Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
INILAHAD NI SHARON GASKINS
PARAISO sa lupa! Nakinikinita ko ang aking sarili na palundag-lundag sa malawak na parang, humahagad ng mga paruparo, nakikipaglarô sa mga batang leon. Napakagandang pakinggan! Ngunit may mga pagdududa. Anong dalas na ang aking pag-asa ay natapos sa pagpanaw ng pag-asa!
Sapagkat hanggang sa natatandaan ko, ang silyang de gulong ang laging kapiling ko. Mula nang ako’y isilang, ang cerebral palsy ang nagnakaw ng kagalakan ko sapol na sa pagkabata. Ang ibang mga bata ay nangaglalaro na naka-skates at namimisikleta, ngunit ako’y nakaupo lamang mag-isa, hindi man lamang makalakad. Kaya nang ako’y dalhin ni Inay sa sunud-sunod na mga manggagamot na gumagamot sa pamamagitan ng pananampalataya, kami’y taimtim na umaasa sa isang himala. Datapuwat, ulit at ulit na kami’y umuuwi na ako’y hindi napagagaling. Nakapanghihina ng loob para sa akin ngunit nakasisira naman ng loob para sa kaniya!
Sa pagnanasa para sa isang tunay na pag-asa, ang aking ina ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong may pasimula ng 1964. Noon ay mga anim at kalahating taon ang edad ko.
Kagila-gilalas na malaman na nagkaroon pala ng isang magandang paraiso sa lupang ito. Nakalulungkot naman, ang unang tao, si Adan, ang nagwala niyaon, ngunit hinangad ko ang malapít na kaugnayan sa Diyos gaya ng tinatamasa niya noong una. Ano kaya ang katulad ng pagkakaroon ng isang kaugnayan sa Diyos? O ang mabuhay nang ang kaniyang sariling Anak ay narito sa lupa? Ang aking mga pangangarap nang gising ang nagdala rin sa akin sa hinaharap na Paraiso. Kahit na sa maagang edad na iyan, maliwanag na sa akin na nasumpungan na nga namin ang katotohanan.
Sinimulan ni Inay na isama ang pamilya sa Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses. Ang kanilang mga pulong ay ibang-iba sa nasaksihan namin sa mga simbahan! Ang mga tao at ang mga palibot ang lubhang nakapukaw sa akin.
Naging mahirap para sa aking ina na ipagsama kami sa Kingdom Hall. Kasama namin ang tatlo pang nakababatang kapatid, at kami ay walang kotse. Kami’y nagtataksi pagka may pera siya na ibabayad doon. Nagugunita ko pa ang hirap na kaniyang inagwanta isang araw ng Linggo. Walang taksing masakyan. Biglang-bigla, sa di-inaasahan, isang trak ang huminto at kami’y pinasakay ng may-ari. Kami’y nahuli sa pulong, pero naroon kami. Anong laki ng aming pasasalamat kay Jehova!
Hindi nagtagal at ang aming mahal na mga kapatid sa espirituwal na may mga kotse ay maibiging isinasakay kami. Ito’y tunay na pag-ibig Kristiyano. Ang pampatibay-loob ni Inay na huwag papalyahan ang pagdalo sa mga pulong maliban sa kung kami ay talagang may sakit ang nagkintal sa aking murang kaisipan ng kahalagahan ng ‘pagtitipon naming sama-sama.’ (Hebreo 10:24, 25) Palibhasa’y pinakilos ng kaniyang natutuhan, ang aking ina ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan noong 1965.
Noon ay sapat na ang edad ko upang higit na pahalagahan ang mga pulong. Sa Cypress Hills Congregation sa Brooklyn, New York, ay may mga Europeo, Itim, Hispanic, at iba pang mga kasamang sumasamba. Wari ngang tamang-tama na ang may takot sa Diyos na mga tao ay mamuhay sa ganitong tunay na kapatiran.—Awit 133:1.
