Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Sumali sa Pangkoponang Isport?
“ANO ba ang mahalagang bagay sa pagiging kasali sa isang koponan?” tanong sa isang artikulo sa magasing Seventeen. Bilang sagot ganito ang sabi ng artikulo: “Kayo’y sama-samang gumagawa para sa iisang tunguhin, kaya kayo’y talagang nagiging malapít. Natututuhan din ninyo ang pakikitungo sa ibang tao, gaya ng kung paano lumutas ng mga problema kasama ng grupo, kung paano makibagay at maging makonsiderasyon, at kung paano makipagkompromiso.”
Sa gayon, ang pagsali sa isang pangkoponang isport ay waring may mga pakinabang, maliban pa sa katuwaan at ehersisyo.a Sinasabi pa nga ng ilan na ang pagsali sa isang pangkoponang isport ay tumutulong sa pagkakaroon ng mabuting katauhan. Kaya ang sawikain ng isang liga ng baseball ay, “Katauhan, Kagitingan, Katapatan.”
Ang problema ay, hindi laging nakaaabot sa gayong marangal na mga layunin ang pangkoponang isport. Ganito ang sabi ng aklat na Kidsports: “Sa ilang kalagayan ang mga kabataang madaling maimpluwensiyahan ay natututong magmura, mandaya, makipag-away, manakot, at manakit ng iba.”
Manalo sa Anumang Paraan?
Ganito ang inamin ng artikulo sa Seventeen: “May bagay na di-kaayaaya sa isport, kung saan labis na pinahahalagahan ng mga tao ang pagkapanalo.” Ito’y tuwirang salungat sa sinasabi ng Bibliya: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Bagaman ang bahagyang palakaibigang pagpapaligsahan ay nakadaragdag ng sigla at kasiyahan sa laro, ang labis na espiritu ng pakikipagkompetensiya ay maaaring magbunga ng awayan—at nag-aalis ito ng katuwaan sa paglalaro.
Ganito ang naalaala ni Jon, dating manlalaro ng football noong haiskul: “May tagasanay kami na talagang dibdiban sa laro; laging nakasigaw at nakabulyaw sa amin . . . Kinatatakutan ko ang mag-ensayo noon. . . . Pakiramdam ko para bang ako’y nasa concentration camp.” Bagaman hindi lahat ng tagasanay ay mapang-abuso, marami ang labis kung magpahalaga sa pagwawagi. Isang manunulat ang nagsabi nang ganito: “Maraming manlalaro . . . ang humahantong sa punto na ang kagalakan ay nadaraig ng di-makayanang pabigat na magtagumpay.” Ano ang maaaring ibunga?
Iniulat ng Science News ang tungkol sa isang surbey na nagsiwalat na sa gitna ng mga manlalaro ng football at basketball sa kolehiyo, “12 porsiyento ang nag-ulat ng problema sa hindi kukulanging dalawa sa limang larangan: kabalisahan sa isip, bugbog na katawan, kahirapan sa pagtanggi sa droga o alak, pang-aabuso sa isip at katawan, at pagiging mapurol sa klase.” Sa katulad na paraan, ang aklat na On the Mark ay nag-uulat: “Ang halos lahat na may kaugnayan sa pangkoponang isport ay sumasang-ayon na may malaking problema sa pag-abuso sa droga sa isport sa lahat ng antas.”
Mga Pakikipagkompromiso sa Moral
Ang panggigipit na manalo ay maaari ring magtulak sa isang kabataang manlalaro na ikompromiso ang makatuwirang mga pamantayan ng pagkawalang-kinikilingan at katapatan. Ang aklat na Your Child in Sports ay nagsasabi: “Sa modernong daigdig ng isport, ang pagkapanalo ay hindi basta mabuti; ito lamang ang mahalaga sa lahat.”
