Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 7/1 p. 9-13
  • Pagtanggap sa ‘mga Kahilingan ng Aking Puso’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtanggap sa ‘mga Kahilingan ng Aking Puso’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pinagdaanang Karanasan
  • Pagsasaliksik Para Masumpungan ang Katotohanan
  • Kami’y Bumuo ng Isang Munting Kongregasyon
  • Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod
  • Pagtanggap sa Isa Pang ‘Kahilingan ng Aking Puso’
  • Pagkatuto ng Mahalagang mga Leksiyon
  • Paglaki Kasama ng Organisasyon ni Jehova sa Timog Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Binigyan Ako ni Jehova ng Lakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Sinikap Kong Baguhin ang Daigdig
    Gumising!—1990
  • Nasumpungan Ko ang Pagkakaisa ng Lahi sa Maligalig na Timog Aprika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 7/1 p. 9-13

Pagtanggap sa ‘mga Kahilingan ng Aking Puso’

Ayon sa pagkalahad ni P. J. Wentzel

NANG ang aming barko ay dumaong sa daungan ng New York galing sa Timog Aprika, isang lalaking negro ang sumalubong sa amin sa piyer. Siya’y naroon upang kami’y sunduin ng sasakyan, kasama ko ang aking asawang si Lina, at isang babaing may edad na kasama namin sa paglalakbay para tumungo na kami sa aming tuluyan. Kami’y huminto sa isang pamayanan ng mga negro, at ang tsuper ay bumaba upang alamin ang direksiyon ng aming kasamang naglalakbay. “Pero Piet,” aniya sa akin, “ito’y pamayanan ng mga negro!”

“Ito ay Amerika,” ipinaalaala ko sa kaniya. “Walang pagkakaiba ang negro at puti rito; tayong lahat ay pare-pareho.” (Ngunit sa kalooban ko ay naisip kong kami sana ng aking maybahay ay doon makatuloy sa tahanan ng isang puti!) Pagkatapos ay bumalik ang tsuper para kunin ang aming kasama, na buong init na tinanggap ng isang pamilyang negro.

At dumating ang aming turno​—doon pa rin sa lugar ng mga negro. Habang papalapit sa aming sasakyan ang mag-asawang aming tutuluyan, taimtim na nanalangin ako sa Diyos na tulungan akong iwaksi ang pagkamuhi ko sa anumang lahi na taglay ko pa rin​—na namana ko sa aking mga magulang.

Kami’y tinanggap nang buong sigla ng mag-asawang negro na tutuluyan namin sa New York. Kami’y inihatid sa aming kuwarto, na kung saan lahat ng bagay ay malinis na malinis. Nang kami’y lisanin na nila, kami’y walang imikan. Nang magkagayo’y lumapit si Lina sa kama, inangat ang dulo ng kubrekama at ang sabi: “Piet, isip-isipin na ngayong gabi, unang-unang pagkakataon sa aking buhay, ako’y matutulog sa kama ng isang negra!” Subalit nakilala namin nang husto at napamahal sa amin ang aming kasera.

Bakit ang pananaig sa saloobin na pagkamuhi sa anumang lahi ay hindi isang biru-birong tagumpay para sa akin at sa aking mga kasama sa paglalakbay?

Mga Pinagdaanang Karanasan

Ang Bonnievale, na sinilangan ko noong 1922, ay isang maliit na bayan mga 160 kilometro (100 mi) sa gawing silangan ng Cape Town, Timog Aprika. Ang aking ama ay miyembro ng Dutch Reformed Church. Ito’y isang simbahan para sa mga puti lamang. Ang mga itim ay mayroong kanilang sariling mga simbahan sa isang bukod na pamayanan na kanilang tirahan. Kaya kami’y lumaki na may pagkakilala sa pagkabukud-bukod ng mga lahi.

At anong lalim ng pagkakaugat ng saloobin na pagkamuhi sa anumang lahi! Kami’y tinuruan na ang aming lahi ang superyor. Ang tingin namin sa mga itim ay mga taong dapat tratuhin na mga tao pero hindi bilang mga kapantay sa lipunan. Noong aking kabataan ang kaugalian ay tanggapin sila roon sa may likuran ng bahay, at kung paiinumin sila ng tsa, ilagay iyon sa isang pantanging inuman na para sa mga negro lamang. Kami’y pinapaniwala na marahil sa langit ay naiiba ang mga bagay-bagay, pero rito sa lupa ay may pagbubukud-bukod.

