Maligaya Ako Kahit May Kapansanan
Ayon sa salaysay ni Paulette Gaspar
Bagaman mga tatlong kilo ang timbang ko nang ipanganak ako, alam ng doktor na may diperensiya ako. Nang ipanganak ako, nabali ang aking mga buto. Mayroon pala akong sakit na tinatawag na “osteogenesis imperfecta,” o malulutong daw ang buto ko. Agad akong inoperahan, pero hindi na umaasa ang mga doktor na mabubuhay ako. Inaasahan nilang mamamatay ako sa loob ng 24 na oras.
IPINANGANAK ako sa Canberra, ang kabisera ng Australia, noong Hunyo 14, 1972. Sa kabila ng inaasahan nila, nabuhay ako. Pero nagkaroon naman ako ng pulmonya. Dahil iniisip nilang mamamatay naman ako, hindi na ako binigyan ng gamot ng mga doktor. Magkagayon man, nabuhay ako.
Nakikini-kinita ko kung gaano kahirap para sa aking mga magulang ang mga panahong iyon. Dahil maliit ang tsansang mabuhay ako, sinabihan ang aking mga magulang ng mapagmalasakit na mga kawani sa ospital na huwag silang masyadong maging magiliw sa akin. Sa katunayan, sa unang tatlong buwan ko sa ospital, hindi man lamang pinayagan ang mga magulang ko na hawakan ako. Napakalaki kasi ng posibilidad na mapinsala ako. Nang makita ng mga doktor na mabubuhay ako, iminungkahi nila sa aking mga magulang na dalhin ako sa institusyon para sa mga batang may kapansanan.
Gayunman, ipinasiya ng mga magulang ko na iuwi ako sa bahay. Kasisimula pa lamang noon ni Inay na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kaniyang natutuhan, lalo niyang nadamang kailangan niya akong alagaan. Pero tiyak na napakahirap para sa kaniya na mapalapít sa akin, yamang kinailangan ang kaniyang buong lakas at pasensiya sa pag-aalaga sa akin. Malimit akong dalhin sa ospital. Paliliguan lamang ako ay nababali na ang mga buto ko. Babahin lamang ako, may nababali nang buto.
Nadepres Ako
Habang lumalaki ako, kakambal ko na ang silyang de-gulong. Imposibleng makalakad pa ako. Sa kabila nito, alagang-alaga ako ng aking mga magulang.
Ginawa ni Inay ang lahat para turuan ako tungkol sa nakaaaliw na mensahe ng Bibliya. Halimbawa, itinuro niya sa akin na sa hinaharap, gagawin ng Diyos na paraiso ang lupa kung saan magiging sakdal sa espirituwal, mental, at pisikal ang lahat ng tao. (Awit 37:10, 11; Isaias 33:24) Pero inamin ni Inay na imposibleng maging maginhawa ang buhay ko hangga’t hindi pa dumarating ang panahong iyon.
Noong una, pumasok ako sa paaralan para sa mga may kapansanan. Hindi ako pinabigatan ng aking mga guro sa pagtatakda ng mga tunguhin para sa akin, kaya wala akong naging tunguhin. Sa katunayan, pag-aaral pa lamang ay hirap na hirap na ako. Maraming bata roon ang salbahe sa akin. Nang maglaon, nag-aral ako sa paaralan para sa mga batang walang kapansanan. Napakahirap para sa akin ang makihalubilo sa iba. Gayunpaman, desidido akong tapusin ang aking 12 taon ng pag-aaral.
Noong haiskul ako, naisip kong waring walang kapag-a-pag-asa ang buhay ng mga kaeskuwela ko. Inisip ko rin ang mga itinuro sa akin ni Inay mula sa Bibliya. Alam kong ang mga sinabi niya ang katotohanan. Pero hindi tumagos sa puso ko ang mga turo ng Bibliya nang panahong iyon. Kaya may panahong nagpakasaya lamang ako nang hindi iniisip ang bukas.
Nang 18 anyos na ako, lumipat ako ng bahay kasama ng ibang may kapansanan. Magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman ko noon. Napakasarap na maging malaya at laging makasama ang mga kaibigan. Nag-asawa ang marami sa mga kaibigan ko. Gusto ko ring makapag-asawa at may magmahal sa akin. Pero dahil sa kapansanan ko, imposibleng makapag-asawa ako. Ikinalungkot ko ito.
Gayunman, hindi ko kailanman sinisi ang Diyos sa aking kalagayan. Marami na akong natutuhan tungkol sa Diyos at alam kong hindi siya kailanman gagawa ng anumang bagay na di-makatarungan. (Job 34:10) Sinikap kong tanggapin ang kalagayan ko. Pero labis pa rin akong nadepres.
Unti-unting Sumaya ang Buhay Ko
Mabuti na lamang at alam ni Inay ang nangyayari sa akin kaya nakipag-ugnayan siya sa isa sa mga elder ng kongregasyon na nakatirang malapit sa akin. Tinawagan ako ng elder sa telepono at inanyayahan akong dumalo sa mga pagpupulong Kristiyano sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar. At isang sister sa kongregasyon ang nakipag-aral ng Bibliya sa akin linggu-linggo.
