Ang Maselan Nating Planeta—Ano ang Kinabukasan?
DALAWANG daang taon na ang nakalipas, ang estadistang Amerikanong si Patrick Henry ay nagsabi: “Ang tanging nalalaman kong paraan ng paghatol sa kinabukasan ay sa pamamagitan ng nakalipas.” Noon, niyurakan ng tao ang kapaligiran. Siya ba’y magbabago sa hinaharap? Hanggang sa ngayon, ang mga palatandaan ay hindi nakapagpapatibay-loob.
Bagaman nakagawa ng ilang kapuri-puring pagsulong, karaniwan nang ito’y panlabas lamang, binibigyan-pansin ang mga sintoma sa halip na ang mga sanhi. Kung ang isang bahay ay binubukbok na, ang pagpipintura sa kahoy ay hindi makahahadlang sa pagbagsak nito. Tanging ang pagpapalit ng karamihan sa kahoy ang makapagliligtas dito. Sa katulad na paraan, dapat na baguhin ang paraan ng paggamit ng tao sa planetang ito. Hindi sapat ang basta pagsupil sa pinsala.
Sa pagsusuri sa mga resulta ng 20 taóng pagsupil sa kapaligiran sa Estados Unidos, isang dalubhasa ang naghinuha na “ang pagsalakay sa kapaligiran ay hindi mabisang masusupil, kundi dapat itong hadlangan.” Maliwanag, ang paghadlang sa polusyon ay mas maigi kaysa paggamot sa masasamang epekto nito. Subalit ang pag-abot ng gayong tunguhin ay tiyak na mangangailangan ng isang mahalagang pagbabago sa lipunan ng tao at sa paningin ng malalaking negosyo. Kinikilala ng aklat na Caring for the Earth na ang pangangalaga sa lupa ay nangangailangan ng “mga pamantayan, mga kabuhayan at lipunan na kakaiba sa karamihan na umiiral sa ngayon.” Anu-ano ang ilan sa mga pamantayang ito na kailangang baguhin alang-alang sa kaligtasan ng planeta?
Naitimong mga Dahilan ng Krisis
Kaimbutan. Ang pag-una sa mga kapakanan ng planeta kaysa pagsasamantala ng mga tao ang unang mahalagang hakbang upang mapangalagaan ang kapaligiran. Gayunpaman, kakaunti ang kusang tatalikod sa isang mayamang istilo-ng-buhay, bagaman maaaring sinisira nito ang planeta para sa hinaharap na mga salinlahi. Nang sikapin ng pamahalaan ng Netherlands—isa sa may pinakamatindi ang polusyon sa mga bansa sa Kanlurang Europa—na takdaan ang pagbibiyahe ng kotse bilang bahagi ng isang kampanya laban sa polusyon, sinabotahe ng malaganap na pagtutol ang plano. Bagaman ang mga daan sa Netherlands ang pinakamasikip sa buong daigdig, ayaw isuko ng mga motorista ang kanilang kalayaang magbiyahe sakay ng kotse.
Apektado ng makasariling saloobin ang mga nagpapasiya gayundin ang madla sa pangkalahatan. Ang mga pulitiko ay atubiling ipatupad ang mga patakarang pangkapaligiran na maaaring mangahulugan ng pagkawala ng mga boto nila, at hinahadlangan ng mga industriyalista ang anumang balak na maaaring maging banta sa mga pakinabang at pag-unlad ng kabuhayan.
Kasakiman. Pagdating sa pagpili sa pagitan ng mga pakinabang at pangangalaga, karaniwan nang mas malakas mangusap ang pera. Ang malalakas na industriya ay nagpoprotesta upang bawasan ang pagsupil sa polusyon o upang lubusang iwasan ang mga batas ng pamahalaan. Ipinaghahalimbawa ng problemang ito ang pinsala sa ozone layer. Noong Marso 1988, ang tagapamanihala ng isang malaking kompanya ng kemikal sa E.U. ay nagsabi: “Sa kasalukuyan, hindi binabanggit ng siyentipikong katibayan ang pangangailangan para sa malaking pagbawas sa paglalabas ng CFC.”
Subalit, inirekomenda ng kompanya ring iyon ang lubusang pagpapahinto sa mga chlorofluorocarbon (mga CFC). Isang pagbabago ng isip? “Wala itong kaugnayan sa kung baga ang kapaligiran ay napipinsala o hindi,” sabi ni Mostafa Tolba, panlahat na patnugot ng United Nations Environment Programme (UNEP). “Ito’y tungkol sa kung sino ang makikinabang [sa kabuhayan].” Talos ng maraming siyentipiko sa ngayon na ang pagkasira ng ozone layer ay isa sa pinakamalubhang gawang-taong malaking sakunang pangkapaligiran sa buong kasaysayan.