Nang ako’y maging 17 anyos na, itinanong ko sa aking ama kung maaari akong kumpilan, ngunit inaakala niya noon na ako’y totoong napakabata pa. Nang sumunod na taon, sinabihan niya ako na panahon na para ako kumpilan. Ito’y totoong dinibdib ko. Inakala kong ito’y pagtatalaga ng aking sarili sa Diyos at paggawa ng kaniyang kalooban. At yamang nabubuhay ako sa sanlibutan at sa mga kalayawan nito, kasali na ang panay-panay na paninigarilyo, natalos ko na dapat akong gumawa ng malaking mga pagbabago sa aking buhay.

Kaya’t pagkakatapos ng pananghalian ay ginugugol ko ang karamihan ng aking panahon sa pagbabasa ng Bibliya. Marami ang naisiwalat niyaon sa akin​—natalos ko na ang aking paraan ng pamumuhay pati na ang sa aking pamilya ay malayung-malayo sa hinihiling ng Kasulatan. Bagaman binabasa ko ang Bibliya sa aking sariling wika, Aprikaans, marami akong hindi maunawaan. Kaya naman, kalakip ng pagbabasa ay nanalangin ako sa Diyos na tulungan akong maunawaan ang Bibliya.

Nang sumapit ang panahon para sa mga klase sa kumpil, malaking bahagi ng Bibliya ang nabasa ko na. Itinanong ko kay itay kung saan sa Bibliya ipinaliliwanag ang pagkukumpil para mapag-aralan ko iyon.

“Wala iyan sa Bibliya,” ang tugon niya. “Iyan ay isang utos ng simbahan.” Nagulat ako!

“Pero kung ang pagkukumpil ay wala sa Salita ng Diyos, paano ko nga tatanggapin iyon?” ang tanong ko. “At kung tayo’y inililigaw kung tungkol sa mahalagang bagay na ito, paano ko maipagkakatiwala sa simbahan ang aking buhay?”

Bueno, mula na noon ay sinimulan ko na ang pagsasaliksik para matagpuan ang katotohanan.

Pagsasaliksik Para Masumpungan ang Katotohanan

Isang araw isang kaibigan ang nag-anyaya sa akin sa isang serbisyo sa Dutch Reformed Church​—matagal ring hindi ako dumalo. Ang ministro ay nagpaliwanag tungkol sa pag-asa: “Kung tayo’y umaasa sa hindi natin nakikita, patuloy na hinihintay natin iyon nang may pagtitiis.” (Roma 8:24, 25) Ah, ito nga ang ibig kong malaman! Ano ba ang ating pag-asa? Ano ba ang dahilan at nabubuhay ako? Mayroon na nga kaya akong makukuhang mga kasagutan? Subalit ang mangangaral ay hindi nagpaliwanag tungkol sa isang panghinaharap na pag-asa. Samantalang nakaupo ako roon, isinamo ko sa Diyos na tulungan ang mangangaral na tulungan ako!

Mayroon pa ring nakagambala sa akin. Napansin ko na ang marami roon ay nag-aantok. Ako’y nananabik na marinig ang katotohanan, at narito ang mga tao ay nangatutulog! Nilisan ko ang simbahan na di-nasisiyahan, at kailanman ay hindi na ako bumalik.

Nang malaunan ay nakipag-usap ako tungkol sa Bibliya sa isang kaibigan na may mga ideya ng Pentecostal. Sinabi niya na ang isang taong ibig maglingkod sa Diyos ay kailangang bautismuhan sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa tubig. Kaya’t dumalo ako sa susunod na serbisyo ng munting grupong ito at nabautismuhan sa ilog. Ganiyan na lamang ang galit ng aking ama. Pinagbantaan pa man din niya ako na papatayin dahil sa pangangahas ko na umanib sa isang sekta! Hindi na ako maaaring magbasa ng Bibliya sa tahanan pero ginawa ko ang gayon kasama ng munting grupo na inaniban ko. Ngayon ay hindi man lamang ako makasalo sa aking ama sa pagkain, at kailanma’t kami’y nagkakalapit, sinasabihan niya ako na tumalikod ako sa kaniya. Hindi niya ibig na makita ang mukha ko!