Dahil naipaalaala sa akin ang mga katotohanan sa Bibliya na itinuro sa akin ni Inay noon, naging positibo ang pananaw ko sa buhay. Nasiyahan ako sa pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano. Pero sinasarili ko ang aking nadarama kasi ayaw kong masaktan. Sa palagay ko, ito ang dahilan kung bakit hindi lumalim ang pag-ibig ko sa Diyos. Magkagayunman, alam kong dapat kong ialay ang aking buhay sa kaniya. Kaya noong Disyembre 1991, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay.
Umalis ako sa tinitirhan kong bahay at mag-isang tumira sa isang apartment. Nakatulong ito sa akin pero may mga problema rin. Halimbawa, napakalungkot ko kasi nag-iisa lang ako. Natatakot din ako na baka may manloob sa akin. Nadepres na naman ako. Bagaman kung titingnan ay masaya ako, sa totoo lang, kailangang-kailangan ko ng isang matalik na kaibigan.
Nadama kong binigyan ako ng Diyos na Jehova ng gayong kaibigan. Isinaayos ng mga elder sa aming kongregasyon na ipagpatuloy ni Suzie, isang may-asawang sister, ang pakikipag-aral ng Bibliya sa akin. Hindi lamang siya nagturo sa akin ng Bibliya, naging matalik na kaibigan ko rin siya. Mahal na mahal ko siya.
Sinanay ako ni Suzie na ibahagi sa iba—sa bahay-bahay at sa di-pormal na paraan—ang mga natutuhan ko. Lalo kong napahalagahan ang mga katangian ng Diyos. Pero kahit bautisado na ako, hindi pa rin gayon kalalim ang pag-ibig ko sa Diyos. Minsan, naisip ko pa ngang huminto na sa paglilingkod sa kaniya. Sinabi ko ito kay Suzie, at tinulungan niya ako.
Tinulungan din ako ni Suzie na maunawaang kaya hindi ako maligaya, kasi nakikisama ako sa ilan na walang matinding pag-ibig kay Jehova. Kaya nakipagkaibigan ako sa mga kapatid na may-gulang sa espirituwal—lalo na sa mga may-edad na. Naging malapít akong muli kay Inay at kay Kuya. Noon lamang ako naging ganoon kasaya. Ang mga kapatid sa kongregasyon, ang aking pamilya at, higit sa lahat, si Jehova ang nagpapasaya at nagpapalakas sa akin.—Awit 28:7.
Isang Bagong Gawain
Pagkatapos kong mapakinggan sa isang kombensiyon ang pahayag na nagtatampok ng mga kagalakang nararanasan ng marami sa buong-panahong ministeryong Kristiyano, naisip ko, ‘Magagawa ko rin iyon!’ Sabihin pa, naisip ko na magiging napakahirap nito para sa akin. Ngunit pagkatapos ipanalangin ang bagay na ito, nagsumite ako ng aplikasyon para maging isang buong-panahong tagapagturo ng Bibliya, at nagsimula ako noong Abril 1998.
Paano ako nakakapangaral sa kalagayan kong ito? Hindi ako palaasa sa iba dahil ayaw kong maging pabigat, gaya sa transportasyon at iba pang tulong. Kaya iminungkahi ni Suzie at ng asawa niyang si Michael na bumili ako ng motor. Pero paano ako makasasakay sa isang motor? Gaya ng nasa larawan, pasadya ang motor ko. Kaya hindi ko na kailangang umalis pa sa aking silyang de-gulong para sumakay rito.
Dahil dito, nadadalaw ko ang mga tao at natuturuan ko sila sa Bibliya sa oras na kumbinyente sa kanila at sa akin. Gustung-gusto kong sumakay sa aking motor at madama ang dampi ng hangin sa aking mukha—isang simpleng bagay na nakapagpapasaya sa buhay!
Nasisiyahan akong makipag-usap sa mga tao sa lansangan, na karamihan ay magalang sa akin. Nalulugod akong tulungan ang iba na matuto tungkol sa Bibliya. Tuwang-tuwa ako kapag naaalaala ko noong minsang nagbahay-bahay ako kasama ng isang matangkad na brother. Binati niya ang may-bahay, na nakatitig lamang sa akin at tinanong sa aking kasama kung nakapagsasalita ba ako. Natawa kaming dalawa. Nang makapangaral ako sa kaniya, natiyak ng babae na talaga ngang nakapagsasalita ako!
Nasisiyahan ako ngayon sa aking buhay at natutuhan kong mahalin ang Diyos na Jehova. Ang laki ng pasasalamat ko kay Inay dahil itinuro niya sa akin ang mga katotohanan sa Bibliya, at umaasa ako sa hinaharap kapag ‘gagawing bago ng Diyos ang lahat ng bagay,’ pati na ang aking maliit na katawan.—Apocalipsis 21:4, 5.
[Blurb sa pahina 30]
“Sinikap kong tanggapin ang kalagayan ko. Pero labis pa rin akong nadepres”