Wala Akong Patutunguhan Noon Ngunit Nasumpungan Ko ang Layunin sa Buhay
GUNIGUNIHIN ang aking takot at pagkabalisa isang madaling araw nang ako’y di-inaasahang gisingin ng dalawang matipunong lalaki na naghahalughog sa kuwarto. Ang aking ina ay nagmamasid, namumutla at walang magawa, kitang-kitang siya’y nasindak. Ang mga lalaki ay mga tiktik.
Batid ko kaagad kung ano ang hinahanap nila. Bagaman ako’y nagkunwang matapang at mapanlaban, sa loob ko ako’y natatakot. Natanto ko na isang pangkat ng mga pulis ang sumasalakay sa aming gang ng mga magnanakaw na kabataan sa New Jersey, E.U.A. Magaralgal na sinabi sa akin ng mga tiktik na magbihis at saka pinagtulakan ako patungo sa punong-himpilan ng pulisya para tanungin.
Paano ako napasok sa kahabag-habag na kalagayang ito? Nagsimula ito noong bata pa ako. Samantalang ako’y tin-edyer pa, itinuring ko na ang aking sarili na talagang isang delingkuwenteng kabataan. Noong mga taon ng 1960 ipinalalagay ng maraming kabataan na “uso” ang maging rebelde nang walang dahilan, at ako’y buong-pusong sumasang-ayon. Kaya, sa gulang na 16, nasumpungan ko ang aking sarili na nag-iistambay sa isang bilyaran sa aming lugar, palibhasa’y pinaalis ako sa haiskul. Dito ako nasangkot sa isang gang ng mga kabataan na nagnanakaw. Pagkatapos sumama sa kanila sa ilang maliliit na gawang pagnanakaw, naibigan ko ang katuwaan at pananabik at talagang nasumpungan kong kapana-panabik ang bawat karanasan.
Diyan nagsimula ang isang siyam-na-buwang katuwaan sa puwersahang panloloob. Bilang isang gang, pinagtuunan namin ng pansin ang mga tanggapan ng propesyonal kung saan malalaking halaga ng salapi ay karaniwang itinatago. Mientras mas maraming panloloob ang ginagawa namin nang hindi nahuhuli, lalo namang lumalakas ang aming loob. Sa wakas, nagpasiya kaming pagnakawan ang isang sangay ng bangko sa bayan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaproblema. Bagaman nakapasok kami sa bangko nang walang anumang problema, gumugol kami ng isang nakasisiphayong gabi sa loob dahil ang mga kaha lamang ng mga kahera ang aming nabuksan. Ang mas malubhang problema ay na ang pagnanakaw namin sa bangko ang nagpangyari upang siyasatin ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang kaso. Palibhasa’y sinusubaybayan kami ng FBI, hindi nagtagal at kaming lahat ay naaresto.
Ang Malulungkot na Epekto ng Pagkakamali
Ako’y personal na ipinagsakdal ng 78 kaso ng pagnanakaw at dumanas ng pagkapahiya dahil sa mga detalye ng bawat pagnanakaw na binasa nang malakas sa korte. Ito, pati na ang lahat ng publisidad tungkol sa aming mga krimen sa lokal na pahayagan, ay nagkaroon ng mapangwasak na epekto sa aking mga magulang. Subalit ang kahihiyan at pagkapahiya na idinudulot ko sa kanila ay hindi gaanong nakabahala sa akin noong panahong iyon. Ako’y nahatulan ng walang-tiyak na taning ng panahon sa isang repormatoryo ng estado, na maaaring mangahulugan ng pananatili ko roon hanggang sa ako’y tumuntong ng 21 taóng gulang. Gayunman, dahil sa pagsisikap ng isang bihasang abugado, ako’y nailipat sa isang pantanging paaralang repormatoryo.