Ang munting grupong Pentecostal ay nagbabasa lamang ng Bibliya, umaawit at nagdadasal na sama-sama, at nagsasalita sa mga wika. Noon ay nalinis ko na ang aking buhay, naalis ko na rin ang paninigarilyo. Pinagsumikapan kong tanggapin ang espiritu gaya rin ng iba, nag-ayuno pa man din ako ng mga ilang araw, subalit walang nangyayari. Kaya’t pinag-isipan ko ang mga bagay-bagay. Alam ko na mayroong mga iba sa bayang iyon na nag-aangkin na nagsasalita sa mga wika, ngunit sila’y may mahalay na pamumuhay naman. Kaya paano nga napagkakalooban ng Diyos ng kaniyang banal na espiritu ang mga tao na ang mga pamumuhay ay hindi kasuwato ng kaniyang kalooban? At isa pang bagay ang nakagulo sa aking isip. Kaya’t tinanong ko ang lider ng aming grupo.

“Ang banal na espiritu po ba na tinatanggap ninyo at ng mga iba pa ay iyon ding banal na espiritu na kumasi sa pagkasulat ng Bibliya?” ang tanong ko.

“Oo,” ang tugon niya.

“Kung gayon, ang lupa po ba ang magiging walang hanggang tahanan ng tao, o ito ba ay pupuksain?”

“Ang lupa ay pupuksain, at ang mga Kristiyano ay sa langit mabubuhay.”

“Pero mayroong pagkakamali dito,” ang tugon ko, “yamang ang Bibliya ay nagsasabi na ang lupa’y mananatili magpakailanman​—isang pangungusap na kinasihan ng espiritu ng Diyos​—ang siya ring espiritu na inaangkin ninyo na mayroon kayo.”​—Eclesiastes 1:4.

Nang magkagayo’y nabatid ko na wala ang katotohanan sa aming munting grupong iyon. Nagpatuloy ang aking paghahanap.

Isang araw ang lider ng grupong Pentecostal ay nagdala sa akin ng isang aklat na pinamagatang Riches, lathala ng Watchtower Society. Nang pasimulang basahin ko iyon, nakita ko na na kasuwato iyon ng aking nababasa sa Bibliya. Sa wakas ay nasumpungan ko ang katotohanan! Sumulat ako at humingi ng karagdagan pang mga lathalain. Ang mga ito’y sabik na tinanggap ng aming munting grupo, at ginamit namin sa pag-aaral ng Bibliya at sa pagpapatotoo sa iba. Hindi nagtagal pagkatapos nito ay mga ilang Saksi ni Jehova ang dumating sa Bonnievale para sa maikling pagdalaw, at nagkaroon kami ng mahusay na pakikipagtalakayan sa kanila. Higit pa riyan, apat na miyembro ng aming grupo ang sumama sa kanila sa pangangaral sa bahay-bahay nang sumunod na Linggo.

Kami’y Bumuo ng Isang Munting Kongregasyon

Upang maipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mensahe ng pag-asa, kami’y pumidido ng higit pang mga aklat sa tanggapang sangay ng Watchtower Society sa Cape Town. Sila’y tumugon at nagsabi na kailangan muna kaming umaplay para sa pagtatatag ng isang kongregasyon. Sa simula ay nag-aatubili kami, ngunit nang tumindi ang pangangailangan ng mga aklat, kami’y umaplay din at napatatag na isang bagong kongregasyon​—aapat-apat kami, bagama’t walang isa man sa amin ang bautismado bilang isang Saksi!