Tinuruan ako ng aking ina kung papaano maghahanda para sa mga pulong. Ito ay hindi suliranin ng kaisipan, kundi ng pangangatawan. Ang simpleng mga trabaho ay pinabibigat ng cerebral palsy upang maging malalaking proyekto. Dati, at hanggang ngayon, ay imposible para sa akin na magsalungguhit ng mga sagot sa ating literatura sa Bibliya. Subalit, sa kapapraktis ay napasulong nang kaunti ang aking pagsasalungguhit.
Sa aking isip ay naroroon ang maraming bagay na nais kong sabihin. Subalit sa sandaling ako’y nagsasalita na, ang mga salita ay nagkakahalu-halo. Kailangan ang pagpapahingalay upang huwag maging maigting ang aking mga kalamnan. Kailangan din ang pagtututok ng pansin sa pagbigkas ng bawat salita nang pinakamalinaw hangga’t maaari. Ako’y nakadarama ng kabiguan kung ang komento ay hindi ko naipahayag nang gaya ng nararapat o pagka batid ko na hindi naintindihan ng mga tao ang aking salita. Ngunit, nang ako’y kanilang makilala, ang mga kapatid sa kongregasyon ay lalong madaling makaunawa ng aking sinasabi. Gayunman, nagkakaroon pa rin ako ng mabubuting araw at masasamang araw kung tungkol sa suliraning ito.
Anim na Buwan ng Pagkabalisa
Sa edad na walong taon, ako’y nagkaroon ng anim-na-buwan na karanasan na nakaapekto sa akin hanggang sa araw na ito. Sa kabila ng lahat ng paraan ng paggamot, pisikal, occupational, at tulong sa pagsasalita na sinubok na sa akin, ako’y ipinadala ng mga doktor sa isang rehabilitation hospital sa West Haverstraw, New York. Kami ng aking ina ay kapuwa nagdalamhati. Mga ilang taon bago noon, nang mali ang pagkarekunusi sa akin ng mga doktor na ang sabi ay may kapansanan ako sa isip, kaniyang sinabi sa kanila na kailanman ay hindi niya ako ilalagay sa isang pagamutan ng mga may kapansanan sa isip. Kaya kahit na ang isang pansamantalang paghihiwalay ay mahirap para sa kaniya. Subalit, nakita niya na ang aking pamumuhay nang normal at hindi dumidipende sa kaniya at sa aking ama ay nangangahulugan ng pagiging malakas ang katawan hangga’t maaari.
Ang ospital na iyon ay mainam naman, ngunit nadama kong ako’y pinabayaan. Pagka ako’y sinusumpong ng pag-iyak at ng pag-aalboroto, nahahayag ang aking damdamin tungkol sa lugar na iyon. Ang aking mga magulang ay bihirang makapagsagawa ng tatlong oras ng pagbibiyahe sa bus upang dumalaw sa akin, lalo na sapol nang si Inay ay magbuntis ng kaniyang ikalimang anak. Pagka sila’y paalis na, ganiyan na lamang ang aking pamimighati kung kaya sinabi ng doktor na kailangang bawasan ang mga pagdalaw. Ako’y pinayagang umuwi nang makalawa lamang.
Tinuruan ako ng mga therapist kung papaano lalakad sa tulong ng mga suhay at ng mga saklay na pinabigat ng tingga. Waring napakabigat nito. Gayunman, ang bigat ay nakatulong upang ako’y manatiling may balanse at hindi ako matumba. Ito ang unang hakbang sa paglakad nang mag-isa na walang mga suhay.
Ang paghiwa ng pagkain, pagkakabit ng butones—anumang trabahong nangangailangan na gamitin ang daliri—ay mahirap para sa akin kung hindi man imposible. Subalit sa papaano man natututo ako kung papaano kakain at daramtan ang aking sarili. Nang bandang huli ay natulungan ako nito sa paglilingkuran sa Diyos.
