Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 2/1 p. 25-29
  • Nakasumpong Ako ng Kasiyahan sa Paglilingkod sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakasumpong Ako ng Kasiyahan sa Paglilingkod sa Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tungkol sa Dating Relihiyon
  • Isang Malaking Pagbabago
  • Tumugon ang Aking Pamilya at ang mga Iba Pa
  • Isang Bagong Karera
  • Ang Ministeryo sa Lesotho at Botswana
  • Pagtuturo at Pagsasalin
  • “Mali ang Numerong Tinawagan Mo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Paglaki Kasama ng Organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Wala Akong Patutunguhan Noon Ngunit Nasumpungan Ko ang Layunin sa Buhay
    Gumising!—1996
  • Patuloy na Maghasik ng Binhi—Palalaguin Iyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 2/1 p. 25-29

Nakasumpong Ako ng Kasiyahan sa Paglilingkod sa Diyos

INILAHAD NI JOSHUA THONGOANA

Noong 1942, ako ay litung-lito. Ako ay nag-aaral ng literatura na lathala ng Adventista at ng literaturang lathala ng Watch Tower Society. Katulad ng sinaunang mga Israelita, ako ay “papilay-pilay ng paglakad sa dalawang nagkakaibang opinyon.”​—1 Hari 18:21.

AKO’Y pinadadalhan ng mga Adventista ng nakalimbag na mga panayam na tinatawag na “Tinig ng Hula.” Ako’y natutuwang sagutin ang kanilang mga tanong, at sila’y nangakong bibigyan ako ng isang magandang sertipiko kung ako ay makapasa sa lahat ng aking mga pagsusulit. Subalit napansin ko na kapuwa ang “Tinig ng Hula” at ang mga publikasyon ng Watch Tower Society ay ipinadadala sa akin sa koreo buhat sa siyudad ng Cape Town ng Timog Africa. Ang sumaisip ko ay: “Nagkakakilala kaya ang mga organisasyong ito? Nagkakapareho kaya ang kanilang mga turo? Kung hindi, sino ang tama?”

Upang lutasin ang suliranin, ako’y nagpadala ng magkakahawig na mga liham sa bawat organisasyon. Halimbawa, ako’y sumulat sa Watch Tower Society: “Kilala ba ninyo ang mga taong nakaugnay sa ‘Tinig ng Hula,’ at kung kilala ninyo, ano ba ang masasabi ninyo tungkol sa kanilang mga turo?” Sumapit ang panahon, ako’y tumanggap ng mga sagot buhat sa dalawang grupo. Ang liham buhat sa Watch Tower Society ay nagsabi na kilala nila ang “Tinig ng Hula” subalit ipinaliwanag na ang mga turo nito, tulad baga ng Trinidad at ang pagbabalik ni Kristo sa lupa sa anyong-tao, ay hindi maka-Kasulatan. Kasali sa kanilang liham ang mga kasulatan na nagpapabulaan sa mga turong ito.​—Juan 14:19, 28.

Ang sagot buhat sa “Tinig ng Hula” ay walang sinabi kundi kilala raw nila “ang mga tao sa Watch Tower,” ngunit hindi sila kasang-ayon ng kanilang mga turo. Walang ibinigay na mga dahilan. Kaya ang ipinasiya ko’y pumanig sa Watch Tower Society, na isang legal na ahensiyang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon, pagkatapos ng 50 taon ng pakikisama sa mga Saksi, anong ligaya ko na nakagawa ako ng ganiyang tamang pasiya!

Ang Tungkol sa Dating Relihiyon

Ako’y isinilang noong 1912 sa lugar ng kabukirang tinatawag na Makanye, nasa silangan ng bayan ng Pietersburg sa Timog Aprika. Noon ang Makanye ay nasa ilalim ng relihiyosong kapangyarihan ng Iglesya Anglikano, kaya ako’y naging isang miyembro ng relihiyong iyan. Nang ako’y sampung taóng gulang, ang aming pamilya ay lumipat sa isang bayan na dominado ng Lutheran Berlin Mission Church, at ang aking mga magulang ay umanib sa relihiyong iyan. Hindi nagtagal at ako ay naging kuwalipikado na dumalo sa serbisyo sa Komunyon at makibahagi sa kapirasong tinapay at sa kaunting alak, subalit hindi nabigyang kasiyahan niyaon ang aking espirituwal na mga pangangailangan.

