Pag-ampon—Bakit at Paano?
BAKIT lubhang bumaba ang bilang ng mga batang inaampon sa Britanya sa nakalipas na 20 taon? Dalawang dahilan ang ibinigay—ang pagiging legal ng aborsiyon at ang lumalagong pagtanggap sa isang ina na nagpapalaki ng kaniyang anak nang walang asawa. Ang pagiging isang pamilya na may nagsosolong magulang ay nakikita ngayon bilang isang hamon na maaaring matagumpay na matugunan sa modernong lipunan.
Gayunman, sa nakalipas na mahigit na 100 taon lamang ang mga bagay ay ibang-iba. Nang si Polly, ang ina ni Edgar Wallace, ang Ingles na manunulat ng mga nobela tungkol sa krimen, ay magdalang-tao dahil sa kagagawan ng anak ng kaniyang amo, siya’y umalis at nagsilang nang lihim. Si Edgar ay siyam na araw lamang nang isaayos ng kumadrona na siya’y alagaan ng asawa ni George Freeman, isang kargador sa tindahan ng isda sa Billingsgate sa London. Ang mga Freeman ay mayroon nang sampung anak sa ganang kanila, at si Edgar ay lumaki sa pangalang Dick Freeman. Si Polly ay regular na nagbabayad upang tustusan ang kaniyang anak, at hindi kailanman nalaman ng ama ang tungkol sa pag-iral ng kaniyang anak.
Sa ngayon kapag ang mga sanggol ay inaayawan, kadalasang inaako ng mga awtoridad ng estado ang pananagutan sa kanila. Maraming bata ang dinadala sa pangangalaga ng mga awtoridad sapagkat sila’y nangangailangan ng proteksiyon mula sa pag-abuso o sapagkat sila’y may mga kapansanan sa katawan o sa isip. Yaong mga inulila ng kakilabutan ng digmaan at ang mga sanggol na bunga ng panghahalay ay patuloy na nakadaragdag sa bilang ng mga batang lubhang nangangailangan ng pagmamahal at pangangalaga ng magulang—sa isang salita, pag-ampon.
Mag-ampon o Huwag Mag-ampon?
Ang pag-aampon ng isang bata ay hindi kailanman madali, at hindi kailanman matalinong gumawa ng mabilis na pasiya kapag nagbabalak kang mag-ampon. Kung ikaw ay namatayan ng sanggol, makabubuting maghintay hanggang sa madaig mo ang sindak o ang dalamhati bago gumawa ng pangwakas na pasiya tungkol sa pag-aampon. Totoo rin ito para sa mag-asawa na sinabihang sila’y baog.
Ang bawat bata ay nagmamana ng natatanging henetikong katangian. Ang mga magulang ay kadalasang nagugulat sa likas na mga hilig ng kanila mismong mga anak, subalit mahirap matantiya ang mental at emosyonal na kakayahan ng isang sanggol kung hindi nakikilala ang mga magulang nito.
Labis mo bang pinahahalagahan ang akademikong tagumpay? Kung gayon, ano ang madarama mo kung ang inampon mong anak ay hindi nakatutugon sa iyong mga inaasahan? Mamalasin mo bang isang hamon na mapakikitunguhan mo ang isang batang may kapansanan sa isip o sa katawan?
Tatanungin ka ng sinanay na mga tauhan sa mga ahensiya ng ampunan o mga social worker ng pamahalaan tungkol sa mga bagay na ito bago ka gumawa ng pangwakas na pasiya. Ang kanilang pangunahing ikinababahala ay ang katiwasayan at kaligayahan ng bata.
Kung Ikaw ay Magpasiyang Mag-ampon . . .
Ang bawat bansa ay may kaniyang sariling mga batas at mga regulasyon sa pag-aampon na kailangang pag-aralan. Sa Britanya may daan-daang samahan sa pag-aampon, at ang mga ito ay karaniwang nakikipagtulungan sa lokal na mga awtoridad ng gobyerno. Ang lahat ng samahan ay may kani-kaniyang mga tuntunin.
Lubhang popular sa Britanya ang mga salu-salo para sa pag-aampon, kung saan ang ilang umaasang maging mga magulang ay maaaring makisama sa mga batang maaaring ampunin, nang walang emosyonal na kaigtingan na maaaring kaakibat ng pakikipagkita sa isang bata. Ang relaks na kapaligiran ay nagpapangyari rito na maging mas madali para sa mga umaasang maging magulang na tumangging ampunin ang isang partikular na bata at ginagawa nitong huwag mabigo ang mga bata, yamang walang bata ang nakabukod na siyang tanging pinagtutuunan ng pansin.