Bagaman naiwasan ko ang isang taning ng panahon sa bilangguan, naging kasunduan na ako’y lumayo sa pamayanan at sa lahat ng dati kong kasama. Sa layuning ito, ako’y pumasok sa isang pribadong paaralan sa Newark, isa na nagtutuon ng pansin sa delingkuwenteng mga kabataang gaya ko. Isa pa, ako’y hinilingang magkaroon ng lingguhang mga sesyon sa isang sikologo upang tumanggap ng propesyonal na tulong. Lahat ng mga kaayusang ito ay natugunan ng aking mga magulang—na nagkahalaga ng malaking salapi para sa kanila.
Mga Pagsisikap Upang Magbago
Walang alinlangan na bunga ng aming lubhang napalathalang paglilitis, isang editoryal ang lumitaw sa pahayagan sa aming bayan na pinamagatang, “Pag-uurong ng Pamalo.” Binatikos ng artikulong ito ang wari bang magaang na pagtutuwid na tinanggap ng gang. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga komento ng editoryal na ito ay tumagos sa aking budhi. Kaya ginupit ko ang artikulong iyon mula sa pahayagan at ipinangako ko sa aking sarili na balang araw, sa paano man, babawi ako sa lahat ng paghihirap, kahihiyan, at gastos na idinulot ko sa aking mga magulang.
Naisip ko, ang isang paraan upang patunayan ko sa aking mga magulang na maaari akong magbago ay ang magtapos sa haiskul na kasabay ng aking dating mga kaklase. Nag-aral ako nang puspusan. Ang resulta ay na sa pagtatapos ng taon ng paaralan, nang, sa harap ng aking probation officer, ako’y muling humarap sa hukom na nagsentensiya sa akin, sa kaniyang mabagsik na mukha ay may ngiti nang mapansin niya na ako’y nakakuha ng katamtamang marka na B-plus sa bawat term. Kaya ngayon ang daan ay nabuksan para sa akin upang magbalik sa aking dating haiskul, at ako’y nagtapos nang sumunod na taon.
Nagpatuloy ang Aking Pagiging Walang Patutunguhan
Ngayon ay 1966 na, at samantalang marami sa mga kaklase ko ang nagtungo sa digmaan sa Vietnam, ako’y nag-aral sa Concord College sa West Virginia. Sa kolehiyo ako unang nakaranas magdroga, ng mga raling pangkapayapaan, at ng lahat ng bagong grupo anupat pinag-alinlanganan ko ang tradisyonal na mga pamantayan. Mayroon akong hinahanap, ngunit hindi ko alam kung ano ito. Nang dumating ang bakasyon noong panahon ng Thanksgiving, sa halip na umuwi ng bahay, nakisakay ako patimog sa Blue Ridge Mountain hanggang sa Florida.
Kailanman ay hindi pa ako nakapaglakbay nang malayo noon, at ako’y siyang-siya na makakita ng napakaraming bago at iba’t ibang lugar—yaon ay, hanggang noong Thanksgiving Day, nang ako’y magwakas sa bilangguan sa Daytona Beach sa salang pagpapalabuy-laboy. Hiyang-hiya akong makipag-alam sa aking mga magulang, subalit ginawa ito ng mga awtoridad sa bilangguan. Minsan pa, isinaayos ng tatay ko na magbayad ng malaking multa sa halip na hayaan akong makulong.
Hindi na ako nagpatuloy sa kolehiyo pagkatapos niyan. Sa halip, taglay ang isa lamang maleta at isang bagong napukaw na pananabik sa paglalakbay, naglakbay na naman ako, walang patutunguhang nakikisakay paroo’t parito sa silangang baybayin ng Estados Unidos at pumapasok sa di-regular na mga trabaho upang suportahan ang aking sarili. Bihirang malaman ng aking mga magulang kung nasaan ako, bagaman paminsan-minsan ay dinadalaw ko sila. Ang ipinagtataka ko ay na sa tuwina para bang natutuwa silang makita ako, subalit hindi ako nagtatagal.
