Ang Anak ng Palaka
“Ang anak ng palaka ay palaka.”
Ang kasabihang ito ng mga Haponés ay nangangahulugan na ang isang bata ay lumalaking gaya ng magulang nito. Ang aking ina ay isang geisha.
AKO’Y lumaki sa isang bahay ng geisha na pinangangasiwaan ng aking ina. Kaya noong ako’y bata pa, ako’y napaliligiran ng magagandang dalaga na nagsusuot ng pinakamamahaling mga kimono. Alam ko na paglaki ko, sasama ako sa kanilang daigdig. Ang aking pagsasanay ay nagsimula noong 1928 nang ikaanim na araw ng ikaanim na buwan nang ako’y anim na taóng gulang. Ang bilang na 666 ay sinasabing tumitiyak ng tagumpay.
Ako’y nag-aral ng tradisyonal na mga sining ng Hapón—pagsayaw, pag-awit, pagtugtog ng musikal na mga instrumento, pagsasagawa ng seremonya sa tsa, at iba pa. Araw-araw pagkatapos ng klase ako’y nagmamadaling umuwi ng bahay, nagbibihis, at nagtutungo sa aking mga leksiyon. Doo’y makakasama kong muli ang aking mga kaibigan sa paaralan sapagkat kaming lahat ay mga anak ng geisha. Ito’y isang abalang panahon, at nasisiyahan ako rito.
Noong mga panahong iyon bago ang Digmaang Pandaigdig II, ang sapilitang pag-aaral ay nagtatapos sa gulang na 12, kaya nang panahong iyan ako nagsimulang magtrabaho. Bilang isang baguhang geisha, ako’y nagsuot ng pagkagagandáng kimono na ang mga manggas ay nakalawit halos hanggang sa aking mga paa. Tuwang-tuwa ako habang ako’y nagtutungo sa aking unang atas.
Ang Trabaho Ko Bilang Isang Geisha
Ang aking trabaho ay karaniwang nagsasangkot ng pag-istima at pagiging punung-abala. Kapag ang mayayamang tao ay nagplano ng mga salu-salong hapunan sa isang eksklusibong restauran, tatawag sila sa isang bahay ng geisha at hihiling ng paglilingkod ng ilang geisha. Ang geisha ay inaasahang magpapasigla sa gabi at titiyakin na ang bawat panauhin ay uuwing nasisiyahan, nakadarama na siya’y nagkaroon ng katuwaan.
Upang gawin ito, kailangang malaman namin antimano ang pangangailangan ng bawat panauhin at paglaanan ito—kahit na bago pa man mabatid ng panauhin na mayroon siyang pangangailangan. Ang pinakamahirap na bahagi, sa palagay ko, ay ang makibagay sa sandaling paunawa lamang. Kung biglang maibigan ng mga panauhin na manood ng sayaw, kami’y nagsasayaw. Kung nais nila ng musika, inilalabas namin ang aming mga instrumento at tumutugtog ng musikang hinihiling o umaawit kami ng anumang uri ng awit na hinihiling.
Ang karaniwang maling pagkaunawa ay na ang lahat ng geisha ay mataas na uri, mahal na mga call girl. Hindi ganito ang kalagayan. Bagaman may mga geisha na naghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang mga sarili, hindi naman kailangang magpakababa ng ganiyan ang isang geisha. Alam ko sapagkat hindi ko kailanman ginawa ito. Ang isang geisha ay isang mang-aaliw, at kung siya’y magaling, ang kaniyang mga kasanayan ay magdudulot sa kaniya ng trabaho, mamahaling mga regalo, at malalaking tip mula sa mga parokyano.
Totoo, ang ilan ay magaling at nagiging ang pinakamahusay na geisha. Karamihan ng geisha ay nagiging propesyonal sa isa lamang tradisyonal na sining ng Hapón. Subalit ako’y may pitong diploma sa pitong gayong sining, na kinabibilangan ng sayaw, pag-aayos ng bulaklak, ang seremonya sa tsa, ang Haponés na tambol na kilala bilang taiko, at tatlong istilo ng musikang tinutugtog sa tatlong-kuwerdas na shamisen. Kung wala ang mga kuwalipikasyong ito, upang kumita lamang ng ikabubuhay, marahil ay madarama ko ang pangangailangan na gawin ang anumang hilingin ng mga parokyano.
