Mula sa “Black Militants” Tungo sa Pagiging mga Saksi ni Jehova
Intelektuwal na Paghahanap mula sa Lakas ng Itim Tungo sa Kawalan ng Tiwala at Hanggang sa Kaliwanagan
MGA estudyanteng puti sa kanilang linggo ng oryentasyon o pakikibagay sa Tufts University sa kalakhang Boston ay natututo tungkol sa mga klase at lumiligid sa kampus. Ang mga estudyanteng itim ay nakikipagkita sa mga taong gaya nina Angela Davis, Dick Gregory, mga Muslim na Itim. At lingid sa kaalaman ng mga awtoridad sa paaralan, mga salarin mula sa kilusang militante. Sila’y dumarating kasama ang kanilang mga badigard upang sabihin sa amin kung ano ang nangyayari at kung ano ang gagawin upang paunlarin ang rebolusyon. Binuksan nila ang aming mga mata sa masasamang mga gawa at ginising kami sa apurahang pangangailangan para sa lakas ng itim (black power). Sa gulang na 17 ikaw ay madaling mapukaw ng mga kawalang-katarungan, at nakita ko ang pangangailangan na maging lalong marahas.
Noon ay 1969 at ako ay nasa unang taon sa Tufts. Isang kaso upang subukin ang aking pagkaitim ay malapit na. Isang dormitoryo ang itinatayo na may kakaunting mga manggagawang itim. Sa pagsikat ng araw kami ay nasa lugar ng konstruksiyon. Kasama namin ang mga tao mula sa labas ng pamayanan na dumating na may mga baril at iba pang mga sandata. Kami ay nag-atas ng mga kapitan. Ako ang isa sa mga kapitan sa isa sa mga istasyon. Tatlong babae ang kasama ko. Mayroon kaming mga walkie-talkie at kami’y nagbarikada sa loob.
Subalit nang magtatrabaho na ang mga manggagawang iyon sa konstruksiyon, aba, sila’y galit na galit! Sa kanila ito ay may kaugnayan sa kabuhayan. Wala itong kinalaman sa kulay. Apektado nito ang kanilang pamilya. Nais nila kaming tadtarin! Tamang-tama ang dating ng mga pulis, na nakasuot ng kasuotang pang-riot at may mga batuta na isang piye na mas mahaba kaysa karaniwan. Sila ang naging pader sa pagitan namin at ng mga manggagawa, at ang komprontasyon ay nagwakas.
Ako ay pumapasok sa dalawang kampus ng taóng iyon. Ako ay nakarehistro sa Tufts subalit ako ay nakikibahagi sa isang programa ng pakikipagpalitan na isinasagawa ng Tufts sa Massachusetts Institute of Technology. Sa MIT ay nilapitan ako ng isang physicist sa graduate school. Sa aklatan sa MIT, may tone-toneladang impormasyon tungkol sa mga bomba at mga kabayanihang militar. Bueno, ganito ang sabi sa akin ng physicist na itim na ito: “Tingnan mo, kapatid, kung nais mo itong pasabugin [ang dormitoryong itinatayo], aba—ikaw ay isang inhinyero, di ba?” Sabi ko, “Oo.” Sabi niya, “Maaari akong gumawa ng ilang bomba, at basta pasabugin mo ito.” Subalit hindi pa ako handa riyan.
Ang pangalan ko ay Larry Whitehead. Ako ay ipinanganak sa Washington, D.C., at lumaki sa Arlington, Virginia. Naranasan ko ang maraming paghamak, maliliit at malalaki, na ibinubunton sa mga itim. Naranasan ko ang unang taon ng pagsasama-sama ng puti at itim sa high school—na pinasamâ pa ng pagkanaroroon ng Ku Klux Klan at ng partido Nazi sa Virginia. Sa tuwina’y mayroon akong sama ng loob sa mga puti, sa Tufts ako natutong maging militante.