Ngayong hindi na ako nag-aaral sa kolehiyo, naiwala ko ang aking pagiging isang estudyante, na nagkaloob ng pagkaantala sa paglilingkod militar. Ang aking katayuan ngayon sa paglilingkod sa militar ay naging 1-A, at panahon lamang ang makapagsasabi hanggang sa ako’y tawagin upang maglingkod sa hukbo. Ang pag-iisip lamang tungkol sa disiplina at ang pagkawala ng aking kalayaan ay hindi kanais-nais. Kaya ako’y nagpasiyang umalis ng bansa sakay ng bapor. Sa paggawa nito isang bagong karera ng pagkakataon ang nabuksan sa harap ko. Ito na kaya sa wakas ang tunay na layunin sa buhay ko?
Buhay sa Dagat Bilang Isang Mersenaryo
Isang dating kaibigan ng aming pamilya ang siyang kapitan sa merchant marine ng Estados Unidos. Sinabi niya sa akin ang tungkol sa isang bagong tatag na programa ng pagsasanay para sa mga inhinyero marino. Agad akong natanggap sa pinaikling dalawang-taóng programa, na may dalawang pakinabang na maantala sa pananagutan sa militar at ang pag-asang magtapos ng inhinyeriya marino. Ako’y nagtapos taglay ang isang diploma noong 1969 at ako’y nagtrabaho bilang isang third-class engineering officer sa aking unang barko sa San Francisco. Agad kaming naglayag patungong Vietnam na may sakay na kargamento ng mga munisyon. Ang biyahe ay walang anumang mahalagang pangyayari, at ako’y nagbitiw sa barkong iyon pagdating namin sa Singapore.
Sa Singapore ako’y nagtrabaho sa isang barkong hindi saklaw ng unyon, sapagkat ito’y umuupa ng lahat ng mga manggagawang hindi miyembro ng unyon. Ang barkong ito ay dating naglalayag sa mga baybayin sa Vietnam, mula sa Cam Ranh Bay sa timog tungo sa Da Nang sa hilaga, malapit sa sona na hindi hawak ng militar. Hindi humihinto rito ang alingawngaw ng dagundong ng walang-lubay na pagbomba. Subalit, sa pinansiyal na paraan ang rutang ito ay kapaki-pakinabang, at dahil sa mga bonus na ibinibigay dahil sa panganib ng digmaan at manaka-nakang pagsalakay kailanma’t tuwirang sinasalakay, nasumpungan ko ang aking sarili na kumikita ng mahigit na $35,000 isang taon bilang isang mersenaryo ng digmaan. Sa kabila ng pagtataglay kong ito ng bagong kasaganaan, wala pa ring patutunguhan ang buhay ko at nagtatanong kung ano nga ba ang buhay—saan ba ako patungo?
Isang Sinag ng Kabuluhan sa Buhay
Pagkatapos ng isang totoong nakatatakot na pagsalakay ng kaaway, si Albert, ang boiler attendant ko, ay nagsimulang magkuwento sa akin kung paano dadalhin ng Diyos ang kapayapaan sa lupa sa malapit na hinaharap. Nakinig akong mabuti sa di-pangkaraniwang impormasyong ito. Nang maglayag kami pabalik sa Singapore, sinabi sa akin ni Albert na siya’y dating isa sa mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na siya aktibo. Kaya magkasamang hinanap namin ang lokal na mga Saksi sa Singapore. Wari bang walang makatulong sa amin, ngunit nang gabi bago kami maglayag, nasumpungan ni Albert ang isang magasing Bantayan sa lobi ng otel. Nakatatak dito ang isang direksiyon. Subalit, wala na kaming panahon upang alamin ang direksiyon, sapagkat kinabukasan kami’y naglayag na patungong Sasebo, Hapón, kung saan ang barko ay nakaiskedyul na kumpunihin sa loob ng dalawang linggo.