Pagkatapos ng pagsasanay sa akin, ako’y umuwi na muli. Pinagtrabaho ako ng aking ina sa tulong ng aking mga bagong pinagsanayan. Ang paggawa ng gayon ay isang pakikipagbaka sa damdamin, sapagkat bagaman ibig kong gumawa ng mga bagay para sa aking sarili, ang pagsasagawa ng mga iyon ay nagdudulot ng kabiguan, pampaubos-panahon, at nakahahapo. Aba, kahit na lamang ang pagbibihis ko para dumalo sa mga pulong ay isang proyektong tumatagal ng dalawang oras!
Nang kami’y lumipat sa tapat ng Kingdom Hall, nakaya ko na lumakad na mag-isa. Hindi nga biru-birong tagumpay iyon!
Ang Pinakamaligayang Araw ng Aking Buhay
Tiniyak ng aking ina na ang pamilya ay may timbang na pagkaing espirituwal. Ako’y inaralan niya at inasahan niyang babasahin ko ang bawat labas ng ating mga magasin, Ang Bantayan at Gumising! May mga pulong na kailangang paghandaan at daluhan. Bagaman ang aking isip at puso ay buong kasabikang tumanggap sa kaalamang ito, ang seryosong pag-iisip ng pag-aalay ng aking buhay kay Jehova at pagpapabautismo sa tubig bilang sagisag nito ay hindi ko pa napag-iisipan. Tinulungan ako ni Inay na makitang sa kabila ng aking kapansanan, itinuring ng Diyos na ako ang may pananagutan sa aking espirituwalidad. Hindi ko maaasahang makapapasok ako sa bagong sanlibutan na sa kaniya umaasa, na lubusang dumidipende sa kaniya.
Iniibig ko ang Diyos, subalit dahil sa aking kalagayan ako ay naiiba sa marami—masaklap na pag-isipan nga ng isang tin-edyer. Mahirap tanggapin ang aking mga limitasyon. Malimit na ako’y nadaraig ng galit, at ito’y kailangang masupil bago pabautismo. (Galacia 5:19, 20) At ano kung hindi ako makatupad ng aking pag-aalay kay Jehova?
Sa kahilingan ng aking ina, kinausap ako ng isang matanda sa kongregasyon. Kaniyang sinipi ang tanong ni propeta Elias sa mga Israelita: “Hanggang kailan kayo magsasalawahan sa dalawang magkaibang opinyon?” (1 Hari 18:21) Maliwanag, si Jehova ay hindi nalulugod sa aking pag-aalinlangan na magpasiya.
Ako’y nagising sa espirituwal at taimtim na nanalangin na tulungan ako ni Jehova at makapagpasiya ako na ialay sa kaniya ang aking buhay. Ako’y inaralan ng isang sister sa kongregasyon. Siya’y mas bata kaysa sa akin at maagang naulila sa ina. Gayunpaman, nag-alay siya sa Diyos samantalang nasa kabataan pa.
Sa edad na 17, buo na ang aking isip. Ibig kong maglingkod kay Jehova sa pinakamagaling na magagawa ko. Ang Agosto 9, 1974—nang ako’y mabautismuhan—ang pinakamaligayang araw ng aking buhay.
Kagalakan sa Ministeryo
Ang pakikibahagi sa ministeryo ay nagharap ng ilang gabundok na balakid. Ang pinakamalaking hamon ay ang maunawaan ako sa aking pagsasalita. Ako’y nagsasalita sa pinakamalinaw na paraang maaari. Pagkatapos, kailanma’t kinakailangan, uulitin ng aking kasama sa ministeryo sa larangan ang aking mga sinabi sa maybahay. Ang ilan ay negatibo ang tugon, at itinuring nila ako na biktima ng pagsasamantala ng mga Saksi. Subalit ang pangangaral ay karapatan ko at aking taos-pusong pagnanasa.
