Pag-ampon—Ito ba’y Para sa Iyo?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
“ANG pag-ampon ay isang paglilingkod para sa mga bata, hindi isang paglilingkod upang bigyan ang mga mag-asawang walang anak ng isang sanggol,” sabi ng isang Britanong social worker. Magkagayon man, anong karapatan mayroon ang isang bata upang magpasiya tungkol sa pag-ampon sa kaniya?
Ikaw ba’y nagbabalak na mag-ampon ng isang bata? Kung gayon ay nakakaharap mo ang isang pasiya na hindi lamang emosyonal kundi isang bagay rin naman na hindi mababago. Gaano katagumpay na makababagay ang bata sa iyong pamilya?
Kung ikaw ay isang ampon, kilala mo ba kung sino ang iyong tunay na mga magulang? Kung hindi, mahalaga ba kung alam mo kung sino ang iyong tunay na mga magulang?
Ikaw ba’y isang ina na nagbabalak na ipaampon ang iyong sanggol? Ang pag-ampon ba ang tanging lunas at pinakamabuti para sa kapakanan ng iyong anak?
Noong 1995, mahigit na 50,000 bata ang inampon sa Estados Unidos, at halos 8,000 sa kanila ang ipinanganak sa ibang bansa. Parami nang paraming tao ang nag-aampon ng mga bata mula sa ibang bansa. Ayon sa magasing Time, sa nakalipas na 25 taon ang mga pamilya sa Estados Unidos ay nag-ampon ng mahigit na 140,000 bata na ipinanganak sa ibang bansa. Ang katulad na mga bilang sa Europa ay 32,000 sa Sweden, 18,000 sa Holland, 15,000 sa Alemanya, at 11,000 sa Denmark.
Nagbabalak ka bang mag-ampon, o magpaampon ng bata? Ang pag-aampon ay nangangahulugan na ang iyong buhay—hindi lamang ang buhay ng bata—ay hindi na kailanman magiging gaya ng dati. Ang mga magulang na nag-ampon ay may katuwirang umasa ng saganang katuwaan, subalit dapat na maging handa rin sila sa maraming problema at mga kabiguan. Gayundin naman, ang dalamhati na nararanasan ng isang ina na nagpapaampon ng kaniyang anak ay maaaring hindi kailanman gumaling nang lubusan.
Ang bawat kaso ay naghaharap ng hamon ng paglikha o muling pagpapasimula sa buhay ng isang musmos taglay ang pag-ibig. Ang sumusunod na mga artikulo ay maghahatid ng ilan sa mga kagalakan—at mga hamon—ng pag-ampon ng bata.