Doon namin pinasuweldo ang mga tripulante, at si Albert ay nagbitiw sa barko. Subalit pagkaraan lamang ng isang linggo, nagulat akong makatanggap ng isang telegrama buhat sa kaniya na nagsasabi sa akin na isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ang idaraos sa Sasebo sa darating na dulo ng sanlinggo. Nagpasiya akong magtungo at tingnan kung ano ba itong kombensiyong ito.
Ang araw na iyon—Agosto 8, 1970—ay mananatili sa aking isipan. Dumating ako sa dako ng kombensiyon sakay ng taksi, lumabas ako ng taksi tungo sa gitna ng daan-daang Hapones, pawang malinis na nadaramtan. Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi makapagsalita ng anumang Ingles, wari bang silang lahat ay nagnanais na makipagkamay sa akin. Wala pa akong nakitang anumang tulad nito noon, at bagaman hindi ko naunawaan ang isa mang salita sa programa sa wikang Hapones, nagpasiya akong pupunta uli kinabukasan—upang tingnan lamang kung mararanasan ko ang gayunding pagbati. Gayon nga ang nangyari!
Umupa kami ng isang bagong tripulante at pagkalipas ng isang linggo kami ay minsan pang bumalik sa dagat, naglalayag patungong Singapore. Ang unang bagay na ginawa ko pagdating na pagdating ko ay sumakay ng taksi tungo sa direksiyon na nakatatak sa magasing Bantayan. Isang palakaibigang babae ang lumabas ng bahay at nagtanong kung ano ba ang maitutulong niya. Ipinakita ko sa kaniya ang direksiyon na nasa Ang Bantayan, at agad niya akong inanyayahang pumasok. Saka ko nakilala ang kaniyang asawa at napag-alaman ko na sila’y mga misyonero buhat sa Australia, sina Norman at Gladys Belloti. Ipinaliwanag ko kung paano ko nakuha ang kanilang direksiyon. Mainit ang pagtanggap nila sa akin at sinagot ang marami sa aking mga katanungan, at ako’y umalis taglay ang isang supot na punô ng literatura sa Bibliya. Nang sumunod na mga buwan, samantalang naglalayag sa baybayin ng Vietnam, nabasa ko ang marami sa mga aklat na ito, pati na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.
Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nakadama ako ng tunay na layunin at direksiyon. Sa sumunod na paglalakbay pabalik sa Singapore, ako’y nagbitiw sa barko.
Isang Nakasisiphayong Pag-uwi ng Bahay
Sa unang pagkakataon din, talagang nadama kong gusto kong umuwi ng bahay. Kaya pagkalipas ng isang linggo, ako’y dumating sa bahay na tuwang-tuwa, gusto kong sabihin sa aking mga magulang ang lahat tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Hindi sila natuwa na gaya ko. Mauunawaan naman ito, sapagkat ang aking gawi ay hindi nakatulong. Ilang linggo pa lamang ako sa bahay nang, sa silakbo ng galit, sinira ko ang isang nightclub doon. Ako’y nagkamalay sa loob ng isang selda sa bilangguan.
Nang panahong ito ako’y naniniwalang talagang wala nang pag-asa pang ako’y magbabago at masusupil ko ang aking marahas na ugali. Marahil ay lagi na lamang akong magiging isang rebelde nang walang kadahi-dahilan. Nadama kong hindi na ako maaaring manatili pa sa bahay. Kailangan kong umalis. Kaya sa loob ng ilang araw, nagpareserba ako sa paglalayag sa isang Norwegong barkong pangkargada na patungong Inglatera.
Inglatera at Paaralan sa Drama
Naibigan ko ang pagiging nasa Inglatera, subalit problema ang trabaho. Kaya nagpasiya akong mag-awdisyon para sa iba’t ibang paaralan sa drama, at sa pagtataka ko ako’y tinanggap sa The London School of Dramatic Art. Ang dalawang taon ko sa London ay ginugol ko sa malabis na pag-inom, pakikipagsosyalan, at, mangyari pa, sa paggamit ng lahat ng uri ng droga.