Ang pagbabahay-bahay kahit na sa isang bloke lamang ay nakahahapo. Maraming bahay sa aming teritoryong pinangangaralan ang may hagdan, na hindi ko kayang akyatin. Kung taglamig, dahil sa mga kalyeng natatabunan ng yelo, halos imposibleng ako’y makapagbahay-bahay. (Gawa 20:20) Gayunman, malaki ang naitulong ng espirituwal na mga kapatid, at ngayon pinagkalooban ako ni Jehova ng isang de motor na silyang de gulong, anupat naging mas madali ang ministeryo.
Di-nagtagal ako’y nagsimulang magpatotoo sa pamamagitan ng koreo. Ang pagsulat ng liham ay hindi maaari dahilan sa ang aking sulat-kamay ay hindi mabasa ng karamihan ng tao. Kaya ang makinilyang de koryente ang naging aking panulat. Ang pagmamakinilya ko ay mabagal na mabagal dahilan sa may diperensiya ang aking kamay. Sa halos kalahati ng panahon, ang pinupuntirya ko ay isang letra sa makinilya at iba naman ang tinatamaan ng aking daliri. Baka gumugugol ako ng isang oras o higit pa upang makapagmakinilya ng kahit isang pahina.
Sa kabila ng kakulangan ng lakas, manaka-naka ako’y naglilingkod bilang isang auxiliary pioneer, gumugugol ng 60 oras o higit pa sa ministeryo sa isang buwan. Ito’y nangangailangan ng isang mabuting iskedyul, karagdagang pagsisikap, at pagsuporta ng mga kapananampalataya. Ang kanilang espiritu ng pagpapayunir ang nagpapalakas sa akin. Si Inay ay nagpakita rin ng isang mainam na halimbawa sa paglilingkod bilang isang regular o isang auxiliary pioneer samantalang napapaharap sa mga kahirapan, pagkamasakitin, at sa hamon na pagpapalaki ng pitong anak sa isang sambahayang baha-bahagi dahil sa relihiyon.
Nakatayo Ako sa Aking Sarili
Sa edad na 24, ipinasiya ko na kumilos sa ganang sarili. Ang paglipat ko sa Brooklyn sa bahagi ng Bensonhurst ay naging isang pagpapala. Ang Marlboro Congregation ay mistulang isang pamilyang malapít sa isa’t isa. Nakapagpapatibay ng pananampalataya ang makabilang sa kanila! Kahit na may dalawa o tatlong kotse lamang na ginagamit sa kongregasyon, sa lahat ng pulong ay sinusundo ako ng mga kapatid sa espirituwal. Subalit hindi ako tumira roon nang matagal.
Sa pagkadama na ako ay bigo, bumalik ako sa aking pamilya at nakaranas ng tatlong taon ng matinding panlulumo. Paulit-ulit na ako ay nahulog sa mga silakbo ng galit. Nang magkagayo’y naisip ko ang magpatiwakal at ang ilang pagtatangka na isakatuparan ito. Ang kamatayan ay lagi na lamang nakaantabay na mistulang isang maitim na ulap. Subalit ako’y sumandig sa Diyos at nangakong pahahalagahan ko ang kaniyang regalong buhay. Pang-aliw at payo ang nanggaling sa matatanda. Ito, kasama na ang panalangin, personal na pag-aaral, pagtitiyaga ng aking pamilya, at kaunting tulong ng mga manggagamot, ang nagpatino ng aking kaisipan.
Sa pamamagitan ng Ang Bantayan, si Jehova ay malumanay na naglaan ng matalinong unawa sa matinding panlulumo. Oo, siya’y may malasakit sa kaniyang bayan at nauunawaan ang ating damdamin. (1 Pedro 5:6, 7) Sumapit ang panahon na nawala ang matinding panlulumo. Makalipas ang sampung taon, tinutulungan pa rin ako ni Jehova na mapagtiisan ang pagkabigo at panlulumo. Kung minsan, ang pagkadama na ako’y walang silbi ang dumaraig sa akin. Gayunman, ang panalangin, pag-aaral ng Bibliya, at ang aking espirituwal na pamilya ang tumutulong sa akin na mapagtagumpayan ang mga suliraning ito.