Nang ang Hapón ay hindi matatag sa kabuhayan, kung minsan ay pinipili ng mga batang babae na maging geisha upang suportahan ang kanilang mga pamilya. Sila’y nangungutang ng pera upang ibayad para sa kanilang pagsasanay at mga kimono. Ang iba ay ipinagbibili ng kanilang mga pamilya sa mga bahay ng geisha. Ang mga may-ari sa kanila, palibhasa’y nagbayad ng malaking halaga ng salapi, ay humihiling ng kabayaran mula sa mga batang babae. Ang geisha sa mga kalagayang ito ay lubhang nasa disbentaha, sapagkat ang kanilang pagsasanay ay nagsimula nang huli at sila’y nagsimula na baon sa utang. Marami sa mga geisha na ito ang bumaling o napilitang bumaling sa imoralidad upang mabayaran ang mga pagkakautang.
Ang aking mga paglilingkod ay kinailangan ng kilalang mga tao sa daigdig ng isports, libangan, negosyo, at pulitika. Ang gabinete at ang mga punong ministro ay kabilang sa aking mga kliente. Ako’y pinakitunguhan ng mga lalaking ito nang may paggalang at pinasalamatan ako sa aking trabaho. Bagaman hindi ako sumasali sa panlahat na usapan malibang ako’y anyayahan, kung minsan hinihingi nila ang aking opinyon. Kaya ako’y nagbabasa ng mga pahayagan at nakikinig ako araw-araw sa radyo upang makaagapay sa pinakahuling balita. Ang mga salu-salo na pinaglilingkuran ko ay kadalasang idinaraos para sa mga negosasyon, kaya kailangan kong maging maingat at huwag ulitin ang mga bagay na aking narinig.
Sino ang Aking Ina?
Isang araw noong 1941, nang ako’y 19, ako’y ipinatawag sa isang bahay kainan at nasumpungan ko ang dalawang babaing naghihintay sa akin. Ang isa sa kanila ay nagsabi na siya ang tunay kong ina at na siya’y dumating upang iuwi ako. Ang isang babae naman ay nag-eempleo ng mga geisha at inalok ako ng trabaho. Inisip niya na dapat akong magtrabaho upang suportahan ang tunay kong ina sa halip na ang inang umampon sa akin. Hindi kailanman pumasok sa isip ko na ang babaing nagpalaki sa akin ay hindi siyang tunay kong ina.
Nalilito, tumakbo ako pauwi ng bahay at sinabi ko sa inang umampon sa akin ang nangyari. Lagi niyang nasusupil ang kaniyang damdamin, gayunman ang kaniyang mga mata ngayo’y tigib ng luha. Sinabi niyang nais niyang siya mismo ang magsabi sa akin na nang ako’y isang taon pa lamang, ako’y ibinigay sa isang bahay ng geisha. Nang marinig ko ang katotohanan, nawala ang lahat ng tiwala ko sa tao at ako’y lumayo sa mga tao at naging walang kibo.
Hindi ko matanggap ang tunay kong ina. Maliwanag mula sa aming maikling pagkikita na alam niya ang tungkol sa aking tagumpay at nais niyang ako’y magtrabaho upang suportahan siya. Mula sa kinaroroonan ng negosyo ng kaniyang kaibigan, alam kong ang pagtatrabaho roon ay nagsasangkot ng imoralidad. Nais kong kumita ng ikabubuhay sa paggamit ng aking artistikong mga talino, hindi ng aking katawan. Kaya naisip ko noon, at naiisip ko pa rin, na tama ang ginawa kong pasiya.
Bagaman ako’y nayamot sa inang umampon sa akin, inaamin ko na sinanay niya ako upang ako’y laging makapaghanapbuhay. Mientras pinag-iisipan ko ito, lalo akong nakadama ng malaking utang na loob sa kaniya. Maingat at walang lubay na pinili niya kung saan ako magtatrabaho, iniingatan ako mula sa mga lalaking hinihiling ang mga paglilingkod ng geisha para lamang sa imoral na mga layunin. Hanggang sa ngayon, ako’y nagpapasalamat sa kaniya sa bagay na iyan.