Isa pang masaklap na katotohanan: Kalimitang ginigipit nang husto ng mga tagasanay ang mga manlalaro na saktan ang kanilang mga kalaban. Isang artikulo sa Psychology Today ang nagsabi: “Upang maging mahusay sa isport, kailangan mong maging masama. At iyan ang paniwala ng maraming manlalaro, tagasanay at mga tagahanga sa isport.” Inilalarawan ng isang propesyonal na manlalaro ng football ang kaniyang normal na pagkatao bilang “mahinahon, makonsiderasyon at palakaibigan.” Subalit sa laruan, siya’y napapasa isang Jekyll-at-Hyde na pagbabago. Inilalarawan ang kaniyang personalidad kapag nasa laruan, ganito ang kaniyang sabi: “Napakalupit at napakagaspang ng ugali ko noon. . . . Napakasama ko noon. Talagang wala akong paggalang sa taong babanggain ko.” Kalimitang hinihimok ng mga tagasanay ang gayong ugali.
Ang Bibliya ay humihimok sa mga Kristiyano: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12) Mapauunlad mo ba ang gayong mga katangian kung araw-araw ay nakaririnig ka ng pumupukaw na panghihikayat na saktan, ilampaso, at baldahin mo ang iyong mga kalaban? Inamin ng labing-anim na taóng gulang na si Robert: “Nakasali ako sa pangkoponang isport. Wala kang pakialam kung sino ang masaktan mo basta manalo ka.” Ngayon na isa na siyang bautisadong Kristiyano, nagbago na ang kaniyang pangmalas. Ganito ang sabi niya: “Hindi ko na kailanman babalikan iyan.”
Pagsasanay sa Katawan o Sakit sa Katawan?
Hindi rin naman dapat kaligtaan ang mga panganib sa pisikal. Totoo, ang isport ay nagdudulot ng mga panganib kahit na nakikipaglaro kasama ng mga kaibigan na para lamang sa katuwaan. Subalit ang panganib ay lalo pang nadaragdagan kapag ang mga kabataan ay sinasanay na maglaro sa halos propesyonal na antas.
Ang aklat na Your Child in Sports ay nagsasabi: “Ang propesyonal na mga manlalaro ay maaaring masaktan. Subalit sila’y napakabihasa, may matibay na pangangatawan, mga taong may gulang na handang masaktan at binabayaran nang malaki sa paggawa ng gayon. Higit pa, karaniwang natatamo nila ang pinakamabubuting bagay, pinakamahusay na uri ng pagsasanay, pinakamahusay na kagamitan, at may nakaabang na dalubhasang mga manggagamot. . . . Ang mga bata sa paaralan ay wala ng gayong mga bentaha.” Ang mga Kristiyano ay sinabihan na ‘iharap ang kanilang mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.’ (Roma 12:1) Hindi ka ba mag-iisip-isip sa pagsuong mo sa di-kinakailangan o di-makatuwirang mga panganib?
Iba Pang Salik na Isasaalang-alang
Bagaman waring ang mga panganib sa kalusugan ay kakaunti lamang, umuubos pa rin ng oras ang pangkoponang isport. Ang mga oras para sa pag-eensayo ay hindi lamang makababawas sa iyong pakikisalamuha sa iba kundi ito rin naman ay kukuha ng malaking oras na dapat na nakalaan sa pag-aaral at paggawa ng takdang-aralin. Iniulat ng Science News na ang mga manlalaro sa kolehiyo ay malamang na magkaroon ng “bahagyang pagbaba ng marka” kaysa ibang estudyante na sumasali sa mga extracurricular activity. Higit na mahalaga pa, masusumpungan mo na gagawing mahirap ng paglalaro sa isang pangkoponang isport ang pagsunod sa tinatawag ng Bibliya na “ang mga bagay na higit na mahalaga”—ang espirituwal na mga kapakanan. (Filipos 1:10) Tanungin ang iyong sarili, ‘Ang pagsali ba sa isang koponan ay humihiling sa akin na lumiban sa mga Kristiyanong pulong, o lilimitahan ba nito ang aking pakikibahagi sa gawaing pangangaral?’
Timbang-timbangin din ang maaaring ibunga ng paggugol ng mahabang oras kasama ng mga kabataan at mga nasa hustong gulang na hindi mo katulad ang mga pangmalas sa moralidad, malinis na pananalita, o kompetisyon. Tutal, talaga namang sinasabi ng Bibliya na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Halimbawa, isaalang-alang din ang artikulo sa tabi ng editoryal ng The New York Times: “Ang silid-bihisan . . . ay isang lugar kung saan pinag-uusapan ng kalalakihan ang mga katawan ng babae sa malaswang pananalita, anupat ipinagmamalaki nila kung paano sila ‘naka-score’ at nagbibiruan pa tungkol sa pambubugbog ng mga babae.” Paano mapabubuti ang iyong espirituwalidad kung pipiliin mong malagay sa gayong kapaligiran?—Ihambing ang Santiago 3:18.