Pagkatapos ng isang bigong paghahanap ng isa pang apartment, may kabigatan ang loob na ipinasiya kong makipisan sa aking pamilya sa nalalabi pang bahagi ng aking buhay. Nang magkagayo’y sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin. Nagkaroon ng isang lugar na makukuha sa Brooklyn sa bahagi nito na Bedford-Stuyvesant. Nang katapusan ng tag-araw ng 1984, ako’y lumipat doon, at hanggang ngayon ay naroon pa ako.
Ang mga kabilang sa lubhang mapagmahal na Lafayette Congregation ay may kabaitang isinama ako sa kanilang sasakyan sa pagtungo sa mga pulong. Sariwa pa sa aking isip ang unang Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon na dinaluhan ko. Ito’y ginanap sa ikaapat na palapag—at walang elebeytor! Sa tulong lamang ni Jehova kung kaya ako nakapanhik at nakapanaog sa mga hagdan doon. At dumating ang panahon na nakapaglaan ng isang lalong madaling marating na lugar. At ngayon, ako’y pinagpala ni Jehova ng pribilehiyong magkaroon sa tahanan ko ng isang Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon.
Isang napakainam na espiritu ng pagpapayunir ang nangingibabaw sa kongregasyong ito. Nang ako’y dumating doon, may mga 30 payunir, at kinupkop ako ng ilan sa kanila sa pagbibigay sa akin ng natatanging pangangalaga at atensiyon. Ang espiritu ng pagkamasigasig ang gumanyak sa akin na maging isang auxiliary pioneer nang lalong malimit.
Noong Abril 1990 ang Lafayette at ang Pratt Congregation ay nagtayo ng isang bagong Kingdom Hall doon mismo sa kalyeng kinaroroonan ng aking apartment. Iyon ay nangyari sa panahong kinakailangan, sapagkat sa patuloy na pag-urong ng aking kalusugan, naging isang suliranin na naman ang paglalakad. Subalit, sa tulong ng aking scooter na de motor at ng espirituwal na mga kapatid na umaalalay sa akin, nakatutuwa ang paglalakbay papunta at pauwi sa mga pulong. Anong laki ng aking pagpapahalaga sa gayong mapagmahal na tulong!
Napasasalamat sa Pag-alalay ng Diyos
Bagaman ang aking mga paa ay walang katatagan, matatag naman ang aking puso. Ang isang mainam na edukasyon ay tumutulong upang maging lalong maginhawa ang buhay, subalit ang Diyos ang umalalay sa akin. Kung minsan hindi ko alam kung saan manggagaling ang aking pagkain sa araw-araw, subalit ako’y inalalayan ni Jehova at siya’y naging isang tapat na Tagapaglaan. Mahalaga nga sa akin ang mga salita ni David: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.”—Awit 37:23-25.
Maraming ulit na ako’y tinulungan ni Jehova na manatili sa paninindigang maka-Kasulatan sa pamamagitan ng pagtulong sa akin sa pagtangging pasalin ng dugo sa oras ng operasyon. (Gawa 15:28, 29) Kamakailan, namatay ang aking ama. Ang maulila sa isang may napakalapit na kaugnayan sa iyo ay tunay na lubhang nakahahapis. Tanging ang lakas na nagmumula kay Jehova ang tumulong sa akin upang mapagtagumpayan ito at ang iba pang mga pagsubok.
Ang aking sakit ay maaaring patuloy na lumalâ, ngunit ang aking pagtitiwala sa Diyos at ang aking kaugnayan sa kaniya ang magbibigay sa akin ng ikabubuhay. Anong ligaya ko at ako’y kabilang sa bayan ni Jehova at patuloy na inaalalayan niya!