Sumaklolo ang mga “Dung Beetle” ng Aprika!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
DALAWANG siglo na ang nagdaan, nang unang dalhin ang mga baka sa Australia, sino ang makakakini-kinita ng malulubhang problema na ibubunga nito sa bansa?
Habang ang panahon ay lumilipas, ang pastulan ay nakalatan ng mga dumi ng baka, na humadlang sa pagtubo ng damo sa ilang lugar o nagpangyari na ang damo ay hindi makain ng mga baka. Ang bunton ng mga dumi ay naging malawak na pamugaran ng nakayayamot na mga langaw. Sa katunayan, ayon sa isang ulat ng babasahing Africa—Environment & Wildlife, noong dekada ng 1970 ang problema ay umabot sa “napakalaking krisis sa kabuhayan at ekolohiya.” Tinataya na “mahigit na dalawang milyong ektarya [limang milyong acre] ng pastulan ang hindi na malinang sa bawat taon . . . , napakaraming nitroheno ang hindi na naibabalik sa lupa dahil sa hindi naibaong dumi, at ang langaw ay ubod nang dami na.”
Ano ba ang nangyari? Sa Aprika karaniwan nang ang mga dung beetle ang mabilis at maayos na naglilinis ng mga kabukiran. Ang naibaon ng mga dung beetle na dumi ang nagpapataba sa lupa at gumagawa rito na maging mas buhaghag, sa gayon napahuhusay ang paglaki ng halaman. Sa ganitong paraan, ang nakapipinsalang uri ng langaw ay nasusupil at ang mga parasitong itlog ay napapatay, humahadlang sa pagkalat ng sakit dahil sa baktirya.
Gayunman, ang hindi natanto ng sinaunang mga nanirahan sa Australia ay na ang inaalis lamang ng mga dung beetle sa Australia ay ang maliliit, matitigas, tulad pellet na dumi ng mga hayop na tagaroon at hindi makayanan ang malalaki, malalambot na dumi ng mga baka.
Ano ang kailangang gawin? Mag-angkat ng mga dung beetle mula sa ibang bansa! Halimbawa, ang uri na mula sa Aprika (na may halos 2,000 uri), ang nakakakaya sa pagkarami-raming malalambot na dumi, na gaya ng dumi ng mga elepante. Para sa mga beetle na ito, ang pag-aalis ng mga dumi ng baka ay hindi problema. Subalit anong daming beetle ang kakailanganin para gawin ito! Iniuulat ng Africa—Environment & Wildlife na sa isang pambansang parke, “7 000 beetle ang nakita sa isang tumpok ng dumi ng elepante,” at sa isa pang parke, “22 746 . . . ang natipon mula sa 7 kilo [15 lb] tumpok ng dumi ng elepante sa loob ng 12 oras.” Isip-isipin ang napakaraming beetle na kakailanganin upang malutas ang pagkalaki-laking problema ng Australia!
Nakatutuwa naman, ang kalagayan ay may malaking pagbabago sa kasalukuyan—dahil sa mga dung beetle ng Aprika.