Ang karaniwang itinatakdang sukdulang edad para sa mga nag-aampon, ay mga 35 o 40 anyos—bagaman ito ay kadalasang kumakapit sa mga nag-aampon ng mga sanggol, hindi ng mas malaki nang mga bata. Sinasabi ng mga samahan sa pag-aampon na isinasaalang-alang ng takdang edad ang haba ng buhay ng umaasang maging mga magulang. Gayunman, batid nila na ang mahalagang karanasan ay dumarating habang ang isa ay nagkakaedad.
Mga ilang taon ang nakalipas ang mga pag-aampon ay maaari lamang isaayos sa mga mag-asawa. Ngayon, ang mga taong walang asawa ay maaaring matagumpay na mag-aplay upang mag-ampon ng mga bata. Gayundin, ang kawalan ng trabaho at kawalang-kaya ay hindi dahilan upang ang umaasang maging mga magulang ay tanggihan. Ang mahalagang tanong ay, Ano ang maibibigay ng kaayusang ito sa bata?
Kahit na kung ang pag-ampon ay sa wakas naisaayos na, ang mga magulang ay maaaring patuloy na subaybayan upang matiyak na ang mga bagay-bagay ay maayos.
Mula sa Ibang Lahi?
Tatlumpung taon ang nakalipas ang mga anak ng itim sa Britanya ay mahirap ipaampon sa mga pamilyang itim, at bunga nito, marami ang inampon ng mga magulang na puti. Mula noong 1989 naging patakarang pambansa sa Britanya na ilagak ang mga bata sa mga nag-aampong magulang na may katulad na etnikong pinagmulan. Inaakalang sa ganitong paraan ay mas handang makilala ng isang bata ang kaniyang lahi at kultura. Subalit, ito ay humantong sa ilang balintunang mga kalagayan.
Kamakailan ang The Sunday Times ay nag-ulat na ang ilang magulang na puti ay “muling inuri bilang ‘itim’” upang sila’y makapag-ampon ng isang batang itim. Karaniwan na para sa mga magulang na puti na magpalaki ng isang batang itim, na nangangahulugang aarugain nila ito nang panandalian. Subalit kung sila sa dakong huli ay pagkaitan ng karapatang ampunin ang batang iyon nang permanente, ang resulta ay emosyonal na trauma kapuwa sa bata at sa mga magulang.
Isang mag-asawa mula sa Scotland, na nagpalaki ng dalawang batang Indian sa loob ng anim na taon, ay napaharap kamakailan sa isang karaniwang problema ng iba’t ibang lahi na pag-ampon. Pinahintulutan ng korte ang pag-ampon sa pagkaunawa na “gagamitin [ng mga magulang] ang kanilang pinakamabuting pagsisikap upang tiyakin na ang mga bata ay magkakaroon ng kabatiran tungkol sa kanilang [etnikong] pagkakakilanlan at palalakihin taglay ang pagkaunawa sa kanilang etnikong mga pinagmulan at mga tradisyon,” ulat ng The Times. Sa kasong ito ang mga magulang na nag-ampon ay gayon nga ang ginagawa. Ang mga bata ay tinuruan ng wikang Punjabi at kung minsan ay nakasuot ng kanilang pambansang kasuutan.
Marami ang sasang-ayon sa mga obserbasyon ng tagapagsalita ng Britanong paglilingkod panlipunan na nagsabing ang pag-aampon ng iba’t ibang lahi ay dapat na mas malayang ipahintulot. “Tayo’y nabubuhay sa isang lipunan na binubuo ng maraming kultura,” aniya, “at dapat na ipabanaag iyan ng pagpapalaki at pag-aampon.”
Mula sa Ibang Bansa?
Ang pag-ampon ng mga bata mula sa ibang bansa ay isang ‘malakas na negosyo,’ ayon sa pahayagang The Independent. Bagaman ipinahihiwatig ng mga ulat na ang ilang transaksiyon ay maaaring hindi legal, ang Silangang Europa ang pangunahing pinagmumulan ng panustos para sa Britanya.
Halimbawa, ang ilang sanggol na ipinanganak na bunga ng panghahalay noong panahon ng paghihiwalay ng dating Yugoslavia ay inabandona. Sinasabi na, ang iba ay ipalalaglag sana kung hindi namagitan ang isang “nagbebenta ng sanggol,” na nangakong ipaaampon ang bata kapag ito ay isinilang. Subalit, ang mga pamahalaan ng mga bansa sa Kanluran ay nababahala tungkol sa mga pagbabayad upang makuha ang ilan sa mga pag-aampon na ito.
