Moscow—Ang Ika-850 Anibersaryo Nito
Isang Lunsod na Nanaig
“PUMARITO ka sa akin, kapatid ko, sa Moscow.” Ang paanyayang ito ni Yury Dolgoruky sa isang kapuwa niya prinsipe noong 1147 ang wari’y siyang unang pagbanggit sa Moscow sa rekord ng kasaysayan. Ang petsa—850 taon na ang nakalipas—ay tinanggap bilang ang pagkatatag ng Moscow, ang kabiserang lunsod ng Russia, bagaman ipinakikita ng mga katibayan ng arkeolohiya na isang maliit na nayon ang matagal nang umiral doon.
Bilang paghahanda sa ika-850 anibersaryo ng Moscow, daan-daang pasilidad sa lunsod ang kinumpuni at inayos—mga istadyum, teatro, simbahan, mga istasyon ng tren, parke, at mga pampublikong gusali. Anong kamangha-manghang pagbabago! “Ang buong bloke ng mga gusali,” sabi ng isang taga-Moscow, “ay nabago anupat hindi mo na ito makilala.”
Noong dumalaw kami sa Moscow nitong nakaraang Hunyo, nakita namin ang mga tauhang gumagawa ng mga proyektong pagsasauli sa palibot ng sentro ng lunsod, malapit sa Red Square. Nagpapatuloy ang paggawa, 24 na oras isang araw. At sa lahat ng dako, may mga paalaala tungkol sa ika-850 anibersaryo—sa mga bintana ng tindahan, sa Metro, sa mga poste ng ilaw, sa mga paninda—binanggit pa nga ito maging sa isang pagtatanghal ng sirko na pinuntahan namin.
Noong Setyembre, nang ang libu-libong bisita mula sa buong daigdig ay naroroon para sa pantanging mga kapistahan ng ika-850 taon, ang pagbabago sa anyo ng Moscow ay kagila-gilalas. Oo, sa kabila ng kahila-hilakbot na mga panahon ng kahirapan sa buong kasaysayan nito, ang Moscow ay nakaligtas at umunlad.
Noong mga unang taon ng nakaraang siglo, maliwanag na nasa isip ng isang iskolar sa Bibliya ang gayong yugto sa kasaysayan ng Moscow nang magkomento siya tungkol sa “digmaan” na iniuugnay sa “Armagedon” sa Bibliya. (Apocalipsis 16:14, 16, King James Version) Binanggit niya na sinasabi ng ilan na ang dako ng Armagedon ay ang Moscow, bagaman siya mismo ay hindi naniniwala sa pangmalas na iyon.a
Bakit sinabi iyon ng ilan? Buweno, isaalang-alang ang kahali-halina at madalas ay kalunus-lunos na kasaysayan ng Moscow.
Nananaig Noong Unang mga Panahon
Ang Moscow ay nasa isang estratihikong sangang-daang malapit sa malalaking ilog (ang Oka, ang Volga, ang Don, at ang Dnieper) gayundin sa mahahalagang ruta sa lupain. Si Prinsipe Dolgoruky ay “naglagay ng mga pundasyon sa bayan ng Moscow,” ang ulat ng isang kasaysayan noong 1156, na maliwanag na ang ibig sabihin ay nagtayo siya ng unang mga kuta ng yaring-luwad na mga moog na ang nasa itaas ay pader na yari sa kahoy. Ang Kremlin na ito, o moog, ay nasa tatsulok na piraso ng lupain sa pagitan ng Ilog Moskva at ng Neglinnaya, isang maliit na sangang-ilog.
Kalunus-lunos naman, pagkaraan lamang ng 21 taon, ang prinsipe sa kalapit na Ryazan ay “dumating sa Moscow at sinunog ang buong bayan.” Muling itinayo ang Moscow, subalit noong Disyembre ng 1237, binihag at muling sinunog ng mga Mongol sa ilalim ni Batu Khan, ang apo ng kilalang si Genghis Khan, ang Moscow. Dinambong din ng mga Mongol ang lunsod noong 1293.
Namangha ka ba dahil nanaig pa rin ang Moscow pagkatapos ng bawat nakapipinsalang pagsalakay na ito? Ang lunsod ay lumitaw rin bilang ang sentro ng relihiyon sa Russia noong 1326, nang himukin ng prinsipe ng Moscow, si Ivan Kalita, ang pinuno ng Simbahang Ortodokso sa Russia na tumira sa Moscow.
