Pagmamasid sa Daigdig
Natuklasan Pang mga Buwan ng Saturn
Isiniwalat ng mga larawan na kuha ng Hubble Space Telescope ang di-kukulangin sa dalawang dating di-kilalang buwan na umiikot sa Saturn. Ang mga larawan ay kuha nang “nagpantay ang pinakasingsing ng Saturn at ang Lupa,” isang pambihirang pangyayari kapag bahagyang makikita mula sa Lupa ang mga pinakasingsing ng Saturn. Sa ganitong kalagayan ang maningning na isinasabog na liwanag ng mga pinakasingsing ay nabawasan at mas madaling nakita ang mga buwan. Tinataya ng mga astronomo ang mga buwan na nasa pagitan ng 10 at 60 kilometro ang diyametro. Ang bagong katutuklas na mga buwan ay umiikot sa Saturn sa layong 140,000 kilometro hanggang 150,000 kilometro mula sa pinakagitna ng planeta. Ito’y mas malapit kaysa 400,000 kilometro sa pagitan ng Lupa at ng buwan nito. Ang Saturn ay halos 1.5 bilyon kilometro ang layo mula sa Lupa.
Paghingi ng Paumanhin—Pagkalipas ng 50 Taon
“Sa gayon ipinagtatapat namin, higit sa lahat sa harap ng Diyos, ang kasalanan ng Meiji Gakuin [University] sa pagkakaroon ng bahagi sa nakalipas na digmaan at gayundin upang humingi ng paumanhin sa mga tao sa ibang bansa, lalo na sa Korea at Tsina,” sabi ng superintendente ng pamantasan, si Hiromasa Nakayama, sa kaniyang lektyur sa kapilya ng pamantasan sa Tokyo noong nakaraang Hunyo. Ang Meiji Gakuin University ay isang “Kristiyanong” paaralang misyon. Ayon sa pahayagang Asahi Shimbun, ito ang kauna-unahang pagkakataon na lantarang inamin ng kinatawan ng paaralan na nakisali ang paaralan sa pakikipagdigma. Noong panahon ng digmaan inorganisa ng tagapangulo ng lupon ng mga direktor ng pamantasan ang United Church of Christ sa Hapón upang pagkaisahin ang mga simbahan sa pakikipagdigma. Nagtipon ng pondo ang United Church of Christ upang magkaroon ng mga eruplanong panggera at hinimok ang mga Kristiyano na magpasakop sila mismo nang walang pasubali sa kanilang bansa, sabi ni Nakayama.
Hindi Tinanggihan ng Iglesya ng Mormon ang mga Nazi
Napapaharap sa mga ulat ng karahasan sa mga Judio sa Alemanyang Nazi, “ang Iglesya ng Mormon ay halos walang ginawa,” sabi ng The Salt Lake Tribune. Ang ilang Mormon, kasama ang mga miyembro ng ibang iglesya, “ay nabighani ni Hitler at ng kaniyang mensahe tungkol sa pagiging dalisay ng isang lahi, at may mga nag-isip na kanilang sinusunod ang turo ng kanilang simbahan na igalang ang mga lider ng pamahalaan.” Sa panahon ng Holocaust ang Alemang sektor ng mga Mormon “ay gumawa ng bagay na ginawa ng karamihan ng mga simbahan; nakisali ang mga lider ng iglesya,” sabi ni Propesor Franklin Littell ng Temple University, Philadelphia. Ibig ni Douglas Tobler, propesor ng kasaysayan sa Brigham Young University, na suriin “ang pagkukulang ng simbahan na manindigan bilang isang institusyon laban sa Nazismo,” sabi ng pahayagan. Kapuna-puna, sinabi ng Tribune na ang mananalaysay na si John S. Conway, ng University of British Columbia, Canada, ay nagsabi na ang tanging relihiyosong organisasyon na lubusang tumanggi na sumunod sa mga Nazi ay ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi pa niya na dahil sa paninindigang ito mahigit sa kalahati ang ipinadala sa mga kampong piitan.