Tinuruan niya ako ng mga simulain. Isa na idiniin niya ay na ang aking oo ay dapat na maging oo at ang aking hindi, hindi. Tinuruan din niya akong tumanggap ng pananagutan at maging mahigpit sa aking sarili. Sinusunod ang mga simulaing itinuro niya sa akin, ako’y naging matagumpay sa aking trabaho. Ewan ko lang kung tatanggap ako ng gayong tulong buhat sa tunay kong ina. Marahil ang pagkakaampon sa akin ang nagligtas sa akin mula sa napakagulong buhay, at napag-isipan kong ako’y natutuwa’t nangyari ito.
Isang Anak na Lalaki sa Gitna ng Digmaan
Ako’y nagsilang ng isang anak na lalaki noong 1943. Kasuwato ng tradisyunal na kulturang Haponés, na hindi kumikilala ng “kasalanan,” hindi ko inisip na ako’y nakagawa ng anumang bagay na mali o kahiya-hiya. Tuwang-tuwa ako sa aking anak na lalaki. Siya ang pinakamahalagang bagay na taglay ko—isa na dapat pamuhayan at pagpagalan.
Noong 1945 ang pagbomba sa Tokyo ay napakatindi, anupat kailangan kong umalis ng lungsod kasama ng aking anak na lalaki. Kaunti ang pagkain, at malubha ang kaniyang sakit. Siksikan ang tao sa istasyon ng tren sa kalituhan, subalit sa paano man ay nakasakay ako sa isang tren na pahilaga sa Fukushima. Kami’y nagpalipas ng gabi sa isang bahay-panuluyan nang gabing iyon, subalit bago ko pa madala ang aking munting anak na lalaki sa isang ospital, siya’y namatay dahil sa malnutrisyon at pagkaubos ng tubig sa katawan. Siya’y dalawang taon lamang. Ako’y nalipos ng dalamhati. Sinunog ng taong nagpapainit ng tubig sa bahay-panuluyan ang bangkay ng aking anak sa apoy na pinagpapainitan niya ng tubig na pampaligo.
Di-nagtagal pagkatapos ng digmaang iyon, ako’y bumalik sa Tokyo. Ang lungsod ay napatag dahil sa pagbomba. Nawala ang aking tahanan at lahat ng pag-aari ko. Nagtungo ako sa bahay ng isang kaibigan. Pinahiram niya ako ng kaniyang mga kimono, at nagsimula akong magtrabahong muli. Ang inang umampon sa akin, na lumisan tungo sa isang lugar sa labas ng Tokyo, ay humiling na ako’y magpadala ng pera at patayuan ko siya ng bahay sa Tokyo. Ang gayong mga kahilingan ay lalo lamang nagdulot sa akin ng kalungkutan higit kailanman. Nagdadalamhati pa nga ako sa aking anak na lalaki at naghahangad ng kaaliwan, subalit hindi man lamang niya kailanman nabanggit ang aking anak. Sarili lamang niya ang kaniyang iniintindi.
Mga Pananagutan sa Pamilya
Turo ng tradisyon na ang lahat ng taglay natin ay utang natin sa ating mga magulang at mga nuno at na tungkulin ng mga anak na bayaran ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng handang pagsunod sa kanila at pag-aaruga sa kanila hanggang sila’y mamatay. Kaya ginawa ko ang aking tungkulin, ngunit sobra naman ang mga kahilingan ng inang umampon sa akin. Inaasahan din niya na suportahan ko ang dalawang anak ng kaniyang kapatid na lalaki na inampon niya. Hanggang nang ako’y sumapit ng 19, itinuring ko silang aking kapatid na lalaki at babae.
Maraming geisha ang hindi kailanman nag-aasawa, at iniiwasan nilang magkaroon ng kanila mismong mga anak. Kadalasang sila’y nag-aampon ng mga sanggol na babae mula sa mahihirap na pamilya at sinasanay sila bilang geisha sa tanging layunin na tumanggap ng pinansiyal na tulong upang magtamasa ng isang maalwang buhay sa pagtanda. Nakalulungkot nga, naunawaan ko kung bakit ako tumanggap ng lahat ng pangangalaga at pagsasanay na tinanggap ko. Ang pangangalaga at pagsasanay na tinanggap ko ay para lamang sa pinansiyal na kasiguruhan sa hinaharap.
