Kabigha-bighaning Ethiopia
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ETHIOPIA
SA LOOB ng mga taon ang Ethiopia ay kilala bilang nakukubling imperyo. At bagaman ang daan-daang taon ng pagkabukod nito ay nagtapos na, kakaunti sa ngayon ang nakababatid sa kabigha-bighaning kasaysayan, pagkakaiba-iba ng mga tao at mga kultura, at di-pangkaraniwang mga katangian ng heograpiya nito. Sa mahigit na 50 milyong naninirahan dito—halos kasindami ng Pransiya—tiyak na hindi ito bansa na dapat ipagwalang-bahala.
Waring ang sinaunang mga Griego ang nakaimbento ng salitang “Ethiopia,” na nangangahulugang “Rehiyon ng mga Sunóg na Mukha.” Gayunman, ang pasimula ng pulitikal na kasaysayan nito ay nababalutan ng hiwaga at alamat. Sinasabi ng tradisyon na ang Ethiopia ay bahagi ng sinaunang Sheba na kilala sa Bibliya at na ang reyna nito ang mayamang pinagpipitaganang tao na dumalaw kay Haring Solomon. Ang maraming pinuno noon sa Ethiopia ay nag-aangking mga inapo ng taong nagngangalang Menelik, ipinalalagay na bunga ng pagmamahalan nina Solomon at ng reynang ito.
Kaya, malamang na ang Sheba ay talagang matatagpuan sa timog-kanlurang Arabia.a Binabanggit ng Bibliya ang Ethiopia kapuwa sa Hebreo (“Matandang Tipan”) at Griego (“Bagong Tipan”) na bahagi nito. Halimbawa, ang Gawa kabanata 8 ay nagsasabi tungkol sa isang Etiopeng “bating,” o opisyal ng pamahalaan, na nakumberte sa pagka-Kristiyano. Subalit ayon sa kasalukuyang mga hangganan, ang Ethiopia sa Bibliya ay pangunahin nang sumasakop sa lugar na kilala ngayon bilang Sudan.
Sa ikatlong siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang kaharian ng Aksum ay itinatag sa Ethiopia. Narating nito ang karurukan sa ilalim ni Haring ‘Ēzānā noong ikaapat na siglo. Isang kumberte mismo, kinumberte ni ‘Ēzānā ang buong imperyo niya sa “Kristiyanismo.” Pansamantalang nagkaroon ng kaugnayan ang Kanluraning daigdig sa Ethiopia, subalit ang ugnayang iyan ay naputol noong ikapitong siglo. Ganito ang paliwanag ng The Encyclopedia Americana: “Sa halos 1,000 taóng nagdaan, ang Ethiopia ay napabukod mula sa kalakhan ng Kristiyanong daigdig sa pagsisikap nito na ipagtanggol ang sarili nito sa nanghihimasok na mga Muslim mula sa hilaga at silangan, gayundin ang mga paganong mananalakay mula sa timog.” Lalo na ang pananakop ng mga Muslim sa Ehipto at Nubia na siyang nagpahiwalay sa Ethiopia mula sa kalakhan ng Sangkakristiyanuhan.
Hindi tulad ng ibang mga bansa sa Aprika, ang Ethiopia ay hindi nakaranas ng nagtagal na yugto ng pananakop ng mga Europeo, maliban sa maikling pagkanaroroon ng Italya noong mga pasimula ng siglong ito at mula noong 1935 hanggang 1941. Noong 1974 isang militar na kudeta ang nagdulot ng marahas na wakas sa matandang imperyo. Sapol noong 1991 isang bagong pamahalaan ang nagdulot ng mga pagbabago na nagpangyari sa bansang ito na maging isang lipunan na higit na tumatanggap. Bilang resulta, posible na ngayon na magkaroon ng higit na pagsusuri sa minsang nakakubling bansang ito.
Ang mga Tao at ang Kanilang Kultura
Mahirap gumawa ng pangkalahatang palagay hinggil sa mga Etiope dahil sa napakaraming pagkakasari-sari sa gitna nila. Nariyan ang mga lagalag na Afar na nagpapalibut-libot sa napakainit na Danakil Desert. Sa kanluran naman ay ang maiitim na taong Nilotic. Sa timog partikular na nakatira ang mga taong Oromo. Ang mga taong Amhara ay nakatira sa gitnang paltok, kung saan nililinang nila ang mahanging mga bulubundukin. Kaya, hindi kataka-taka na ang Ethiopia ay may halos 300 wika. Ang etnikong mga grupo ay may sarili nilang istilo ng buhok, uri ng damit, at arkitektura. Ang arkitektura ay iba’t iba mula sa pabilog na kawayang tukuls na karaniwan sa timog hanggang sa mga adobeng bahay na may atip na pawid sa gitnang Ethiopia at ang batong mga gusali naman na pala-palapag sa hilaga.
Mayroon ding nakatutuwang pagkakasari-sari ng personal na mga pangalan. Higit pa sa pagkakakilanlan lamang, ang kakaibang tunog ng mga pangalan ay may mga kahulugan na halos laging kilalang-kilala sa lugar doon. Ang mga batang babae ay tinatawag na Fikre (Ang Aking Irog), Desta (Kagalakan), Senait (Kabutihan), Emnet (Pananampalataya), Ababa (Bulaklak), o Trunesh (Ikaw ay Mabuti). Ang ilang halimbawa ng pangalan ng mga lalaki ay Berhanu (Liwanag), Wolde Mariam (Anak na Lalaki ni Maria), Gebre Yesus (Lingkod ni Jesus), Haile Sellassie (Kapangyarihan ng Trinidad), o Tekle Haimanot (Tagapagpalaganap ng Relihiyon).
