Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 16-19
  • Pag-aaral ng Bibliya—Sa Zoo!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-aaral ng Bibliya—Sa Zoo!
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang mga Hawla, Walang mga Rehas na Bakal
  • Uhaw na mga Zebra
  • “Mula sa Kaniyang Butas ng Ilong ay Lumalabas ang Usok”
  • “Maingat Gaya ng mga Serpiyente”
  • “Pumaroon Ka sa Langgam, ... at Magpakapantas Ka”
  • “Pumaroon Ka sa Langgam”
    Gumising!—1990
  • Isang Nagmamartsang Hukbo!
    Gumising!—2003
  • Langgam
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Eksperto sa Pagtatapon ng Basura sa Daigdig ng mga Insekto
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 16-19

Pag-aaral ng Bibliya​—Sa Zoo!

MGA ilang taon na ang nakalipas pinili namin ang isang pambihirang dako para sa aming lingguhang pampamilyang pagtalakay sa Bibliya​—ang Emmen Zoo, malapit sa aming bahay sa Netherlands. Ito ay sa isang napakabuting dahilan, na magiging maliwanag sa iyo.

Tulad ng maraming pamilyang Kristiyano sa buong daigdig, kami’y may lingguhang pag-aaral sa Bibliya. Sa panahon ng pag-aaral na ito madalas na nababasa namin ang tungkol sa mga hayop na ginagamit sa Bibliya bilang mga sagisag ng mabubuti at masasamang katangian. Nag-isip kami kung higit ba naming makikilala ang mga hayop at nagpasiya kaming gawin itong isang pagsisikap ng pamilya. Ang bawat miyembro ng pamilya ay naatasan ng isang espesipikong hayop at hiniling na humanap ng impormasyon tungkol sa hayop na ito sa mga publikasyon na gaya na Insight on the Scriptures at sa mga tomo ng Ang Bantayan at Gumising!

Habang papalapit na kami sa pintuan ng Emmen Zoo, ang mga mata ng aming mga anak, sina Mari-Claire, Charissa, at Pepijn, ay kumikislap sa pananabik. Makikita namin ang mga buwaya, ang mga oso, ang mga zebra, at ang mga langgam, at marahil ay mas marami pang hayop na nabasa namin sa Bibliya. Subalit una muna, hayaan mong sabihin namin sa iyo ang tungkol sa pambihirang zoo na ito.

Walang mga Hawla, Walang mga Rehas na Bakal

Ang Noorder Dierenpark, gaya ng tawag sa Emmen Zoo sa Olandes, ay isang totoong natatanging parke ng hayop, idinisenyo ayon sa modernong mga simulain ng pamamahala sa zoo. Dito ay wala kang masusumpungang mga hayop na nasa mga hawla o nasa mga rehas na bakal. Sa kabaligtaran, ang lahat ng bagay sa Emmen ay ginagawa upang ang mga hayop ay mailagay sa isang kapaligiran na kahawig na kahawig ng kanilang natural na tirahan hangga’t maaari. “Ang mga dumadalaw, sa halip na ang mga hayop, ang siyang nasa likod ng isang bakod,” sabi ng nakangiting si Wijbren Landman, isa sa mga biyologo ng parke.

“Ang mga hayop ay hindi inaayos ayon sa uri kundi ayon sa kanilang dakong pinagmulan. Iyan ang dahilan kung bakit sa malawak na bahagi ng zoo na Aprikanong savanna na nakikita mo rito, pinagsasama-sama ang hangga’t maaari’y maraming hayop na namumuhay na magkasama sa iláng.” At oo, doo’y nakita namin ang mga ito​—ang pinakamataas na mga hayop sa daigdig, ang mahabang-leeg na mga giraffe, na maaaring umabot sa taas na 6 na metro. Kasama ng mga ito ang mga springbok, impala, zebra, gnu, waterbuck, at ang ilang rhinoceros pa nga.

Subalit marami pang sasabihin sa atin si Wijbren tungkol sa Emmen savanna: “Napakalaki ng lugar dito para sa mga hayop anupat hindi sila nakadarama na sila’y siksikan. Subalit, naglaan din kami ng ilang takasang ruta. Nakikita mo ba ang malalaking bato na naroon? Sa pagitan ng mga ito ay maaaring magkanlong ang mga springbok upang hindi ito gambalain ng mga rhino. At ang burol naman sa banda roon ay nagpapangyari sa mga hayop na hindi magpangitaan sa isa’t isa. Subalit sa karamihan ng panahon bihirang mapansin ng mga hayop ang pagkanaroroon ng bawat isa. Hindi naman ito kataka-taka, yamang magkasama sila sa kanilang tirahan sa Aprika sa loob ng libu-libong taon.”