Hindi Nababantayang mga Bata
Isiniwalat ng isang pambansang surbey ng Australia na ang mga bata na kasimbata ng anim na taóng gulang ay iniiwan na mag-isa sa mga tahanan habang ang kapuwa magulang ay nagtatrabaho o nagpaparti, ulat ng The Canberra Times. Ayon kay Wendy Reid, tagapagsalitang babae para sa Boys Town National Community Projects, “mahigit na kalahati ng mga bata ang nagsabi na sila’y nalulungkot at hinahanap-hanap nila ang pakikisama sa kanilang mga magulang, samantalang ang malaking porsiyento ng mga 12 taóng gulang ang natatakot—sa dilim, sa bagyo, sa mga basta na lamang pumapasok, o kumikidnap.” Karagdagan pa, sinabi ni Reid na “71 porsiyento ng mga bata ay walang pamamaraan na susundin kung may lumitaw na di-inaasahang pangyayari at kalahati sa mga bata na wala pang 12 ang hindi man lamang nakaaalam kung paano hahagilapin ang kanilang mga magulang,” ulat ng Times.
“Bisa ng Pag-idlip”
“Ang pag-idlip ay maaaring makapagpabuti sa kondisyon, sa pagiging alisto at sa pagtatrabaho,” ulat ng The Wall Street Journal. Ang nakapagpapalakas na mga epekto ng mabuting pag-idlip ay nag-udyok sa ilang industriya na maghanap ng mga paraan na ilakip ang mga pag-idlip sa pangkaraniwang araw ng trabaho. Ito’y lalo nang totoo kung saan ang mga pagkabahala sa kaligtasan ay nakasalig sa pagiging alisto ng mga empleado—gaya ng mga nagmamaneho ng trak, mga piloto ng eruplano, at mga nagpapatakbo ng nuclear power plant. “Natuklasan namin na napakalaki ng iyong isinisigla—mga ilang oras ang pakinabang—mula sa 15-minutong pag-idlip,” sabi ng mananaliksik sa tulog na si Claudio Stampi. Subalit, ang pag-idlip sa lugar ng trabaho ay malayo pang mangyari bago ito gawin ng mga karamihan ng mga empleado. Sinasabi ng Journal na upang “gawing kaayaaya ang pagtulog sa trabaho, itinuturing ito ngayon ng mga nagmungkahi nito bilang ‘bisa ng pag-idlip.’ ”
Mga Kemikal sa Halamanan—Isang Panganib?
Ang mga kemikal para sa damuhan at halamanan ay maaaring magsapanganib sa kalusugan ng inyong mga anak, ulat ng Pranses na magasin sa kalikasan na Terre Sauvage. Nagbabala ito na “ang mga bata na wala pang labing-apat na taóng gulang na nakatira sa mga tahanan na ang halamanan ay ginagamot ng mga pamatay ng halaman o pamatay ng kulisap ay apat na ulit ang kahigitan na manganib sa pagkakaroon ng sarcoma, isang uri ng kanser,” kaysa mga bata na hindi hantad sa gayong mga kemikal. Sinabi pa ng ulat na ang paggamit ng mga pamatay ng insekto sa kapaligiran ng mga bata ay nagpapatindi sa panganib ng pagkakaroon ng leukemia ng isa at kalahati hanggang tatlong ulit. Yamang mahigit na kalahati ng lahat ng Pranses na mga sambahayan ay gumagamit ng mga kemikal sa halamanan, marami ang maaaring di-sinasadyang lumilikha ng kapaligiran sa kanilang mga anak na higit na nakalalason kaysa sa isang malaki, maruming lungsod.
Maiinit na Langgam
Natuklasan ng dalawang mananaliksik sa Switzerland kung bakit ang ilang uri ng langgam sa Sahara Desert ay nakapagtitiis sa nakapapasong temperatura na 60 digri Celsius. Natuklasan nina Rüdiger Wehner ng Zoological Institute of the University of Zurich at ng geneticist na si Walter Gehring ng University of Basel na ang mga langgam ay naglalabas ng “mga sangkap na kilala bilang heat shock proteins (mga HSP), na tumutulong na maingatan ang mga protina sa katawan mula sa pinsala ng init,” ulat ng magasing Science. Kapag napahantad sa mataas na temperatura, “lahat ng hayop ay gumagawa ng mga HSP pagkatapos na magsimula ang pinsala [mula sa heat shock],” sabi ng magasin, subalit “kumokontra na nang patiuna ang mga langgam.” Sa paanong paraan? Natuklasan ng mga mananaliksik na ginagaya ng mga langgam ang heat shock at naglalabas ng mga HSP bago pa man sila lumisan sa kanilang pugad. Ganito pa ang sabi ni Gehring: “Hindi tayo gayong karunong upang isipin ito, subalit nagagawa ito ng mga langgam.” O ito ba’y gawa ng kanilang Maylikha?
