Mga Eksperto sa Pagtatapon ng Basura sa Daigdig ng mga Insekto
MAHIGIT lamang 150 taon ang nakalilipas, ang mga tao ay nakagawa ng masalimuot na sistema ng alkantarilya at pagtatapon ng basura. Gayunman, may isa nang dalubhasa sa pagtatapon ng basura—isang munting langgam na masusumpungan sa tropikong Amerika.
Isang karaniwang pamayanan ng mga isang milyong langgam na gumugupit ng dahon ang naninirahan sa isang malaking pugad sa ilalim ng lupa. Iba’t ibang miyembro ng mga langgam ang may kani-kaniyang atas. Ang ilang langgam ay nagtitipon ng mga piraso ng dahon, na nginunguya naman ng ibang grupo upang maging sapal. Ginagamit naman ng mga hardinerong langgam ang sapal upang magpatubo ng nakakaing halamang-singaw sa loob ng mga silid sa pugad. Inaalis din nila ang anumang bagay na maaaring magkalat ng impeksiyon, gaya ng pesteng halamang-singaw, patay o namamatay na mga langgam, at nabubulok na bagay. Subalit paano itinatapon ng mga langgam ang kanilang basura?
Nasumpungan ng mga siyentipikong Britano sa University of Sheffield ang kasagutan, ang ulat ng pahayagang The Independent. Malapit sa mga silid na pinagtatrabahuhan ng mga hardinerong langgam ay masusumpungan ang mas malalaking silid na doon iniimbak ang basura. Ginugugol ng mga langgam na nagtatrabaho sa basura ang lahat ng kanilang panahon doon, na binabaligtad ang basura upang tumulong sa pagkabulok, na siya namang papatay sa baktirya na pinagmumulan ng sakit. Ang mga hardinerong langgam ay hindi kailanman pumapasok sa mga silid ng basura. Dinadala nila ang basura sa isang tunel, at kinukuha naman ito ng mga manggagawa sa basura. Ang mabisang pangangasiwang ito sa basura ay humahadlang sa anumang panganib ng kontaminasyon at iniingatan ang kalusugan ng kolonya ng mga langgam.
Hindi lamang nilikha ng Diyos na Jehova ang mga insekto na may katutubong karunungan kundi nagbigay rin naman sa mga Israelita ng praktikal na mga alituntuning pangkalusugan mahigit nang 3,500 taon ang nakalilipas. Kapag ikinapit ang mga kautusang ito, maiiwasan ang kontaminasyon sa mga suplay ng pagkain at tubig, mapahihinto ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit, at matitiyak ang ligtas na pagtatapon ng basura. Kayrami ngang pagdurusa at kamatayan ang maiiwasan sa pagsunod sa gayong mga simulain!—Levitico 11:32-38; Bilang 19:11, 12; Deuteronomio 23:9-14.