Sumama sa Akin si Madeline sa Tufts
Nang sumunod na taon dumating si Madeline sa Tufts—malaking Afro na ayos ng buhok, mga poster na nagtatanghal ng mga kamaong itim, lahat ng iba pang mga gayak ng Lakas ng Itim. Ipinaliliwanag niya kung paano siya nagkagayon:
“Iba naman sa akin. Pagdating ko sa Tufts, militante na ako. Lumaki ako sa isang lugar ng mga puti; nakararami ang mga puti sa high school na pinasukan ko; marami sa aking mga kaibigan ay puti. Subalit sa aking ika-11 taon, isang gulo ang nagsimula sa kapiterya—si Martin Luther King ay pataksil na pinatay, at ang galit ay tumitindi sa maraming dako. Kaya sa kapiterya ay naglaban ang mga itim at mga puti. Kinailangan nilang isara ang paaralan. Nangilabot ako nang ang mga kaibigan kong puti na kasabay kong nagsilaki ay nagpakita ng gayon na lamang pagkamuhi at matinding pagkapoot. Nakagalit ito sa akin. Dumanas ako ng malaking pagbabago. Pinaputol ko ang aking buhok, ginawa itong Afro, at naging masigasig ako sa Lakas ng Itim. Pagdating ko sa Tufts, sagad na ang galit ko sa mga puti.”
Kami kapuwa ni Madeline ay aktibo sa kilusan ng mga itim sa Tufts. Isa itong panahon ng malaking pagbabago. Malaking mga kilusan ang nagaganap sa mga kampus. Ang digmaan sa Vietnam ay isang mainit na isyu. Ang Students for Democratic Society ay aktibo. Ang pagdudroga ay lumalaganap pa lamang. Kami ni Madeline ay hindi nagdudroga, subalit yaong mga kasa-kasama namin ay hindi lamang gumagamit ng mga droga kundi nagbibili rin nito.
Ang Tufts ay isang paaralan kung saan nakahihigit ang mga puti, ngunit pinapayagan din nila ang mga estudyanteng itim na bumukod, at mayroon din kaming Afro Society Black Orientation. Naging pangulo ako ng Afro-American Society at ng isang kapatiran o fraternity sa kalunsuran. Ang pagpatay kay Martin Luther King ang nag-udyok ng marami sa gawaing ito ng mga itim, ang kamatayan ni Malcolm X ay nagdagdag pa ng lakas nito, at nang kapuwa sina Jack at Bob Kennedy ay pataksil na patayin (sila ang namumukod na “mabubuting tao na puti”), ang mga itim ay nakadama ng kawalang-pag-asa.
Nais namin ng pagkakakilanlan na ganang amin. Sinimulan naming basahin ang mga isinulat ni Marcus Garvey, ang Back to Africa, at ang mga isinulat ni James Baldwin. Ang mga pelikulang pinanonood namin ay nagpakikita ng mga pamamaraang terorista, ang mga itim na nasa karalitaan at itinatangi. Ipinakikita nito ang mga babae at mga anak na Arabo na nakakapasok sa mga lugar na hindi maaaring pasukin ng ibang tao, kaya’t sila’y pumapasok na may mga bombang nakatali sa kanilang mga tauhan at pinasasabog ang mga lugar—ibinigay nila ang kanilang buhay alang-alang sa isang layunin. Kaya’t kami ay naindoktrinahan na gawin din ang gayon.
Nagturo Kami ng “Relihiyon ng Itim”
Sa tuwina’y naniniwala ako sa Diyos, hinahanap siya. (Gawa 17:27) Subalit halos nawala ko siya nang lubusan noong 1970. Nagturo kami ng isang kurso sa Tufts na tinatawag na Relihiyon ng Itim. Sa katunayan ito ay isang pag-atake sa Bibliya. Malaki ang impluwensiya rito ng mga Muslim na Itim, at sinabi nila na ang mga lalaking puti na dumadalaw sa inyo na may dalang Bibliya ay mga demonyo. Lalo na yaong may asul na mata at blonde na buhok. Si Jesus, sa kabilang dako, ay isang taong itim na may buhok na gaya ng balahibo ng kordero.
Naririto pa lamang kami sa puntong ito sa kurso nang makilala ko si Tim Sieradski. Malaki siya, blond, asul ang mata, at dumating na may hawak na Bibliya sa kaniyang kamay—isang maputi, asul-matang demonyo kung mayroon man akong nakita! O gayon nga ang akala ko. Isa siya sa mga Saksi ni Jehova. Nang kumatok siya sa aking pinto, naisip ko sa aking sarili: ‘Tingnan mo ang malaki, asul-matang demonyong ito na nais magturo sa akin ng Bibliya.’ Datapuwat hindi nagtagal ay natuklasan ko na talaga ngang nalalaman niya ang Bibliya at nais kong ipakita niya sa akin mula sa Bibliya kung saan dito sinasabing ang buhok ni Jesus ay gaya ng balahibo ng kordero.
