Pag-ampon—Paano Ko Ito Mamalasin?
MALIWANAG na maaaring bumangon ang mga problema kung ang mga magulang na nag-ampon ay nagdiborsiyo o ang isang kabiyak ay mamatay. Subalit ang batang inampon ang maaaring siyang nakadarama ng mas malaking hirap. Bakit?
Nakikilala ng karamihan sa atin ang ating tunay na mga magulang. Kahit na kung sila’y namatay nang tayo’y bata pa, mayroon tayong mga alaala, o marahil mga larawan, upang makumpleto ang kawing. Subalit, kumusta ang isang sanggol na ipinaampon pagkasilang? Iniingatan ng samahan ng pag-aampon ang mga detalye tungkol sa ina, subalit ang impormasyong iyan ay kadalasang hindi makukuha hanggang ang bata ay sumapit sa hustong gulang. Sa ibang kaso, inirerehistro ng ina ang kaniya mismong pangalan sa sertipiko ng pagsilang subalit hindi inilalagay ang pangalan ng ama. Ang ilang mga sanggol ay mga batang-tapon—nasumpungan pagkatapos na sila’y iwan ng kanilang di-kilalang mga magulang. Ang mga bata sa lahat ng mga kalagayang ito ay walang ugat o pinagmulan—maaaring madama nila na sila’y naputol mula sa kanilang pinagmulan o pinanggalingan.
Gaano Katatag?
Ang mga punungkahoy ay nangangailangan ng mabuting sistema ng ugat upang tumayong matatag. Ang isang bagong usbong na inihugpong sa isang magulang na punungkahoy ay maaaring lumaki nang husto, subalit ito’y maaari ring malanta at hindi magbunga. Sa katulad na paraan, bagaman maaaring ibigay ng mga magulang na nag-ampon ang lahat ng pangangalaga at maibiging debosyon na maibibigay nila, ang ilang bata ay hindi kailanman gumagaling mula sa sindak ng pagkaputol mula sa kanilang orihinal na mga ugat.
Isaalang-alang ang kaso ni Kate.a Siya’y isinilang sa mga magulang na taga-West Indies, bilang isang sanggol si Kate ay inampon ng isang maibigin, mapagmahal na mag-asawang puti, subalit hindi siya makabagay sa kaniyang bagong kapaligiran. Sa gulang na 16, siya’y lumayas, hinding-hindi na bumalik. Ang kapaitan nang panahong iyon ay nauwi sa di-makatuwirang poot. “Bakit ako ibinigay ng aking ina sa inyo?” tanong niya. Nakalulungkot nga, hindi napagtagumpayan ng pamilyang ito ang problema upang magkaroon ng isang ugnayang pampamilya.
Si Mervyn ay inilagay sa pangangalaga ng lokal na ahensiya ng pamahalaan pagkasilang at pagkatapos ay sa mga magulang na umampon sa kaniya. Nang mga siyam na buwang gulang, siya’y inampon. Ang kaniyang di-tiwasay na pinagmulan, pati na ang matinding hinanakit dahil sa pagiging mula sa haluang lahi, ay naging isang mapaghimagsik na saloobin na nagdudulot ng maraming problema sa kaniya at matinding kalungkutan sa mga magulang na umampon sa kaniya, na napakaraming ginawa para sa kaniya. “Kung sinuman ay magtatanong sa akin tungkol sa pag-aampon,” sabi ng nanay niya, “Sasabihin ko ngayon, ‘Pag-isipan niya muna itong mabuti.’”
Kabaligtaran naman, isaalang-alang ang karanasan ni Robert at ni Sylvia. Sila’y may isang anak na lalaki at hindi na maaaring magkaanak pa. “Napag-isipan na ba ninyo ang pag-aampon ng isang bata na may ibang nasyonalidad?” ang tanong sa kanila. Di-nagtagal ay inampon nila si Mak-Chai, isang siyam-na-buwang-gulang na sanggol na babae mula sa Hong Kong. “Madalas akong nag-iisip kung bakit ako pinabayaan,” sabi ni Mak-Chai, “at kung ako ba’y may mga kapatid na lalaki o babae. Subalit sa palagay ko’y mas malapít ako sa aking nanay at tatay na umampon sa akin kaysa maraming bata sa kanilang tunay na mga magulang. Kung nakikilala ko ang aking tunay na mga magulang, hindi nito babaguhin ang aking nadarama, maliban na lamang na marahil ay higit kong mauunawaan ang ilan sa aking mga katangian.” Inirerekomenda ba ng mga magulang na umampon sa kaniya ang pag-ampon? “Oo,” anila, “sapagkat para sa amin ito ay isang kahanga-hangang karanasan!”
Mga Dahilan Upang Mag-ingat
Sina Graham at Ruth ay nag-ampon ng dalawang sanggol, isang lalaki at isang babae, upang isama sa kanila mismong anak na lalaki at babae. Ang apat na mga bata ay pinalaki bilang isang nagkakaisang pamilya sa isang maligayang kapaligiran. “Lahat ng aming mga anak ay umalis na ng bahay at nagsasarili na. Pinananatili namin ang regular na pakikipag-ugnayan at pag-ibig sa kanilang lahat,” sabi ni Ruth. Subalit nakalulungkot, ang dalawang anak na inampon nila ay nagkaroon ng malubhang mga problema. Bakit?
