Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 6/22 p. 7-8
  • Ang Paglitaw ng Teolohiya ng mga Itim

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paglitaw ng Teolohiya ng mga Itim
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nagkakaisang Paglapit?
  • Ginagamit Bilang Isang Sandata
  • Ang Iyo Bang Relihiyon ay Dapat na Nakikilahok sa Pulitika?
    Gumising!—1988
  • Teolohiya sa Pagpapalaya—Isang Lunas Para sa Third World?
    Gumising!—1987
  • Itim
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mula sa “Black Militants” Tungo sa Pagiging mga Saksi ni Jehova
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 6/22 p. 7-8

Ang Paglitaw ng Teolohiya ng mga Itim

“Kinilala ng maraming itim ang Kristiyanismo na kaugnay ng apartheid.”​—Mula sa The Church Struggle in South Africa, ng ministrong Congregationalist na si J. de Gruchy

NAWALAN ng tiwala sa Protestantismo sa Timog Aprika, maraming itim ang bumaling sa isang bagay na bago​—ang teolohiya ng mga itim, na nagsisikap iugnay ang Bibliya sa kanilang kalagayan.

“Ang katagang ‘itim,’ ” paliwanag ni Louise Kretzschmar sa The Voice of Black Theology in South Africa, “ay maaaring unawain sa dalawang paraan. Una, ito’y tumutukoy sa lahat niyaong dating tinatawag na ‘hindi puti’ o ‘hindi Europeo,’ yaon ay mga Aprikano, mga Coloured at Indian. . . . Ikalawa, ang ‘kaitiman’ ay ipinalalagay na kasingkahulugan ng ‘mga taong api sa Timog Aprika.’ ”

Idiniriin sa gayon ng teolohiya ng mga itim na ang mga itim ay dapat tratuhin taglay ang gayunding dangal na gaya ng pagtrato sa mga puti sapagkat ang mga itim man ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Kabilang sa prominenteng mga tema ay ang paglaya ng Israel sa Ehipto at ang mga paghihirap ni Jesus. ‘Ang Diyos ay nasa panig ng mga api’ ang sigaw nito.

Isang Nagkakaisang Paglapit?

Ang mga tagataguyod ng teolohiya ng mga itim ay nakakalat sa maraming mga relihiyon ng Timog Aprika, at mainit ang mga debate sa gitna nila. Ang ilan, halimbawa, ay humahanga sa komunistang ideolohiya at ito’y sinusuring mabuti sa kanilang mga sulat. Tinatanggihan naman ng iba ang Marxismo. Ni silang lahat man ay sumasang-ayon sa lawak na dapat makibahagi ang pamayanan ng mga puti sa bagong istilong ito ng “Kristiyanismo.”

Nang patunayan ng mga kritiko ng teolohiya ng mga itim na itinataguyod nito ang nasyonalismong itim kung paanong ang teolohiya ng apartheid ay nagtataguyod ng nasyonalismong puti, si Dr. Allan Boesak, isang nangungunang tagataguyod ng teolohiya ng mga itim, ay nagsabi: “Ang pananampalatayang Kristiyano ay nakahihigit sa lahat ng ideolohiya at sa lahat ng nasyonalistikong mithiin.”

Gayunman, isang ministro ng Congregational Church, si Bonganjalo Goba, ay pumakli: “Hindi ako sang-ayon kay Allan Boesak.” Hindi maikakaila, sabi ni Goba, na ang teolohiya ng mga itim “ay magpapabanaag sa ideolohikal na mga kapakanan ng pamayanang itim. Kung hindi gayon ay hindi na ito magiging Teolohiya ng mga Itim.” Ganito pa ang sabi ng obispong Lutherano na si Dr. Buthelezi: “Ito rin ang mensahe ng Bibliya na nagbigay-inspirasyon sa diwa ng Afrikaner . . . na gumaganyak sa atin na umawit ng isang awit ng Teolohiya ng mga Itim.”

Ginagamit Bilang Isang Sandata

Ang “teolohiya ng mga itim,” sabi ni Itumeleng Mosala, isang ministro at lektyurer na Methodista sa teolohiya ng mga itim, “ay nakapaglingkod sa layunin nito gayundin bilang isang sandata ng pagpuna laban sa teolohiya ng mga puti at sa lipunan ng mga puti.” Sa pagsasabi ng gayong pagpuna, inaasahan ng mga teologong itim na ang mga kabataang itim ay mananatili sa kanilang mga simbahan. Marami ang umalis upang tutulan ang paraan kung paano isinasagawa ang “Kristiyanismo” sa mga simbahan.

Ang iba naman ay lumalabis pa at ginagamit ang teolohiya ng mga itim bilang isang sandata para sa pulitikal na pagbabago. Sabi ni Takatso Mofokeng, isang ministro ng Simbahang DR ng mga itim sa Aprika at lektyurer sa teolohiya ng mga itim: “Ang Teolohiya ng mga Itim ay patuloy na nagiging isang kapaki-pakinabang na instrumento sa patuloy na pagpupunyagi sa pagpapalaya.”

Isang halimbawa nito ay ang The Kairos Document, nilagdaan ng 156 na mga teologo sa Timog Aprika. Tinatawagan nito ang mga membro ng simbahan na “alisin ang pang-aapi, alisin ang mga pinunong malupit mula sa kapangyarihan at magtatag ng isang makatarungang gobyerno.” Sabi ng mga teologo: “Naniniwala kami na ang Diyos ay kumikilos sa ating daigdig, binabago niya ang walang-pag-asa at masamang mga kalagayan tungo sa mabuting kalagayan upang ‘dumating nawa ang kaniyang Kaharian, at ang kaniyang ‘Kalooban ay mangyari nawa sa lupa na gaya ng sa langit.’ . . . Ang labanan at ang pagpupunyagi ay kailangang tumindi sa darating na mga buwan at mga taon sapagkat walang ibang paraan upang alisin ang kawalang katarungan at pang-aapi.”

Subalit, ito ba ang itinuturo ng Bibliya? Ang Kaharian ba ng Diyos ay darating sa pamamagitan ng pulitikal na rebolusyon? Ang bagay ba na ang Protestantismo ay napatunayang isang pinagmumulan ng pag-aaway sa Timog Aprika ay nangangahulugan na ang Kristiyanismo mismo ay isang kabiguan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share