Sinikap Kong Baguhin ang Daigdig
AKO’Y isinilang sa New Orleans, Louisiana, noong Hunyo 1954. Ako ang ika-5 anak sa 11 mga anak. Ang aking mga magulang ay mga debotadong Katoliko kung kaya kami ay pinag-aral sa paaralan ng parokya. Ako’y isang sakristan sa simbahan, nagigising nang maaga upang magtungo sa Misa, at mula sa murang gulang ay hinangad kong maging isang paring Katoliko at maglingkod sa Diyos at sa tao. Kaya noong ako’y magtapos sa ikawalong grado, pumasok ako sa St. Augustine’s Divine Word Seminary sa Bay St. Louis, Mississippi.
Nang ako’y naroon na, natuklasan ko na ang mga pari ay hindi kasimbanal na gaya ng akala ko. Nasaksihan ko ang pagsisinungaling, paglapastangan, at paglalasing. Isang pari ang nagkaroon ng homoseksuwal na interes. Ang isa naman ay madalas na dinadalaw ng pamangking ng isang pari, at nang maglaon ang babae ay nabuntis niya. Ang solusyon diyan ay ang pagkalipat ng pari sa ibang relihiyosong institusyon. Nagbago ang aking palagay, at ang aking ambisyon na maging isang pari ay naglaho, subalit ang aking pagnanais na maglingkod sa Diyos ay nanatili.
Ako’y nanirahan sa seminaryo at sumamba roon, subalit ako’y nag-aaral sa isang mataas na paraalan na karamihan ng mag-aaral ay mga puti. Naranasan ko roon ang pagtatangi dahil sa lahi. Hindi naman sa hindi pa ako naging biktima noon dahil sa lahi sa marami nitong anyo, lalo na ang laging-naroroong tagapagpaalaala ng aking “nakabababang kalagayan,” ang mga karatula sa mga paunten ng tubig at sa mga palikuran na nagsasabing “Puti Lamang” at “Itim Lamang” at ang mga insultong panlahi na nakasulat sa mga gusali gaya ng, “Walang ipinahihintulot na mga negro.”
Datapuwat sa high school, ito ay sa mas personal na antas. Ang nakasisirang-puring pagbabansag, ang walang katapusang pagbibiro tungkol sa lahi, ang paboritismong ipinakikita sa mga estudyanteng puti, ang pagtatangi laban sa mga itim—ginawa ako nitong mapait. Inaakala ng ilang maliit na bilang ng mga estudyanteng itim na kailangang magdala ng mga patalim o labaha, sakali man. Napasangkot ako sa aktibistang mga usapin, gaya ng pangunguna sa mga boykoteo.
‘Paano Ito Magagawa ng Tao sa Tao?’
Sa aking ika-11 taon sa high school, binasa ko ang The Autobiography of Malcolm X. Buhos na buhos ang isip ko sa aklat na iyon. Sa gabi, pagkatapos patayin ang mga ilaw, dinala ko ang aklat sa higaan at taglay ang isang plaslait binasa ko ito sa ilalim ng kumot. Binasa ko rin ang mga aklat tungkol sa pangangalakal ng mga aliping Aprikano. May mga aklat ako na may mga krokis na inilalarawan ang mga barko na sinakyan ng mga alipin, ipinakikita kung paanong ang mga itim ay siksikan na parang sardinas; kapag namatay ang isa sa kanila, basta siya inihahagis sa dagat upang kainin ng mga pating na sumusunod sa mga barkong iyon. Ang gayong mga bagay ay natanim sa aking isip. Natutulog sa gabi, nakikita ko ang mga bagay na iyon na nangyayari sa mga tao at ako’y nag-isip, ‘Paano ito magagawa ng tao sa tao?’ Nagkaroon ako ng pagkapoot sa mga taong puti.
Nang ako’y nasa kolehiyo at dumating sa campus ang Black Panthers, ako’y handa na para sa kanila. Naniniwala sila na ang kapangyarihan ay dumating mula sa kanyon ng baril at na kailangang magkaroon ng pagbububo ng dugo sa Amerika sa pagitan ng mga lahi. Gayundin ang aking palagay. Nais nilang makisama ako sa kanilang ranggo, subalit hindi ako sumama. Ibinenta ko ang kanilang pahayagang Black Panther, nakipagdroga ako sa kanila, subalit hindi ko matanggap ang kanilang paniniwalang ateismo. Naniniwala pa rin ako sa Diyos, bagaman nagbago na ang aking palagay sa Katolisismo dahil sa imoralidad at pagpapaimbabaw ng mga pari sa seminaryo. Noong panahong ito seryosong pinag-isipan ko ang pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay ng Ilog Mississippi.
