Hinayaan ng Diyos na Masumpungan Namin Siya
NANG handa nang ipasa ni Haring David ang pagkahari sa kaniyang anak na si Solomon, ito ang payong ibinigay niya sa kaniya: “Kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang may sakdal na puso at nang may kalugud-lugod na kaluluwa; sapagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang bawat hilig ng pag-iisip. Kung iyong hahanapin siya, hahayaan niyang siya’y masumpungan mo; ngunit kung pabayaan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailanman.”—1 Cronica 28:9.
Nasumpungan naming totoo ito sa aming kalagayan. Hinanap namin ang Diyos, at nasumpungan namin siya—subalit pagkatapos lamang na mailihis kami sa maraming huwad na mga daan. Kami’y naniniwala na nalalaman ni Jehova kung gaano kalakas ang hilig ng aming mga pag-iisip na nakatutok sa kaniya at sa paglilingkod sa kaniya, at hinayaan niyang siya’y masumpungan namin. Narito ang kuwento kung paano ito nangyari.
Kami’y apat na magkakapatid na lalaki, pinalaki sa Florida, E.U.A. Ang aming ama ay nagtatrabaho nang mahabang oras bilang isang kusinero upang tustusan ang pamilya, si nanay naman ang nagtatrabaho sa bahay, at kaming apat na batang lalaki ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng pagputol ng damo, paghahatid ng diyaryo—anumang bagay na makadaragdag sa kita ng pamilya. Si Nanay ay isang Katoliko, at si Tatay ay isang Baptist. Lahat kami ay naniniwala sa Diyos at sa Bibliya subalit wala kaming ginawa tungkol dito, at bihira kaming magsimba. Noong mga unang taon ng dekada ng 1970, na ang kapayapaan, bell-bottom na mga jeans, mahahabang buhok, at musikang rock ay napakapopular. Lahat ng ito ay nakaimpluwensiya sa aming buhay.
Noon lamang 1982 na ang dalawa sa amin, si Scott at si Steve—24 at 17 anyos ayon sa pagkakasunod—ay nagkaroon ng interes sa Bibliya at nagkaroon ng sumisidhing pagkabahala sa sumasamang mga kalagayan sa daigdig. Si Scott ay may sarili niyang negosyo ng konstruksiyon. Ito’y kumikita nang maganda, kaya’t kami’y lumipat sa isang apartment na magkasama. Nagsawa na kami sa iyo’t iyon ding tanawin sa bar at sa paraan ng pamumuhay na iyon at alam namin na mayroon pang mas kaakit-akit at kaayaayang buhay sa ibang lugar. Nakadama kami ng pagkauhaw sa espirituwal na mga bagay. Ang pagbabasa ng aming Bibliya nang regular ay nakatulong sa amin na magnais ng higit pang kaalaman at unawa sa Salita ng Diyos.
Nagsimula kaming magtungo sa iba’t ibang simbahan kung mga Linggo. Sa mga napuntahan namin malapit sa aming tahanan sa Lake Worth, Florida, 25 minuto ng sermon kung Linggo ay tungkol sa pagbibigay ng pera. “Magbigay nang sagana, magbigay ng napakasagana,” sasabihin ng ministro habang siya’y bahagyang nakakiling sa atril ng tagapagsalita. Madalas na ipinapasa nila ang plato ng salapi tatlong beses sa isang miting, na dahil dito ang marami ay umuwi ng wala nang pera. Nagpunta kami sa maraming simbahan, subalit nasumpungan lamang namin na ang mga ito man ay may mga plato ng mga koleksiyon ng pera na ipinapasa at mga sosyal na pagtitipon.