Bigla akong nagpasiyang muling dumalaw sa aking pamilya sa Estados Unidos. Subalit maguguniguni mo ba ang pagkasindak ng aking mga magulang sa aking kapansin-pansing hitsura sa pagkakataong ito? Ako’y may suot na isang itim na kapa na may dalawang ginintuang ulo ng leon na pinagkakabit ng isang gintong kawing sa leeg, isang pulang pelus na paha, at itim na pelus na pantalon na nagagayakan ng katad na nakasuksok sa boots na hanggang tuhod. Hindi nakapagtataka na maliwanag na walang epekto ito sa aking mga magulang at nadama kong ako’y lubusang hindi angkop sa kanilang tradisyonal na kapaligiran! Kaya ako’y nagbalik sa Inglatera, kung saan noong 1972 ako’y tumanggap ng diploma sa dramatikong sining. Ngayon ay naabot ko ang isa pang tunguhin. Subalit naroon pa rin ang paulit-ulit na katanungang, Saan ako patungo mula rito? Nadarama ko pa rin ang pangangailangan para sa isang tunay na layunin sa buhay.
Natapos Na sa Wakas ang Pagiging Walang Patutunguhan
Hindi nagtagal pagkatapos nito, sa wakas ay nadama ko ang ilang katatagang dumarating sa aking buhay. Nagsimula ito sa isang pakikipagkaibigan sa aking kapitbahay na si Caroline. Siya’y isang guro mula sa Australia at isang karaniwan at matatag na tao—kabaligtaran ng pagkatao ko. Naging magkaibigan kami sa loob ng dalawang taon nang walang anumang romantikong kaugnayan. Pagkatapos ay nagtungo si Caroline sa Amerika ng tatlong buwan, at dahil sa aming mabuting pagkakaibigan, isinaayos ko na siya’y tumuloy sa mga magulang ko sa loob ng ilang linggo. Marahil ay nagtaka sila kung bakit naman siya magkakaroon ng anumang kaugnayan sa isang taong kagaya ko.
Di-nagtagal pagkaalis ni Caroline, sinabi ko sa aking mga kaibigan na uuwi rin ako, at binigyan nila ako ng isang malaking salu-salo. Subalit sa halip na magbalik sa Amerika, nagtungo lamang ako sa South Kensington, London, kung saan ako’y nangupahan sa isang apartment sa silong ng bahay at tinawagan ko sa telepono ang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa London. Napagwari ko kung anong landas ng buhay ang dapat kong tahakin. Sa loob ng isang linggo isang kaayaayang mag-asawa ang dumalaw sa akin at agad na nagsaayos para sa isang regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa akin. Dahil sa mga publikasyon ng mga Saksi na nabasa ko na, sabik na sabik akong mag-aral at ako’y humiling ng dalawang pag-aaral sa isang linggo. Palibhasa’y nakikita ang aking kasiglahan, agad akong inanyayahan ni Bob sa Kingdom Hall, at di-nagtagal ako’y dumadalo sa lahat ng lingguhang pagpupulong.
Nang malaman kong ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naninigarilyo, nagpasiya akong ihinto karaka-raka ang bisyo. Subalit kumusta naman ang aking hitsura? Ayaw ko nang maging kakaiba, kaya bumili ako ng isang kamisadentro, isang kurbata, at isang amerikana. Hindi nagtagal ako’y naging kuwalipikadong makibahagi sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay—at bagaman ako’y lubhang ninenerbiyos sa simula, naibigan ko ito.