Kawalang-alam. Ang nalalaman natin ay kakaunti lamang kung ihahambing sa hindi natin alam. “Kakaunti pa rin ang nalalaman natin tungkol sa saganang buhay sa tropikal na masukal na kagubatan,” sabi ni Peter H. Raven, patnugot ng Missouri Botanical Garden. “Kapansin-pansin, mas marami tayong nalalaman—napakarami—tungkol sa ibabaw ng buwan.” Totoo rin ito kung tungkol sa atmospera. Gaano karaming carbon dioxide ang patuloy nating ibobomba sa himpapawid nang hindi naaapektuhan ang pangglobong klima? Walang nakaaalam. Subalit gaya ng sabi ng magasing Time, “mapanganib na ipasailalim ang kalikasan sa gayong dambuhalang mga eksperimento kung ang kalalabasan ay di-alam at ang posibleng mga resulta ay totoong nakatatakot isipin.”
Ayon sa mga tantiya ng UNEP, posibleng ang pagkaubos ng ozone sa pagtatapos ng dekadang ito ay sa wakas maging sanhi ng daan-daang libong bagong mga kaso ng kanser sa balat sa bawat taon. Ang epekto sa mga ani at mga palaisdaan ay hindi pa rin alam, subalit inaasahang ito ay malaki.
Pangkasalukuyang mga palagay. Di-tulad ng iba pang malaking sakuna, ang mga suliraning pangkapaligiran ay maaaring may katusuhang dumating sa atin. Hinahadlangan nito ang mga pagsisikap na pag-ibayuhin ang sama-samang pagkilos bago mangyari ang nagtatagal na pinsala. Inihahambing ng aklat na Saving the Planet ang ating kasalukuyang kalagayan sa namatay na mga pasahero ng lumubog na Titanic noong 1912: “Kakaunti ang nakababatid sa lawak ng potensiyal na trahedya.” Ang mga awtor ay naniniwalang ang planeta ay maililigtas lamang kung haharapin ng mga pulitiko at mga negosyante ang katotohanan at pag-iisipan ang tungkol sa pangmatagalang mga lunas sa halip ng panandaliang mga pakinabang.
Maka-akong mga saloobin. Sa Earth Summit noong 1992, binanggit ng Kastilang punong ministro na si Felipe González na “ang problema ay pangglobo, at ang lunas ay dapat na pangglobo rin.” Totoo iyan, subalit ang pagkasumpong ng mga lunas na kanais-nais sa buong globo ay isang nakatatakot na atas. Isang delegado ng E.U. sa Earth Summit ang tahasang nagsabi: “Hindi tatalikuran ng mga Amerikano ang kanilang istilo-ng-buhay.” Sa kabilang dako naman, ang dalubhasa sa kapaligiran na taga-India na si Maneka Gandhi ay nagreklamo na ang “isang bata sa Kanluran ay nakakukunsumo ng kasindami ng nakukunsumo ng 125 sa Silangan.” Sinasabi niyang “halos lahat ng pagsamâ ng kapaligiran sa Silangan ay dahil sa nakukunsumo sa Kanluran.” Paulit-ulit, ang internasyonal na mga pagsisikap upang pagbutihin ang kapaligiran ay bumagsak dahil sa maka-akong pambansang kapakanan.
Sa kabila ng lahat ng pangunahing mga problema, may mga dahilan upang tumingin sa hinaharap nang may pagtitiwala. Isa sa mga ito ay ang lakas ng sistema ng depensa ng ating planeta.
Ang Paggaling ng Lupa
Tulad ng katawan ng tao, ang lupa ay may kahanga-hangang kakayahang gamutin ang sarili nito. Isang pambihirang halimbawa nito ay nangyari noong nakalipas na siglo. Noong 1883 ang bulkanikong isla sa Indonesia ng Krakatau (Krakatoa) ay pumutok sa isang dambuhalang pagsabog na narinig halos 5,000 kilometro ang layo. Halos limang kilometro kubiko ng bagay ang pumailanglang sa himpapawid, at dalawang-ikatlo ng isla ang naglaho sa ilalim ng dagat. Pagkalipas ng siyam na buwan ang tanging palatandaan ng buhay ay isang maliit na gagamba. Ngayon ang buong isla ay natatakpan ng mayabong na tropikal na pananim, na siyang tirahan ng daan-daang uri ng ibon, mamal, ahas, at mga insekto. Tiyak na ang paggaling na ito ay dahil sa proteksiyon na tinatamasa ng isla bilang bahagi ng Ujung Kulon National Park.