Di-nagtagal pagkatapos niyan, isang Black Muslim ang dumating sa campus, nagbebenta ng pahayagang Muhammad Speaks. Pinag-usapan namin ang tungkol sa suliranin ng taong itim, at nagsimula akong dumalo sa mga miting ng Black Muslim. Kinapopootan nila ang mga taong puti—sila ang nagturo sa akin ng ideya na ang taong puti ang Diyablo. Hindi, hindi dahilan sa siya ay basta masama, o makadiyablo, kundi siya ay, sa katunayan, ang Diyablo—na nagpapaliwanag kung bakit ginawa ng mga puti ang gayong kalupitan laban sa mga taong itim. Ano ang kanilang ginawa sa mga Indian sa Amerika at sa mga itim sa pangangalakal ng alipin? Pinatay nila ang angaw-angaw, iyan ang ginawa nila!
Tiyak na Hindi Lahat ay Maaaring Maging mga Diyablo
Kaya ako’y naging isang Black Muslim. Tinalikdan ko ang aking apelyido, na Dugué na Pranses na apelyido, at inihalili ko ang isang X. Ako’y naging si Virgil X. Bilang isang Black Muslim, napakasigasig ko sa pagbebenta ng kanilang pahayagan at sa iba pang gawain. Inaakala kong ito ang tamang paraan upang maglingkod sa Diyos. Pagkaraan ng ilang panahon na kasama ng Black Muslim, sinimulan kong pag-alinlanganan ang ilan sa kanilang mga turo, ang ilan sa kanilang mga gawain—kahit na ang ideya na ang taong puti ang Diyablo.
Totoo, nagkaroon ako ng di-mabuting mga karanasan sa mga puti sa aking buhay, subalit silang lahat ba ay mga diyablo? Naisip ko ang tungkol sa basketball coach na puti na nakikiramay sa mga itim. Nariyan ang isang may kabataang abugadong puti na kumatawan sa akin sa isang kaso ng pagtatangi ng lahi laban sa New Orleans School Board. May iba pang disenteng mga puti na nakilala ko sa buong buhay ko—tiyak na hindi lahat ay maaaring maging mga diyablo.
Gayundin, pinag-isipan ko ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Itinuturo ng Black Muslim na kapag ikaw ay namatay, wala ka na—iyon na ang wakas! Ngunit nangatuwiran ako, ‘Kung malilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok, tiyak na mabubuhay niyang muli ang tao mula sa libingan.’ Saka dumating ang pinansiyal na aspekto ng Black Muslims. Ako’y nagbebenta ng 300 pahayagang Muhammad Speaks isang linggo, 1,200 sa isang buwan, nagdadala ng pera sa kanila. Ang mga dapat bayaran ay binabayaran namin. Karamihan ng pangangaral ay nakasentro sa salapi. Natutulog ako ng mga apat na oras sa isang gabi. Itinatalaga ko ang buong buhay ko sa Black Muslims. At ngayon lumago ang mga pag-aalinlangan sa aking isipan tungkol sa ilan sa kanilang mga turo. Lahat ng iyan ay nakalilito sa akin, gumugulo sa aking isipan.
Isang araw noong Disyembre 1974 sa aking pinapasukang trabaho sa isang community center, lahat ng mga kaisipang ito ay labas-pasok sa aking isipan. Isa itong damdamin na hindi ko pa naranasan noon. Akala ko ako’y masisiraan ng bait. Kailangan kong makalabas agad bago pa may mangyaring masama. Kailangang mayroon akong silid na mapaghihingahan, ilang panahon upang pag-isipan kung saan ako dinadala ng aking buhay. Sinabi ko roon sa mga nasa center na magbabakasyon ako ng isang araw. Hindi na ako nagpaliwanag.
Nagsumamo Ako sa Diyos na Ipakita Niya sa Akin ang Katotohanan
Umalis ako sa trabaho at nagmamadali akong nagtungo sa bahay. Lumuhod ako at nanalangin sa Diyos. Nanalangin ako para sa katotohanan. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsumamo ako sa Diyos na ipakita niya sa akin ang katotohanan, ipakita niya sa akin ang organisasyon na nagtataglay nito. Dati’y nanalangin ako para sa isang paraan upang tulungan ang mga taong itim, para sa tamang organisasyong panlahi na napopoot sa mga puti. Subalit ngayon ako ay basta nanalangin para sa katotohanan, anuman ito, saanman ito. “Kung ikaw ay si Allah, tulungan mo po ako. Kung hindi ka si Allah, kung sinuman po kayo, pakisuyong tulungan po ninyo ako. Tulungan po ninyo akong masumpungan ko ang katotohanan.”
