Isang Munting Isla na Naging Abalang Paliparan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hong Kong
“TIYAK na matutumba natin ang mga antena sa bubungan!” bulalas ng isang nagulantang na pasahero nang dumungaw siya sa bintana ng sinasakyang eroplano habang papalapag ito sa Kai Tak International Airport ng Hong Kong. Sa ibaba, napahukot ang isang babaing nagsasampay ng mga nilabhan sa bubong ng kanilang gusali sa karatig na Kowloon City, anupat tinitiis na naman niya ang isang nakatutulig na ingay habang dumaraan ang eroplano.
“Mga bundok ang siyang problema,” sabi ni John, isang piloto na ilang ulit nang nagmaniobra sa mapanganib na paglapag na iyan. “Kung lalapag kami mula sa hilagang-kanluran, nangangahulugan ito ng napakadelikadong pagliko bago marating ang runway. Dahil din sa mga bundok kung kaya may mapanganib na mga downdraft (pababang daloy ng hangin), na tinatawag naming wind shear (mabilis na pagbabago ng direksiyon at bilis ng hangin).”
Para sa ninenerbiyos na mga pasahero, mga piloto, at lalo na sa mga tao ng Kowloon City, talagang pinakahihintay-hintay ang araw na lumapag sa Kai Tak ang isang eroplano sa kahuli-hulihang pagkakataon. At dumating nga ang araw na iyon, sapagkat noong Hulyo 1998, ang Hong Kong ay nagsimulang gumamit ng isang bagong paliparan.
Paliparan sa Isang Munting Isla
Noong mga taon ng 1980, napupuno na ang paliparan sa Kai Tak. Yamang walang posibilidad na mapalawak pa ito, naghanap ng lugar para sa isang bagong paliparan. Subalit walang makuhang patag na lugar sa Hong Kong na sapat para sa isang paliparan. Bukod dito, ayaw ng mga tao ng isang maingay na paliparan sa kanilang lugar. Ang solusyon? Ang Chek Lap Kok, isang munting isla na naroroon sa malayong panig ng Lantau, isang malaki, ngunit sa kalakhang bahagi ay isang islang hindi pa natatayuan ng mga gusali. Iyon ay parang isang natupad na pangarap ng isang civil engineer.
Para maitayo ang paliparan ay kinailangang patagin ang munting isla at ang isa pang mas maliit na karatig na isla at tambakan ang mga siyam at kalahating kilometro kudrado ng dagat. Upang maiugnay ang paliparan sa lunsod ng Hong Kong, isang 34-na-kilometrong riles at isang expressway ang ginawa, kapuwa nakaangat sa ibabaw ng mga isla at mga dagat-lagusan, bumabagtas sa lunsod ng Kowloon, at tumatawid sa Victoria Harbor. Ito naman ay nangahulugan ng pagtatayo ng mga tulay, tunel, at mga viaduct (mahaba at mataas na tulay na may riles o daan sa ibabaw ng isang libis). Ang lahat ng ito ay naging bahagi ng isa sa pinakamalalaking proyekto sa pagtatayo na isinagawa kailanman.
Naiibang mga Tulay sa Pagtawid sa mga Isla
Libu-libong tao ang nagpupunta sa New Territories ng Hong Kong upang makita ang kayarian na nakilala sa buong daigdig, ang Lantau Link, na nag-uugnay sa Lantau Island sa pangunahing isla. Ito ay binubuo ng isang tulay na sinusuhayan ng mga kable na nag-uugnay sa Lantau Island sa munting Ma Wan Island, ng isang viaduct sa ibabaw ng Ma Wan, at ng isang nakabiting tulay na may habang 1,377 metro, na nag-uugnay sa Ma Wan Island sa ikatlong isla, ang Tsing Yi. Ang dobleng-palapag na mga tulay na ito ay kabilang sa pinakamahahaba na ganitong uri sa daigdig, na ang itaas na palapag ay nadaraanan ng sasakyan at ang nakakabit na palapag sa ibaba ay may isang riles ng tren at dalawang linya para sa trapiko.
