Paliparan ng “Kanku”—Nakikita Subalit Hindi Naririnig
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
HABANG papalapit sa Kansai International Airport mula sa himpapawid, makikita mo ang isang isla na may logo na “Kansai” sa Ingles.a Ang islang ito sa Hapón ay matatagpuan halos limang kilometro mula sa baybayin ng Osaka Bay. Wala kundi ang paliparan at kaugnay na mga pasilidad ang makikita. Sa katunayan, ang isla ay sinadyang gawin para gamiting paliparan. Binuksan noong Setyembre 1994, ang paliparan ay binansagang Kanku, isang daglat ng pangalang Hapones nito, Kansai Kokusai Kuko.
Isang tulay na expressway, na may habang 3.75 kilometro, ang nagdurugtong sa isla ng paliparan at sa kalakhang bahagi ng bansa, nagpapangyaring marating ito sa pamamagitan ng daan o daang-bakal. Ang isla ay nagtataglay ng mga pasilidad ng daungan para sa mga barko at serbisyo ng ferry. Subalit bakit kailangang gumawa ng isang buong bagong isla na maging paliparan?
Isang Paliparan na Hindi Naririnig
Ang dumaraming mga turista at mga bisita sa Kansai ang sanhi ng pagdami ng eruplanong humuhugong sa residensiyal na lugar sa palibot ng Osaka International Airport. Upang pabawahin ang ingay na lumiligalig sa mga taong nakatira roon, isang curfew mula 9:00 n.g. hanggang 7:00 n.u. ang ipinatupad. Walang pahintulot ang ibinigay upang dagdagan pa ang mga internasyonal na paglipad sapol ng 1974. Kaya, biglang kinailangan ang isang paliparan na mangangasiwa sa dumaraming mga pasahero at karga nang hindi naririnig sa kalakhang bahagi ng bansa.
Isang paliparan na magagamit nang gabi’t araw nang hindi nakagagambala—isang malaking hamon iyan para sa mga kasangkot sa proyekto. Ang tanging solusyon na iniharap mismo ay gumawa ng isang isla na malayo kung saan nakatira ang mga tao at gawin itong paliparan. Talagang napakalaking proyekto!
Sinuportahan sa pinansiyal ng pambansa at lokal na mga pamahalaan kasama na ang lokal na mga negosyante ang $15-bilyong proyekto, anupat bumuo ng isang pribadong kompanya na gagawa at magpapatakbo ng bagong paliparan. Si G. Keisuke Kimura, ang ehekutibong pangalawang pangulo ng Kansai International Airport Company, ay nagsabi nang ganito sa Gumising!: “Dahil sa pagiging pribadong kompanya, hindi kami makagugol ng maraming oras sa paggawa ng isla. Kailangang gawin ang isla nang mabilisan.”
“Ang Paggawa ng Isla”
Ang pagtatambak sa kahabaan ng baybayin ay mahirap, subalit ang paggawa ng isla na limang kilometro mula sa baybayin ay mas mahirap. Upang magawa ang 511 ektaryang isla ng paliparan, 180,000,000 metro kubiko ng buhangin at lupa ang ginamit na panambak. “Iyan ay katumbas ng 73 piramide—ibig kong sabihin ang pinakamalaking piramide na ginawa ni Haring Khufu,” paliwanag ni G. Kimura.
Ang pinaka-sahig ng dagat, na may katamtamang lalim na 18 metro, ay nalalatagan ng malambot na suson ng luwad kung saan kailangang maalis ang tubig. “Isang milyong sand pile [pilote ng buhangin na may butas sa gitna], 40 centimetro [16 na pulgada] ang diyametro, ang ibinaon sa suson na iyon upang alisan ito ng tubig at patatagin dito ang pundasyon. Sa bigat ng panambak, ang tubig ay napipiga mula sa 20-metro [66 na talampakan] ng malambot na suson ng lupa, pinipitpit ito hanggang sa maging 14 na metro [46 na talampakan],” paliwanag ni G. Kenichiro Minami, na siyang nangangasiwa sa proyekto ng pagtatambak. “Ang kinatatakutan namin sa lahat ay ang di-pantay na paglalagay ng lupa. Gumamit kami ng mga computer upang eksaktong makalkula kung saan dapat gawin ang pagtatambak upang maging pantay ang paglalagay.”