Noong panahong ito ginamit ko na naman ang aking tamang pangalan, Virgil Dugué. Nakatira pa rin ako sa aking ina at ama sa New Orleans. Nang magising ako kinabukasan pagkatapos kong taimtim na manalangin sa Diyos, nasumpungan ko ang isang magasing Bantayan sa bahay. Hindi ko alam kung paano ito napunta roon. Pambihira ito dahil hindi pa ako nakakakita ng anumang literatura buhat sa mga Saksi ni Jehova sa bahay noon. Tinanong ko kung mayroon ba sa pamilya ang nakakaalam kung saan ito nanggaling. Walang nakakaalam. Marahil ito ay inilagay sa ilalim ng pinto.
Ito ang labas noong Disyembre 15, 1974. Nasa pabalat ang larawan nina Maria at Jose at Jesus sa sabsaban—mga taong puti! At ang tanong ay: “Ganito ba ang Pagpaparangal kay Jesu-Kristo?” Naisip ko, ‘Sasagutin nila ito ng oo at sasabihing dapat mong sambahin si Jesus.’ Kung iba nga lamang labas na magasin iyon, malamang na itinabi ko ito. Subalit binuksan ko ito at sinuring mabuti ang unang artikulo at natanto ko na sinasabi nilang si Jesus ay hindi Diyos at hindi mo dapat sambahin si Jesus. Sa akin iyon ay isang pagsisiwalat! Akala ko lahat ng sekta ng Sangkakristiyanuhan ay sumasamba kay Jesus at na lahat sila ay nag-aakalang si Jesus ang Diyos.
Subalit nalaman ko sa pagiging isang Black Muslim na si Jesus ay hindi Diyos. Binasa nila ang maraming kasulatan na nagpapakita na si Jesus ay hindi Diyos, pati na yaong isa na nasa Juan 14:28: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” Itinuro nila na si Jesus ay isang propeta, at si Elijah Muhammad, isang lider ng mga Black Muslim, ang siyang kahuli-huling propeta. Kaya alam ko na si Jesus ay hindi Diyos, at nang mabasa ko ang artikulong ito, para bang nawalan ako ng mabigat na mga pasan. Nang matapos ko ang artikulo, naupo ako roon at natulala. Hindi ko malaman kung ano ang iisipin ko. Hindi ako kumbinsido na ito ang katotohanan. Subalit sa unang pagkakataon, natanto ko na hindi lahat ng tinatawag na mga relihiyong Kristiyano ay nagdiriwang na Pasko o ng iba pang mga kapistahang pagano. At yamang nanalangin ako para sa katotohanan, naisip ko, ‘Ito na kaya ang katotohanan? Ito kaya ang sagot sa aking panalangin?’
Sa aklat ng telepono, tiningnan ko ang lahat ng tinatawag na mga relihiyong Kristiyano. Tinawagan ko sila at basta itinanong, “Nagdiriwang ba kayo ng Pasko?” Sasagot sila ng oo, at ibababa ko ang telepono. Sa wakas ang mga Saksi ni Jehova na lamang ang natitira. Ito na kaya ang sagot sa aking panalangin? Kailanman ay hindi ako nakinig sa kanila. Marahil ito na ang panahon upang makinig sa kanila. Tinawagan ko ang kanilang Kingdom Hall. Isang puti ang sumagot sa akin. Nais niyang magtungo sa aking tahanan upang makipag-aral ng Bibliya sa akin. Ngunit maingat ako. Hindi ako pumayag. Siya ay puti; maaari pa rin siyang maging ang diyablo.
Ako’y Nagtanong, Ako’y Tumanggap ng mga Kasagutan
Kaya nag-usap kami sa telepono. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, ako’y nasiyahan. Tinawagan ko siya araw-araw, nagtanong ng higit pa, at tumanggap ng higit pang mga kasagutan. Binigyan niya ako ng katibayan. Sinuhayan niya ang mga sinasabi niya ng mga kasulatan buhat sa Bibliya. Hangang-hanga ako. Iyon ang unang pagkakataon na ang sinuman ay gumamit ng Bibliya upang sagutin ang aking mga katanungan. Isang silahis ng pag-asa ang sumilay sa loob ko. Kumuha ako ng isang New World Translation of the Holy Scriptures na may maliit na konkordansiya sa likuran. Pinag-aralan ko ito nang matagal at panayan at natuto ako ng marami pang katotohanan.