Buwan-buwan ay nag-uulat kami ng dami ng aming nagawa sa pangangaral. Ngunit dahil sa kami’y hindi pa nasasanay, kami ay hindi dumadalaw-muli sa mga taong interesado. Ito’y itinatawag-pansin noon sa amin buwan-buwan ng tanggapang sangay. Sa wakas ang dalawa sa amin ay nagkaroon ng lakas ng loob na pumaroon sa isang tahanan na kung saan ang mga tao’y waring tatanggap. Aming tinipon ang sambahayan at kami’y sama-samang umawit ng isang himno. Pagkatapos ay pinasimulan namin iyon ng panalangin at isang plaka tungkol sa isang paksa sa Bibliya ng isa sa mga pahayag ni J. F. Rutherford ang aming pinatugtog. Lahat ay nakikinig na mabuti. Pagkatapos ay nagsara kami sa pag-awit ng isa pang himno at pananalangin. At nang kami’y pauwi na ay sinabi ko: “Aba, iyan ang ating unang ‘pagbabalik-muli’!”

Samantala patuloy ang mahigpit na pananalansang ng aking ama. Kaunting-kaunti lamang ang kaalaman ko sa Bibliya! Ngunit ang kaunting iyon ay lubusan kong pinaniniwalaan sa aking puso. Isang araw, si Rachel, isa sa aking mga kapatid na babae, ay dumalaw sa amin. Pagkapananghalian ko, siya’y nakipagtalo sa akin tungkol sa Trinidad.

“Bakit nga ninyo tinatanggihan ang doktrina na Trinidad?” ang tanong niya. “Ang aming relihiyon ay maliwanag na nagtuturo na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay magkakapantay sa pag-iral at kapangyarihan.”

“Kung ang espiritu santo ay kasimpantay ng Ama at ng Anak,” ang tugon ko, “magagawa niyaon para sa akin ang eksaktong magagawa ng Ama at ng Anak. Kaya’t maaari na rin akong diyan manalangin sa espiritu santo.”

Si Rachel ay hindi nagsalita ng anuman. Subalit ang aking ama na nasa kasunod na kuwarto, ay humiyaw: “Rachel, pabayaan mo siyang mag-isa. Wala kang mararating sa pakikipagtalo sa kaniya.” Ang buong pamilya ay nagkatipon upang sumuporta kay Rachel. Sa sandaling iyon ay pumasok ang aking ama, galit na galit. Kaniyang inambaan ako ng suntok, sa aking noo​—ngunit huminto at umurong. Wala akong kaimik-imik at kakibu-kibo.

“Nakaupo ka riyan na gaya ng isang nagkukunwaring anghel,” ang sigaw ng aking ama. Ipinagunita niya sa akin ang panahon nang ako’y nagkusang-loob na makipaglaban kay Hitler at siya’y tumangging payagan ako sapagkat noo’y wala pa ako sa hustong edad. “Sana nga’y natuloy ka noon at napatay!” ang ibinulalas niya. Sa loob ko’y nagpasalamat ako dahil sa paghadlang niya sa akin na magpalista sa hukbo.

Nang iyon ay matapos, ako’y lumabas at nag-isip-isip. Bago ako naging interesado sa Bibliya, may umiiral na kapayapaan sa amin. Ngayon ay nag-aaway-away ang pamilya. Ano kaya ang dapat kong gawin? Bumalik sa dating relihiyon at sa gayo’y maibalik ang kapayapaan ng pamilya? Kung ganoon ang gagawin ko ay itatakwil ko ang mahalagang mga katotohanan na aking natutuhan. Ang aking mga magulang ang dahilan at narito ako sa sanlibutan, ngunit ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa akin ng buhay na walang hanggan. Samantalang ang aking kamay ay nakasandig sa isang magandang punong palma, tindig at matatag, ipinasiya ko sa mga sandaling iyon: “Maaari nila akong patayin, pero hindi ako tatalikod.”

Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod

Yamang binata, nasa kabataan, at malakas, para bang ako’y totoong gipit sa aking trabaho sa isang lokal na pabrika ng keso. Anim na araw na ako’y nagtatrabaho isang linggo sa maliit na kita ngunit isang araw lamang sa sanlinggo ang ginugugol ko sa banal na paglilingkod kay Jehova, na inaasahan kong magbibigay sa akin ng buhay na walang hanggan. Bakit nga ako magpapatuloy sa paggawa ng keso gayong taglay ko ang mahalagang mga katotohanan na makapagliligtas ng mga buhay? Ibig kong maging isang buong-panahong ministro.

