Binigyan Ako ni Jehova ng Lakas
INILAHAD NI EKUMBA OKOKA
AKO’Y isinilang sa isang “Kristiyanong” sambahayan sa isang bansa sa Sentral Aprika, at lumaki ako na taglay ang pag-ibig sa Diyos. Ang aking ama ay isang masigasig na predikador na kabilang sa lego, at malimit na ako’y kasama niya pagka siya’y nagtuturo sa simbahan o sa mga sesyon ng dasal sa pribadong mga tahanan. Yamang waring isa akong relihiyosong batang lalaki, ako’y pinili ng mga ibang predikador na lego upang umasiste sa pari sa Misa. Sinabi pa man din nila sa akin na balang araw malamang na mag-aaral ako upang maging isa ring pari.
Gayunman, sa gabi ako ay isang popular na mang-aawit at mananayaw sa isang lokal na orkestra, ang Matumba-Ngomo. Sa ganiyang kalagayan, nakasali ako ng mga kabataang lalaki at babae sa aming purok sa lahat ng uri ng imoralidad. Ngunit ako’y umaasa pa ring magkakaroon ako ng iisang asawa at balang araw ay pupunta sa langit upang makipamuhay sa “mga santo.” Wala akong nakitang pangangailangan na linisin ang aking pamumuhay sapagkat ayon sa turong Katoliko, lahat ng aking kasalanan ay pinatatawad na tuwing Sabado ng gabi sa kumpisalan.
Nagsimula ang mga Suliranin
Noong 1969, samantalang nag-aaral ako sa kolehiyo, nakadama ako ng pananakit ng aking mga kasu-kasuan. Hindi ko alam kung ano ang sanhi, ngunit nang sumunod na mga buwan, ito’y lalong lumala. Ang aking mga magulang, bagaman kilalang-kilalang mga Katoliko, ay nagpasiyang dalhin ako sa iba’t ibang mga may anting-anting, na nagsabing mayroon daw gumaway sa akin, ngunit salamat na lamang sa kanilang mga dasal at gamot, ako raw ay mapagagaling. Gayumpaman, ako’y nagsimulang makalakad nang papilay-pilay, at nang sumapit ang 1970, halos hindi na ako makalakad, kahit na may nakaalalay na baston. Sa puntong iyan, naisip ko na hindi na magtatagal at ako’y hindi na makalalakad.
Noong Pebrero 1972 ang aking ama sa wakas ay nagpasiya na dalhin ako sa ospital sa Wembo Nyama. Ako’y nanatili sa ospital nang matagal na panahon na anupa’t may-ari nito ang tawag nila sa akin! Ang mga tao’y datíng at datíng sa ospital, gumagaling, at saka lalabas na, at pagkatapos mga ilang panahon lamang ay babalik muli na may iba namang suliranin, at naroroon pa rin ako! Ang aking ama ay kinailangan na umuwi para sa pag-aani ng palay, ngunit ngayon ay may asawa na ako, at may dalawang anak, at ang aking mahal na maybahay, bagaman 21 anyos lamang, ang nag-aasikaso sa akin at humanap ng trabaho upang kaniyang matustusan ang aming mga pangangailangan.
Gayunman, ako’y nanlumong totoo dahil sa katayuan namin. Sa edad na 24 na taóng gulang, ako ay patuloy pa ring lumulubha, samantalang ang aking mga kaibigan ay bumubuti ang kabuhayan, marami sa kanila ang may mahuhusay na trabaho. Sa wari ko’y ang pinakamagaling para sa lahat ay ang ako’y magpatiwakal. Sa gayon, lahat ng aking ari-arian ay pinaghati-hati ko sa aking mga anak at sa aking mga kapatid, nang hindi ko sinasabi sa kanila kung ano ang iniisip ko. Wala akong itinira sa aking sarili kundi ang aking paboritong kamisadentro na ibig kong mapasuot sa akin pagka ako’y inilibing na.