Binabalaan Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Kami’y naturuan sa inaakala naming pangunahing mga turo sa Bibliya, at tinanggap namin ang mga ito sapagkat ang mga guro ay propesyonal na mga teologo. Ang isa sa mga klase ay tungkol sa mga kulto sa Amerika, at nasa unahan ng listahan ang mga Saksi ni Jehova. Kami’y binabalaan na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala kay Jesus, na sila’y may sarili nilang Bibliya, na sila’y hindi pupunta sa langit, at na sila’y naniniwalang walang impiyerno. Lahat ng ito, mangyari pa, ay umakay sa amin na maghinuhang ang mga Saksi ay mali.
Nang panahong iyon kami’y may matinding sigasig subalit hindi ayon sa tumpak na kaalaman. (Roma 10:2) Alam namin na sinabi ni Jesus sa Mateo 28:19, 20—dapat naming ipangaral ang mabuting balita at gumawa ng mga alagad. Nang panahong iyon kami’y dumadalo sa isang 2,000-miyembrong simbahan na tinatawag na Bible Town, kung saan kami’y bahagi ng isang grupo ng 100 kabataan sa pagitan ng mga edad na 17 at 30. Sinikap ni Scott na ipagawa sa kanila ang ilang anyo ng pangangaral—ngunit hindi nagtagumpay.
Kaya sinimulan namin ang aming sariling kampanya sa pangangaral. Naisip ni Scott na magtayo ng isang puwesto sa lokal na flea market at mamahagi ng mga tract at Bibliya. Kaya iyon ang ginawa namin. Nagtungo kami sa isang lokal na “Kristiyanong” tindahan ng aklat at bumili ng maraming suplay ng mga tract at Bibliya, nagtungo kami sa isang flea market, naglagay kami ng dalawang tuntungan, ipinatong ang isang malaking piraso ng plywood sa ibabaw, inilagay ang aming mga tract at mga Bibliya rito, at sinikap naming maging “mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.”—Santiago 1:22.
Habang lumilipas ang bawat linggo, lumago ang tinatawag na mga ministeryo sa flea market, nag-aalok ng mga literaturang Ingles gayundin sa Kastila. At, mayroon kaming mga Bibliya, 30 iba’t ibang klase ng mga tract, at mga alpiler pa nga sa sumbrero na nagsasabing “Mahal ka ng Diyos.” Pagkalipas ng sandaling panahon, si Scott ay bumili ng isang makinang decal upang mag-imprenta ng maliliit na mensahe ng Bibliya sa mga T-shirt—na nagsasabi ng gaya ng: “Nabasa mo ba ang Bibliya mo ngayon?,” “Nagtataka ka ba kung bakit ako nangingiti? Nasa puso ko si Jesus,” at marami pang iba. Ang isa ay nagsasabing “Apocalipsis” na may larawan ng apat na mangangabayo.
Inaakala namin na, sa pagsusuot namin ng mga T-shirt sa lahat ng dako, kami’y nagbibigay ng isang tahimik na patotoo. Tuwing Sabado at Linggo, mula alas-8 n.u. hanggang ala-1 n.h., lumilitaw ang mga ministeryo sa flea market. Kung ikaw ay naglalakad sa isang loteng paradahan at nakita mo ang mga tract sa mga kotse, buweno, kami ang naglagay ng mga tract doon. Lahat ng literatura ay may donasyon, bagaman napakaliit na pera ang iniabuloy. Isang taon sinuma namin ang mga gastos sa isang taon, at ito’y nagkahalaga ng mahigit na $10,000.
Nakilala Namin ang Isa sa mga Saksi ni Jehova
Minsan, samantalang kami’y lumalangoy sa isa sa mga dalampasigan sa Bonita Springs, isang may edad nang lalaki ang lumapit sa amin at nagkomento na nakita niya ang mga sticker sa bumper ng aming trak at napansin ang aming mga T-shirt. Nagsimula siyang magsalita tungkol sa Bibliya at nangangatuwiran mula sa Kasulatan. Binanggit niya ang punto na nasa Gawa 2:31, na nagtatanong: “Kung may maapoy na impiyerno at kung ang masasamang tao lamang ang nagtutungo roon bakit kung gayon sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay nagtungo roon?” Nagpatuloy pa siya, tinatalakay ang maraming iba pang kasulatan. Sa wakas, nagsabi si Scott: “Marahil isa kayo sa mga Saksi ni Jehova.” Tugon niya: “Oo, Saksi nga ako.” Saka sinabi ni Scott: “Kayong mga tao ay hindi naniniwala kay Jesus.” Sa sumunod na 20 minuto, ang Saksi ay nagsalita tungkol kay Jesus, subalit para bang hindi ito nakaimpluwensiya sa amin.
