Mula sa Aming mga Mambabasa
Apartheid
Kung iniibig nang gayon na lamang ng inyong organisasyon ang mga tao, bakit hindi ninyo hatulan ang apartheid sa kung ano nga ito? (Hunyo 22, 1988) Malupit! Nasa bawat Kristiyano na hayagang nagsasabing nasa puso nila ang Diyos na humatol sa apartheid. Iminumungkahi ko na tahasan at hayagang hatulan ng inyong organisasyon ang apartheid at ang lahat ng iba pang pang-aapi sa daigdig!
S. C., Inglatera
Nauunawaan ng karamihan ng aming mga mambabasa, nang wasto, na kinapopootan namin ang pang-aapi sa lahi, subalit ipinahahayag namin ito nang may dangal na kasuwato ng mga pamantayan ng Gumising!”—ED.
Wala akong nasumpungang mali sa [artikulo tungkol sa apartheid], subalit inaakala ko na ipinahihiwatig ninyo na ang mga Saksi ni Jehova lamang ang humihimok ng pagsasama-sama ng lahi. Isang larawan ang may pamagat na “Ang pagkakaisa ng lahi sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ay nakakaakit sa marami sa mensahe ng Kaharian.” Hindi ko tinututulan ang pangungusap na ito, nais ko lamang banggitin na gayunding pagkakaisa ang nangyayari sa gitna ng Simbahang Methodista na nagsisikap na salubungin ang Itim at tanggapin siya.
D. H. K., Inglatera
Tiyak na sumasang-ayon kami na may ilang lokal na simbahan na napabuti ang mga kaugnayang panlahi, subalit maliwanag na hindi ito karaniwan sa panlahat na kalagayan, gaya ng inamin ng mga klerigong Methodista at Congregationalist na sinipi sa pahina 6 ng artikulo. Sa nakalipas na mga taon ang mga Saksi ni Jehova sa buong Timog Aprika at sa buong daigdig ay walang pagbabago at tahimik na nagtatag ng isang hindi mapapantayang rekord tungkol sa mga kaugnayang panlahi nang walang matinding pulitikal na debate o labag sa batas na mga pakikiharap sa pamahalaan.—ED.
Panahon
Bilang isang ehekutibo sa negosyo, matagal na akong interesado sa pamamahala sa panahon. Ang inyong artikulong “Panahon—Ikaw ba ang Panginoon Nito o ang Alipin Nito?” (Disyembre 8, 1987) ay nagtagumpay sa paghaharap sa apat na pahina ng mas mahusay, mas praktikal, at madaling maunawaang payo kaysa natanggap ko sa mga seminar o sa mga batayang aklat.
W. K., Pederal na Republika ng Alemanya
Ang artikulong iyon ay angkop na angkop sa aking mga pangangailangan. Nang makita ko ang larawan sa pahina 26, nakilala ko ang larawan ng isang magulong tao na sinisikap gawin karaka-raka ang ilang gawain. Ilang beses kong binasa ang artikulo, minamarkahan ang pangunahing mga punto na kapit sa akin. Ikinapit ko ang mga mungkahi at natutuwa akong makita na sa pagtatapos ng Lunes, nagawa ko ang anim sa sampung gawain na inilista ko. Ang nagugustuhan ko ay ang bukás na paraan ng paghaharap sa paksa—walang itinakdang mga tuntunin basta mga mungkahi lamang na punô ng empatiya gaya ng: ‘Makibagay, subukan ang mga ito, ikapit ito, tingnan kung alin ang gagana sa iyo.’
D. C., Brazil
Kambal
Ang inyong artikulo tungkol sa kambal (Abril 22, 1988) ay talagang nakatulong sa akin upang maunawaan ang mga pagkakaiba sa pagitan ng aking mga anak na babae. Sila ay kagiliw-giliw na mga batang babae na lubhang magkaiba at nakalilito (ang isa ay maputi at asul ang mata, ang isa ay maitim at kayumanggi ang mata). Sila ay pinalaki na parang magkaibang tao, gayunman mayroon silang buklod na hindi kapanipaniwala. Ang isa ay hihingi ng bote ng gatas at tatanggihan ito, gayunma’y hihinto sa kaniyang “ba-ba” kapag tinanggap ng kaniyang kakambal ang bote ng gatas. Narinig ko na ang mga bagay na ito may kaugnayan sa identical na mga kambal subalit hindi sa fraternal na kambal. Maraming salamat.
R. L. R., Estados Unidos