Tinanggap ko ang lahat ng ito, bagaman ako’y nagtataka kung bakit, bukod pa sa inang umampon sa akin, kailangan ko pang suportahan ang aking “kapatid na lalaki” at “kapatid na babae,” na kapuwa naman malulusog at maaaring magtrabaho. Gayunman, sinuportahan ko silang tatlo, ginagawa ang lahat ng hilingin nila. Sa wakas, noong araw bago siya namatay noong 1954, ang aking ina ay lumuhod sa kaniyang kama, yumuko, at pormal na nagpasalamat sa akin. Sinabi niyang sapat na ang aking ginawa. Ito’y isang pagkilala at pagpapasalamat para sa aking mga taon ng pagpapagal. Ang kasiyahan sa pagkaalam na natupad ko ang lahat ng aking mga pananagutan ay nagpapaiyak pa rin sa akin.
Paglalaan Para sa Aking Anak na Babae
Noong 1947, ako’y naging ina ng isang munting batang babae, at ako’y nagpasiyang magtrabahong mabuti upang magkamal ng kayamanan para sa kaniya. Gabi-gabi ako ay nagtatrabaho. Nagsimula rin akong magtanghal sa entablado sa malalaking teatro sa Hapón, gaya ng Kabukiza sa Ginza. Ito man ay malaki ang bayad.
Sumasayaw man o tumutugtog ng shamisen, lagi akong tumatanggap ng pangunahing bahagi. Subalit, sa kabila ng pagkakaroon ng tagumpay na pinapangarap lamang ng ibang geisha, hindi ako maligaya. Marahil hindi ako magiging gaanong malungkot kung ako’y nag-asawa, subalit ang buhay ng isang geisha at ang pag-aasawa ay hindi nagsasabay nang mabuti. Ang tanging kaaliwan ko ay si Aiko, ang aking munting anak na babae, at sa kaniya ko isinentro ang aking buhay.
Karaniwan na, sinasanay ng geisha ang kanilang mga anak na babae, likas man na anak o ampon, na gawin ang gayunding gawain. Sinunod ko ang kaugaliang iyan, subalit nang dakong huli pinag-isipan ko ang tungkol sa uri ng buhay na inihahanda ko para sa kaniya. Kung magpapatuloy, ito’y mangangahulugan na hindi kailanman malalaman ng susunod na mga salinlahi ang pagkakaroon ng tunay na pamilya. Nais kong putulin ang kawing na iyan. Nais kong si Aiko, at ang mga anak niya, na masiyahan sa pag-aasawa at isang normal na buhay pampamilya. Ayaw kong ang batang ito ay matulad sa kaniyang ina!
Nang si Aiko ay magtin-edyer na, siya’y di-masupil. Mula nang mamatay ang inang umampon sa akin mga ilang taon bago nito, ang tanging kasama ni Aiko sa bahay ay ang mga katulong na inempleo ko. Talagang kailangan niya ang aking panahon at atensiyon. Kaya bagaman ako’y nasa aking kalagitnaang edad na 30 at nasa tugatog ng aking karera, ako’y nagpasiyang talikdan ang daigdig ng geisha at tanggapin lamang ang trabaho na pagsayaw at pagtugtog ng shamisen. Nagbitiw ako alang-alang kay Aiko. Nagsimula kaming maghapunan nang magkasama, at halos kapagdaka siya’y bumait. Ang pagbibigay sa kaniya ng aking panahon ay nagkaroon ng kamangha-manghang resulta.
Sa wakas, kami’y lumipat sa isang tahimik na residensiyal na dako, kung saan ako’y nagbukas ng isang maliit na restauran. Lumaki si Aiko, at ako’y naginhawahang makita siyang mag-asawa kay Kimihiro, isang maginoong lalaki na nagpakita ng pang-unawa sa aking naging buhay noon.
Naging Isyu ang Relihiyon
Noong 1968, si Aiko ay nagsilang sa aking unang apo. Di-nagtagal siya’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nakagulat iyan sa akin sapagkat may relihiyon na kami. Nagpagawa ako ng isang malaking dambanang Budista sa aming bahay pagkatapos na ang aking ina—ang inang umampon sa akin—ay namatay, at ako’y lumuluhod dito nang palagian bilang pagsamba sa kaniya. At, dumadalaw rin ako sa libingan ng pamilya buwan-buwan upang sabihin sa kaniya ang lahat ng nangyayari.