Pagkatapos ng walong-taóng pag-aaral, ako’y pinag-aral ng aking ama sa Kilnerton Training Institution, at noong 1935, ako ay tumanggap ng isang Third Year Teacher’s Certificate. Isa sa mga guro na nakasama ko sa pagtuturo ay isang dalaga, si Caroline. Kami’y napakasal, at noong malaunan si Caroline ay nanganak ng isang sanggol na babae na aming pinanganlang Damaris. Makalipas ang ilang taon, ako ay naging punong-guro sa Sehlale School sa nayon ng Mamatsha. Yamang ang nagpapalakad ng paaralan ay ang Dutch Reformed Church, kami’y umanib sa relihiyong iyan, na dumadalo nang palagian sa mga serbisyo. Ginawa namin ito dahilan sa iyon ang usong gawin noon, ngunit hindi nagdulot sa akin ng kasiyahan.

Isang Malaking Pagbabago

Isang araw ng Linggo noong 1942, kami’y nag-iinsayo ng pag-awit ng mga himno sa simbahan nang isang kabataang lalaking lahing puti ang sumungaw sa pinto na may taglay na tatlong aklat na lathala ng Watch Tower Society​—Creation, Vindication, at Preparation. Naisip ko na ang mga aklat ay magandang ilagay sa aking aklatan, kaya kinuha ko ang tatlong iyon sa halagang tatlong shilling. Nang bandang huli’y napag-alaman ko na ang lalaki, si Tienie Bezuidenhout, ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ang nag-iisang saksi sa lugar na iyon. Nang sumunod na pagdalaw ni Tienie, siya ay may dalang isang ponograpo at nagpatugtog ng mga ilang pahayag ni Judge Rutherford. Lubusang nasiyahan ako sa isa nito na kilala sa pamagat na “Silo at Pandaraya,” subalit si Caroline at ang aking kapatid na babae na si Priscilla, na nakatira sa amin, ay hindi nasiyahan. Nang ikatlong pagdalaw ni Tienie, ibinigay niya sa akin ang ponograpo upang mapatugtog ko ang mga plaka para sa mga kaibigan.

Isang araw nagbuklat ako ng mga pahina ng aklat na Creation at nakita ko ang kabanata na “Where are the Dead?” (Nasaan ang mga Patay?) Nagsimula na ako ng pagbabasa sa pag-asang maalaman ang tungkol sa mga kagalakan na nararanasan ng yumaong mga kaluluwa sa langit. Ngunit salungat sa aking mga inaasahan, sinabi ng aklat na ang mga patay ay nasa kanilang libingan at walang alam na anuman. Mga talata buhat sa Bibliya, gaya halimbawa ng Eclesiastes 9:5, 10, ay sinipi bilang suhay. Isa pang kabanata na pinamagatang “Awakening the Dead,” (Paggising sa mga Patay) at Juan 5:28, 29 ay binanggit bilang patotoo na ang mga patay ay walang malay at naghihintay ng pagkabuhay-muli. Ito’y makatuwiran. Kasiya-siya iyon.

Nang panahong iyon, noong 1942, pinutol ko ang aking kaugnayan sa “Tinig ng Hula” at nagsimula na akong sabihin sa iba ang tungkol sa mga bagay na natututuhan ko buhat sa mga lathalain ng Watch Tower Society. Isa sa unang tumugon ay isang kaibigan, si Judah Letsoalo, na isa sa aking mga kaklase sa Kilnerton Training Institution.

Kami ni Judah ay namimisikleta ng 51 kilometro upang dumalo sa isang asamblea ng mga Saksing Aprikano sa Pietersburg. Pagkatapos, ang mga kaibigan na taga-Pietersburg ay kadalasan nanggagaling pa sa Mamatsha upang tulungan ako na dalhin ang pabalita ng kaharian sa aking mga kapitbahay. Sa wakas, sa isa pang asamblea sa Pietersburg, noong Disyembre 1944, ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova.