Ako’y sumulat sa Samahan at sinabi ko na ibig kong maging isang “payunir,” o buong-panahong manggagawa. “Ngunit paano?” ang tanong ko. Ako’y 18 anyos lamang at si itay ay hindi kailanman sasang-ayon. Tumanggap ako ng sagot na doo’y sinipi ang magagandang salitang ito: “Magpakaligaya ka kay Jehova, at kaniyang ibibigay sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” (Awit 37:4) Paano nga matutupad ang pagnanasa ng aking puso gayong totoong salansang ang aking ama? Gayunman, pinag-isipan ko ang mga salitang iyan at patuloy na nanalangin.

Sa wakas ay gumawa ako ng isang plano. Sinabi ko sa aking ama na wala akong kinabukasan sa Bonnievale at ibig kong lumipat sa Cape Town. Sinabi niya: “Alam ko kung bakit. Ibig mong umalis at magbenta ng mga aklat ni Judge Rutherford!” Ngunit siya’y pumayag.

Sa Cape Town ako’y puspusang nagtrabaho upang kumita nang sapat para may maibili ng mga ilang bagay na kakailanganin ko upang makapagsimula sa buong-panahong ministeryo. Nang magkita kami ng tagapangasiwa ng sangay, si George Phillips, ako’y may problema. Yamang ako’y galing sa isang pamayanang Aprikaans, totoong palso ang Ingles ko at kailangang kausapin ko siya sa tulong ng isang intrepete. Sa mga pulong ay wala akong gaanong maintindihan kaya minsan nang isang asamblea ang organisahin para sa Cape Town hindi ko nadaluhan iyon sapagkat hindi ko naintindihan ang patalastas!

Noong Nobyembre ipinabatid sa akin ni Brother Phillips na may nakaharap na pagkakataon sa akin na magpayunir sa Kimberley, at puwede na akong magsimula sa susunod na buwan. Umuwi ako upang magpaalam sa pamilya. Kinailangang pigilin ko ang aking emosyon sapagkat inakala ko noon na baka hindi na kami magkita-kita uli bago mag-Armagedon! Ngunit hindi ko sinabi sa kanila na ako’y magpapayunir.

Disyembre 1, 1941 noon, sa edad na 19 anyos, nagsimula ako sa aking karerang pagpapayunir sa Kimberley. Mula roon ay sumulat ako sa aking mga magulang. Wala akong sama ng loob kay itay dahilan sa trato niya sa akin. Tumugon si inay na siya’y natutuwa na matutupad ko na ang pagnanasa ng aking puso. Oo, nakasumpong ako ng ‘kaligayahan kay Jehova’ sapagkat kaniyang ibinigay sa akin ang ‘kahilingan ng aking puso’​—ang buong-panahong ministeryo.

Pagtanggap sa Isa Pang ‘Kahilingan ng Aking Puso’

Noong 1942, sa unang pambansang asamblea sa Johannesburg na dinaluhan ko, sinagisagan ko ang pag-aalay ko sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo. Makalipas ang dalawang taon nakilala ko ang isang dalagang payunir, si Lina Muller. Kami’y naakit sa isa’t isa, ngunit nagkasundo kami na maghintay hanggang sa matapos ang malaking kapighatian bago matamang pag-isipan ang pagpapakasal.

Ang kampaniya sa miting publiko ay nagsimula noong 1945. Noon ay naglilingkod ako sa Vereeniging kasama ang dalawa pang payunir, isa sa kanila ay si Frans Muller, kapatid ni Lina. Nang unang mabalitaan namin ang bagong kampaniyang ito, naisip namin na hindi iyon para sa amin​—wala kaming karanasan bilang mga tagapagpahayag sa madla. Ngunit, kami’y pinalakas-loob ng Samahan, kaya pumili kami ng mga pahayag. Sa pagsasanay ng pagpapahayag ang pinili namin ay isang tahimik na lugar malapit sa Ilog Vaal, na kung saan mayroon kaming mga “tagapakinig”​—ang ilog! Nadama namin ang maraming pagpapala nang, makalipas ang isang buwan, sa halip na ang dumadalo ay yaong karaniwang 4 o 5 sa aming panggrupong pagpupulong, 37 ang dumalo sa unang pahayag!