Ang pagsamba sa ninuno ay nakasiya sa akin. Inaakala ko na ginagawa ko ang dapat kong gawin upang pangalagaan ang aking mga ninuno at magpakita sa kanila ng utang na loob, at pinalaki ko si Aiko na gawin din ang gayon. Kaya ako’y nanginig sa takot nang sabihin niya sa akin na hindi na siya makikibahagi sa pagsamba sa ninuno, ni sasambahin man niya ako kapag ako’y namatay. ‘Paano,’ tanong ko sa aking sarili, ‘ako nagkaroon ng gayong anak, at bakit siya sasama sa isang relihiyon na nagtuturo sa mga tao na maging walang utang na loob sa kanilang mga ninuno?’ Sa sumunod na tatlong taon, napakalungkot ko.
Isang malaking pagbabago ang dumating nang si Aiko ay mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Isang Saksing kaibigan ni Aiko, na nagtataka kung bakit wala ako sa bautismo ng aking anak, ang nagsabi kay Aiko na dadalawin niya ako. Ako’y galit na galit, subalit dahil lamang sa mabuting asal na naitimo sa akin, tinatanggap ko siya kapag siya’y dumating. Sa dahilan ding iyon, hindi ko siya mahindian nang banggitin niya na siya’y babalik sa susunod na linggo. Ang mga pagdalaw na ito’y nagpatuloy ng ilang linggo, na labis na nakapagpagalit sa akin anupat sa umpisa’y wala kong natutuhan mula sa sinabi niya. Subalit, unti-unti ay pinag-isip ako ng mga usapan namin.
Nagunita ko ang mga bagay na sinasabi sa akin ni Nanay. Bagaman nais niyang siya’y sambahin pagkamatay niya, hindi siya kumbinsido sa kabilang-buhay. Sinasabi niyang, ang nais ng mga magulang ay maging mabait sa kanila at magiliw na makipag-usap sa kanila ang mga anak nila habang sila’y nabubuhay pa. Nang mabasa ko ang mga kasulatan na gaya ng Eclesiastes 9:5, 10, at Efeso 6:1, 2, at nakita ko na hinihimok ng Bibliya ang gayunding bagay, para bang may nalaglag na mga takip sa aking mga mata. Ang iba pang bagay na itinuro sa akin ni Nanay ay nasa Bibliya rin, gaya ng ang aking oo ay dapat na maging oo at ang aking hindi, hindi. (Mateo 5:37) Dahil sa pagnanais na malaman kung ano pa ang itinuturo ng Bibliya, sumang-ayon ako sa isang regular na pag-aaral sa Bibliya.
Ang kalungkutan at kabiguan na nadama ko sa kalakhang bahagi ng aking buhay ay unti-unting naglaho habang ako’y sumusulong sa kaalaman ng Bibliya. Nang magsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, ako’y lubhang humanga. Narito ang isang naiibang daigdig. Ang mga tao ay tunay, mabait, at palakaibigan, at ang aking puso ay tumugon. Lalo pang nakaantig sa aking damdamin nang matutuhan ko ang tungkol sa awa ni Jehova. Kaniyang maibiging pinatatawad ang lahat ng nagsisising makasalanan. Oo, patatawarin niya ang lahat ng aking nakaraang mga pagkukulang, at tutulungan niya akong magtamasa ng isang bagong buhay!
Mga Pagbabago sa Aking Buhay
Bagaman nais kong maglingkod kay Jehova, malakas ang kaugnayan ko sa daigdig ng paglilibang. Ako noon ay nasa edad nang 50, subalit nagtatanghal pa rin ako sa entablado. Ako rin ang nangunguna at isa sa dalawang tagapag-organisa ng mga musikerong shamisen nang si Danjuro Ichikawa ay magtanghal ng Sukeroku sa Kabukiza. Yamang kakaunting manunugtog ng shamisen ang makapaglalaan ng katoubushi na istilo ng saliw na kailangan para sa Sukeroku, walang makapapalit sa akin kung ako’y magbibitiw. Kaya para akong nasilo.
Gayunman, isang may edad nang Saksi, na kaugnay rin sa isang tradisyunal na anyo ng libangang Haponés, ang nagtanong sa akin kung bakit naisip kong kailangan kong magbitiw. “Kailangan ng mga tao ang magtrabaho upang tustusan ang kanilang sarili,” aniya. Tinulungan niya akong maunawaan na wala akong ginagawang hindi maka-Kasulatan at na maaari akong maglingkod kay Jehova at magpatuloy sa aking mga pagtatanghal.