Ipinagpatuloy namin ang mga ministeryo sa flea market kung mga dulo ng sanlinggo. Ginagawa namin ito sa loob ng tatlong taon—sa tuwina’y naniniwalang taglay namin ang katotohanan at tama ang aming ginagawa. Nagpupunta pa rin kami sa mga simbahan, iba-iba tuwing Linggo ng gabi, at kailanma’y hindi kami nasiyahan sa alinman na nadaluhan namin. Nauubusan na kami ng mga simbahang mapupuntahan, kaya isang gabi ay nagpasiya kaming magtungo sa isa sa “mga simbahan ng mga Saksi ni Jehova,” gaya ng sabi namin. Ipangangaral namin sa kanila ang tungkol kay Jesus. Nasumpungan namin ang direksiyon sa aklat ng telepono at nagtungo kami roon isang Linggo ng gabi. Pagkaalam na wala silang miting kung Linggo ng gabi gaya ng lahat ng iba pang simbahan, kami’y naghinuha na talaga ngang hindi sila naniniwala kay Jesus. Nakita namin ang pag-aaral sa aklat kung Lunes ng gabi sa karatula na nagpapakita ng mga oras ng pulong. Kaya kami’y nagbalik na dala ang aming mga Bibliya at suot ang aming mga T-shirt. Natatandaan namin ang paggugol ng ilang minuto upang magpasiya kung aling T-shirt ang isusuot—alin ang magiging isang mabuting patotoo. Dumating kami roon na medyo maaga, at nilapitan kami ng ilang kapatid. Sila’y masigla at palakaibigan. Agad kaming napasangkot sa isang malalim na pagtalakay tungkol sa Apocalipsis. Hiniling nilang manatili kami para sa pulong. Ibinigay nila sa amin ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba, kaya’t kami’y naupo.a Pinasimulan ng isang kapatid ang pag-aaral sa pamamagitan ng panalangin.
Kami’y matamang nakinig. Sa pagtatapos, sinabi niya: “Sa pangalan ni Jesus. Amen.” Nagkatinginan kami sa malaking pagkagulat. “Tama ba ang narinig namin? Nanalangin siya sa pangalan ni Jesus!” Nang panahong iyon para bang ang aming mga mata’y nabuksan at nalaglag sa wari ang makakapal na kaliskis. Kung tama ang aming mga puso, ito na ang panahon para kami makinig. Hiniling ng kapatid sa lahat na bumaling sa kabanata 21 ng aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba, na tungkol kay Jesus at ang hindi pagiging bahagi ng sanlibutan. Wala nang bubuti pang pag-aaral na dapat upuan. Ito’y tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus, ang mga huling araw, at neutralidad. Narinig naming nagkomento ang mga kabataan tungkol sa maraming punto na hindi namin alam. Muli, sa pagtatapos ng pulong, ang kapatid ay nanalangin sa pangalan ni Jesus!
Kami’y Napakain sa Espirituwal
Kami’y pumasok sa bulwagan na nauuhaw sa katotohanan, at naroon ang katotohanan, hinding-hindi malayo. Kami’y umalis na may kabatirang kami’y napakain sa espirituwal, at hindi na kami kailanman nagtungo sa isang simbahan. Nang sumunod na gabi, samantalang naglalaba sa isang Laundromat, napansin namin ang isang malaking salansan ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa tabi ng soda machine—hindi kukulanging 150 nito. Hinding-hindi namin ito babasahin noon, subalit ngayon tinalian namin ang mga ito, interesado kami sa maraming paksa nito.
