Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 6/22 p. 4-6
  • Protestantismo at “Apartheid”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Protestantismo at “Apartheid”
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Apartheid . . . Isang Patakaran ng Simbahan”
  • Isang Turo ng Bibliya?
  • Isang “Krisis sa Kredibilidad”
  • Inilalantad ng Paghingi ng Tawad ng Simbahan ang Malubhang Pagkakabahagi
    Gumising!—1992
  • Relihiyosong Problema ng Timog Aprika
    Gumising!—1988
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1988
  • Paglaki Kasama ng Organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 6/22 p. 4-6

Protestantismo at “Apartheid”

INIULAT ng isang artikulo sa South African Digest na ang “mga gusali, mga serbisyo ng simbahan, at ang pagiging membro sa simbahang DR (Dutch Reformed) ay ipinahahayag na bukás sa lahat, anumang lahi o kulay.”

Sa loob ng mga dekada ang Simbahang DR ay nanindigan sa lubusang pagbubukod ng lahi. Ano ang dahilan ng makasaysayang pagbabagong ito na pinagtibay sa isang miting ng mga lider ng simbahan noong Oktubre 1986?

Marahil ipagtataka ng maraming tao na malaman na sa nakalipas na siglo ang mga puti, mga aliping itim, at yaong may haluang Europeo at Aprikanong pinagmulan ay kabilang sa isang Simbahang DR. Gayunman, noong 1857, isang sinodo ng simbahan ang sumuko sa tumitinding pagkakapootan ng dahil sa lahi at nagsabi na ang mga serbisyo para sa mga taong may haluang lahi ay maaaring ganapin sa magkahiwalay na mga gusali. Hindi hinihimok ng Bibliya ang gayong pasiya, sabi ng sinodo, subalit ang pasiyang ito ay ginawa “bilang resulta ng kahinaan ng iba.” Ito ay humantong, noong 1881, sa pagtatatag ng isang hiwalay na denominasyon ng mga taong may haluang lahi, tinatawag na Nederduitse Gereformeerde Sendingkerk, o ang DR Mission Church.

Hindi nababatid ng mga lider ng simbahan na iyon kung ano ang kanilang sinimulan. Hindi nagtagal bukod na mga denominasyon ay naitatag din para sa mga itim at sa mga Indian. Ang pagdalo sa maraming simbahang DR ay nakareserba sa mga puti lamang. Kung ano ang ipinalalagay na “kahinaan” ay naging mahigpit na patakaran ng simbahan. Ang mga itim kung minsan ay itinataboy sa mga serbisyo ng libing ng kanila mismong mga among puti. Ang gayong panghihiya ay pumukaw ng galit sa gitna ng itim na mga membro ng simbahan.

“Apartheid . . . Isang Patakaran ng Simbahan”

Noong 1937 hiniling ng FC (Federal Council of DR Churches) ng Simbahang DR sa gobyerno na ipasa ang isang batas na nagbabawal sa mga puti na mag-asawa ng mga taong may haluang lahi. Ang gobyerno ay tumanggi. Noong 1939 inulit ng FC ang kahilingang ito, at kasabay nito ay hiningi rin na ang mga puti ay bigyan ng bukod na mga dakong tirahan, mga paaralan, at mga unibersidad. Nilapitan ng ilang mga delegasyon ng mga klerigo ang gobyerno tungkol dito. Noong 1942 ang Federal Mission Council of DR Churches ay sumulat sa gobyerno: “Nais makita ng Simbahan na ang simulaing ito tungkol sa pagbubukod ng lahi ay mahigpit na ipatupad sa hinaharap.”

Pagkatapos, noong 1948 ang puting Partido Nasyonal ay naihalal sa kapangyarihan, nangangakong aasikasuhin ang pagsasabatas ng ng mga patakaran tungkol sa apartheid. Hindi nagtagal ay sumunod ang bagong mga batas tungkol sa apartheid. Pagkatapos ng eleksiyon, ang Die Kerkbode, ang opisyal na magasin ng Simbahang DR, ay buong pagmamalaking nagsabi: “Bilang [isang] Simbahan . . . nilayon natin sa tuwina ang paghihiwalay ng dalawang pangkat na ito ng populasyon. Tungkol dito ang apartheid ay makatuwirang matatawag na isang patakaran ng simbahan.”

Isang Turo ng Bibliya?

Hanggang noong panahong iyon, ang mga pagsamo ng simbahan para sa apartheid ay pangunahin nang nakasalig sa tradisyon. Noong 1948 inamin pa nga ng Sinodo ng Transvaal na silay ay hindi gumawa ng “sinasadyang pag-aangkin na natatakdaan ng mga simulain ng Bibliya.” Gayunman, isang bagong paraan ang ngayo’y nauuso​—ang paghaharap sa apartheid bilang isang turo ng Bibliya.

Noong 1974 ang Panlahat na Sinodo ng Simbahang DR ay naglathala ng isang report na pinamagatang Ras, Volk en Nasie en Volkereverhoudinge in die lig van die Skrif (Mga Kaugnayan ng Tao at ang Tanawin sa Timog Aprika sa Liwanag ng Kasulatan.) “Sa loob [nito] nasumpungan ng teolohiya tungkol sa apartheid ang klasikal na kapahayagan nito,” sabi ni Dr. Johann Kinghorn, editor ng aklat na Die NG Kerk en Apartheid (Ang Simbahang DR at ang Apartheid). Nagtatagal sa ulat ng pagkakabaha-bahagi ng sangkatauhan sa Babel, ang ulat ay nagsasabi: “Ang isang pulitikal na sistema na batay sa . . . magkahiwalay na pag-unlad ng iba’t ibang pangkat ng populasyon ay maaari ring bigyang-matuwid mula sa Bibliya.” Ang report ay nagkomento rin tungkol sa kahilingan ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “pakasakdalin sa pagkakaisa.” (Juan 17:23) Ang gayong pagkakaisa, sabi ng report, “ay hindi kailangang ihayag sa isang institusyon.”