Pasimula ng Isang Bagong Buhay
Nang magkagayo’y isa sa mga Saksi ni Jehova ang umukupa ng kama sa tabi ko. Bagaman bulag ang isa niyang mata at nanganganib na mabulag din yaong isa pa, dagling nagpatotoo siya sa akin buhat sa Bibliya tungkol kay Jehova at sa Kaharian. Makalipas ang mga ilang araw, siya’y nakalabas na sa ospital, ngunit kaniyang ipinasa ako sa pangangalaga ng mga ilang Saksi na dumalaw sa kaniya. Pagkatapos ng higit pang mga pagtatalakayan, ang mga ito ay kinailangan ding lumabas na, ngunit isa sa kanila ang nagpatuloy nang pakikipag-aral sa akin sa pamamagitan ng pagsulat. Ako’y binigyan din niya ng sarisaring lathalain sa pag-aaral ng Bibliya, na aking binasa taglay ang malaking kaluguran.
Sa ganitong paraan ako’y tumanggap ng espirituwal na pagkain, at ang aking panlulumo ay unti-unting napalitan ng kasayahan. Waring ang aking relihiyon ay walang ibinibigay sa akin kundi “asido” na inumin, ngunit ngayon ay malaya akong tumatanggap ng tubig ng buhay. Ako’y buong-pusong nagpasalamat kay Jehova sa pagpapalaya sa akin buhat sa mga pamahiin, tulad halimbawa ng Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, pagkatakot sa mga patay, at sa pagsamba sa mga ninuno.
Ngayon ay ibig ko nang lumabas sa ospital. Nang magkagayo’y nabalitaan ko na dalawang pamilya ng buong-panahong mga ministro ang idedestino sa Wembo Nyama, kaya ipinasiya kong lumagi muna roon hanggang sa sila’y dumating. Anong laking katuwaan ang nadama ko nang sa wakas ay dumating sila at nadatnan ako sa aking kama sa ospital! Ngayon ay maipagpapatuloy ko na ang aking pag-aaral ng Bibliya nang personal sa halip na sa pamamagitan ng koreo.
Makalipas ang mga ilang araw tinanong ko sila kung sila’y may mga pulong sa isang Kingdom Hall, gaya ng nabasa ko sa mga magasin. May kabaitang sinabi nila sa akin na lahat ng kanilang mga pulong ay ginaganap sa munting kubo na tirahan ng isa sa kanila. Sinabi rin nila na nalulugod silang dalhin ako roon sakay ng bisikleta! Sa kabila ng matinding kirot sa aking gulugod at sa lahat ng aking mga kasu-kasuan, may kagalakang dumalo ako sa lahat ng mga pulong. Nang makatugon ako sa mga kuwalipikasyon, nakapag-ulat din ako bawat buwan bilang isang di pa bautismadong mamamahayag, pasimula sa Abril 1974.
Makalipas ang tatlong buwan, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Ako’y nagpatotoo sa mga doktor at narses sa ospital, sa mga pasyente roon, sa mga misyonerong Protestante na dumadalaw, at sa mga miyembro ng aking pamilya—sa kabila ng desididong pananalansang nitong huling nabanggit. Sa pagkakataong ito, ako’y nagpatotoo samantalang nakahiga sa kama o nakaupo sa isang silyang de-gulong na ipinagamit sa akin ng ospital hanggang sa nakabili ako ng aking sarili.