Tiyak na magugulat si Caroline pagbalik niya, naisip ko. Ito’y talagang nagkatotoo! Hindi siya makapaniwala sa pagbabago ko sa loob ng maikling panahon—sa aking ayos at hitsura at sa maraming iba pang paraan. Ipinaliwanag ko sa kaniya kung paano ako natulungan ng mga pag-aaral sa Bibliya at inanyayahan ko siyang magkaroon din ng pag-aaral sa Bibliya. Atubili sa simula, sa wakas ay pumayag siya, sa kondisyong siya ay makikipag-aral lamang sa akin. Natutuwa akong makita kung gaano kabilis siyang tumugon, at hindi nagtagal ay pinahalagahan niya ang katotohanan ng Bibliya.
Pagkaraan ng ilang buwan, si Caroline ay nagpasiyang bumalik sa Australia at ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya sa Sydney. Nanatili ako sa London hanggang sa ako’y mabautismuhan, na ginawa ko pagkalipas ng pitong buwan. Ngayon ay nais kong muling umuwi sa Estados Unidos at dalawin ang buong pamilya ko. Subalit sa pagkakataong ito ay desidido akong makamit ang aking tunguhin!
Naiibang Pagbabalik
Nais malaman ng aking naguguluhang mga magulang kung ano ang nangyayari ngayon—ako’y mukhang kagalang-galang! Ngunit ako ngayo’y natutuwa na madamang talagang ako’y tinatanggap sa amin. Bagaman natural lamang na magtaka ang aking mga magulang tungkol sa aking malaking pagbabago, sila’y mataktika at tumugon sa kanilang karaniwang kabaitan at pagpapahinuhod. Nang sumunod na mga buwan, ako’y nagkapribilehiyo na ibahagi sa kanila ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sinimulan ko ang pakikipag-aral sa aking dalawang nakatatandang kapatid na babae, na tiyak na naimpluwensiyahan din ng aking nagbagong istilo ng pamumuhay. Oo, ito ay talagang isang tunay na pagbabalik!
Noong Agosto 1973, sinundan ko si Caroline sa Australia, kung saan maligayang nakita ko na siya’y nabautismuhan noong internasyonal na kombensiyon ng 1973 ng mga Saksi ni Jehova kasama ng 1,200 iba pa. Kami’y nagpakasal noong sumunod na dulo ng sanlinggo sa Canberra, ang pambansang kabisera ng Australia. Ako’y naglingkod dito ng buong-panahon sa gawaing pangangaral sa nakalipas na 20 taon at bilang isang matanda sa lokal na kongregasyon sa loob ng 14 na taon.
Dahil sa pakikipagtulungan ng aking asawa, pinalaki namin ang tatlong anak—sina Toby, Amber, at Jonathan. Bagaman nakakaharap namin ang karaniwang mga problemang pampamilya, nagagawa ko pa ring makibahagi sa gawaing pangangaral nang buong-panahon bilang isang payunir at kasabay nito ay pinangangalagaan ang materyal na mga pangangailangan ng aming sambahayan.
Ngayon, sa Estados Unidos naman, ang aking mga magulang ay nag-alay na mga lingkod na ni Jehova, at bagaman sila ngayon ay kapuwa nasa kanilang mga edad 80, sila’y nakikibahagi pa rin sa pangmadlang pangangaral tungkol sa Kaharian. Ang aking tatay ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon. Ang aking dalawang nakatatandang kapatid na babae ay masisigasig din sa paglilingkod kay Jehova.
Ako’y lubos na nagpapasalamat sa Diyos na Jehova na ang aking maraming taon ng walang patutunguhang pagpapagala-gala ay tapos na! Hindi lamang niya ako tinulungan na matutuhan ang pinakamabuting paraan ng paggamit sa aking buhay kundi pinagpala rin niya ako ng isang nagkakaisa at nagmamalasakit na sambahayan.—Gaya ng inilahad ni David Zug Partrick.
[Larawan sa pahina 23]
Si David at ang kaniyang asawa, si Caroline