Ang mga kableng sumusuporta sa nakabiting tulay ay waring mahina kung titingnan sa malayo. Iisipin tuloy ng isa kung tama ang kalkulasyon ng mga inhinyero o kung babagsak sa tubig ang tulay. Subalit ang malapitang pagsusuri ay nagpapakita na ang mga kable ay tunay na hindi marupok. Ang mga kableng may kapal na 1.1 metro ay nagtataglay ng 160,000 kilometro ng kawad, anupat sapat para mapalibutan ang lupa nang apat na ulit. Kailangang gayon kakapal ang mga kable sapagkat dapat makayanan ng mga ito ang 95 patiunang-binuong mga bahagi (prefabricated deck section) ng daan na 500 tonelada ang bigat na siyang bumubuo sa tulay. Nang makumpleto ang mga kable, ang mga bahaging patiunang binuo ay isinakay sa mga gabara patungo sa dakong pagkakabitan at saka iniangat mula sa tubig.
Wiling-wili ang mga nakatira sa di-kalayuan habang minamasdan nilang itinatayo ang mga tore na sumusuhay sa mga kableng nakabitin. Naitayo ang mga tore nang hindi gumagamit ng mga andamyo na karaniwang makikita sa mga proyekto ng pagtatayo. Ang mga nagtayo ay gumamit ng prosesong tinatawag na slipforming. Sa ganitong pamamaraan, ang mga porma, o mga shutter, na doo’y ibinubuhos ang semento ay dahan-dahang iniaangat nang hindi na kailangan pang kalasin at muling itayo ang mga ito sa bawat yugto. Sa paggamit ng bagong pamamaraang ito, naitayo ang isang 190-metrong tore ng tulay sa loob lamang ng tatlong buwan.
Ang Hong Kong ay nasa landas na dinaraanan ng mga bagyo. Paano makaaapekto sa mga tulay ang malalakas na hangin? Noong 1940, ang orihinal na Tacoma Narrows Bridge, sa Washington, E.U.A., ay nasira nang pilipitin ito ng hanging may bilis na 68-kilometro bawat oras na para bang ito’y yari sa kawayan. Malaki na ang isinulong ng disenyo ng mga tulay mula noon. Ang mga bagong tulay na ito ay dinisenyo at sinubok upang makayanan ang mga bugso ng hangin na may lakas na hanggang 300 kilometro bawat oras.
Mula sa Paliparan Patungo sa Lunsod sa Loob ng 23 Minuto!
Mas madaling makarating sa Hong Kong Island mismo mula sa bagong paliparan kaysa mula sa dating paliparan sa Kai Tak, kahit na mahigit sa apat na beses ang layo nito. Bakit? Ang mga tren na tumatakbo sa bilis na 135 kilometro bawat oras ay naghahatid hanggang sa sentrong pangkalakalan ng Hong Kong, na lalong kilala bilang Central. Una, naroroon ang magandang tanawin ng tigang na mga bundok ng Lantau. Sumunod, kapag ang tren ay nakatawid na sa nadaraanang mga isla patungo sa pangunahing isla, mabilis itong dumaraan sa pinakamalaking daungan sa daigdig, ang Kwai Chung. Tatlong milya pa ang layo, naroroon ang Mong Kok, ang tahanan ng 170,000 tao. Pagkatapos, bumabagtas pa ito hanggang sa sentro ng turismo, ang Tsim Sha Tsui, at hanggang sa isang tunel sa ilalim ng daungan, na nagdadala sa tren sa terminal sa Central sa loob lamang ng 23 minuto matapos itong lumisan sa paliparan!
Isang Paliparan Para sa Hinaharap
Noong Disyembre 1992, ang Chek Lap Kok ay isang 302-ektaryang mabatong isla. Pagsapit ng Hunyo 1995, ito ay isa nang 1,248-ektaryang plataporma para sa bagong paliparan, at ang lupaing sakop ng Hong Kong ay lumaki ng halos 1 porsiyento. Nang pinapatag ang orihinal na isla sa pamamagitan ng 44,000 tonelada ng malalakas na pampasabog, isang malaking plota ng mga barkong naghuhukay ang nagtambak sa isla ng mga buhanging kinuha sa sahig ng dagat. Noong nasa kasukdulan ang pagtatayo, mahigit sa dalawang ektarya ang natatambakan bawat araw. Sa katamtaman, sampung tonelada ng mga panambak na materyales ang inililipat bawat segundo sa loob ng buong 31 buwan. Pagkatapos na pagkatapos ng mga kontratista sa pagtatambak ng lupa, ang iba naman ay nagsimula na sa pagtatayo ng paliparan mismo.