Noong 1947 ay inatasan ako sa gawaing pansirkito. Nang sumunod na taon kami ni Lina ay nagpakasal. At magmula na noon, ang aking mahal na asawa ay kapiling kong gumagawa​—isang tapat na kasama. Kaya isa pang ‘kahilingan ng aking puso’ ang ibinigay sa akin.

Pagkatuto ng Mahalagang mga Leksiyon

Noong 1953 kami ni Lina ay nagkaroon ng malaking pribilehiyo na dumalo sa “Pambagong Sanlibutang Lipunan” na Asamblea sa New York, E.U.A.​—ang unang-unang pagpunta namin sa ibang bansa. Iyan ay noong isa sa mga kapatid naming Kristiyano ang sumundo sa amin sa piyer upang dalhin kami sa tahanan ng itim na pamilyang Saksi na aming tutuluyan. Natutuhan naming mahalin ang mahal na mga kapatid na ito!

Ang karanasang ito ay tumulong sa amin nang malaki nang maglaon noong naglingkod ako bilang pandistritong tagapangasiwa para sa mga itim na Saksi sa Timog Aprika, na kadalasan kami ay tinatanggap sa totoong maralitang mga tahanan, kung minsa’y nauupo kami sa sahig at noong minsan ay natulog pa kami sa sahig.

Sapol noong 1966 ako at ang aking asawa ay naglilingkod sa Bethel dito sa Timog Aprika. Palibhasa’y halos 20 taon ang ginugol ko bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, sa simula ay nahirapan akong bumagay sa buhay sa Bethel. Talagang ang hilig ko’y ang pangangaral sa labas, pagtuturo, at pagsasanay sa mga iba. Ngunit habang lumalakad ang panahon, natutuhan kong pahalagahang lubha ang paglilingkod sa Bethel. Nang sumapit ang panahon ay binigyan ako ng pribilehiyo na magtrabaho sa Service Department at kung ilang taon na ngayon na ako’y isang miyembro ng Branch Committee.

Nagugunita ko pa ngayon na noong 1942, nang ako’y nasa Kimberley pa, nabalitaan namin ang pagkamatay ng presidente ng Samahan, si J. F. Rutherford. Isang pabalita ang nagkomento: ‘Ngayon na ang lider ng mga Saksi ni Jehova ay patay na, ang organisasyon ay maluluoy at mamamatay, gaya ng isang halamang kalabasa sa ilalim ng nagbabagang araw.’ Sa halip, ang organisasyon ay patuloy na umunlad sa lumipas na mga taon​—kahit na sa nagbabagang init ng pag-uusig! At anong kahanga-hangang pag-unlad ang naganap sa Timog Aprika sapol noong maagang mga taóng iyon sa Bonnievale! Noon ay mayroong mga 1,000 Saksi sa Timog Arpika, ngayon ay mayroong mahigit na 36,000.

Pagka binubulaybulay ko ang ginawa ni Jehova at ng kaniyang organisasyon at ang kahulugan nito para sa akin sa lumipas na mga taon, buong-pusong hinihimok ko ang lahat ng aking mga kapuwa Saksi na nasa kabataan na bigyang-dako ang buong-panahong paglilingkod kung posible ito. Ito’y nagdudulot ng saganang mga kagantihan. Batid ko na kung patuloy na magpapakaligaya ako sa paggawa ng kalooban ni Jehova, kaniyang ibibigay sa akin ang kahilingan ng aking puso​—ang walang hanggang maligayang paglilingkod.

[Blurb sa pahina 9]

Nakilala namin at napamahal sa amin ang natuluyan naming pamilyang itim

[Blurb sa pahina 12]

“Nakaupo ka riyan na gaya ng isang nagkukunwaring anghel,” ang sigaw ng aking ama. “Sana nga’y natuloy ka noon at napatay!”

[Blurb sa pahina 13]

Anong ganda na ang organisasyon ay patuloy na lumago sa loob ng mga taon​—kahit na noong kainitan ng pag-uusig!

[Larawan sa pahina 10]

Si P. J. Wentzel at ang kaniyang asawang si Lina

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share