Sa loob ng ilang panahon ako’y nagpatuloy sa Kabukiza, ang pangunahing teatro ng Hapón. Pagkatapos, ang mga pagtatanghal ay tumapat sa mga gabi ng pulong, kaya ako’y humiling na ako’y palitan sa mga gabing iyon. Subalit, di-nagtagal, nagbago ang mga oras ng aming pulong, at napagtutugma ko kapuwa ang trabaho at mga pulong. Subalit, upang makadalo sa mga pulong nang nasa oras, madalas na kailangan kong magmadaling sumakay sa isang naghihintay na taksi karaka-raka pagkatapos ng palabas sa halip na magrelaks na kasama ng iba pang tagapagtanghal gaya ng kaugalian. Sa wakas, nagpasiya akong magbitiw.
Nang panahong iyon kami ay nakapag-ensayo na nang husto para sa anim-na-buwang serye ng mga pagtatanghal sa malalaking lungsod sa Hapón. Kung babanggitin ko ang paksa tungkol sa pag-alis ito ay lilikha ng malaking gulo. Kaya, hindi binabanggit ang aking mga balak, nagsimula akong magsanay ng isa na magiging kahalili ko. Nang matapos na ang paglibot, ipinaliwanag ko sa bawat taong kasangkot na natupad ko na ang aking mga pananagutan at na ako’y nagbibitiw. Ang ilan ay nagalit. Ang iba naman ay pinaratangan ako ng pagiging mapagmataas at sadyang nagdadala sa kanila ng problema. Hindi ito isang madaling panahon para sa akin, subalit nanindigan ako sa aking pasiya at ako’y nagbitiw pagkatapos ng 40 taon ng pagtatanghal. Mula noon, ako’y nagturo ng shamisen, at ito’y naglaan ng kaunting kita.
Pamumuhay Ayon sa Aking Pag-aalay
Mga ilang taon na maaga rito, inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova at ako’y nabautismuhan noong Agosto 16, 1980. Ang damdaming nangingibabaw sa akin ngayon ay ang taimtim na pasasalamat kay Jehova. Itinuturing ko ang aking sarili na katulad ng babaing Samaritana na binabanggit sa Bibliya sa Juan 4:7-42. Si Jesus ay may kabaitang nagsalita sa kaniya, at siya’y nagsisi. Sa katulad na paraan, si Jehova, na “nakikita kung ano ang nasa puso,” ay may kabaitang nagpakita sa akin ng daan, at dahil sa kaniyang awa, ako’y nakapagpasimula ng isang bagong buhay.—1 Samuel 16:7.
Noong Marso 1990, nang ako’y halos 68 taóng gulang na, ako’y naging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Si Aiko ay isa ring payunir, gayundin ang tatlo niyang mga anak. Sila’y nagsilaking tulad ng kanilang ina kasuwato ng kasabihang Hapones: “Ang anak ng palaka ay palaka.” Ang asawa ni Aiko ay isang Kristiyanong matanda sa kongregasyon. Kay laking pagpapala nga na ako’y napaliligiran ng aking pamilya, na pawang lumalakad sa katotohanan, at magkaroon ng maibiging espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae sa kongregasyon!
Bagaman ako’y nagpapasalamat sa aking mga ninuno, ang aking pinakamalaking pasasalamat ay para kay Jehova, na nakagawa nang higit para sa akin kaysa magagawa ng sinumang tao. Lalo na, ito’y pasasalamat para sa kaniyang saganang awa at kaaliwan na nag-udyok sa akin na magnais na purihin siya sa lahat ng panahon.—Gaya ng inilahad ni Sawako Takahashi.
[Larawan sa pahina 19]
Nag-eensayo, nang ako’y walong taon
[Larawan sa pahina 20]
Kasama ng inang umampon sa akin
[Larawan sa pahina 21]
Ang aking anak na babae ang kapurihan ng aking buhay
[Larawan sa pahina 23]
Sinamba ko ang aking ina sa harap ng dambanang ito ng pamilya
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ng aking anak na babae, ng kaniyang asawa, at ng aking mga apo