Isa sa mga artikulo ang nagtanong: “Ikaw ba’y naniniwala sa Trinidad?” Ang isa naman, “Talaga bang may Impiyerno?” Sa isang Gumising! ay may isang artikulo tungkol sa mga imahen. Nang gabing iyon binasa ni Steve ang isa tungkol sa Trinidad, gumawa ng maraming pananaliksik, tiningnan ang lahat ng mga kasulatan, at ginising si Scott bandang alas–12:30 n.u. dahil sa kaniyang natutuhan. Kinabukasan, Miyerkules, pagkatapos ng trabaho, binasa ni Steve ang artikulo tungkol sa impiyerno. Ito’y nangatuwiran salig sa Juan 11:11, kung saan sinabi ni Jesus na si Lazaro ay natutulog. Nang makita ni Steve si Scott, aniya: “Ang Bibliya ko ay hindi nagtuturo na may maapoy na impiyerno.” Pagkatapos basahin ang Gumising! tungkol sa mga imahen at sa iba’t ibang anyo ng mga krus, itinapon namin ang bagay na ito sa trak ng basura at pinagmasdan ito samantalang ang mga ito ay dinadala palayo. Nagkatinginan kami, tumango, at ngumiti. Batid namin na nasumpungan namin ang isang bagay na talagang espesyal—ang katotohanan.
Pagkaraan ng isang araw ay dumating ang dalawang kahon. Nasa loob nito ang 5,000 tract na nagsasabing kung hindi ka magsisisi, ikaw ay pupunta sa impiyerno. Batid na namin ngayon na marami sa mga tract na ito ay hindi tama ayon sa turo ng Bibliya. Medyo nalilito, kami’y muling dumalo sa pag-aaral ng aklat noong Lunes ng gabi at dinala namin ang marami sa aming mga tract. Kami’y nagtanong, “Ayos ba ang isang ito?” Isang gabi sinuri namin ang lahat ng mga ito. Di-nagtagal isang salansan ang nasa sahig; wala isa man sa mga ito ang napatunayang kasuwato ng turo ng Bibliya. Itinapon namin ang lahat ng ito. Batid namin na ang aming bagong nasumpungang pananampalataya ay nangangahulugan ng aming buhay at ng buhay niyaong pinangangaralan namin. Nais naming lumayo upang pag-aralan ang Bibliya nang walang anumang panghadlang.
Kami’y lumipat sa Alaska. Sa aming unang pulong doon, tinanong namin ang isang elder kung gusto niyang aralan kami sa Bibliya araw-araw. Sa pakiwari ko’y narinig ng lahat ng naroroon ang aming kahilingan. Kami’y sumulong na mainam, at natapos namin ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, at nais naming magpabautismo sa isa sa dalawang-araw na mga asamblea.* Subalit kailangan naming maghintay nang sandali. Ang aming tunguhin ay magpayunir. Hindi inaasahan, ang aming tatay ay nagkasakit, at kailangan naming bumalik sa Florida upang tumulong.
Kami’y Sumulong sa Espirituwal na Pagkamaygulang
Sa Florida kami’y sumulong na mainam, natapos namin ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba, at nabautismuhan noong 1987. Mga 11 buwan na buhat nang una kaming mag-umpisa. Karaka-raka ay naging mga auxiliary pioneer kami sa loob ng anim na buwan at pagkatapos ay mga regular payunir. Pagkalipas lamang ng isa at kalahating taon, kami kapuwa ay nahirang na mga ministeryal na lingkod. Dalawang taon pagkatapos ng bautismo, nasumpungan namin ang aming mga sarili na naglilingkod sa Brooklyn Bethel, kung saan si Scott ay naglilingkod pa rin ngayon at nag-aaral ng Intsik sa loob ng dalawang taon. Si Steve ngayon ay naglilingkod sa Moscow, Russia, bilang isang regular payunir. Nasumpungan namin kapuwa ang katotohanan at hinanap ito gaya ng paglalarawan dito ng Kawikaan 2:1-5: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakaiingatan mo ang akin mismong mga utos, na anupat iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, na iyong ihihilig ang iyong puso sa pag-unawa; bukod pa riyan, kung tatawagin mo ang unawa mismo at iyong itataas ang iyong tinig sa pag-unawa mismo, kung iyong hahanapin ito na parang pilak, at sasaliksikin mo ito na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y iyong mauunawa ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang karunungan mismo ng Diyos.”