Si Steve, na nakibahagi nang husto sa proyekto, ay nagbigay ng ilang tampok na bahagi: “Ang malalaking eroplano sa ngayon ay maaaring makapinsala sa isang di-mabuti ang pagkakagawang runway. Dahil dito, malalaki at mabibigat na roller ang ginamit upang siksikin ang buhangin bago latagan ng aspalto ang ibabaw. Tinataya na noong makumpleto na ng mga roller na ito ang unang runway at ang mga paradahan ng mga eroplano, nasaklaw ng mga ito ang distansiyang 192,000 kilometro, na katumbas sa limang ulit ng distansiya ng buong daigdig.
“Ang aming kompanya ang nakakuha ng kontrata para sa terminal; kami ang nagtayo at nagkabit ng mga biga ng bubong na yari sa bakal. Ang mga ito ay tumitimbang ng hanggang 150 tonelada bawat isa. Gumamit kami ng dambuhalang crane upang iangat ang mga ito at isakay sa mga trailer na maraming gulong na magdadala sa mga ito sa terminal sa bilis na 2 kilometro bawat oras.”
Ang terminal na ito ay hindi isang tulad-kahon na kongkretong gusali. Sa halip, pangunahing binigyan ng pansin ang paglikha ng isang maalwan at maluwang na kapaligiran na magiging kaayaaya para sa mga nagtatrabaho at pasahero sa paliparan. Bukod dito, ang paliparan ay dinisenyo upang dagliang maihatid ang mga pasahero sa kanilang patutunguhan nang walang gaanong pagkaantala. Ang mga pasahero ay makauupo na sa eroplano sa loob ng 30 minuto pagkatapos dumaan sa check-in counter. Upang maging madali ang pagpaparoo’t parito, magagamit ang isang tren na walang tsuper para ihatid ang mga pasahero mula sa isang dulo ng terminal hanggang sa kabilang dulo. Bukod pa rito, ang 2.8 kilometro ng umaandar na mga daanan ay nagpapangyaring maging madali ang paglalakad ng mga napapagod na pasahero.
Sinabi pa ni Steve: “Anong laking pagkakaiba sa Kai Tak, na dinaanan ng mahigit sa 27 milyong pasahero noong 1995! Ang bagong paliparan ay may kakayahang maglingkod sa 35 milyong pasahero at tatlong milyong tonelada ng kargamento sa loob ng isang taon. Sa kalaunan ay maaari itong mag-asikaso sa 87 milyong pasahero at siyam na milyong toneladang kargamento!”
Namumuhunan ng malaki ang Hong Kong sa proyektong ito—mga $20 bilyon, o mga $3,300 para sa bawat isa sa 6.3 milyong naninirahan sa Hong Kong. Inaasahan na ang paliparan sa Chek Lap Kok ay tutulong sa Hong Kong na mapanatili ang kasalukuyang kaunlaran nito. Bagaman hindi pa tiyak kung mangyayari ito o hindi, isang bagay ang maaaring tiyakin: Ang paglapag sa Hong Kong ay patuloy na magiging isang di-malilimutang karanasan.
[Mapa sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Airport Railway Expressway
Airport at Chek Lap Kok
Lantau Island
North Lantau Expressway
Lantau Link
Kap Shui Mun Bridge
Tsing Ma Bridge
West Kowloon Expressway
Kowloon
Airport at Kai Tak
Hong Kong Island
[Larawan sa pahina 13]
Pagtatayo ng Tulay ng Tsing Ma
[Picture Credit Line sa pahina 11]
New Airport Projects Co-ordination Office