Matalinong Pagpapasiya
Iniisip mo bang sumali sa isang pangkoponang isport? Kung gayon marahil ang sumusunod ay makatutulong sa iyo na isaalang-alang ang kabayaran sa paggawa ng gayon. Isaalang-alang ang budhi ng iba kapag nagpapasiya. (1 Corinto 10:24, 29, 32) Mangyari pa, wala namang mahigpit na alituntunin ang maaaring gawin, yamang ang mga kalagayan ay nagkakaiba-iba sa buong daigdig. Sa ilang lugar ang mga estudyante ay hinihiling pa nga na sumali sa isport. Subalit kung ikaw ay nag-aalinlangan, ipakipag-usap ang mga bagay sa iyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyano.
Maraming kabataang Kristiyano ang nahirapang magpasiya tungkol sa hindi pagsali sa pangkoponang isport. Hindi ito madali kung ikaw ay mahusay maglaro at talagang mahilig sa isport! Ang mga panggigipit ng mga guro, tagasanay, at mga magulang ay maaaring makapagpasiphayo pa. Ganito ang inamin ng kabataang si Jimmy: “Talagang nakikipagpunyagi ako sa aking sarili na huwag maglaro. Ang aking ama na hindi mananampalataya ay isang mahusay na manlalaro noong siya’y nasa haiskul. Kung minsan talagang nahihirapan ako na huwag sumali sa isang koponan.” Magkagayon man, ang tulong ng nananampalatayang mga magulang at maygulang na mga Kristiyano sa kongregasyon ay may malaking magagawa upang matulungan kang manindigan. Sabi ni Jimmy: “Ako’y nagpapasalamat kay inay. Kung minsan ako’y nanlulumo dahil sa panggigipit na maglaro. Pero lagi siyang naroroon upang paalalahanan ako sa aking tunay na mga tunguhin sa buhay.”
Ang pangkoponang isport ay maaaring magturo sa mga manlalaro ng pagtutulungan at paglutas ng problema. Subalit may napakaraming pagkakataon upang matutuhan ang gayong mga bagay sa pamamagitan ng paggawang kasama ng Kristiyanong kongregasyon. (Ihambing ang Efeso 4:16.) Ang pangkoponang isport ay nakasisiya rin, subalit hindi mo kailangang sumali sa isang koponan para masiyahan dito. Ang ilang isport ay nakasisiyang gawin kasama ng mga kaibigang Kristiyano sa bakuran o isang lokal na parke. Ang iskursiyon ng pamilya ay makapagbibigay rin ng higit pang pagkakataon para sa kapaki-pakinabang na paglalaro. “Mas mabuti na maglaro kasama ng iba mula sa inyong kongregasyon,” sabi ng 16-na-taóng-gulang na si Greg. “Talagang para sa katuwaan lamang ito, at kasama mo ang iyong mga kaibigan!”
Sabihin nang totoo, ang paglalaro na kasama ng mga kaibigan marahil ay hindi magbibigay ng kasiyahang gaya ng pagiging nasa nananalong koponan. Subalit, huwag kalimutan na sa sukdulan ang “pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang [lamang] nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay.” (1 Timoteo 4:8) Linangin ang maka-Diyos na debosyon, at tunay na magiging isa kang nagwagi sa harapan ng Diyos!
[Talababa]
a Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Isport na Pangkoponan—Makabubuti ba Ito sa Akin?” na lumitaw sa aming labas ng Pebrero 22, 1996.
[Blurb sa pahina 22]
“May tagasanay kami na talagang dibdiban sa laro; laging nakasigaw at nakabulyaw sa amin . . . Kinatatakutan ko ang mag-ensayo noon”
[Larawan sa pahina 23]
Kalimitan, idiniriin ng mga tagasanay ang pagwawagi—ito ma’y mangahulugan ng pananakit sa iba