Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/22 p. 12-14
  • Isport na Pangkoponan—Makabubuti ba Ito sa Akin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isport na Pangkoponan—Makabubuti ba Ito sa Akin?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isport​—Ang mga Bentaha
  • Katanyagan, Tagumpay, at Popularidad
  • Mga Huminto
  • Dapat ba Akong Sumali sa Pangkoponang Isport?
    Gumising!—1996
  • Dapat ba Akong Sumali sa Koponán sa Paaralan?
    Gumising!—1991
  • Mga Problema sa Isports Ngayon
    Gumising!—1991
  • Pagpapanatili sa Isports sa Kanilang Tamang Dako
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Isport na Pangkoponan​—Makabubuti ba Ito sa Akin?

“Gustung-gusto ko ang isport. Talagang ang ganda ng pakiramdam ko. At nasisiyahan akong kasama ang aking mga kaibigan.”​—Si Sandy na 14-na-taóng-gulang.

“KASAYAHAN!” “Katuwaan!” “Pagwawagi!” Ilan ito sa mga dahilan na ibinigay ng mga kabataan sa Estados Unidos at Canada nang sila’y kapanayamin kung bakit sila nakikibahagi sa isport na pangkoponan. Maliwanag, maraming kabataan ang nagkakapareho sa kanilang pinagkakatuwaan.

Kuning halimbawa ang Estados Unidos. Ayon sa aklat na Your Child in Sports, ni Lawrence Galton, “bawat taon, 20 milyong kabataang Amerikano mula anim na taon pataas ang naglalaro, o nagsisikap na sumali, sa isport na pangkoponan.” At samantalang noong ilang taóng nakalipas ang isport na pangkoponan ay halos para lamang sa kalalakihan, ang mga kabataang babae na may nakagugulat na bilang ay naglalaro na ngayon ng baseball, nagba-basketball, at nagpapaligsahan pa nga sa isa’t isa sa laruan ng football.

Marahil ikaw ang tipong atletiko at nadarama mo na nakatutuwa ang sumali sa isang koponan. O marahil ay labis kang hinihimok​—baka ginigipit pa nga​—ng mga magulang, guro, o mga tagasanay na sumali. Anuman ang kalagayan, ang pagsali sa isport na pangkoponan ay nangangailangan ng napakalaking oras at lakas. Kung gayon, makatuwiran lamang na magkaroon ng kabatiran sa ilang bentaha at disbentaha. Una, suriin natin ang ilang bentaha.

Isport​—Ang mga Bentaha

“Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti,” sabi ng Bibliya. (1 Timoteo 4:8) At ang mga kabataan ay tiyak na nakikinabang sa gawaing pangkatawan. Sa Estados Unidos, napakaraming kabataan ang sobra ang taba, may mataas na presyon ng dugo, at may mataas na kolesterol. Ang regular na ehersisyo ay may malaking magagawa upang masupil ang gayong mga problema. Ayon sa isang artikulo sa magasing American Health, ang mga kabataan na regular mag-ehersisyo “ay nagtatamo ng mas mabuting kakayahan sa palahingahan at sirkulasyon ng dugo kaysa mga batang palaupo [di-aktibo]. Ang mga taong palaging nag-eehersisyo ay mas mahusay ring maglaro at sumupil ng timbang.” Sinasabi rin ng mga mananaliksik na ang ehersisyo ay nakapagpapagaan ng kaigtingan, nakababawa ng pagkahapo, at nakapagpapabuti pa nga ng pagtulog.

Kapuna-puna, ganito ang sabi ng aklat na Your Child in Sports: “Napatunayan na ang maraming problema sa kalusugan ng mga nasa edad na ay nagmula pa sa kanilang kabataan.” Kaya ipinalalagay ng maraming doktor na ang mga pakinabang ng regular na ehersisyo ay umaabot hanggang sa hustong gulang. Ganito ang ulat ng manunulat na si Mary C. Hickey: “Natuklasan ng pananaliksik na ang mga batang sumasali sa isport ay malamang na maging higit na aktibo sa pisikal bilang mga adulto.”