Ihinto ang Ingay
“Pakisuyong Ihinto ang Ingay na Iyan,” pakiusap ng ulong-balita ng pahayagang The Toronto Star. Ang walang-tigil na ingay sa lungsod mula sa de gas na mga pantabas ng damo, pambuga sa mga dahon, jackhammer, mga busina at alarma sa kotse, naglalakihang nabibitbit na mga radyo na may mga ispiker, nagtatahulang mga aso, umiiyak na mga sanggol, at gabing-gabi nang mga parti ay ipinangangampanya para sa kapayapaan at katahimikan. Ang matagal na pagkahantad sa gayong mga ingay “ay maaaring makapagpatindi sa pagkahapo at kaigtingan,” sabi ng Star. Ganito pa ang sabi nito: “Ipinakikita ng pagsusuri sa medisina na maaaring tumaas ang presyon ng dugo, ang bilis ng tibok ng puso ay maaaring magbago at ang katawan ay maaaring maglabas ng adrenaline at iba pang mga hormone na nakaaapekto sa mga ugat ng dugo.” Ayon sa mga awtoridad sa kalusugan, ang pagkahantad sa anumang tunog na mahigit sa 85 decibel, gaya ng maingay na pantabas ng damo o isang motorsiklo, sa mahigit na walong oras ay nakasasama sa iyong pandinig.
Pagsugpo sa Osteoporosis
Ang pisikal na paggawa ay makatutulong upang mapanumbalik ang bigat ng buto na nawala dahil sa osteoporosis, sabi ng pahayagang Jornal do Brasil. Ang mga dalubhasa sa Cotrauma Clinic sa Rio de Janeiro ay naglaan ng mga ehersisyong gumagamot subalit nagtuturo rin sa mga pasyente kung paano “maglakad nang tama at magkaroon ng tamang tindig.” Pagkalipas ng dalawang taon ng paggawang kasama ng isang grupo ng kababaihan mula sa edad na 45 hanggang 77, 80 porsiyento ng grupo ang nakaranas ng napakalaking pagbigat ng buto. Sa panahong iyon, ang mga babae ay walang gaanong reumatikong kirot sa likod, at walang nabalian ng buto. Si Dr. Theo Cohen, patnugot ng klinika, ay nagmumungkahi rin ng pagkain na mayaman sa calcium at mababa sa taba. Higit pa, hinihimok niya ang pagkakaroon ng layunin sa buhay. “Ayaw naming makita ang mga may edad na nakaupo at naggagantsilyo,” sabi ni Dr. Cohen. “Ang paglalakad-lakad ay kasinghalaga ng pagsagot ng crossword puzzle upang maehersisyo ang mga selula ng utak.”
Pagkabahala sa mga Sakit na Dala ng Dugo
Ang mas mabuting pangkaligtasang pamamaraan ay kinakailangan upang maingatan ang suplay ng dugo, ayon sa isang ulat ng Institute of Medicine ng U.S. National Academy of Sciences. Bilang katibayan, itinawag-pansin ng ulat ang pagkalat ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo sa naunang mga taon ng epidemya ng AIDS. Sa pagrerepaso ng ulat, sinabi ng The New York Times: “Mahigit sa kalahati ng 16,000 hemophiliac sa Estados Unidos at mahigit sa 12,000 pasyente na tumanggap ng pagsasalin ng dugo at mga produkto ng dugo ay nahawahan ng H.I.V.” Ang ulat ng institusyon ay nagpapahayag ng pagkabahala na maaaring biglain na naman ng di-kilala, mapanganib na nakahahawang naglilipat ng sakit gaya ng HIV ang pambansang sistema ng kalusugan. Iminumungkahi nito ang pagtatatag ng isang sistema na “susuri, susubaybay, at magbabala sa masasamang epekto sa mga tumanggap ng dugo at mga produkto ng dugo.”