Tumugon ang Aking Pamilya at ang mga Iba Pa

Sina Caroline, Priscilla, at ang aking anak na babaing si Damaris, ay nagpatuloy ng pagsisimba sa Dutch Reformed Church. Nang magkagayo’y may dumating na sakuna. Si Caroline ay nanganak ng aming pangalawang supling​—isang tila malusog na sanggol na lalaki na pinanganlan naming Samuel. Subalit biglang-biglang siya’y nagkasakit at namatay. Ang mga kaibigan sa simbahan ni Caroline ay walang naibigay na kaaliwan, anupat sinabing ninais ng Diyos na ang aming anak ay makasama niya sa langit. Sa samâ ng loob, nagpatuloy ang pagtatanong ni Caroline: “Bakit kukunin ng Diyos ang aming anak?”

Nang mabalitaan ng mga Saksi sa Pietersburg ang tungkol sa aming kasakunaan, sila’y naparoon sa amin at binigyan kami ng tunay na kaaliwan salig sa Salita ng Diyos. Nang maglaon ang sabi ni Caroline: “Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sanhi ng kamatayan, sa kalagayan ng mga patay, at sa pag-asa sa pagkabuhay-muli ay may katuwiran, at ako’y lubhang naaliw. Ibig kong naroon ako sa bagong sanlibutan at salubungin ang aking anak buhat sa libingan.”

Si Caroline ay huminto na ng pagsisimba, at noong 1946 siya, si Priscilla, at si Judah ay nabautismuhan. Hindi nagtagal pagkatapos ng kaniyang bautismo, si Judah ay lumisan upang pasimulan ang gawaing pangangaral sa kabukiran na tinatawag na Mamahlola, at hanggang sa araw na ito siya ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ministrong payunir.

Nang lumisan si Judah, ako ang natirang lalaki na mag-aasikaso sa aming kongregasyon, na pinanganlang Boyne. Pagkatapos si Gracely Mahlatji ay lumipat sa aming teritoryo, at sa wakas ay naging asawa niya si Priscilla. Sa bawat sanlinggo, kami ni Gracely ay hali-halili ng pagbibigay ng pahayag pangmadla sa Sepedi, ang lokal na wikang Aprikano. Upang magkaroon ng literatura sa Bibliya na magagamit ng mga tao, hiniling sa akin ng Samahan na magsalin ng literatura sa Sepedi. Nagdulot sa akin ng malaking kasiyahan na makitang ang mga tao ay nakikinabang sa literaturang ito.

Upang mapasulong ang aming ikinakampanyang miting pampubliko, kami’y bumili ng isang ponograpo na may malaking loudspeaker upang makapagpatugtog ng mga plaka ng mga pahayag sa Bibliya sa buong teritoryo namin. Isang kariton na hila-hila ng asno ang hiniram namin upang madala ang mabigat na kagamitang ito sa iba’t ibang lugar. Kaya naman, kami’y tinagurian ng aming mga kapitbahay na “Bayan ng Simbahan ng Asno.”

Samantala ang aming munting kongregasyon ay nagpatuloy na lumago. Sa wakas, ang dalawa sa aking nakatatandang mga kapatid na babae at ang kani-kanilang asawa ay naging mga Saksi at lahat ay nanatiling tapat hanggang sa kanilang kamatayan. Gayundin, marami buhat sa kongregasyon sa Boyne (ngayo’y tinatawag na Mphogodiba) ang lumahok sa buong-panahong pangangaral ng ebanghelyo, at mayroon pa ring gumagawa ng paglilingkod na iyan. Ngayon, may dalawang kongregasyon sa malawak na lugar na ito na kalat-kalat na mga nayon sa kabukiran, at sa kabuuan ay mahigit na 70 mamamahayag ang aktibo sa pangangaral.