Kung Paano Napunta si Steve sa Moscow
Palibhasa’y nakatira sa New York, kung saan ang pagkaalam ng karagdagang wika ay gagawa sa gawaing pangangaral na higit na kawili-wili—at iniisip na marahil ay bubuksan ni Jehova ang pinto sa Russia sa malapit na hinaharap—ako’y nagpasiyang mag-aral ng Ruso. Nang panahong iyon, samantalang naglilingkod sa Brooklyn Bethel, nagsimula akong dumalo sa pag-aaral ng aklat sa wikang Ruso. May isa lamang grupo sa pag-aaral sa aklat na Ruso na nagtitipon kung Biyernes. Pagkalipas ng panahon, lalo pa akong nasangkot sa grupong Ruso. Sumama ako sa kanila sa gawaing pangangaral, na kasiya-siya dahil sa sigla ng mga Ruso. Ako’y sumulat sa Service Department na humihiling na nais kong lumipat sa grupong Ruso. Ako’y natuwa nang sila’y sumang-ayon dito.
Isang araw sa umagang pagsamba sa Bethel, sinabi ng presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, si Milton G. Henschel, sa pamilya na magkakaroon ng isang pantanging ulat. Saka niya ipinatalastas na ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala na sa Russia at na ang ating mga kapatid ay magtatamasa na ngayon ng kalayaan ng pagsamba. Sa palagay ko’y hindi malilimutan ng sinuman sa Bethel nang umagang iyon ang kagalakang nadama namin sa pagkarinig ng gayong napakagandang balita. Naisip ko nang sandaling iyon na isang malaking pribilehiyo na maging bahagi ng napakalawak na bagong teritoryong iyon.
Nagsimula akong makipagsulatan sa isang kapatid na lalaki na Ruso na nagngangalang Volodeya, na nakatira sa Krasnodar, Russia. Inanyayahan niya akong dumalaw sa Russia. Kaya noong Hunyo 1992, inimpake ko ang aking mga maleta at nagtungo ako sa Moscow. Pagdating ko, tuwang-tuwa akong makita si Brother Volodeya na naghihintay sa paliparan. Ako’y tumira kay Brother Stephan Levinski—45 taon sa katotohanan. Siya ang kauna-unahang Saksi na nakilala ko sa Moscow, at siya’y gumugol ng maraming taon sa bilangguan dahil sa kaniyang paninindigan sa katotohanan. Ang pagkamapagpatuloy ng mga kapatid ay talagang kahanga-hanga.
Kaya naroon ako sa Moscow, walang gaanong nalalaman tungkol sa wika. Nang panahong iyon, may apat na kongregasyon lamang, at para bang kilala namin ang lahat ng mga kapatid. Mula noon, sa pamamagitan ng pagsubok, nagawa kong palawigin ang aking mga visa. Sa pana-panahon ay nakapagtrabaho ako upang pagtakpan ang aking mga gastusin. Ang pinakamalaking problema ko ay ang matuto ng Ruso upang makipag-usap at mapakain sa espirituwal sa mga pulong. Ito ay mabagal, at mangyari pa, pinagsisikapan ko pa rin ito.