Higit pang ikinababahala ang sinasabing panghuhuwad ng mga dokumento ng mga doktor sa panahon ng pagsilang. Iniulat ng pahayagang The European ang mga alegasyon na ang ilang ina sa Ukraine ay sinabihan na patay na nang isilang ang kanilang mga anak. Sinasabi rin na ang mga sanggol na ito ay saka ipinagbibili. Ang iba pang mga ina ay maaaring sinabihan na ang kanilang mga anak ay may kapansanan sa isip. Sa ilalim ng gayong panggigipit, ang naguguluhang mga ina ay mas madaling hikayatin na lumagda sa legal na mga papeles upang ipaampon ang kanilang mga anak. Gayunman ang ibang mga bata ay maaaring hindi kailanman nakarating sa mga ampunan kung saan sila ipinadala kundi maaaring ang mga ito’y dinala sa ibang bansa.
Naghihinanakit ang nagpapaunlad na mga bansa. Sinasabi nilang dapat ay higit pa ang ginagawa ng mayayamang bansa sa Kanluran upang tulungan ang mahihirap na pamilya na alagaan ang kanilang anak sa kanilang bansang tinubuan sa halip na dalhin sila sa isang banyagang kultura para ipaampon.
Dapat ding maunawaan ng mga bansa sa Kanluran ang matandang tradisyon ng pinapamilyang kamag-anak, ang lakas ng pamayanan sa maraming kultura. Ang isang bata ay karaniwang hindi mapagkakaitan ng pangangalaga kapag nakatira sa grupo ng tribo, kahit na mamatay ang mga magulang. Bukod sa mga miyembro ng pamilya, gaya ng mga lolo’t lola, ituturing ng pinapamilyang kamag-anak ng mga tiya at tiyo ang bata na hindi na iba sa kanila, at ang anumang pag-aalok ng pag-ampon ng mga tagalabas ay maaaring bigyan ng maling kahulugan o malasin na hindi kaayaayang panghihimasok.a
Ang pag-aayos para sa isang pag-ampon ay hindi madali, at kahit na kung ito’y maayos, kailangan ang pagpapagal upang ito’y maging matagumpay. Subalit gaya ng makikita natin, marami ring kagalakan.
[Talababa]
a Para sa ganap na pagtalakay sa kaugalian ng pagpapahiram ng mga anak sa ibang miyembro ng pamilya, tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 1, 1988, mga pahina 28-30, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 5]
Hahanapin Kaya Ako ng Aking Anak?
ANG aking mga magulang ay nagdiborsiyo nang ako’y 11 anyos. Sabik na sabik ako sa pagmamahal. Nang ako’y nasa kolehiyo, ako’y nasangkot sa isang romantikong kaugnayan; ito ang paraan ko upang makadama ng pagmamahal. Pagkatapos ay hiyang-hiya ako na matuklasan kong ako’y nagdadalang-tao. Kay laking kamangmangan. Kami ng kapuwa ko estudyante ay totoong wala pa sa hustong gulang. Kailanman ay hindi pa ako gumamit ng droga, alak, o sigarilyo, ngunit ang aking boyfriend ay lubhang napinsala dahil sa paggamit ng LSD.
Ako’y sinabihan na magpalaglag, subalit ako’y kinausap ng aking tatay na huwag gawin ang bagay na iyon. Ayaw kong magbuntis, subalit ayaw ko ring sirain ang isang buhay. Nang isilang ang aking anak na lalaki noong 1978, nagpasiya akong huwag ilagay ang pangalan ng kaniyang ama sa kaniyang sertipiko ng pagsilang upang matiyak na hindi makukuha ng ama ang aking anak. Sa katunayan, ako’y sumang-ayon na ipaampon ang bata pagkasilang; kaya siya ay kinuha sa akin karaka-raka at inilagay sa pansamantalang pangangalaga. Hindi ko nga man lamang siya nasilayan. Subalit nagbago ang aking isip. Kinuha ko ang aking sanggol mula sa pansamantalang pangangalaga at sinikap ko mismong palakihin siya. Subalit hindi ko kaya, at halos masiraan ako ng bait.
Ang aking anak ay halos anim na buwang gulang nang maayos ang tungkol sa pag-ampon at kailangang ipaampon ko siya. Natatandaan ko na para bang may sumaksak sa akin. Namatay ang aking damdamin. Nang tumanggap lamang ako ng propesyonal na payo sa loob ng nakalipas na dalawang taon saka ako nagkaroon ng makabuluhang mga kaugnayan. Hindi ko magawang magdalamhati—hindi patay ang anak ko. Subalit hindi ko rin maisip ang tungkol sa kaniya—ayaw kong isipin ito. Kakila-kilabot ito.