Uhaw na mga Zebra

“Tingnan mo! Mga zebra!” Tuwang-tuwa si Charissa. Nagsagawa siya ng kawili-wiling pananaliksik tungkol sa mga zebra. “Sinisira ng mga guhit ang hugis at pagkakaisa ng hugis ng mga zebra anupat kadalasang hindi namamalayan kahit ng matatalas-paningin na mga katutubo ang kanilang pagkanaroroon mga 40 hanggang 50 metro ang layo. Ang matalas na paningin at pang-amoy ng mga zebra gayundin ang kanilang kakayahang tumakbo nang mabilis​—mahigit pa nga sa 60 kilometro isang oras​—ay nagsisilbing isang proteksiyon laban sa mga hayop na kumakain ng karne. Gaya ng binabanggit ng Awit 104:11, ang mga zebra ‘ay regular na pinapatid ang kanilang uhaw.’ Iyan ang dahilan kung bakit ang mga ito’y bihirang masumpungan na mahigit na walong kilometro ang layo mula sa tubig.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Dapat din nating regular na patirin ang ating espirituwal na pagkauhaw sa pamamagitan ng pananatiling malapit sa kongregasyon, pag-aaral ng Bibliya, at pagdalo sa mga pulong.”

Nilisan namin ang Aprikanong savanna at lumakad kami patungo sa direksiyon ng isa sa pinakamalaking maninila sa lupa, ang osong kodiak. Ito ang pinakamalaki sa lahat ng oso na tumataas ng hanggang tatlong metro at tumitimbang ng hanggang 780 kilo. Upang ang kanilang dako ay maging natural hangga’t maaari, ito’y magandang dinisenyo na may mga sapa at malalaking bato. Ang osong kodiak ay mas malaking kamag-anak ng osong kayumanggi ng Syria, na namuhay sa Israel noong panahon ng Bibliya. Gaya ng natuklasan ni Mari-Claire, ang mga oso ay nabubuhay sa sarisaring pagkain. Sila’y kumakain ng mga dahon at mga ugat ng mga halaman gayundin ng mga prutas, berries, nuwes, itlog, insekto, isda, daga, at mga katulad nito, at gustung-gusto nito ang pulot-pukyutan. Sa sinaunang Israel nang umunti ang kinakaing pananim ng mga oso, kailangang magbantay ang mga pastol laban sa paninila ng mga oso. Noong kaniyang kabataan buong tapang na hinarap ni David ang pagsalakay ng isang oso upang pangalagaan ang kawan ng kaniyang ama.​—1 Samuel 17:34-37.

“Mula sa Kaniyang Butas ng Ilong ay Lumalabas ang Usok”

Subalit marami pang hayop na gusto naming makita. Noong isang araw sa aming pag-aaral ng Bibliya, nabasa namin ang “Leviathan,” ang buwaya. Noong una, inilarawan ito ni Pepijn bilang ‘isang uri ng isda, subalit isang pagkalaki-laking isda!’ Yamang ang mga buwaya ay napakasensitibo sa pagbabago ng temperatura, ang mga ito’y pinatuloy sa Bahay Aprika, kung saan pinananatili ang tropikal na klima. Pagpasok namin, kami’y sinalubong ng init at halumigmig, na nagpalabo sa aming mga salamin sa mata. Bukod pa riyan, kailangang masanay kami sa dilim. Lumalakad sa isang nakabiting tulay na yari sa kahoy, biglang tumambad sa amin ang dalawang pagkalaki-laking buwaya na animo’y nagbabantay sa lubluban sa magkabilang panig ng tulay. Ang mga ito’y walang kakilus-kilos doon anupat si Pepijn ay nagsabi: “Ang mga ito’y hindi totoo.”

Ang mga buwaya ay kabilang sa pinakamalaking umiiral na reptilya. Ang ilan ay umaabot sa haba na 6 na metro at maaaring tumimbang ng hanggang 900 kilo. Ang lakas ng mga panga nito ay kagila-gilalas​—kahit na ang isang maliit na buwaya na tumitimbang ng 50 kilo ay may lakas na katumbas ng mahigit na 700 kilo. Kapag ang isang buwaya ay lumilitaw sa ibabaw ng tubig pagkatapos ng isang yugto ng paglubog, ang mabilis na paglabas ng hangin sa mga butas ng ilong nito ay maaaring gumawa ng isang isprey anupat sa nakasisilaw na liwanag ng araw sa umaga ay maaaring magtinging ‘kumikislap na liwanag’ at ‘mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok’ na inilalarawan ng aklat ng Job.​—Job 41:1, 18-21.

