Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 4/1 p. 19-23
  • Paglaki Kasama ng Organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglaki Kasama ng Organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pamanang Kristiyano
  • Isang Matagumpay na Negosyo
  • Kung Bakit Maagang Huminto Ako ng Pag-aaral
  • Paglilingkod sa Bethel at Pag-aaral sa Gilead
  • Ang Aking Patuloy na Ministeryo
  • Isang Masakit na Aral
  • Higit Pang mga Pagpapala
  • Ang Buhay sa Ilalim ng Apartheid
  • Pagpapalawak sa Bethel
  • Pagtanggap sa ‘mga Kahilingan ng Aking Puso’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Masayang Maglingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Protestantismo at “Apartheid”
    Gumising!—1988
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 4/1 p. 19-23

Paglaki Kasama ng Organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika

Inilahad ni Frans Muller

NANG kami ng aking nakatatandang kapatid na si David ay lumapit sa panggabing tren na kadalasang sinasakyan namin sa prinsipal na istasyon ng Cape Town, kami’y nagtaka nang makita namin ang karatulang “Mga Puti Lamang.” Ang Partido Nasyonalista ang nanalo sa eleksiyon noong 1948 at kanilang ipinasok ang patakarang apartheid.

Kung sa bagay, ang pagbubukod ng lahi ay matagal nang ginagawa sa Timog Aprika, gaya rin sa karamihan ng bansa sa Aprika noong panahon ng mga kolonya. Subalit ngayon ay sapilitang ipinatutupad ito ng batas, at kami ay hindi na pinapayagang magbiyahe sakay ng iisang tren kasama ang mga taga-Timog Aprika na may maitim na kulay ng balat. Makalipas ang apatnapu’t apat na taon, ang apartheid ay nilalansag.

Sa buong panahon ng legal na apartheid, na nagdala ng mga hamon sa pagganap ng aming ministeryo ayon sa paraan na gusto namin, ako’y naglingkod bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Sa kasalukuyan, sa edad na 65, ako’y makalilingon sa lumipas may kaugnayan sa kamangha-manghang pagsulong ng organisasyon ni Jehova sa timugang Aprika, at pinasasalamatan ko ang pribilehiyong lumaki na kasama nito.

Isang Pamanang Kristiyano

Nang ang aking ama ay nasa kabataan, tuwing umaga ay kailangang basahan niya ng Bibliya ang aking lolo. Sumapit ang panahon na si Itay ay nagkaroon ng isang matinding pag-ibig sa Salita ng Diyos. Nang ako’y isilang noong 1928, ang aking ama ay naglilingkod bilang kagawad ng konsilyo ng simbahan na Dutch Reformed Church sa bayan ng Potgietersrust. Nang taóng iyon, siya’y binigyan ng aking amain ng isang aklat na The Harp of God.

Datapuwat, si Inay ay sinabihan ni Itay na sunugin ang aklat, na sinasabing galing iyon sa isang sekta. Subalit hindi niya ginawa iyon, at isang araw nang magkataong mabuklat ni Itay, natunghayan niya ang pamagat na “Pinahihirapan ba ng Diyos ang Sinuman?” Bagaman tiyak niya na ang mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay mali, nanaig sa kaniya ang pananabik, at kaniyang pinasimulang basahin iyon. Hindi siya mapahinto ng pagbabasa. Nang madaling araw na, nang siya’y nasa kama, sinabi niya: “Ma, bagaman ayaw kong aminin iyon, pero taglay nila ang katotohanan.”

Kinabukasan, si Itay ay namisikleta ng may 50 kilometro upang makakuha ng karagdagan pang mga aklat sa pinakamalapit na Estudyante ng Bibliya. Siya’y palagiang nagbabasa hanggang hatinggabi. Sinubok pa niya na kumbinsihin ang ministro ng Dutch Reformed Church tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya na kaniyang natutuhan, sa pag-asang ang simbahan ay gagawa ng mga pagbabago. Naging walang-saysay ang kaniyang mga pagsisikap, kaya siya’y nagbitiw sa simbahan at nagsimulang mangaral nang buong sigasig. Ang katotohanan ng Bibliya ang naging pinakamahalaga sa kaniyang buhay at pinakamahalaga sa aming tahanan. Sa ganitong kapaligiran ako lumaki.