Ang mas masakit pa ay ang marinig ang mga taong nagsasabi: “Kung ipaaampon mo ang anak mo, hindi mo mahal ang iyong anak.” Subalit hindi iyan totoo sa aking kalagayan! Ipinaampon ko siya sapagkat mahal ko ang aking anak! Hanggang sa huling sandali, patuloy kong tinatanong ang aking sarili: ‘Ano ba ang gagawin ko? Ano ang maaari kong gawin?’ Walang ibang mapagpipilian. Alam kong hindi ko kaya at na ang aking anak ay magdurusa lamang kung pananatilihin ko siya sa piling ko.
Sa Inglatera, tinatanggap ngayon ng lipunan ang mga pamilyang may nagsosolong magulang—subalit hindi gayon noong ako’y nagsilang. Sana’y naalagaan ko nang wasto ang aking anak. Ang payong natanggap ko kamakailan ay nakatulong sana, sa palagay ko, subalit huli na ang lahat ngayon. Buháy pa kaya ang aking anak? Anong uri kaya ng batang lalaki siya? Sa gulang na 18, ang mga batang inampon ay may legal na karapatang hanapin ang kanilang mga magulang. Madalas akong mag-isip kung hahanapin kaya ako ng aking anak.—Isinulat.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Naging Matagumpay Ito Para sa Amin
MAYROON kaming dalawang tin-edyer na anak na lalaki, kami’y kontento, nagkakaisang pamilyang Ingles. Ang pagkakaroon ng isang anak na babae—at ng isa na kakaiba ang lahi—ay hindi kailanman pumasok sa aming isip. Saka dumating si Cathy sa aming buhay. Si Cathy ay ipinanganak sa London, Inglatera. Siya’y pinalaki bilang isang Romano Katoliko, subalit nang siya’y bata pa, siya’y dumadalo na kasama ng kaniyang ina sa ilang pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Subalit, sa gulang na 10 siya’y inilagak sa isang tahanan ng mga bata.
Bagaman ang mga bagay-bagay ay mahirap para sa kaniya roon, nagagawa pa rin niyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, kung saan namin siya nakilala. Si Cathy ay isang maalalahaning bata. Nang dalawin namin siya ng aking maybahay sa tahanan ng mga bata, napansin namin na ang dingding sa kaniyang kama ay natatakpan ng larawan ng mga hayop at mga tanawin sa lalawigan, di-gaya ng mga poster ng mga artistang pop na idinidikit ng ibang mga batang babae sa kanilang dingding.
Nang maglaon si Cathy ay kailangang humarap sa isang komite na nagtatasa, na nagtanong sa kaniya kung nais niyang iwan ang tahanan at sa halip ay tumira na kasama ng isang pamilya. “Tangi lamang sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova!” ang tugon niya. Nang sabihin sa amin ni Cathy ang tungkol dito at kung ano ang sinabi niya, pinag-isipan namin ito. Mayroon kaming ekstrang silid. Maaari kaya naming kunin ang ganitong uri ng pananagutan? Bilang isang pamilya, kami’y nag-usap at nanalangin tungkol dito. Nang dakong huli ay natuklasan namin na ang paraang ito—ang pagtatanong sa opinyon ng bata—ay isang bagong paraan sa bahagi ng paglilingkod panlipunan, isang eksperimento na noo’y ginagawan ng mga patotoo o dokumento.
Ang paglilingkod panlipunan ay nagtanong tungkol sa amin sa pulisya at sa aming doktor at humingi ng personal na mga sanggunian. Di-nagtagal isang kasunduan ang ginawa. Kami’y sinabihan na maaaring mapasaamin si Cathy sa isang pagsubok at na maaari namin siyang ibalik kung ayaw na namin sa kaniya! Ito’y nakasindak sa amin, at naging matatag kami sa pagsasabing hinding-hindi namin gagawin iyon. Si Cathy ay 13 taóng gulang nang opisyal na ampunin namin siya.
Ang pambihirang bigkis ng pag-ibig sa aming lahat ay patuloy na lumalakas. Si Cathy ngayon ay naglilingkod bilang isang payunir (isang buong-panahong ebanghelisador) sa isang kongregasyong Pranses ng mga Saksi ni Jehova sa hilaga ng London. Noong taon na umalis siya ng bahay upang magpayunir, siya’y sumulat sa amin ng isang makabagbag-damdaming liham: “May kasabihang ‘hindi mo maaaring piliin ang iyong pamilya.’ Gayunman, nais ko kayong pasalamatan mula sa aking puso sa pagpili ninyo sa akin.”
Kami’y lubos na nagpapasalamat na si Cathy ay dumating sa aming pamilya! Pinagyaman niya ang aming buhay dahil sa pagiging bahagi niya ng aming pamilya. Naging matagumpay ito para sa amin!—Isinulat.
[Larawan]
Si Cathy kasama ang mga magulang at kapatid na umampon sa kaniya
[Larawan sa pahina 7]
Maraming bata ang nangangailangan ng pagmamahal at pangangalaga ng magulang