Isang Bagong Karera

Noong 1949, ako ay huminto ng pagtuturo sa paaralan at naging isang ministrong regular na payunir. Ang unang iniatas sa akin ay dalawin ang itim na mga manggagawa sa bukid na naninirahan sa mga bukid na pag-aari ng mga puti sa palibot ng Vaalwater sa Transvaal. Ilang mga may-ari ng bukid ang nagmungkahi ng kamakailang pinagtibay na patakaran ng apartheid at desididong hikayatin ang mga itim na kilalanin ang kanilang ipinagpapalagay na pagkamababa sa mga puti at dapat maglingkod sa kanilang puting mga panginoon. Kaya pagka ako’y nangangaral sa mga itim na manggagawa, pinagkakamalan ako ng ilang mga puti na nangangaral ng pagsuway. May nagbibintang pa sa akin ng pagiging isang Komunista at pinagbabantaan na babarilin ako.

Aking inireport ang situwasyon sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society, at hindi nalaunan ay inilipat ako sa ibang teritoryo sa isang lugar sa kabukiran na tinatawag na Duiwelskloof. Nang mga panahong ito ang aking maybahay ay huminto rin sa kaniyang pagtuturo at sumama sa akin sa pagpapayunir. Isang hapon noong 1950, nang kami’y galing sa paglilingkod sa larangan nadatnan namin ang isang malaking sobre na galing sa Samahan. Sa aming pagkamangha iyon ay nag-anyaya sa akin na magsanay bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. May tatlong taon na kami’y dumalaw sa mga kongregasyon sa Timog Aprika, at pagkatapos noong 1953 kami ay naatasang maglingkod sa Lesotho, isang bansang nakukulong ng lupain sa kalagitnaan ng Timog Aprika.

Ang Ministeryo sa Lesotho at Botswana

Nang kami’y magsimulang maglingkod sa Lesotho, maraming mga bali-balita na ang mga hindi tagaroon ay kalimitang binibiktima ng ritwal sa pamamaslang. Kami ng aking maybahay ay nag-aalala, subalit ang pag-ibig sa aming mga kapatid na Sotho at ang kanilang kagandahang-loob ang madaling tumulong sa amin na kalimutan ang gayong mga pangamba.

Sa paglilingkod sa mga kongregasyon sa Kabundukang Maluti sa Lesotho, malimit na ako’y sa eroplano sumasakay, iniiwan ko ang aking maybahay sa mga lugar na kapatagan na doon ay patuloy na nagpapayunir siya hanggang sa aking pagbabalik. Mula sa isang kongregasyon ay may kabaitang inihahatid ako ng mga kaibigan sa susunod na kongregasyon upang matulungan ako na huwag mawala sa kabundukan.

Minsan ay sinabihan ako na upang makarating sa susunod na kongregasyon, kailangang kami ay tumawid sa Orange River sakay ng kabayo. Tiniyak sa akin na mabait ang aking kabayo subalit pinaalalahanan ako na pagka lubhang lumakas ang agos, malimit na pinatatalsik ng mga kabayo ang kanilang mga sakay. Ako’y totoong nag-alala sapagkat hindi naman ako isang mabuting mangangabayo ni isang mahusay lumangoy. Hindi nagluwat at kami ay nasa ilog na, at ang tubig ay tumaas hanggang sa mga siyâ. Ganiyan na lang ang aking takot na anupat nabitiwan ko ang renda at ako’y mahigpit na humawak sa kilíng ng kabayo. Nakahinga ako nang maluwag nang kami’y dumating nang ligtas sa kabilang pampang.

Nang gabing iyon ay halos hindi ako makatulog dahilan sa nanakit ang aking katawan sa pagkakasakay ko sa kabayo. Subalit sulit naman ang lahat ng dinanas kong hirap sapagkat ang mga kaibigan ay nagpakita ng malaking pagpapahalaga sa pagdalaw. Nang simulan ko ang gawaing pansirkito sa Lesotho, may peak na 113 mamamahayag. Ngayon, ang bilang na iyan ay umabot sa 1,649.