Sa bandang huli, si Itay ay naging isang payunir, o buong-panahong ministro. Siya’y nagbiyahe nang malalayo sa isang lumang Model T Ford upang mangaral. Makalipas ang ilang mga taon, dahil sa pangangailangan ng aming lumalaking pamilya, siya ay napilitang huminto ng pagpapayunir, subalit siya’y nanatiling lubhang aktibo sa gawaing pangangaral. May mga Linggo na kami’y naglalakbay hanggang sa layong 90 kilometro upang mangaral na kasama niya sa bayan ng Pietersburg.

Isang Matagumpay na Negosyo

Sa wakas si Itay ay nagbukas ng isang munting tindahang sari-sari. Hindi nalaunan at nadoble ang laki niyaon, at nagbukas ng pangalawang tindahan. May mayayamang magsasaka na nakisosyo kay Itay, at dumating ang panahon na sila’y nagbukas ng isang tindahang lansakan ang benta at isang grupo ng anim na mga tingiang tindahan na nakakalat sa isang malawak na lugar.

Ang ilan sa aking nakatatandang mga kapatid na lalaki ay sumali sa negosyong iyon at ngayon ay may pag-asang yumaman. Gayunman, naapektuhan ang aming espirituwalidad. Kami’y naging lalong katanggap-tanggap sa makasanlibutang mga kaibigan at mga kapit-bahay, na nag-anyaya sa amin sa kanilang mga kasayahan. Sa pagkakita ng panganib, kami ay pinulong ni Itay bilang isang pamilya at nagpasiyang ipagbili ang negosyong iyon at lumipat sa Pretoria upang kami’y higit na makapaglingkod kay Jehova. Isa lamang tindahan ang kaniyang itinira, na inasikaso ng upahang mga manggagawa.

Ang aking nakatatandang mga kapatid na sina Koos at David ay nagsimulang magpayunir, sa ganoo’y kasa-kasama na ng aking kapatid na babae, si Lina, pati na rin ng aking panganay na kapatid na lalaki, na, nakalulungkot sabihin, nang bandang huli ay umalis sa tunay na pagsamba. Sa loob ng isang buwan noong 1942, ang aming pamilya na binubuo ng sampu ay nakagugol ng kabuuang 1,000 oras sa pangangaral. Nang taóng iyon ay sinagisagan ko ang pag-aalay ng aking buhay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig.

Kung Bakit Maagang Huminto Ako ng Pag-aaral

Noong 1944, samantalang nasa kasukdulan ang Digmaang Pandaigdig II, si Gert Nel, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ay nagtanong kung ako ba ay nagpaplanong magpayunir. “Opo,” ang tugon ko, “pagkatapos ng dalawang taon, pagka ako’y nakatapos na ng haiskul.”

Nagpapakita ng pangmalas ng marami sa mga Saksi ni Jehova nang panahong iyon, siya’y nagbigay ng babala: “Pakaingat ka na hindi ka datnan ng Armagedon na nakaupo sa mga bangkô ng paaralan.” Palibhasa’y ayaw kong ganiyan ang mangyari, ako’y huminto ng pag-aaral at pumasok sa pagpapayunir noong Enero 1, 1945.

Ang aking unang atas ay sa Vereeniging, malapit sa Johannesburg, at ang aking mga kasama sa pagpapayunir ay si Piet Wentzel at si Danie Otto. Kadalasan ay gumugugol ako ng mahigit na 200 oras sa isang buwan sa pangangaral. Nang dumating ang panahon, si Piet ay muling idinistino sa lunsod ng Pretoria, at si Danie ay huminto ng pagpapayunir upang makatulong sa bukid sa kaniyang matanda nang ama. Walang natirang Saksi kundi ako na lamang upang mangalaga sa 23 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa Vereeniging.