Pagkalipas ng isang buwan, lumipat ako sa Dallas, Texas. Nang maayos ko na ang mga bagay, tinawagan ko ang Kingdom Hall doon. Sinundo ako at dinala ako sa isang pagpupulong sa Kingdom Hall ng isa na sumagot sa akin sa telepono. Doon ay ipinakilala ako sa isang Saksi na sumang-ayon na makipag-aral sa akin. Nagpunta ako sa tahanan niya para sa pag-aaral. Gutom na gutom ako sa espirituwal na paraan, kaya’t kami’y nag-aral ng tatlong beses sa isang linggo, mga ilang oras sa bawat pag-aaral. Ang kaniyang pangalan ay Curtis. Naghihintay ako sa kaniyang hagdan sa labas ng pinto kapag siya’y umuuwi mula sa trabaho. Napakatiyaga niya sa akin. Hindi ko alam na ang mga pag-aaral sa Bibliya ay karaniwang idinaraos minsan sa isang linggo at sa loob lamang ng isang oras, at hindi ito sinabi sa akin ni Curtis. Sinimulan niyang makipag-aral sa akin noong Enero o Pebrero ng 1975; natapos namin ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-hanggan noong Mayo ng taóng iyon.
Di-nagtagal pagkatapos, ako’y nagbalik sa New Orleans, nakisama sa mga Saksi sa Kingdom Hall, at nagsimulang magtungo sa bahay-bahay, na naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Inaakala ko na yamang naging napakasigasig ko bilang isang Black Muslim, gumugugol ng 100 o 150 oras isang buwan na nagbebenta ng pahayagang Muhammad Speaks at apat na oras lamang ang tulog, kailangang ako’y maging masigasig bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Kaya bukod sa aking pag-aaral, ako’y nangangaral at nagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng iba. Sa katunayan, naalaala ko na sa isang programa sa Pulong ukol sa Paglilingkod, tinanong ako ng chairman:
“Ilang oras ang nagugol mo sa paglilingkod sa larangan noong nakaraang buwan?”
“Halos isang daang oras po.”
“Ilang pag-aaral sa Bibliya ang iyong idinaraos?”
“Sampu.”
Nagbulung-bulungan ang mga nakikinig sa matataas na bilang na ito, at ako’y nagtataka, ‘May nasabi kaya akong mali? Hindi kaya sapat ang aking ginagawa?’
Natupad ang Aking mga Ambisyon
Ako’y sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay at ako’y nabautismuhan noong Disyembre 21, 1975. Nang sumunod na taon pinagpala ako ni Jehova ng isang kahanga-hangang asawa, si Brenda. Sa katunayan, una kong nakilala si Brenda noong ako’y mabautismuhan. Siya ay isang buong-panahong mamamahayag ng Kaharian noon at nagpatuloy na gayon pagkatapos na kami ay makasal. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1978, sinimulan ko ang buong-panahong paghahayag na kasama niya. Pagkaraan ng dalawang taon, noong 1980, kami ni Brenda ay inanyayahang maging mga miyembro ng Pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York, ang pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Naglilingkod pa rin kami kay Jehova roon.
Kapag ginugunita ko ang aking buhay, naiisip ko ang aking mga taon ng kabataan nang nais kong maging isang paring Katoliko at maglingkod sa Diyos at sa tao. Ginugunita ko ang aking paghahanap ng layunin sa buhay, una sa mga Black Panther at pagkatapos ay sa mga Black Muslim, at natatandaan ko pa ang mga araw ng kawalang pag-asa sa mga kilusang ito, kung paano maagang nawalan ako ng pag-asa sa pagkapari. Subalit sa lahat ng ito, ang aking pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman nanghina. Pinasasalamatan ko si Jehova na ako’y sinagip niya mula sa huwad na relihiyoso at pulitikal na mga pasimula at inilagay ako sa daan patungo sa katotohanan at sa buhay.
Sa wakas, natupad din ang aking mga ambisyon noong aking kabataan na maglingkod sa Diyos at sa tao!—Gaya ng isinaysay ni Virgil Dugué.
[Larawan sa pahina 23]
Sina Virgil at Brenda Dugué