Ako’y nagkapribilehiyo na dumalo sa maraming kombensiyon at masaksihan ang kamangha-manghang pagsulong at napakaraming bilang ng mga nababautismuhan. Ang pagkakita sa tunay na sigasig ng ating mga kapatid dito ay isang lubhang nakapagpapatibay-pananampalatayang karanasan. Hindi ko ito ipagpapalit sa anupamang bagay. Marami sa mga kapatid na lalaki at babae na nakilala ko na nag-aaral pa lamang o kababautismo lamang nang ako’y dumating ay naglilingkod na ngayon bilang buong-panahong mga payunir o ministeryal na mga lingkod o mga Bethelite sa Solnechnoye, malapit sa St. Petersburg, Russia.
Ang kongregasyong dinadaluhan ko ay napupunô ng 530 dumadalo tuwing Linggo, at buwan-buwan kami ay may katamtamang 12 bagong di-bautisadong mga mamamahayag. Ang huling bilang ay 380 mamamahayag, 3 elder, at 7 ministeryal na lingkod. Ang aming kongregasyon ay nag-uulat ng mahigit na 486 na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Noong Pebrero 1995, ako’y nagkapribilehiyo na dumalaw sa aming 29 na mga pag-aaral sa aklat at magbigay ng pahayag sa paglilingkod. Dinalaw ko ang apat na grupo sa isang linggo. Kami rin ay totoong abala bago ang bawat kombensiyon dahil sa mga tanong para sa mga kandidato sa bautismo. Noong Mayo 1995, kami’y nagkaroon ng isang pantanging araw ng asamblea kung saan 30 ang nabautismuhan mula sa aming kongregasyon. Lahat-lahat, may 607 na nabautismuhan na halos 10,000 ang dumalo. Nang pandistritong kombensiyon noong tag-araw, 24 mula sa aming kongregasyon ang —kabilang sa 877 na nabautismuhan! Mayroon kaming 13 payunir sa aming kongregasyon at 3 espesyal payunir. Sila’y nag-uulat ng mga 110 pag-aaral sa Bibliya lahat-lahat! Sa kasalukuyan, mayroon kaming 132 di-bautisadong mga mamamahayag.
Sa aming Memoryal noong 1995, 1,012 ang dumalo! Kapapadala pa lamang ng Samahan ng isang kapatid na Polako, si Mateysh, sa aming kongregasyon. Siya’y nagtapos sa Ministerial Training School at magiging isang malaking tulong. Mayroon na kami ngayong tatlong elder. Kaya isa na namang kongregasyon ang itatatag, at ang aming teritoryo—halos isang milyon ang populasyon—ay hahatiin. Ang bawat isa sa dalawang kongregasyon ay magkakaroon ng mga 200 mamamahayag. Ang isang kongregasyon ay magkakaroon ng dalawang elder, at ang isa naman ay isang elder. May isa pa kaming asambleang dumarating, kaya aming nirerepaso ngayon ang mga tanong sa 44 na handa na para sa bautismo sa panahong iyon. Tila hindi kapani-paniwala! Tunay ngang isang espirituwal na paraiso! Kamangha-mangha! Talagang kumikilos ang kamay ni Jehova. Ang kaniyang karwahe ay para bang kumakaskas sa Russia sa panahong ito. Hanggang noong Oktubre 1995, may 40 kongregasyon na sa Moscow. Madali sana itong madoble kung mayroon lang sapat na mga elder.
Ang mga panahon ng aming ministeryo sa flea market ay lipás na. Si Scott ay nasa Brooklyn Bethel, si Steve ay naglilingkod bilang isang elder sa isa sa mga kongregasyon sa Moscow—kaming dalawa ay lubos na nagpapasalamat na hinayaan ng Diyos na masumpungan namin siya. Idinadalangin namin na harinawang milyun-milyon pa ang humanap sa kaniya at na hahayaan ng Diyos na siya’y masumpungan nila.—Gaya ng inilahad nina Scott at Steve Davis.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 12]
Scott
[Larawan sa pahina 13]
Steve
[Larawan sa pahina 15]
Isang kongregasyon sa Moscow ang may mahigit na 530 ang dumadalo tuwing Linggo