Marami sa pangalang ito ay maliwanag na nagpapatotoo sa impluwensiya ng relihiyong Ortodokso. Totoo nga, ang relihiyon ay laganap sa halos lahat ng kultura ng Ethiopia! Ang kalendaryo ng 13 buwan ay lipos ng relihiyosong mga kapistahan. Ang pinakabantog sa mga ito ay ang Meskel, ang “Kapistahan ng Krus,” at ang Timkat, na may makulay na prusisyon upang ipagdiwang ang bautismo ni Kristo. At hindi dapat ipagtaka na ang karamihan sa tradisyunal na sining ng Ethiopia ay likas na relihiyoso.
Mga Katangian ng Heograpiya
Dapat na kasali sa unang sulyap mo sa Ethiopia ang napakagandang heograpiya nito. Ang isang tampok na katangian ng bansang ito ay ang Great Rift Valley, na humahati sa bansa patungo sa Kenya. Sa kahabaan ng baybayin nito ay masusumpungan ang napakaraming bukal at mga yungib. Pitong magagandang lawa ang nakapangalat sa palibot nito. Ang mga paltok ay tumataas ng mahigit na 2,000 metro sa magkabila, humahangga sa hilaga sa Kabundukan ng Simyen. Ang mga ito’y tinatawag na Bubungan ng Aprika na may taas na mahigit na 4,600 metro! Ang nagtataasang bahagi ng bundok at kagila-gilalas na mga bangin sa lugar na ito ay tunay na kahanga-hanga. Hindi kalayuan mula rito ay ang Lawa ng Tana at ang pinagmumulan ng Blue Nile. Mayroon itong sariling napakarilag na bangin na pakanluran ang pagpapaikut-ikot nito patungo sa Sudan. Malapit sa Lawa ng Tana, ang Blue Nile ay nagdudulot din ng magandang tanawin—ang Tisissat Falls, na lumalagaslas sa matatarik na dalisdis gaya ng maliit na kahalintulad ng kilalang Victoria Falls. Sa dakong hilaga-silangan, sari-saring kulay na alat na lunas ang nagpapalamuti sa Danakil, ang disyerto na bumubuo sa pinakamababang lugar ng Aprika. Ito’y mababa sa antas ng dagat.
Ang Ethiopia ay may kahanga-hangang pagkakasari-sari ng mga ani, mula sa trigo, sebada, mais, at bulak hanggang sa ubas, dalandan, at napakaraming espisya. Sinasabi rin na ang Ethiopia ang tunay na pinagmumulan ng tanim na kape, at hanggang sa ngayon ito ang pinakamalaking mag-ani ng kape. Pagkatapos ay nariyan din ang di-pangkaraniwang butil na tinatawag na teff. Ito’y gaya ng damo, at ang maliliit na butil nito ay ginigiling na naglalaan ng injera, ang pangunahin at pambansang pagkain ng Ethiopia. Ang injera ay ginagawa sa pantanging hurno at kalimitang inihahain sa malaking bilog na basket, ang mapalamuting mesob. Nakalapag sa sahig ng maraming tahanan ng mga Etiope, ang mesob ay kapuwa magagamit at bilang bahagi ng palamuti!
Buhay-Iláng
Ano naman ang mayroon sa Ethiopia kung tungkol sa buhay-iláng? Napakarami. Sa katunayan, ang Ethiopia ay maraming parke ng hayop na nasa liblib na punô ng sari-saring antelope at mga leon. Mahigit na 830 uri ng ibon ang diumano’y nakatira sa bansang ito, ang ilan ay matatagpuan lamang sa Ethiopia.
Kabilang sa mas di-pangkaraniwang hayop ay ang maringal na walia ibex, ang kahanga-hangang kambing sa bundok na namamalagi lamang sa mga kaitaasan ng Kabundukan ng Simyen. Iilan-ilang daan ang nakatira pa rin sa di-maabot na mga dalisdis na iyon. Ang mga ito’y maaaring makatalon sa waring di-maarok na kalaliman nang hindi nadudupilas. Nariyan din ang marikit na gelada. Dahil sa mahabang buhok nito at ang kitang-kitang pulang batik sa dibdib nito, ito’y tinatawag ding lion monkey at bleeding-heart baboon. Hindi mo kailangang maglakbay nang malayo upang makakita ng mga hayop. Aba, ang mga lansangan sa Ethiopia ay kalimitang punúng-punô ng kamelyo, mula, baka, at mga asno!
Totoo naman, ang bansa ay hindi ligtas sa mga problema. Ang kabiserang lungsod, ang Addis Ababa, ay modernong punong-lungsod na may mahigit na isang milyon katao. Subalit ito’y pinipighati ng kakulangan ng tirahan at kawalang-trabaho. Ang tagtuyo at gera sibil ang nagdulot ng pagkawala ng mga tahanan, pagkabalda, at napakaraming mga balo at ulilang bata. Ang mga Saksi ni Jehova sa bansang ito ay puspusang nagsisikap na matulungan ang mga Etiope na maunawaan na ang tunay na solusyon sa kanilang mga problema ay ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Mateo 6:9, 10.
Sa ngayon, ang Ethiopia ay bansang sulit na alamin. Inaasahan namin na ang sulyap na ito ay nagpasidhi sa iyong interes, upang sulyapan mo pang minsan, marahil balang araw makita mo mismo, ang kahanga-hangang bansang ito.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulo na “Sheba” sa Insight on the Scriptures, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang “mesob” ay ginagamit upang ihain ang “injera,” ang pambansang pagkain ng Ethiopia