“Sinabi sa amin ng aming doktor na ang kapaligiran ay napakahalaga sa isang bata,” sabi ni Graham, na ngayo’y may palagay na ang minanang mga katangian ay isang mahalagang salik. Sabi pa niya: “Gayundin, kumusta ang kalusugan ng ina nang siya’y nagdadalang-tao? Nalalaman na natin ngayon na ang droga, alak, at sigarilyo ay maaaring makaapekto sa hindi pa naisisilang na bata. Iminumungkahi ko ang paggawa ng maingat na pagsusuri sa kapuwa mga magulang, at pati na sa mga lolo’t lola kung maaari, bago mag-ampon.”
Ang nanay ni Peter ay nag-asawang muli, at si Peter ay dumanas ng pisikal at mental na pag-abuso mula sa kaniyang amain. Sa gulang na tatlo, siya’y ipinaampon. “Tinanggihan ko ang mga magulang na umampon sa akin pagkalabas na pagkalabas ko ng hukuman,” sabi ni Peter. Susog pa niya: “Sinira ko ang lahat ng bagay na mahawakan ko. Kapag ako’y natutulog, nagkakaroon ako ng nakatatakot na mga masamang panaginip. Ginugunita ngayon, nakikita ko kung gaano ako kaligalig noon. Nang magdiborsiyo ang mga magulang na umampon sa akin, ang mga bagay ay lumala para sa akin—droga, pagnanakaw, bandalismo, araw-araw na lasingan.
“Sa gulang na 27, wala akong makitang dahilan upang mabuhay pa at nagbalak akong magpatiwakal. Pagkatapos isang araw isang estranghero ang nag-abot sa akin ng isang salig-Bibliyang tract na nagsasabing sa malapit na hinaharap ang lupang ito ay magiging isang paraiso. Ang mensahe ay nakaakit sa akin. Mayroon itong taginting ng katotohanan. Sinimulan kong basahin at pag-aralan ang Bibliya at gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay at pagkatao, subalit paulit-ulit na ako’y nagbabalik sa aking dating gawi. Pagkatapos ng maraming pampatibay-loob at nakatutulong na pakikisamang Kristiyano, ako ngayon ay mas maligaya at mas tiwasay sa paglilingkod sa Diyos kaysa maguguniguni ko mga ilang taon ang nakalipas. Nagawa ko ring muling pagningasin ang isang mapagmahal na kaugnayan sa aking ina, na totoong nakalulugod.”
Pagharap sa Katotohanan
Kung tungkol sa mga pag-ampon, ang mga damdamin ay matindi. Ang labis na pagmamahal at pasasalamat ay nakikita kaagapay ng kapaitan at kawalang utang na loob. Halimbawa, hindi kailanman pinatawad ni Edgar Wallace ang kaniyang ina dahil sa pagpapabaya sa kaniya, ganiyan niya tinasa ang mga ginawa ng kaniyang ina. Nakipagkita sa kaniya ang kaniyang ina noong huling taon ng kaniyang buhay, atubiling humihingi ng pinansiyal na tulong, subalit si Edgar, bagaman mayaman noong panahong iyon, ay walang-galang na ipinagtabuyan siya. Di-nagtagal, nang malaman niya na ang kaniyang ina ay ililibing sana sa libingan ng pulubi kung hindi dahil sa kabaitan ng mga kaibigan na nagbayad ng kaniyang libing, labis niyang pinagsisihan ang kaniyang katigasan ng loob.
Ang mga taong nagbabalak mag-ampon ay dapat na maging handang harapin nang makatotohanan ang mga problema at mga hamon na maaaring bumangon. Ang mga bata ay hindi laging tumatanaw ng utang na loob sa kung ano ang ginawa para sa kanila ng kanilang mga magulang—nag-ampon o tunay—kahit na sa pinakamabuting mga kalagayan. Sa katunayan, ang Bibliya ay bumabanggit tungkol sa mga tao sa ating panahon na “walang likas na pagmamahal” at “mga walang utang na loob” at “di-matapat.”—2 Timoteo 3:1-5.
Sa kabilang panig naman, ang pagbubukas ng iyong tahanan—at ng iyong puso—sa isang bata na nangangailangan ng mga magulang ay maaaring maging isang positibo, kapaki-pakinabang na karanasan. Si Cathy, halimbawa, ay taimtim na nagpapasalamat sa mga magulang na umampon sa kaniya sa paglalaan sa kaniya ng Kristiyanong tahanan at pangangalaga sa kaniyang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan.—Tingnan ang kahon sa “Naging Matagumpay Ito Para sa Amin,” pahina 8.
Kapag inilalarawan kung ano ang nadarama nila tungkol sa kanilang inampong mga anak na lalaki at babae, magugunita ng mga magulang ng mga batang iyon ang mga salita ng salmista: “Ang mga anak ay isang regalo buhat sa Panginoon; sila’y tunay na pagpapala.”—Awit 127:3, Today’s English Version.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan ay binago upang ingatan ang pagiging di-kilala.