Sa halip sinabi niya ang tungkol sa pagwawakas ng sanlibutang ito, pati na ang mga kasulatan na nagpapatunay nito. Bilang isang inhinyero, napatunayan ko na sa aking sarili sa makasiyentipikong paraan na ang Diyos ay umiiral. Hindi ko tiyak ang tungkol sa Bibliya—hindi ko ito kailanman pinag-aralan. Binasa ni Tim ang isang kasulatan na nakatawag-pansin sa akin: “Ginawa niya buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Kaya’t nakinig ako kay Tim.
Subalit ayaw makinig ni Madeline! Hayaan mong isaysay niya kung bakit: “Lubusan kong kinasusuklaman ang lahat ng relihiyon,” paliwanag niya. “Nang ako’y 16 anyos, nakita ko na ito ay mapagpaimbabaw. Alam kong hindi ako namumuhay nang tama—nang panahong ito nagsasama na kami ni Larry—ngunit hindi ako nagsisimba at maging isang mapagpaimbabaw tungkol dito. Kaya kailanma’t dumarating si Tim, na may blond na buhok at asul na mata at may hawak na Bibliya, hindi ako makikipag-usap sa kaniya. Pagdating niya ako ay umaalis.”
Wala na kaming balita kay Tim. Hindi pa namin handang talikdan ang kilusang Lakas ng Itim. Isinaayos ng Afro-American Society na puntahan at tingnan ang isang pangkat na tinatawag na The Last Poets (Mga Huling Makata). Ito’y mga itim na nagsasaayos ng mga tula sa musika. Wala itong sinasabi kundi rebolusyon: ‘Mga itim magsama-sama, magpakalakas, ibagsak ang lipunan ng puti, at gawing mas mainam ang buhay.’ ‘Magtulung-tulong, magsama-sama’ ang sabi ng kanilang mga awitin. Kaya ipinasiya namin ni Madeline na makitungo lamang sa mga itim.
Ang Pag-aagam-agam ay Sumibol at Lumago
Nagdeposito kami para sa isang apartment na pag-aari ng mga itim. Pagkaraang maghintay ng tatlong buwan at makinig sa maraming mga pagdadahilan, sinabi nila sa amin na ipinaupa nila ito sa iba. Dati, mayroon akong apartment sa isang lugar ng mga itim, at nilooban ako ng mga itim at ninakaw ang lahat ng taglay ko. Isang gabi ako ay nasa isang tindahan ng sorbetes at nakikipag-usap sa telepono na long distance sa aking ina. Tatlong itim na lalaki ang pumasok at nanloob sa tindahan. Hindi ko napansin ito hanggang nang marinig ko ang maitim na lalaking ito na nasa likuran ko na nagsasabi, “Huminahon ka, kapatid.” Lumingon ako, at mayroon siyang isang .45 awtomatik na baril na nakatutok sa likod ko. Ang aking itim na kapatid nga!
Nakita naming binibiktima ng mga itim ang mga itim gaya rin ng ginagawa ng mga puti. Hindi ang kulay, hindi ang lahi; ang mga tao. Nakalulungkot at nakakawalang-tiwala. Sinuri naming muli ang mga itim na kasa-kasama namin sa Tufts. Sa mga fraternity at mga sorority, wala ring tunay na kapatiran; ni nasumpungan man natin ito sa Afro-American Society. Walang anuman sa ilan sa aking mga kasama ang pagsira sa mga babaing itim. Ang mga babaing itim ay mag-aaral. Ang kanilang mga magulang ay nagsakripisyo sa loob ng maraming taon upang magkapera nang maipadala sila roon. Pagkatapos tuturuan sila ng mga lalaking itim na magdroga. Ang ilan ay nagwawakas na nagnanais magpakamatay.
Pagkatapos ay minasdan namin ang lahat ng mga kabataan sa paligid namin, mga itim at puti. Ang iba ay mga sugapa, ang ilan ay mga alkoholiko, at ang napakarami sa kanila ay malasarili. At ito ang salinlahi kung saan nakasalalay ang kinabukasan ng daigdig? Saanman kami tumingin, wala kaming masumpungang kasagutan, sa mga itim o sa mga puti.
