang pambungad na mga salita ay nagsabi nang ganito: “Huwag! Huwag tumigil sa pagbabasa ng artikulong ito!” Batid ko na ngayon na pinahintulutan ko ang aking sarili na manakawan ng panahon dahil sa pagpapabukas-bukas.
A. E., Italya
Ako’y isang sastre, at ang pagpapabukas-bukas ay naging paraan na ng aking buhay. Binale-wala ko ang paglilista ng mga gagawin ko, paghahati-hati ng trabaho sa angkop na panahon, at pagpaplano sa di-inaasahang pangyayari. Subalit ngayon natutuhan kong ikapit ang inyong mga mungkahi, at nasisiyahan ako sa mga pakinabang nito.
S. N., Nigeria
Huling mga Araw Bilang isang buong-panahong ebanghelisador, ibig ko kayong pasalamatan sa inyong mga babasahin. Habang binabasa ko ang tampok na serye ng mga artikulo ng labas ng Abril 22, 1995, “Ito ba ang mga Huling Araw?,” nasabi ko sa sarili ko, ‘Anong liwanag, tuwiran, at husay ng pagkakapaliwanag ng mga artikulong ito!’ Ang layout, magagandang larawan, at mga paliwanag sa larawan ay tunay na nagpabatid sa totoong mga bagay at siyang nagpangyari sa mga artikulo na madaling mabasa at maunawaan. Nakatutuwang ialok ang gayong materyal sa ating mga kapuwa!
J. B., Estados Unidos
Mamasò Nabasa ko ang inyong artikulo na “Mamasò—Pagbata sa Kirot.” (Abril 22, 1995) Pagkaraan ng tatlong araw nagkaroon ako ng pantal sa balat na malapit ang pagkakahawig sa paglalarawan ng mamasò na nasa inyong artikulo. Nagpunta ako sa doktor at sinabi sa kaniya na sa palagay ko’y may mamasò ako. Tama naman, sinabi niya sa akin na “napakarunong” ko—tama ang rekunusi ko! Yamang ang sakit ay natuklasan sa maagang yugto, sinabi niya na makaliligtas ako sa matinding kirot na nararanasan ng karamihan ng mga nagkakaroon ng mamasò. Salamat sa inyong artikulo!
K. B., Estados Unidos
Matreshka Salamat sa inyong artikulong “Matreshka—Isang Pambihirang Manika!” (Abril 22, 1995) Habang binabasa ko ito, labis na hinangaan ko ang paraan ng pagkakasulat nito. Napakaganda ng mga larawan! Ako’y tuwang-tuwa sa manikang ito sapol nang ako’y maliit pa, pero wala akong alam sa pinagmulan nito. Ngayon ay kailangang may himukin ako upang bilhan ako ng isa nito!
M. T., Italya
Aborsiyon Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Aborsiyon—Ito ba ang Lunas?” ay nakatawag ng aking pansin. (Marso 8, 1995) Dalawampu’t apat na taon na ang nakalipas, nang ako’y magdalang-tao sa gulang na 15 taón, naranasan ko ang iba’t ibang damdamin na binanggit na nadama ng mga kabataang babae sa artikulo. Hinimok ako ng ama ng sanggol na dinadala ko na magpalaglag, pero ipinasiya ko na buhayin ang sanggol. Ibig ng aking pari na ipaampon ko ang sanggol. Hindi na ako kailanman pumasok pang muli sa Simbahan ng Katoliko! Subalit, ang aking mga magulang ay napakamatulungin. Nagsimula akong mag-isip na palakihin nang may matatag na espirituwalidad ang aking sanggol. Nang mapunta ang mga Saksi ni Jehova sa aming bahay, tinanggap ko ang isang pag-aaral sa Bibliya at di-nagtagal ay nabautismuhan ako. Ngayon ako’y maligayang nakapag-asawa. At ang anak kong lalaki? Siya ay naglilingkod sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ako’y nagigitla kapag iniisip ko ang tungkol sa unang mapagpipilian—aborsiyon. Hindi ito ang lunas!
G. J., Estados Unidos