Ang pinsala ng tao ay maaari ring lunasan. Kung bibigyan ng sapat na panahon, mapagagaling ng lupa ang sarili nito. Ang tanong ay, Bibigyan ba ng tao ang lupa ng kaunting ginhawa na kailangan nito? Marahil ay hindi. Subalit mayroong Isa na desididong pabayaan ang ating planeta na gumaling sa ganang sarili nito—ang Isa na lumikha nito.
“Magalak ang Lupa”
Hindi kailanman nilayon ng Diyos na sirain ng tao ang lupa. Sinabi niya kay Adan na ‘bungkalin at ingatan’ ang halamanan ng Eden. (Genesis 2:15) Ang malasakit ni Jehova sa pangangalaga sa kapaligiran ay nakikita rin sa marami sa mga batas na ibinigay niya sa mga Israelita. Halimbawa, sila’y sinabihang iwang walang tanim ang lupa minsan tuwing ikapitong taon—ang taon ng Sabbath. (Exodo 23:10, 11) Nang madalas na waling-bahala ng mga Israelita ito at ang iba pang utos ng Diyos, sa wakas ay pinahintulutan ni Jehova ang mga taga-Babilonya na paalisin ang mga tao sa lupain, na naging tiwangwang sa loob ng 70 taon “hanggang sa mabayaran ng lupa ang mga sabbath nito.” (2 Cronica 36:21) Dahil sa makasaysayang pámarisáng ito, hindi kataka-taka na sinasabi ng Bibliya na ‘dadalhin [ng Diyos] sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa’ upang ang lupa ay gumaling mula sa pagsalakay ng tao sa kapaligiran.—Apocalipsis 11:18.
Subalit, ang pagkilos na iyan ay unang hakbang lamang. Ang kaligtasan ng planeta, gaya ng makatuwirang binabanggit ng biyologong si Barry Commoner, ay “depende sa pagwawakas sa pakikibaka sa kalikasan at sa pagwawakas sa mga digmaan sa gitna natin mismo.” Upang makamit ang tunguhing iyan, ang mga tao sa lupa ay dapat na “maturuan ni Jehova” na pangalagaan ang isa’t isa at pangalagaan ang kanilang makalupang tahanan. Bunga nito, ang kanilang kapayapaan ay magiging “sagana.”—Isaias 54:13.
Tinitiyak sa atin ng Diyos na magkakaroon ng isang pagbabago sa sistema ng ekolohiya ng lupa. Sa halip na walang-lubay na paglawak, ang mga disyerto ay “mamumulaklak na gaya ng rosa.” (Isaias 35:1) Sa halip na mga kakapusan sa pagkain, magkakaroon ng “saganang trigo sa lupa.” (Awit 72:16) Sa halip na mamatay dahil sa polusyon, ang mga ilog sa lupa ay “papalakpak.”—Awit 98:8.
Kailan magiging posible ang gayong pagbabago? Kapag “si Jehova mismo ay naging hari.” (Awit 96:10) Titiyakin ng pamamahala ng Diyos ang pagpapala sa bawat nabubuhay na bagay sa lupa. “Magalak ang lupa,” sabi ng salmista. “Humugong ang dagat, at ang lahat ng naroroon; magsaya ang mga kabukiran, at lahat ng naroroon. Kung magkagayo’y aawit ang lahat ng mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan.”—Awit 96:11, 12, New International Version.
Ang isang lupa na pinagpala ng Maylikha nito at pamamahalaan sa katuwiran ay may isang maluwalhating kinabukasan. Inilalarawan ng Bibliya ang mga resulta: “Katuwiran at kapayapaan—ito ay naghalikan. Ang katotohanan ay bubukal sa lupa, at ang katuwiran ay dudungaw mula sa langit. At, sa kaniyang bahagi, ibibigay ni Jehova ang mabuti, at ang ating sariling lupain ay magbibigay ng kaniyang bunga.” (Awit 85:10-12) Pagdating ng araw na iyon, ang ating planeta ay hindi na manganganib magpakailanman.
[Larawan sa pahina 13]
Tulad ng katawan ng tao, ang lupa ay may kahanga-hangang kakayahang gamutin ang sarili nito