Di nagtagal, tumanggap ako buhat sa tanggapang sangay ng isang sulat na nagdidistino sa akin sa Pretoria. Bagaman hindi ko nauunawaan noon ang dahilan ng aking bagong atas, nang malaunan ay napagtanto ko na hindi pala matalino na iwanan na mag-isa ang isang walang-karanasang 17-anyos. Ako’y nangangailangan pa rin noon ng maraming pagsasanay at marahil ay masiraan ng loob.

Pagkatapos maglingkod sa Pretoria at magkaroon ng kinakailangang karanasan, ako’y inanyayahan na maging isang special pioneer. Kami ni Piet Wentzel ay nagsaayos na magbigay ng praktikal na pagsasanay sa ministeryo sa mga kabataang dumating sa Pretoria upang magpayunir. Noon si Piet ay naatasan na bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa lugar na iyon. Nang malaunan ay naging asawa niya ang aking kapatid na babae na si Lina, at sila ngayon ay naglilingkod nang magkasama sa tanggapang sangay sa Timog Aprika.

Kabilang sa mga nagpayunir sa Pretoria ay si Martie Vos, isang kaakit-akit na dalaga na lumaki sa isang pamilya ng mga Saksi. Kami ay nagkagustuhan, subalit kami’y mga tinedyer pa noon, napakabata pa upang magpakasal. Gayunman, nang kami’y tumanggap ng atas na gumawa sa ibang mga lugar, ipinagpatuloy namin ang pagsusulatan.

Paglilingkod sa Bethel at Pag-aaral sa Gilead

Noong 1948, ako’y inanyayahang maglingkod sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Cape Town. Noon, walang nag-iisang tahanan para sa 17 sa amin na nagtatrabaho sa tatlong inuupahang opisina at sa isang maliit na pabrika sa malapit. Ang ilan sa amin ay nanunuluyan sa mga pamilya, at ang iba naman ay doon naninirahan sa mga bahay-pangaserahan.

Bawat araw ng pagtatrabaho ang 17 miyembro ng pamilyang Bethel ay nagkakatipon para sa umagang pagsamba sa kuwartong bihisan sa munting pabrika. Marami sa amin ang nagsasaayos ng aming sariling tanghalian. At, pagkatapos ng maghapong trabaho, kami’y naglalakbay pauwi sa kani-kaniyang tirahan sa iba’t ibang panig ng Cape Town. Sa isa sa mga paglalakbay na ito, gaya ng nabanggit na, kami ng aking kapatid na si David ay namangha sa karatulang nagsasabing, “Mga Puti Lamang.”

Nang unang dumating ako sa tanggapan sa Cape Town, natalos ko na napakarami ko pang dapat matutuhan, kaya tinanong ko si Brother Phillips, ang aming tagapangasiwa ng sangay: “Ano po ba ang kailangang gawin ko upang ako’y makahabol?”

“Frans,” ang sagot niya, “huwag kang mag-alala tungkol sa paghabol. Basta umalinsabay ka lamang!” Sa tuwina’y sinisikap kong gawin iyan, at aking natutuhan na sa pamamagitan ng pag-alinsabay sa inilalaang espirituwal na pagkain at patnubay ng organisasyon ni Jehova, ang isang tao ay patuluyang lálakí na kasabay nito.

Noong 1950, ako’y inanyayahang dumalo sa ika-16 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay misyonero. Noon ang paaralan ay naroon sa South Lansing, New York, mga 400 kilometro sa gawing hilaga ng Brooklyn, New York. Nang ako’y pansamantalang nagtatrabaho sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, tuwirang namamasdan ko ang mismong sentro ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Ang buong-kaluluwang debosyon ng mga nangunguna roon ang pumukaw ng aking matinding pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova.