Pumasok ang Kawalan ng Tiwala
Ang mga pag-aagam-agam ay nauwi sa kawalan ng tiwala. Ganito ang sabi ni Madeline tungkol sa kaniyang lumalagong problema: “Dinaluhan namin ang lahat ng mga pulong na ito, at dito’y patuloy na sinasabi nila na hindi mo kinakailangang magkaroon ng anumang tuntunin. Anuman ang nais mong gawin ay ayos lang. Iyan ay anarkiya. Wala kang magagawang anuman sa ganiyang paraan.”
Sumang-ayon ako. Ang hanap ko sa tuwina’y ang mga panuntunan na maaaring pamuhayan ng sangkatauhan. Sa simula inaakala ko na kung kaming lahat ay itim, ang lahat ay nagmumula sa iisang dako, nagkakaisa sa isang layunin, kung gayon maaari itong makabuti. Pagkatapos ay nakita namin na ang mga itim ay walang pinagkaiba sa mga puti—walang labis, walang kulang, parehong mabuti at masama. Ang pagkakaisa ay dapat na magkaroon ng isang saligan maliban sa lahi.
Maliwanag, kailangan naming gumawa ng mga pagbabago. Ang mga bagay-bagay ay hindi bumubuti para sa amin. Nagugunita ko pa isang gabi: “May isang pelikula sa Tufts na nagpakita sa laki ng sansinukob, ang kaayusan nito. Nakamangha ito sa akin, at natandaan ko pa na naisip ko noon na iyan ay hindi maaaring nagkataon lamang. Kung mayroong gayong uri ng kaayusan sa buong sansinukob, tiyak na may mga panuntunang inilagay ang Diyos para sa sangkatauhan.”
Umalis kami sa Tufts, nagpakasal, at sinimulan ang aming paghahanap sa Diyos na gumawa ng maayos na sansinukob na ito, ng planetang Lupa, at ng sangkatauhang naririto.
Sa panahon ng aming paghahanap, dumalo kami sa isang pulong ng pag-aaral sa Bibliya sa African Methodist Episcopal church. Dinala namin ang aklat na Aid to Bible Understanding na iniwan sa akin ni Tim mga ilang buwan na ang nakalipas. Ang pag-uusap ay tungkol sa kanlungang lunsod. Walang sinuman ang nakakaalam kung ano ito hanggang nang basahin ko ang tungkol dito mula sa aklat na Aid. Ang lahat ay nasiyahan hanggang sa malaman nila na ang aklat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tumahimik nang husto ang silid. At ito ay ipinalalagay na isang klase sa pag-aaral sa Bibliya?
Binabago ng Kaliwanagan ang Aming Buhay
Kami’y umalis at hindi na muling nagbalik. Maliwanag na nakita namin na ang mga nakakaalam lamang ng kung ano ang kanilang sinasabi ay si Tim at ang mga Saksi ni Jehova. Natandaan ko ang apelyido ni Tim, hinanap ko ang numero ng kaniyang telepono, at tinawagan siya. Sinimulan niya ang isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa amin. At ngayon kahit na si Madeline ay nasisiyahang makipag-usap kay Tim—hindi na siya ang dating “blond, asul-matang demonyo.”
Kawili-wiling mga bagay ang nangyari. Ako’y nagtatrabaho sa isang malaking kompanya ng inhenyeriya sa Boston. Ipinatawag nila ako sa opisina at sinabi sa akin na kung hihintuan ko ang pagiging isang Saksi at magbabalik ako sa kolehiyo at kukuha ng master’s degree, gagawin nila akong bise presidente ng kompaniya. Tumanggi ako. Kami ni Madeline ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong 1975, at si Madeline ay nagsimula bilang isang buong-panahong regular payunir.
Nagkaroon ako ng isang kalugud-lugod na karanasan sa kompanya ng inhenyeriya. Ako’y nagtatrabaho roon na kasama ni Mike, isang itim na inhinyero. Mahilig siya sa debate, at isa sa paborito niyang paksa ay ang ebolusyon. Nang partikular na araw na ito, mga limang iba pang inhinyero ang naroroon, kinukumbinsi niya sila na maniwala sa ebolusyon. Pagkatapos ay binalingan niya ako at ang sabi: “Hindi ba tama iyan, Larry?”