Kung pagsasama-samahin, ang lalim ng panambak ay umabot ng 33 metro, katumbas ng 10-palapag na gusali. Gayunman, sa ilalim ng mabigat na panambak, ang pinaka-sahig ng dagat ay lumubog at patuloy na lumulubog. Tinataya na ang pinaka-sahig ng dagat ay patuloy na lulubog ng 1.5 metro sa loob ng 50 taon, iiwanan ang isla na apat na metro ang taas mula sa antas ng dagat.
Noong 1991, bago pa man nagawa ang buong isla, pinasimulan na ang paggawa ng gusali ng terminal ng pasahero at ng control tower. Pagkalipas ng mahigit sa pitong taon ng puspusang paggawa, natapos ang pagtatayo ng isla, paliparan, at kaugnay na mga pasilidad.
Malaki Ngunit Siksik
Ang dumarating na mga pasahero ay sinalubong ng kasiya-siyang sorpresa. “Bago pa man kami nakarating sa lugar na pinagkukunan ng bagahe, naroroon na ang aming mga maleta,” sabi ng isang naglalakbay mula sa Estados Unidos. Ano ang dahilan ng maayos na galaw na ito? “Ang gusali ng terminal ng pasahero ay malaki ngunit siksik,” sabi ni G. Kazuhito Arao, na siyang nangangasiwa sa gusali ng terminal ng pasahero. “Hindi na kailangan pang magpaikut-ikot ang mga pasahero, na pangkaraniwan sa mga internasyonal na paliparan.”
Ang kayarian ng gusali ng terminal ng pasahero ay simple subalit kakaiba. Ang pangunahing gusali ay dinisenyo upang maiwasan ng mga pasahero ang di-kinakailangang mga pagkilos. Ang lokal na pasahero ay maaaring magtuloy nang deretso mula sa istasyon ng tren tungo sa check-in counter at pagkatapos sa pintuan na patungo sa sakayan nang hindi na nagpapanhik-panaog sa anumang hagdan.
Mula sa pangunahing gusali, kung saan matatagpuan ang mga check-in counter, mga opisina sa imigrasyon, at adwana, dalawang karugtong na mga gusali na may habang 700 metro ang nasa magkabilang dulo ng hilaga at timog, na humahantong sa 33 pinto patungo sa sakayan. Ang mga pasahero na lumalabas sa mga pintong malayo sa pangunahing gusali ay maaaring magdaan sa awtomatikong giyang daanan na naghahatid, na tinatawag na Wing Shuttle. Inihahatid nito ang mga pasahero sa ibig nilang pinto sa loob ng limang minuto—kasali na ang panahong ginugol sa paghihintay ng shuttle.
Ang Paliparan na Dapat Makita
“Dahil sa ang paliparan ay nasa dagat mismo, wala itong anumang sagabal,” sabi ni G. Arao. “Oo, nababalitaan namin na sinasabi ng mga piloto na ito’y paliparan na madaling lapagan,” ang pagsang-ayon ni G. Kimura.
Hinahangaan din ng iba ang hitsura nito. Ang makabagong disenyo ng gusaling terminal na kahugis ng mga pakpak ng eruplano ang umakit sa maraming turista sa Kanku. Natutuwa rin silang pagmasdan ang mga eruplanong papalipad at lumalapag sa di-pangkaraniwang islang paliparan. “Kinailangan naming magtayo ng panooran sa tuktok ng sentro ng mantinasyon para sa mga bumibisita sa paliparan, bagaman hindi namin nilayong gumawa sa pasimula,” sabi ni G. Kimura. Ang katamtamang bilang na 30,000 katao sa isang araw ang bumibisita sa paliparan upang magmasid-masid lamang.
Kung ikaw ay dadalaw sa Hapón malapit sa lugar ng Kansai, bakit hindi maglabas-pasok sa Kanku—isang paliparan na maaaring makita subalit hindi naririnig ng mga kalapit nito.
[Talababa]
a Ang Kansai ang malawak na lugar sa dakong kanluran ng Hapón na sumasakop sa komersiyal na mga lungsod ng Osaka at Kobe at sa makasaysayang mga lungsod ng Kyoto at Nara. Ang ibig sabihin ng Kokusai kuko ay “international airport.”
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Kansai International Airport Co., Ltd.