Ang Aking Patuloy na Ministeryo

Pagkabalik ko sa Timog Aprika, ako’y inatasang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa hilagang Transvaal, na aking nilakhan. Matapos makipagsulatan nang may anim na taon, kami ni Martie ay napakasal noong Disyembre 1952, at siya’y kasa-kasama ko na sa gawaing paglalakbay. Nakagagalak ang pagpapahalaga ng aming mga kapatid na Kristiyano sa aming mga pagdalaw.

Halimbawa, minsan samantalang naglilingkod sa isang kongregasyon sa isang pamayanan ng mga magsasaka, kami’y nakipanuluyan sa isang pamilya na humingi ng paumanhin dahil sa hindi nila pagkakaroon ng gatas para sa tsa o kape. Nang bandang huli ay aming napag-alaman na kanilang ipinagbili ang kanilang kaisa-isang ginagatasang baka upang magkaroon ng sapat na pambili ng gasolina sa sasakyan na gagamitin upang dalhin kami sa malalayong panig ng kanilang teritoryo upang makapagpatotoo sa mga magsasaka. Anong laki ng aming pag-ibig sa ganiyang uri ng mga kapatid!

Kung minsan naiisip ko ang aking kakulangan para sa gawaing pansirkito, lalo na kung may kinalaman sa mga suliranin tungkol sa nakatatandang mga tao. Minsan ay lubhang nawalan ako ng sigla kung kaya sinabi ko kay Martie na hindi niya dapat ipagtaka kung sakaling kami ay atasan na muling magpayunir dahilan sa kakulangan ko ng karanasan. Kaniyang tiniyak sa akin na siya’y maligayang maglilingkod kahit na sa anong atas kung kami’y mananatiling nasa buong-panahong ministeryo.

Gunigunihin ang aming pagkamangha nang sa pagdating namin sa susunod na kongregasyon ay may sulat kami na nag-aatas sa amin na maglingkod sa gawaing pandistrito! Sa loob ng halos dalawang taon, kami’y naglakbay sa buong Timog Aprika at Namibia, na noo’y tinatawag na Timog-Kanlurang Aprika. Gayunman, dahilan sa sistema ng apartheid, kalimitan ay mahirap ang aming gawain. Kadalasan ay pinagkakaitan kami ng permiso upang makapasok sa mga bayan ng mga itim at kung minsan ay hindi nabibigyan ng permiso para sa mga asamblea.

Noong 1960, halimbawa, kami ay nakakuha ng permiso na magdaos ng pandistritong kombensiyon sa Soweto. Ang mga kapatid na itim buhat sa malalayong kongregasyon ay nakabili na ng mga tiket sa tren at sa bus upang makadalo, subalit nabalitaan ng pamahalaan ang aming mga plano at kinansela ang permiso. May kasamang pag-iingat, nilapitan namin ang isang palakaibigang tagapamanihala sa isang bayan na 20 kilometro ang layo sa kabilang panig ng Johannesburg. May kabaitang pinaglaanan niya kami ng mas maiinam pang pasilidad, at kami’y nagkaroon ng kahanga-hangang kombensiyon, anupat nasiyahan ang mahigit na 12,000!

Anong laki ng ipinagbago ng kalagayan noong kalilipas na mga taon! Ngayon, yamang nalalansag na ang apartheid, kami ay malayang nakapagtitipon saanman sa mga lugar na kinaroroonan ng itim, puti, mestisong negro, o Indian. Bawat isa, anuman ang lahi, ay maaaring maupong magkakasama, at magtamasa ng ligaya ng pagsasama-sama. Ang pagkakaiba-iba lamang ng wika ang nagsisilbing balakid kung saan ibig ng isang tao na maupo.

Isang Masakit na Aral

Balikan natin ang 1947, nang ang aking ama ay nakagawa ng isang napakalaking pagkakamali. Ang kaniyang tindahan, may layong 200 kilometro sa kanilang tirahan ni Inay, ay patuloy na nalulugi dahilan sa hindi mabuting pamamanihala, kaya siya’y lumipat na mag-isa upang mapamanihalaan iyon. Ang mahahabang panahon ng pagkahiwalay kay Inay ay nagbunga ng kaniyang pagkahulog sa tukso. Kaya naman, siya’y itiniwalag.