Isang “Krisis sa Kredibilidad”

Ang Protestantismo sa Timog Aprika ay naging tudlaan ng labis na pagpuna. Noong 1982 ang World Alliance of Reformed Churches ay nagtagpo sa Ottawa, Canada, at ipinahayag na ang teoriya ng apartheid ay isang “erehiya.” Ang Simbahang DR ng Timog Aprika ay sinuspende sa pagiging membro. Karagdagan pa, ginipit ng gobyerno mismo ng Timog Aprika ang mga simbahan sa pamamagitan ng pagtanggal sa ilang mga batas tungkol sa apartheid, pati na ang batas tungkol sa pagbabawal sa tinatawag na haluang pag-aasawa.

Paano tumugon ang mga simbahan? Ang ibang mga ministro sa Simbahang DR ay naging hayagan din sa pagpuna tungkol sa apartheid. Sa aklat na Apartheid Is a Heresy, ang teologo ng Simbahang DR na si Propesor David Bosch ay nagsabi: “Kung babalikan lamang ng Afrikaans Reformed Churches ang kanilang pinagmulan matutuklasan nila na kung ano ang itinatangi nila ngayon ay wala kundi isang hidwang paniniwala o erehiya.”

Subalit anong epekto mayroon ang gayong pagsusuri sa nakaraan sa mga membro ng simbahan? Ganito ang sabi ng teologo sa Simbahang DR na si Propesor Bernard Combrink: “Ang ilang membro ay hindi nag-aatubiling magsalita tungkol sa krisis sa kredibilidad sa simbahan, sa liwanag ng katotohanan na ang isang paniniwala o patakaran ay naitawag-pansin na bilang maka-Kasulatan sa loob ng maraming taon, at ngayon ‘biglang-bigla’ ang iba pang mga paniniwala ay itinatawag-pansin na kasuwato ng Kasulatan.”

Oo, ang “krisis sa kredibilidad” sa Simbahang DR ay umabot sa sukdulan noong Oktubre 1986 nang tanggapin ng panlahat na sinodo nito ang isang resolusyon tungkol sa apartheid na nagsasabi sa bahagi: “Ang matibay na paniniwala ay lumaki anupa’t ang pagbubukod at ang paghihiwalay ng mga tao ay hindi maaaring mahinuha bilang isang tagubilin ng Bibliya. Ang pagsisikap na bigyang-matuwid ang gayong tagubilin mula sa Bibliya ay dapat kilalanin na mali at itakwil.”

Ang pagtangging ito sa teolohiya ng apartheid ay naging dahilan ng halu-halong reaksiyon sa gitna ng mga puti. Inaakala ng marami na ang sinodo ng Simbahang DR ay hindi sapat ang ginawa, yamang ayaw nitong makiisa bilang isang katawan sa mga itim na kabilang sa reformed churches nito. Gayunman, inaakala ng iba na ang simbahan ay nagpakalabis naman at ipinagkakait ang pinansiyal na suporta rito. Noong Sabado, Hunyo 27, 1987, 2,000 disidente ng Simbahang DR ay nagtagpo sa Pretoria. Sa isang boto ng nakararami, nagtatag sila ng isang bagong simbahan para sa mga puti lamang na tinatawag na Afrikaanse Protestantse Kerk (Simbahang Protestanteng Afrikaans).

Samantalang ang Protestantismong Olandes ay nanguna sa pagtatatag ng apartheid, hayagang kinondena naman ng mga simbahan sa Timog Aprika na nagsasalita ng Ingles ang kontrobersiyal na patakaran. Gayunman, inamin ng dalawang puting ministro, Methodista at Congregationalist, na ang buhay sa mga simbahang nagsasalita ng Ingles ay “kakikitaan pa rin ng pagkakabaha-bahagi at pagtatangi dahil sa lahi na kung minsan ay walang pagbabago at matindi na gaya niyaong masusumpungan sa Afrikaans Reformed Churches.”​—Apartheid Is a Heresy.

Ano ang naging reaksiyon ng itim na mga membro ng simbahan? Samantalang mainit na pinagtalunan ng mga teologong puti ang apartheid, ang prominenteng mga teologong itim naman ay bumubuo ng kanilang sariling mga palagay.

[Kahon sa pahina 6]

Baha-bahagi Rin ang mga Katoliko

Noong Setyembre 1986 isang pulong ng mga klerigong Katoliko sa Timog Aprika ang nagpasa ng isang resolusyon tungkol sa pagwawakas ng apartheid. Ganito ang ulat ng The Cape Times: “Pormal na ibinigay ng mga paring Romano Katoliko sa buong bansa ang kanilang suporta sa Komperensiya ng mga Obispong Katoliko sa Timog Aprika sa paninindigan nito sa pagsuporta sa panggigipit sa kabuhayan sa Timog Aprika.”

Gayunman, nang ang gayong mga palagay ay ipahayag maaga sa taóng ito sa mga Misang ginanap sa Johannesburg, maraming Katoliko ang umalis ng simbahan. Habang ang isang lalaki ay umalis na kasama ng kaniyang pamilya, isinigaw niya ang mga pagtutol sa pari at siya’y pinalakpakan ng karamihan sa kongregasyon. Kapansin-pansin, maraming Katoliko sa Timog Aprika ang bumuo ng isang organisasyon na tutol sa pakikisangkot sa pulitika ng mga klerong Katoliko.

[Larawan sa pahina 5]

Iniharap ng mga lider ng simbahan ang apartheid bilang isang turo ng Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share