Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-ampon Salamat sa seryeng “Pag-ampon—Ang mga Kagalakan, ang mga Hamon.” (Mayo 8, 1996) Ako’y isang ampon, at hindi ko kailanman alam kung paano ito ipakikipag-usap sa aking mga magulang na nag-ampon. Kaya nga nakatutuwa na makatanggap ng ganitong labas ng Gumising! Walang ibang artikulo ang nakaantig nang lubos sa akin na gaya ng mga ito.
F. R. M., Brazil
Ako’y inampon, at kamakailan ay ipinasiya kong tuklasin ang anumang bagay tungkol sa aking tunay na mga magulang. Bagaman ako’y nakakuha ng mahahalagang impormasyon tungkol sa aking mga magulang, napag-alaman ko rin na ako’y inaruga ng aking ina sa loob ng tatlong buwan bago niya ako ipinaampon. Napakasakit niyan para sa akin! Naitanong ko sa aking sarili, ‘Paano niya nagawa iyon?’ Buweno, ang kahon na “Hanapin Kaya Ako ng Aking Anak?” ay nagbigay ng pangmalas ng isang ina. Anong laking tulong ng maikling artikulong iyon upang maharap ko ito!
C. S., Estados Unidos
Ang artikulo ay naging mapait at matamis na karanasan para sa akin. Ipinamigay ko ang aking anak na lalaki 23 taon ang nakalilipas. Ginawa ko iyon sapagkat batid kong hindi ko siya mapangangalagaan. Bawat araw ay nag-iisip ako, ‘Kumusta na kaya siya? Ano na kaya ang naging buhay niya? Makikita ko pa kaya siyang muli?’ Kung minsa’y nadaraig ako ng pagkadama ng pagkakasala. Subalit totoong nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa kaniyang pag-ibig at kaawaan.
S. F., Estados Unidos
Bagaman kami’y may sariling anak na lalaki, isinasaalang-alang naming mag-asawa ang pag-aampon ng isang maliit na batang babae. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaan ang mabuti at masamang bagay at makatutulong ito sa aming pagpapasiya.
J. G., Estados Unidos
Sa palagay ko kayo’y nagpayo laban sa pag-aampon ng mga batang mahirap supilin. Pero ano naman ang mangyayari sa gayong mga bata kung sila’y tatanggihan? Sa ngayon kami’y nagkakaproblema sa aming inampong anak na lalaki. Subalit anong uri ng mga problema ang idudulot ng gayong mga bata sa lipunan kung hindi sila kailanman tumanggap ng pag-ibig at katiwasayan ng isang pamilya?
D. M., Alemanya
Ang aming puso’y nahahabag sa mga bata na napagkaitan ng pangangalaga ng mapagmahal na mga magulang. Ang mga artikulo ay isinulat, hindi upang sirain ang loob sa pag-aampon ng “mahirap supilin” na mga bata, subalit upang himukin ang mga mag-asawa na “kalkulahin ang gastusin” sa paggawa ng gayon, sa isang makatotohanang paraan. (Ihambing ang Lucas 14:28.) Dapat na isaalang-alang ng mga magulang na mag-aampon kung talagang taglay nila ang kakayahan sa emosyon, espirituwal, o pinansiyal na kinakailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng gayong mga bata. Kailangan din nilang timbangin ang posibleng mga epekto na maaaring taglayin ng pag-aampon sa iba pang mga anak na naroroon na sa tahanan.—ED.
Mayroon kaming limang ampon na mga bata, karagdagan pa sa aming tatlong isinilang na mga anak. Naranasan namin ang labis na kagalakan na inyong isinulat at ang sakit ng loob. Lahat ng aming anak ay mga tagapuri ni Jehova maliban sa aming anak na lalaki. Pagkatapos na ampunin sa edad na 16, kaniyang pinagsamantalahan ang aming tatlong anak na babae. Hindi naipaalam sa amin ng ahensiya sa pag-aampon ang kaniyang pinagmulan. Kaya ang isa ay dapat na kumuha ng mas maraming impormasyon hangga’t maaari kapag isinasaalang-alang ang pag-aampon—lalo na kung ang isinasaalang-alang na aampunin ay isang mas malaki nang bata. Napakahusay ng pagkakasulat ng inyong mga artikulo at maliwanag na iniharap ang dalawang panig ng usapin.
P. B., Estados Unidos
Nalungkot ako nang husto na malaman na ang ilang nag-ampong mga magulang ay may hindi magagandang karanasan. Kaming mag-asawa ay nag-ampon ng dalawang magagandang bata, at sila’y nagdulot ng ganap na kagalakan sa aming buhay. Lagi naming tapat na ipinakikipag-usap ang tungkol sa pag-ampon sa kanila. Tinulungan naming ipaunawa sa bawat isa sa kanila na hindi sila ‘ipinamigay’ ng kanilang mga inang nagsilang sa kanila kundi nagsaayos ng pangangalaga para sa kanila sapagkat hindi pa nila kaya noon sa kanilang buhay na mag-aruga ng isang bata. Malimit na sinasabi ng mga tao kung gaano kapalad ang aming mga anak dahil sa aming pagkakaampon sa kanila. Gayunman, ang totoo ay kami ang mapalad.
B. M., Estados Unidos