Ito’y nagkintal sa akin sa isang masakit, personal na paraan na ang sigasig sa katotohanan sa Bibliya ay hindi pala sapat. Lahat ay kailangang mahigpit na sumunod sa mga simulain ng Bibliya. (1 Corinto 7:5) Makalipas ang maraming taon, si Itay ay muling tinanggap bilang bahagi ng kongregasyong Kristiyano at naglingkod nang may katapatan hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1970. Ang aking mahal na ina ay nanatiling tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1991.

Higit Pang mga Pagpapala

Noong 1958, kami ni Martie ay dumalo sa pinakamalaking kombensiyon na ginanap kailanman ng mga Saksi ni Jehova, sa Yankee Stadium at sa Polo Grounds sa New York. Kami’y nag-umapaw sa kagalakan bilang bahagi ng kahanga-hangang organisasyon ni Jehova. Ang pagiging kasama ng malaking pulutong na iyon ng mahigit na 253,000 noong Linggo ng hapon ay isang karanasang hindi namin malilimutan. Narito, para sa amin, ang katuparan ng pangitain tungkol sa ‘malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa’ na mapayapang nagsasama-sama. (Apocalipsis 7:9, 10) Si Martie ay nagpaiwan sa New York upang mag-aral sa Paaralang Gilead, at ako naman ay bumalik sa gawaing pandistrito sa Timog Aprika.

Noong 1959, matapos bumalik si Martie buhat sa pag-aaral sa ika-32 klase ng Paaralang Gilead, kami ay inanyayahan na maglingkod sa tanggapang sangay sa Timog Aprika, na noon ay malapit sa Elandsfontein, nasa silangang Johannesburg. Sa paglakad ng mga taon, nasaksihan ko ang pagsulong ng organisasyon sa napakaraming paraan, lalo na ang paglaki nito sa pag-iibigan at sa pagdadamayan. Aking napag-alaman na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang organisasyon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at kaniyang gagamitin yaong mga kusang naghahandog ng kanilang sarili.

Noong 1962, ako’y bumalik sa Brooklyn, New York, upang dumalo sa sampung-buwang kurso sa pansangay na pagsasanay. Ito’y nakatulong nang, noong 1967, ako’y hinirang na tagapangasiwa ng sangay sa Timog Aprika. Noong 1976, humirang ng mga Komite sa Sangay, kaya ngayon ang pananagutan ng paggawa ng mahahalagang pasiya sa Timog Aprika ay binabalikat ng limang may karanasang Kristiyanong matatanda.

Ang Buhay sa Ilalim ng Apartheid

Ang mga batas sa apartheid ay may epekto sa pag-andar ng aming sangay. Nang ang Tahanang Bethel sa Elandsfontein ay itayo noong 1952, kahilingan ng batas ang isang karagdagang gusali sa may likod upang ukupahan ng mga kapatid na itim at mga mestisong negro. Kahilingan din ng batas na sila’y kumain nang bukod sa mga puti sa tinatawag na mga tirahang Aprikano. Nang maglaon, isinaayos na sila’y kumain sa kusina ng Bethel. Ito ang kaayusan sa pagkain nang kami’y dumating sa Bethel noong 1959. Naghimagsik ang aking kalooban laban sa ganitong pagkakabukud-bukod batay sa lahi.

Di nagtagal, binawi ng pamahalaan ang permiso upang ang ating mga kapatid na itim ay manatili roon sa gusali sa may likod ng malaking Tahanang Bethel. Ang mga kapatid na ito ay kinailangang doon manatili sa isang bayan ng mga itim mga 20 kilometro ang layo. Ang ilan ay nanirahan sa upahang mga tahanan at ang iba naman ay sa isang tuluyan para sa mga binata. Ang di-kanaisnais na kalagayang ito ay nagpatuloy nang maraming taon.