Noong 1956 kami ay binigyan ng bagong teritoryong pangangaralan sa Bechuanaland Protectorate, tinatawag ngayon na Botswana. Ang Botswana ay isang higit na malaking bansa, at mas malalayong distansiya ang kailangang makubrehan upang marating ang lahat ng mamamahayag. Kami’y nagbiyahe sakay ng tren o di kaya ng isang trak na walang habong. Ito’y walang mga upuan, kaya kami’y doon umupo sa sahig dala ang aming mga gamit. Malimit na dumarating kami sa aming pupuntahan na lubhang maalikabok at pagod. Ang aming mga kapatid na Kristiyano ay laging sumasalubong sa amin, at ang kanilang masasayang mukha ay nagbibigay sa amin ng kaginhawahan.

Nang panahong iyon, ang mga publikasyon ng Samahan ay ipinagbawal sa Botswana, kaya ang aming pangangaral sa bahay-bahay ay ginawa nang buong ingat, hindi gumagamit ng literatura ng Samahan. Minsan ay nahuli kaming gumagawa malapit sa nayon ng Maphashalala at kami’y inaresto. Sa aming pagtatanggol kami’y bumasa sa Bibliya, tungkol sa aming pagkasugo na nasusulat sa Mateo 28:19, 20. Bagaman ang ilan sa mga konsehal ay humanga, ang hepe ay nag-utos na gulpihin ang mga Saksi roon. Pagkatapos, sa aming ipinagtaka, ang klerigo ay nakiusap sa hepe na huwag kaming higpitan at patawarin na kami. Sumunod naman ang hepe, at kami ay pinalaya.

Sa kabila ng pag-uusig at ng pagbabawal sa aming literatura, ang gawaing pang-Kaharian ay nagpatuloy ng pagsulong. Nang dumating ako sa Botswana, may peak na 154 mamamahayag. Makalipas ang tatlong taon nang alisin ang pagbabawal, ang bilang na iyan ay umabot sa 192. Ngayon, mayroong 777 Saksi ni Jehova na nangangaral sa bansang iyan.

Pagtuturo at Pagsasalin

Dumating ang panahon, ako’y ginamit bilang isang tagapagturo sa Kingdom Ministry School para sa Kristiyanong matatanda. Nang malaunan ay nagkapribilehiyo ako na maging isang tagapagturo sa Pioneer Service School. Kami ng aking maybahay ay naglilingkod din ng pana-panahon sa sangay sa Timog Aprika. Doon ako’y tumutulong sa pagsasalin, at si Caroline ay nagtatrabaho naman sa kusina.

Isang araw noong 1969, ang tagapangasiwa ng sangay, si Frans Muller, ay lumapit sa akin at ang sabi: “Brother Thongoana, nais kong makausap kayong mag-asawa sa aking upisina.” Doon ay ipinaliwanag niya na kabilang kami sa mga napili na mga delegado sa 1969 “Kapayapaan sa Lupa” na Kombensiyon sa London. Tinamasa namin ang maibiging pagpapakita ng kagandahang-loob ng ating mga kapatid sa Inglatera at Scotland, at lubhang napalawak nito ang aming pagpapahalaga sa pandaigdig na kapatiran.

Sa lumipas na apatnapung taon, si Caroline ay naging isang tapat na kasama sa aming karera bilang buong-panahong mga ebanghelisador. Kami’y magkasalo sa maraming kagalakan at pati na sa ilang kalungkutan. Bagaman namatay ang dalawa sa aming mga anak, ang aming anak na babae, si Damaris, ay lumaki na isang mainam na Saksi at nakibahagi rin sa gawaing pagsasalin sa sangay sa Timog Aprika.

Hindi na ipinahihintulot ng aming pangangatawan na kami’y makibahagi sa gawain ng naglalakbay na tagapangasiwa, kaya sa lumipas na mga ilang taon, kami ay naging mga special pioneer sa isang kongregasyon sa Seshego, isang bayan sa Aprika malapit sa Pietersburg. Ako’y naglilingkod bilang punong tagapangasiwa. Sinasabi ng Bibliya na “ang kalubusan ng kagalakan ay nasa harap ni [Jehova],” at tunay ngang nakasumpong ako ng kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos sa timugang Aprika.​—Awit 16:11.

[Larawan sa pahina 26]

Pagpapatotoo sa bayan ng Seshego, Timog Aprika

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share