Ipinalalagay ng marami na may iba pang mahalagang bentaha ang isport na pangkoponan. Ganito ang sabi ng isang ama tungkol sa kaniyang anak na lalaki na naglalaro ng football: ‘Nahahadlangan siya nito na maglimayon sa kalye. Tinuturuan siya nito ng disiplina.’ Ipinalalagay ng iba na ang paglalaro kasama ng isang koponan ay nagtuturo sa isang kabataan ng pakikipagtulungan sa iba​—isang kasanayan na may habang-buhay na mga pakinabang. Ang isport na pangkoponan ay nagtuturo rin sa mga kabataan na sumunod sa mga alituntunin, maging disiplinado sa sarili, manguna, at makitungo nang kaayaaya sa tagumpay at kabiguan. “Ang isport ay isang karanasan sa pagkatuto para sa mga kabataan,” sabi ni Dr. George Sheehan. “Binibigyan nito ang mga mag-aaral ng tuwirang karanasan sa mga bagay na kalimitan nilang naririnig mula sa kanilang mga guro: tibay ng loob, kasanayan, dedikasyon.”​—Current Health, Setyembre 1985.

Sa paano man, ang pagiging kasali sa isang nagwawaging koponan ay maaaring magpasigla sa pagpapahalaga ng isa sa sarili. “Kapag naka-touchdown ako o nakatira ako,” sabi ng kabataang si Eddie, “tuwang-tuwa ako sa aking sarili.”

Katanyagan, Tagumpay, at Popularidad

Subalit, para sa ibang kabataan ang tunay na pang-akit ng isport na pangkoponan ay ang pagtatamo ng pagsang-ayon at pagkilala ng kanilang mga kaedad. “Sa tuwing makagagawa ka ng bagay na mabuti,” paliwanag ng 13-taóng-gulang na si Gordon, “binabati ka at pinupuri ng lahat.”

Ganito ang sabi ng aklat na Teenage Stress, nina Susan at Daniel Cohen: “Kung mayroon mang waring anumang tiyak na daan sa popularidad, lalo na sa mga lalaki, ito ang isport. . . . Bihira mong masumpungan ang sikat na manlalaro ng isang koponan ng football o basketball na hindi nakikilala.” Isiniwalat ng isang surbey kung paano gayon na lamang pahalagahan ang mga manlalaro. Tinanong ang mga estudyante kung baga ibig nilang sila’y alalahanin bilang isang tanyag na manlalaro, isang matalinong estudyante, o pinakakilalang tao. Sa gitna ng mga kabataang lalaki, ang pagiging isang “tanyag na manlalaro” ang unang pinili.

Ang bagay na ang isang manlalaro ng football o basketball na nagtatamo ng higit na paggalang kaysa sa isang iskolar ay hindi na nakabibigla kung iisip-isipin mo ang labis na may pagpipitagang atensiyon na ibinibigay ng media sa mga propesyonal na manlalaro. Napakaraming publisidad ang nagtutuon sa kanilang pagkalalaking mga sahod at marangyang mga istilo ng buhay. Hindi nga kataka-taka na maraming kabataan, lalo na yaong nasa pinaka-pusod ng lungsod, ang nag-iisip na ang isport sa paaralan ang siyang batong-tuntungan sa kariwasaan​—isang paraan ng pagtakas sa karukhaan!

Nakalulungkot naman, ang katotohanan ang sumisira sa gayong mga inaasahan. Ipinakita ng isang artikulo sa magasing Current Health na pinamagatang “Gaano Karaming Manlalaro ang Nagiging Propesyonal?” ang nakagugulat na estadistika. Ganito ang ulat nito: “Mahigit sa 1 milyong batang lalaki [sa Estados Unidos] ang kasali sa football sa haiskul; halos 500,000 ang naglalaro ng basketball; at halos 400,000 ang kalahok sa baseball. Mula sa haiskul hanggang sa kolehiyo, ang bilang ng sumasali ay biglang bumaba. Halos 11,000 na manlalaro lamang lahat-lahat ang sumasali sa football, basketball, at baseball sa kolehiyo.” Mula sa kolehiyo, ang mga estadistika ay lalong nagiging nakalulungkot. “Halos 8 porsiyento lamang [ng mga manlalaro sa kolehiyo] ang kinakalap ng propesyonal na mga koponan, at halos 2 porsiyento lamang ang lumalagda ng propesyonal na kontrata.” Ganito ang ibinigay na paalaala ng artikulo: “Kahit ang paglagda sa kontrata ay hindi nangangahulugan na ang isang manlalaro ay magkakaroon ng lugar sa koponan.”