Pakinabang ang Dulot ng Pagtitiis
Sa kabila ng pananalansang ng aking pamilya, ako’y nagpatuloy na lumakad sa daan ni Jehova at saganang pinagpala. Ang aking maybahay ay nanindigan sa panig ng katotohanan at nabautismuhan noong 1975. Kami’y nagpasiyang doon manirahan sa Katako-Kombe, na kung saan mayroon nang isang tatag na kongregasyon. Ang aking mga magulang ay nabalisa tungkol sa amin sapagkat may nagsabi sa kanila na lahat ng Saksi ay papatayin noong 1975. Nang kami’y tumangging humiwalay sa aming mga kasamahan, kanilang itinigil ang pagpapadala sa amin ng pagkain, at kami’y lubhang naghikahos sa materyal na pangangailangan. Naaalaala ko pa na minsan ang aking munting anak na lalaki ay bumulagta dahil sa gutom pagkatapos na kami’y hindi kumain nang isang araw at kalahati. Ngunit nang magkagayo’y dinalhan kami ng isda at kanin ng aming mga kapatid na Kristiyano. Nang bandang huli, tinulungan muli kami ng aking mga magulang, ngunit ang aming mga kapatid ay hindi tumigil ng pagbibigay sa amin ng materyal na tulong.
Noong Pebrero 1975 ang aking kanang bisig ay naging paralisado at nagsimulang pumayat at manghina sa araw-araw. Ngunit nagpatuloy ang aking pananampalataya at naging desidido akong magpatuloy ng paglilingkod kay Jehova nang may kagalakan. Ikinaliligaya kong sabihin na ang aking bisig nang malaunan ay lumakas muli, at naigagalaw ko pa rin hanggang sa ngayon, kung kaya’t nabubuklat ko ang aking Bibliya at nagagamit ang mga lathalain ng Samahan.
May Lakas-loob sa Harap ng mga Autoridad
Noong 1977 ang lokal na komisyonado ay umakusa sa akin sa harap ng komisyon sa rehiyon, na noon ay kaaaresto lamang sa isang special pioneer sa isang karatig na kongregasyon. Isang araw isang kawal ang dumating upang kunin ako dahil sa isang abiso. Ako’y nanalangin kasama ng aking pamilya, aking pinatibay-loob ang kongregasyon, at saka ako sumama sa kaniya. Salamat sa espiritu ni Jehova, nakapagbigay ako ng isang may tibay-loob na kasagutan sa mga bintang, at pagkatapos ng isang mahabang pakikipagtalakayan sa mga autoridad ng bayan at ng militar, ako’y pinalaya na kasama ang special pioneer.
Makalipas ang mga ilang buwan, ako’y ipinatawag ng isa pang komisyonado, at muli, sa tulong ni Jehova, naipagtanggol ko ang mabuting balita nang may kagalakan at lakas ng loob. Ako’y nakipagtalakayan nang matagal sa taong ito, at sa bandang huli, ako’y kaniyang pinalaya at siya mismo ang nagtulak ng aking silyang de-gulong palabas sa kaniyang opisina. Pagkatapos ay sinabi niya nang marahan: “Pumunta ka sa aking tahanan mamayang gabi.” Pagkaraan ng mga ilang pagdalaw, ako’y nakapagpasimula sa kaniya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Sa wakas, ako’y nagkaroon ng pitong pakikipag-aral sa Bibliya sa iba’t ibang taong may katungkulan. Karamihan sa kanila ay dumalo sa mga pulong ng kongregasyon na inorganisa sa aming pook.
Pantanging Paglilingkod
Hiniling ko kay Jehova na tulungan ako, sa kabila ng aking sakit, na ganapin ang aking panata na maglingkod sa kaniya nang aking buong-lakas. Bagaman hindi ako opisyal na nakatala, sinikap kong makatugon sa mga kahilingan sa isang auxiliary pioneer. Si Jehova ang tumulong sa akin na magtagumpay, kaya sinulatan ko ang isang aplikasyon para sa paglilingkurang ito sa mga buwan ng Hunyo hanggang Oktubre. Nang magkagayon tinanggap ng Samahan ang aking aplikasyon na maging isang regular pioneer, at ako’y nagsimula sa paglilingkurang ito noong Nobyembre 1976. Noong Setyembre 1977 naging lubos ang aking kagalakan nang tumanggap ako ng isang atas bilang isang special pioneer sa kongregasyon sa Katako-Kombe.