Kaya ako’y napilitang manindigan. Hindi pa ako nagpapatotoo sa isang grupo noon. Dapat sana’y nagpapatotoo ako, pero dahil sa ako’y isang inhinyero, itinago ko ito. Subalit pinilit ako ni Mike na manindigan. Kaya sinabi ko kay Mike: “Mike, hindi ako maaaring sumang-ayon diyan.” Halos magalit siya! Nang bandang huli ibinigay ko sa kaniya ang publikasyon ng Watch Tower na Did Man Get Here by Evolution or by Creation? Inubos basahin ni Mike ang aklat na iyan! Ngayon siya ay isang hinirang na matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Richmond, Virginia.
Hindi Sapat ang Materyalismo
Nang magbitiw ako sa kompanya ng inhenyeriya sa Boston noong 1977, ipinatawag nila ako sa opisina at sinabihan ako na ako ay hangal. Alam nila na ako’y nagbibitiw sapagkat nais kong gumawa nang higit pa bilang isang Saksi. Hinding-hindi ko malilimot ang lalaking ito na nakatayo sa may bintana na nakatingin sa lunsod sa labas, na ang sabi: “Whitehead, maaari kang yumaman, maaari kang magkamal ng maraming salapi, maaari kang bumili ng mga kotse.” Marami pa siyang sinabi. Subalit ako ay 21 anyos at nakabili na ako ng dalawang bagong kotse at isang tahanan. Nakamit ko na kung ano ang inaakala ng mga tao noong panahong iyon na makakamit mo pagsapit mo sa edad na 40. Wala nang anumang bagay rito upang ating abutin. Ang sistema ay wala nang maibibigay sa materyal na paraan.
Hindi ito sapat. Hindi ito nakasisiya, gaya ng babala ng Bibliya maraming dantaon na ang nakalipas: “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni siya mang umiibig sa kayamanan ay masisiyahan sa pakinabang. Ito man ay wala ring kabuluhan.”—Eclesiastes 5:10.
Nang malaunan ipinadala kami ng Samahang Watchtower kung saan may malaking pangangailangan para sa mga Saksi, sa Las Vegas. Dumoon kami sa loob ng lima at kalahating taon. Kami kapuwa ay naglingkod bilang buong-panahong mga ministro sa pana-panahon. May mga panahong salat kami sa pagkain, subalit kailanman ay hindi namin kinaligtaan ang mahahalagang bagay: pag-aaral, paglilingkod, panalangin. Gaya ni apostol Pablo, alam namin kung paano kung nasa kasaganaan at kung paano kung nasa paghihikahos.—Filipos 4:12.
Sa Las Vegas nagsimula akong magtrabaho bilang isang karpintero, pagkatapos bilang isang draftsman o tagaguhit para sa isang kompaniya ng telepono, at sa wakas ay ginawa akong state coordinator para sa computerized na proyekto ng Central Telephone Company. Nang dakong huli nagbalik ako sa Alexandria, Virginia. Nagtrabaho ako sa Xerox bilang isang computer systems analyst, na ipinadadala sa malalaking kompaniya. Ngayon mayroon akong sariling negosyo bilang isang computer systems analyst.
Kami ni Madeline ay naglilingkod ngayon sa isang kongregasyon ng mga Saksi sa Alexandria. Isa akong hinirang na matanda roon at ang kalihim ng kongregasyon. Kami kapuwa ni Madeline ay nagpapasalamat sa Diyos na Jehova sa pagbibigay niya sa amin ng liwanag upang maunawaan na walang lakas ng tao, itim man o puti, ang lunas sa mga suliranin ng tao. (Awit 146:2, 3) Kami ay maligaya ngayon na ‘pasikatin ang liwanag ng Kaniyang kaharian’ para sa kaliwanagan ng iba pa na may mga matang nais makakita. (Mateo 5:14-16)—Isinaysay ni Larry Whitehead.
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga Whitehead na kasama si Tim, ang kanilang dating “blond, asul-matang demonyo”
[Larawan sa pahina 14]
Nasusumpungan ng mga Whitehead na kasiya-siya ang pagiging aktibo sa ministeryong Kristiyano