Kaya, lahat-lahat “isa lamang sa bawat 12,000 manlalaro sa haiskul ang magiging propesyonal.” Wala ring ipinag-iba iyan sa pananalo ng unang gantimpala sa loterya! Subalit sa paano man, maaaring mapag-isip-isip mo, hindi ba ang isang manlalaro ay nakakukuha ng walang bayad na edukasyon sa kolehiyo dahil sa lahat ng kaniyang pagsisikap? Minsan pa, hindi pa rin tiyak iyan. Ayon sa aklat na On the Mark, nina Richard E. Lapchick at Robert Malekoff, “sa milyun-milyong manlalaro sa high school . . ., 1 lamang sa 50 ang nakakukuha ng iskolarsyip para makasali sa isport sa kolehiyo.” Ang isa pang nakasisiphayo na estadistika ay: “Sa mga nangungunang manlalaro na nakatatanggap ng iskolarsyip sa malaking-kita na isport gaya ng football at basketball, mas kaunti pa sa 30 porsiyento ang makatatapos sa kolehiyo pagkalipas ng apat na taon.”

Para sa karamihan ng manlalaro, ang pangarap na maging mayaman at kilalang manlalaro ay isa lamang guniguni​—isang pag-asa sa panaginip.

Mga Huminto

Kapag isinaalang-alang mo ang pag-asam sa mabuting kalusugan, pagpapabuti ng pagkatao, at higit na popularidad, ang pagsali sa isport na pangkoponan ay waring ang pinakamatalino pa ring bagay na gawin. Subalit bago ka sumugod sa pagsali sa mga tryout, isaalang-alang ang sinabi sa Ladies’ Home Journal: “Higit na maraming kabataan ang sumasali sa isport na pangkoponan kaysa anumang nakaraang henerasyon. Ang masamang balita: Napakarami nilang huminto sa mga programang ito ng isport.” Si Dr. Vern Seefeldt, isang dalubhasa sa isport, ay sinipi na nagsasabi: “Pagsapit nila sa edad na labinlima, ang pitumpu’t limang porsiyento ng mga kabataan na sumali sa isport ay huminto na.”

Isaalang-alang ang Canada, kung saan ang isport na ice hockey ay totoong popular. Sa isang amatyur na liga ng hockey, 53 porsiyento ng mahigit na 600,000 manlalaro nito ang wala pang 12 taóng-gulang. Gayunman, 11 porsiyento lamang ang mahigit sa edad na 15. Ang dahilan? Ang karamihan ng kabataan ay huminto na sa edad na iyan. Bakit marami ang humihinto?

Sinasabi ng mga mananaliksik na ang mga humihinto ay karaniwang nagbibigay ng nakagugulat na simpleng dahilan ng kanilang paglisan: Hindi na nakasisiya ang laro. Tunay nga, ang pagsali sa isang koponan ay isang gawain na nakapapagod at umuubos ng panahon. Sinabi ng magasing Seventeen sa mga mambabasa nito na ang basta pagsali sa tryout para sa isang koponan ay nagsasangkot ng “tatlong oras sa isang araw, limang araw sa isang linggo . . . sa loob ng halos isa o dalawang linggo.” Kapag nalusutan mo ang mahirap na pagsubok na iyon at nakasali ka sa koponan, mas maraming oras kang magsasanay at mag-eensayo sa hinaharap. Karaniwan para sa isang miyembro ng mga kabataang babae sa koponan ng basketball na gumugugol ng mahigit na tatlong oras sa isang araw na pagsasanay para sa kaniyang laro. Ang oras na iyan ay maaaring gugulin sa ibang bagay na mas makabuluhan.

Mangyari pa, hindi alintana ng maraming kabataan ang nakapapagod na rutin. Tuwang-tuwa sila sa kasiyahan at hamon ng pagpapahusay ng kanilang kakayahan sa paglalaro. Subalit may iba pang dahilan kung bakit malaking bilang ng mga kabataan ang humihinto sa pangkoponang laro. Kailangan mong mabatid ang mga dahilan upang makapagpasiya kung sasali ka o hindi sa isang koponan. Gaya ng sabi ng Kawikaan 13:16, “bawat matalinong tao ay gumagawang may kaalaman.” Kaya ang artikulo sa susunod ang magpapatuloy sa pagtalakay rito.

[Blurb sa pahina 14]

‘Ang karamihan ng nangungunang mga manlalaro sa pamantasan na tumatanggap ng iskolarsyip sa isport ay hindi nakapagtatapos’

[Larawan sa pahina 13]

Ang popularidad ng mga manlalaro ang umaakit sa maraming kabataan sa isport na pangkoponan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share