Papaano ko naisagawa ito? Ang teritoryo ay ginagawa ko samantalang ako’y nakaupo sa aking silyang de-gulong at tinutulungan ng aking mahal na maybahay at mga kapatid sa kongregasyon. Kung minsan ako’y lumalabas nang mag-isa na nakasaklay. Minsan o makalawang natutumba ako. Basta naghihintay lamang ako, nakapirmi nang pagkaupo sa lupa, hanggang sa dumating ang isang nagdaraan at tinutulungan akong tumayo at ibinibigay sa akin ang aking mga saklay. Laging tinatandaan ko ang pagkadesidido ng mga apostol at ng mga alagad ni Jesus. (Gawa 14:21, 22; Hebreo 10:35-39) Tuwing matutumba ako, idinadalangin ko na huwag sanang tulutan ni Jehova na manghina ang aking loob kundi, bagkus, bigyan ako ng lakas na magpatuloy ng paglilingkod sa kaniya. Sa tuwina’y isinasaisip ko ang kahanga-hangang pangakong nakasulat sa hula ni Isaias, na “lulukso ang pilay na parang usa.”—Isaias 35:6.
Mientras pinasusulong ko ang aking paglilingkod, lalo ko namang nadadaig ang aking kapansanan sa katawan. Noong 1978 nagkaroon ako ng pribilehiyo na mag-aral sa Kingdom Ministry School sa Lubumbashi, anupa’t nakapaglakbay ako ng sa kabuuan ay 2,000 kilometro sakay ng trak, bangka, at tren. Tunay, para sa ganitong paglalakbay pinangyari ni Jehova na maging lubos ang aking lakas. (Isaias 12:2; 40:29) Ngayon ay nakalalakad pa nga ako—mahirap nga lamang—hanggang sa 100 metro na walang tulong ng saklay. Kumbinsido ako na dininig ni Jehova ang aking panalangin noon pa mang 1973 upang bigyan ako ng lakas na maglingkod sa kaniya nang may determinasyon.
Bagong Atas
Noong 1984, makalipas ang pitong taon sa kongregasyon sa Katako-Kombe, ako’y tumanggap ng isang bagong atas na gumawa kasama ng kongregasyon sa Lodja-Centre. Makalipas ang isang taon kami’y nagsimula ng isang bagong pag-aaral sa aklat sa may layong 12 kilometro, at hindi nagtagal kami ay nagsimula ng isa pa na may layong 30 kilometro sa isang iyan. Ang huling ito ay hindi nagluwat at kinilala bilang isang nakabukod na grupo at noong 1988 ay tinanggap bilang isang kongregasyon, na kung saan naglilingkod ako ngayon bilang isang matanda.
Ang pagpapayunir ay nakabuting mainam sa akin, kapuwa sa espirituwal at sa pangangatawan ko. Samantalang ako’y nasa paglilingkuran na ginagamit ko ang aking mga saklay, nagawa kong makapag-ehersisyo na gaya ng inirekomenda ng mga doktor. Ako’y mas malakas ngayon kaysa nang magsimula akong magpayunir, at hinahangad kong makapagpatuloy sa gawaing ito hanggang sa wakas. Ako’y nananabik makita kung papaano ako tutulungan ni Jehova na ‘lumukso na parang usa’ sa panahon na hindi na ako magtitiis ng matinding kirot ng karamdamang ito.
Buong-puso, pinasasalamatan ko ang ating makalangit na Ama, na nagbigay sa akin ng lakas, tibay ng loob, at ng buong-panahong paglilingkod. Ako ngayon ay 36 na taóng gulang na, at pagkatapos ng 11 taon sa pagpapayunir, inaasahan kong makapagpapatuloy ako, anuman ang mangyari sa hinaharap. Ako’y desidido na gamitin ang lahat ng aking taglay na lakas sa pagpaparangal at pagpuri sa dakilang Diyos na si Jehova.
[Larawan ni Ekumba Okoka sa pahina 26]