Pagpapalawak sa Bethel

Samantala, ang Bethel sa Elandsfontein ay kinailangang palakihan. Pagkatapos na dugtungan ito nang tatlong beses, narating na ang hangganan ng aming ari-arian. Iminungkahi ng Lupong Tagapamahala na kami’y maghanap ng isang bagong ari-arian sa isang lugar na inaasahan naming papayagan kami ng lokal na mga awtoridad na magtayo ng isang Bethel complex upang doon ay maaari na naming makasama ang aming mga kapatid na itim. Tuwing umaga ang pamilyang Bethel ay nananalangin na buksan sana ni Jehova ang daan para dito.

Anong sayang araw nang sa wakas kami’y nakasumpong ng isang angkop na lote sa labas ng Krugersdorp, sa gawing kanluran ng Johannesburg! Subalit, muli na namang hinilingan kami na magtayo ng isang bukod na gusali para sa aming mga kapatid na itim. Kami’y sumunod ngunit hindi makakuha ng permiso upang ang mahigit na 20 itim ay makapanirahan doon. Salamat naman, nang kalagitnaan ng dekada ng 1980, ang situwasyon ay nagsimulang magbago. Ang pamahalaan ay nagluwag sa kaniyang mahigpit na mga batas sa apartheid, at higit pang mga itim, mestisong negro, at Indian ang tinawag upang maglingkod na kasama namin sa Bethel.

Ngayon ay mayroon kaming isang maligaya, nagkakaisang pamilyang Bethel, na kung saan ang bawat isa, anuman ang kaniyang lahi o kulay, ay makatitira sa alinman sa mga gusaling pinili nila. At, makalipas ang mga taon ng pagpupunyagi, sa wakas kami ay kinilalang isang legal na relihiyon. Isang lokal na asosasyong legal ang binuo na nakarehistro bilang “Mga Saksi ni Jehova ng Timog Aprika.” Ngayon ay mayroon kaming mga kapatid na may awtoridad na magkasal, at sa mga lugar na tirahan ng mga itim, ang mga Kingdom Hall ay mabilis na dumarami na tulad ng mga kabuté.

Anong laki ng pagsulong ng organisasyon ni Jehova sapol noong unang mga araw nang ako’y maglingkod sa tanggapang sangay sa Cape Town! Buhat sa isang munting pamilya ng 17 na walang Tahanang Bethel, kami ngayon ay dumami upang maging isang pamilyang Bethel na may mahigit 400, may isang modernong Bethel complex na may masalimuot na mga computer, mga rotary press, at isang magandang Tahanang Bethel! Oo, ako’y nagkaroon ng pribilehiyong lumaki kasama ng organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika. Kami ay dumami mula sa mga 400 mamamahayag ng Kaharian nang ako’y magsimula sa ministeryo mga 50 taon na ngayon hanggang sa halos 55,000 sa kasalukuyan!

Pinasasalamatan ko si Jehova na ako ay mayroon, sa lumipas na 39 na taon, ng gayong matulunging kabiyak na nakaagapay sa akin. “Ang aking kopa ay punung-puno.” (Awit 23:5) Kami ni Martie ay napasasalamat na maging bahagi ng inaakay-ng-espiritung organisasyon ni Jehova at desididong magpatuloy ng paglilingkod kay Jehova sa kaniyang bahay, sa Bethel, at umalinsabay sa kaniyang sumusulong na organisasyon.

[Mga mapa sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANGOLA

ZAIRE

ZAMBIA

ZIMBABWE

BOTSWANA

NAMIBIA

SWAZILAND

LESOTHO

SOUTH AFRICA

Pretoria

Johannesburg

Cape Town

Port Elizabeth

SOUTH ATLANTIC OCEAN

INDIAN OCEAN

MOZAMBIQUE CHANNEL

[Larawan sa pahina 20]

Si Piet Wentzel at si Frans Muller (kaliwa) sa gawaing pagpapayunir noong 1945

[Larawan sa pahina 23]

Si Frans at si Martie Muller

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share