Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 6/22 p. 3
  • Relihiyosong Problema ng Timog Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Relihiyosong Problema ng Timog Aprika
  • Gumising!—1988
  • Kaparehong Materyal
  • Protestantismo at “Apartheid”
    Gumising!—1988
  • Inilalantad ng Paghingi ng Tawad ng Simbahan ang Malubhang Pagkakabahagi
    Gumising!—1992
  • Pinagkakaisa ng Tunay na Kristiyanismo ang Lahat ng Lahi!
    Gumising!—1988
  • Nasumpungan Ko ang Pagkakaisa ng Lahi sa Maligalig na Timog Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 6/22 p. 3

Relihiyosong Problema ng Timog Aprika

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika

ANG Timog Aprika ay isang kilalang relihiyosong bansa. Marami ang nagsisimba. Ang Bibliya ay makukuha sa lahat ng pangunahing wika ng Timog Aprika at binabasa sa maraming tahanan. Gayunman, ang lupain ay naging tanawin ng labanan at karahasang panlahi. Maaaring magtanong ka: ‘Bakit hindi napaunlad ng mga simbahan ang pag-ibig at pagkakaisang Kristiyano?’

Ang problema ay lumalaki kung susuriin mo ang kasaysayan kamakailan. Malinaw na lumilitaw na ang relihiyon ay aktuwal na may malaking pananagutan sa mga labanan ng bansang ito. Upang maunawaan kung bakit, isaalang-alang kung paano nagsimula ang relihiyosong kalagayan sa Timog Aprika.

Noong 1652 ang mga Protestanteng Olandes ay unang nagtatag ng isang permanenteng panirahan o kolonya sa pinakadulong timog ng Aprika. Ang kanilang mga inapo ngayon ay nagsasalita ng Afrikaans, isang wika na mula sa wikang Olandes. Sa madaling panahon, ang mga simbahang Olandes ay nahati sa maraming nagbagong mga simbahan, ang pinakamalaki rito ay ang Dutch Reformed, o DR, Church (Nederduitse Gereformeerde Kerk). Mahigit na sangkatlo ng mga puting mamamayan ng bansa ay mga membro ng DR Church.

Dumagsa rin ang mga dayuhang Ingles sa Timog Aprika. Ang marami ay mga Anglicano, na nang dakong huli ay nahati sa tinatawag na High Church at Low Church. Ang iba ay mga Methodista, Presbeteriano, at mga Congregationalist. Sa gayunding paraan, ipinakilala ng mga dayuhang Aleman ang Iglesya Lutherano. Sa gayon ang Timog Aprika ay naging isang Protestanteng muog, na nagbunga ng pagkumberte sa angaw-angaw na mga itim. Ngayon, 77 porsiyento ng mga taga-Timog Aprika ay nag-aangking Kristiyano​—wala pang 10 porsiyento sa mga ito ay mga Katoliko.

Ang Protestantismo sa Timog Aprika, gayunman, ay patuloy na nagkakabaha-bahagi. Nilisan na ng maraming mga puti ang pangunahing mga relihiyon at sumali sa mga kilusang born-again. Gayundin naman, maraming itim ang nagtatag ng isang Aprikanong Kristiyanismo. “Mayroong kasindami ng 4000 gayong independiyenteng mga simbahan sa Timog Aprika lamang,” ulat ng magasing Leadership.

Nakakaharap ng tradisyunal na mga simbahang Protestante ang isa pang problema. Habang umuunti ang kanilang kawan, umuunti rin ang kanilang pinansiyal na suporta. Upang dagdagan pa ang problema, yaong mga nananatili ay lubhang nababahagi sa pagkaabala ng kanilang simbahan sa mga isyu tungkol sa lahi. Samantalang ang ibang membro ay humihiling na suportahan ng kanilang simbahan ang radikal na mga hakbang upang wakasan ang apartheid (pagbubukod o pagtatangi ng lahi), hinihiling naman ng iba na ipahintulot ng kanilang simbahan ang apartheid. Sa pagitan ng dalawang panig na ito, ang mga membro ay nababaha-bahagi sa lawak na dapat patuloy na itaguyod ng kanilang simbahan ang pagsasama-sama at ang pagkakapantay-pantay ng lahi.

“Ikinagagalit ko ang ako’y pagsabihan na dapat akong sumama at makipagkapit-kamay sa mga taong hindi ko nakikilala at magkunwang nakadarama ako ng pag-ibig sa kapatid sa mga taong hindi ko kauri,” sabi ng isang Anglicano tungkol sa mga kaayusan sa isang serbisyo para sa iba’t ibang lahi. Ikinagagalit din ng maraming Anglicanong puti ang pakikialam sa pulitika ng kanilang itim na arsobispo, si Desmond Tutu.

Isang report ng Human Sciences Research Council ng Timog Aprika ang sa gayon ay nagbabala na ang relihiyon “ay kadalasang gumaganap ng bumabahagi at mapangwasak na papel” na may “di-malirip na pag-asa ng mga tagasunod ng relihiyosong tradisyon ding iyon na naghaharapan buhat sa magkalabang kampo.” Tunay, gaya ng makikita natin, ang Protestantismo sa Timog Aprika ay gumanap ng isang malaking bahagi sa pagpapaningas sa matinding pagkapoot dahil sa lahi.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share