“Maingat Gaya ng mga Serpiyente”

Hindi pa kami nakalalayo sa mga buwaya nang mabanaag namin sa dilim​—mabuti na lamang, sa likuran ng salamin​—ang maraming uri ng nilikhang ginagamit sa Bibliya bilang sagisag kapuwa ng kanais-nais at hindi kanais-nais na mga katangian. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa serpiyente, ang unang hayop na binanggit sa pangalan sa Bibliya. (Genesis 3:1) Ginamit ni Jesus ang pagiging maingat nito bilang isang halimbawa nang pinapayuhan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa kanilang paggawi sa gitna ng tulad-lobong mga mananalansang. (Mateo 10:16) Subalit, mangyari pa, ang serpiyente ay karaniwang tumutukoy sa “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, na inilarawan sa 2 Corinto 11:3 bilang mandaraya at tuso na gaya ng serpiyente.​—Apocalipsis 12:9.

“Pumaroon Ka sa Langgam, ... at Magpakapantas Ka”

Ang isang di-inaasahang tanawin sa isang parke ng mga hayop ay ang malaking punso na nakita namin, na tirahan ng tatlong kolonya ng mga langgam na pumuputol ng dahon. Ang mga ito ang mga hardinero sa gitna ng mga langgam. Makikita natin ang kolonya sa likuran ng salamin; pinangyayari nitong pag-aralan natin ang karaniwang gawi ng mumunting kinapal na ito. Ang mga langgam ay kawili-wili sa amin sapagkat ang mga ito ay ginagamit sa Bibliya bilang isang halimbawa ng kasipagan at katutubong karunungan.​—Kawikaan 6:6.

Si Wijbren Landman ay isang dalubhasa sa insekto. Paliwanag niya: “Tinatayang isang milyon paramihin mo nang isang bilyon ang langgam na nagtatrabaho sa ibabaw ng lupa, ibig sabihin na sa bawat tao ay mayroong di-kukulanging 200,000 langgam! Sa 15,000 uri na masusumpungan nating nakakalat sa lahat ng kontinente maliban sa mga rehiyon sa polo, walang dalawang langgam ang magkatulad. Lahat sila’y nagtatayo ng iba’t ibang uri ng bahay, at sila’y kumakain ng iba’t ibang uri ng pagkain, subalit lahat sila’y organisado sa paano man sa katulad na paraan.

“Ang mga langgam na tagaputol ng dahon ay nagtatanim ng nakakaing fungi, kung paanong ang mga tao ay nagtatanim ng mga kabute. Gaya ng nakikita mo, ang pagtatanim na ito ay nangyayari sa ilalim ng lupa, subalit ang pagkain para sa fungi ay nanggagaling sa ibabaw ng lupa. Sa maghapon, abalang-abalang inihahatid ng mga manggagawang langgam ang mga dahon tungo sa kanilang pugad. Sila’y umaakyat sa isang puno o sa isang pulumpon at pumipili ng isang dahon. Pagkatapos, ginagamit ang kanilang mga panga na parang gunting, mabilis na pumuputol sila ng pabilog na mga piraso mula sa dahon at magkakasunod na dinadala ang mga ito sa kanilang pugad, hinahawakan ang mga ito na parang payong sa kanilang mga ulo. Ito ang nagpapaliwanag sa kanilang pangalawang pangalan, ang langgam na namamayong. Ang pagputol ay nagpapatuloy nang napakabilis anupat sa Timog at Gitnang Amerika, ganap na nakalbo nito ang buong palumpon o mga punungkahoy sa loob lamang ng ilang oras. Hindi kataka-taka na ang mga ito’y inaayawan doon! Sa pugad nililinis ng iba pang manggagawa ang mga piraso ng dahon nang maingat bago nguyain ang mga ito. Pagkatapos, ang resultang masa ay inihahalo sa mga enzyme at amino acid na inilalabas ng langgam. Saka lamang ang masa ay handang gamitin bilang pagkain para sa fungi, sa gayo’y tinitiyak ang patuloy na panustos ng fungi para sa buong kolonya ng langgam.”

Lubhang humahanga sa karunungan at pagkamapanlikha na maliwanag sa walang-katapusang pagkasari-sari ng paglalang, iniwan namin ang kolonya ng mga langgam. Hapon na, at dapat na kaming umuwi ng bahay. Subalit marami pa kaming dapat tingnan. Hindi pa namin nadalaw ang mga kuwago (Isaias 13:21), ang mga seal (Exodo 35:23), ang mga hippopotamus (“Behemoth,” Job 40:15), ang mga avestruz (Jeremias 50:39), o ang marami pang ibang hayop na nabubuhay rito na binanggit sa Bibliya. Ang bawat isa ay sulit pag-aralan. Tiyak na babalik kami sa Emmen Zoo!​—Isinulat.

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Avestruz: Yotvatah Nature Reserve

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share