Sa wakas, noong panahong namamahala si Ivan the Great (mula 1462 hanggang 1505), ang Moscow ay nagtamo ng kasarinlan mula sa mga Mongol. Noong 1453 ang lunsod ng Constantinople (ngayo’y Istanbul) ay bumagsak sa mga Turkong Ottoman, anupat ang mga pinuno ng Russia lamang ang nanatiling mga monarkang Ortodokso sa daigdig. Bunga nito, ang Moscow ay nakilala bilang ang “Ikatlong Roma” at ang mga pinunong Ruso ay tinawag na mga czar, o mga caesar.
Sa pagtatapos ng pamamahala ni Ivan the Great—nang si Christopher Columbus ay naglalayag sa mga bansa sa Amerika—ang Kremlin ay pinalaki, at nagtayo ng mga pader at toreng ladrilyo na nakaligtas hanggang sa ngayon na halos hindi nagbago. Ang mga pader ay mahigit na dalawang kilometro ang haba at hanggang 6 na metro ang kapal, at 18 metro ang taas, at binabakuran ng mga ito ang sakop ng Kremlin, na halos 30 ektarya.
Maaaring ipagtaka mo na noong kalagitnaan ng dekada ng 1500, ang Moscow ay sinasabing mas malaki pa sa London. Pagkatapos, humampas ang sakuna noong Hunyo 21, 1547, nang ang lunsod ay matupok ng mapangwasak na apoy, anupat ang buong populasyon ay nawalan ng tirahan. Minsan pa, muling nagtayo ang mapamaraang mamamayan ng Moscow. Lumitaw rin nang panahong iyon ang Katedral ng St. Basil, na itinayo upang ipagdiwang ang tagumpay ng militar laban sa mga Tatar, o mga Mongol, sa Kazan. Hanggang sa ngayon, ang obramaestrang ito sa arkitektura na nasa Red Square (natapos noong 1561) ay kilalang-kilalang sagisag ng Moscow.
Pagkalipas ng mga sampung taon, noong 1571, lumusob at sinakop ng Crimeanong mga Mongol ang Moscow, na nagdulot ng hindi kapani-paniwalang pagkawasak. Sinunog nila ang halos lahat ng bagay maliban sa Kremlin. Ipinakikita ng mga ulat na sa 200,000 naninirahan sa lunsod, 30,000 lamang ang nakaligtas. “Ang Ilog Moscow ay napuno ng mga bangkay anupat lumihis ang agos nito, at ang tubig ay mapula sa dugo na mga ilang milya ng daloy nito,” ang ulat ng mga editor ng mga aklat ng Time-Life sa Rise of Russia.
Minsan pa, kailangang ipanumbalik ang Moscow. At nangyari nga! Nang maglaon, muling nagningning ang lunsod mula sa Kremlin, na may sunud-sunod na mga pader na bumabakod sa mga bahaging tinatawag na Kitai Gorod, White City, at Wooden City. Isang kahawig na pabilog na plano ng Moscow ang nananatili ngayon, na may mga paikot na daan sa halip na mga pader na pumapalibot sa Kremlin.
Noong panahong iyon ang mga tao sa Moscow ay lubhang napipighati dahil sa mapang-aping pamamahala ni Ivan the Terrible, ang apo ni Ivan the Great. Pagkatapos, noong 1598, si Fyodor, ang anak at kahalili ni Ivan the Terrible, ay namatay na walang tagapagmana. Diyan nagsimula ang “Panahon ng Kabagabagan,” na tinawag ng Rise of Russia na “ang pinakamagulo at nakalilitong panahon sa buong kasaysayan ng Russia.” Tumagal ito ng mga 15 taon.
Tiniis ang Walang-Katulad na Krisis
Di-nagtagal pagkatapos maupo sa trono si Boris Godunov, ang bayaw ni Fyodor, ang Moscow ay dumanas ng matinding tagtuyot at taggutom. Sa loob ng isang yugto ng pitong-buwan noong 1602, 50,000 ang iniulat na namatay. Lahat-lahat, mahigit na 120,000 ang namatay sa lunsod sa pagitan ng 1601 at 1603.
Kasunod ng kalamidad na iyon, sinalakay ng isang lalaking nag-aangking si Prinsipe Dmitry, anak ni Ivan the Terrible, ang Russia sa tulong ng mga sundalong Polako. Sa katunayan, ipinakikita ng mga katibayan na ang tunay na Dmitry ay napatay noong 1591. Nang di-inaasahang mamatay si Godunov noong 1605, ang diumano’y Huwad na Dmitry ay pumasok sa Moscow at kinoronahan bilang czar. Pagkalipas lamang ng 13-buwang pamamahala, siya’y pinatay ng mga kalaban.
Sumunod ang iba pang nagpapanggap sa trono, pati na ang ikalawang Huwad na Dmitry, na tinulungan din ng Poland. Laganap ang intriga, gera sibil, at pagpaslang. Sinalakay ni Haring Sigismund III Vasa, ng Poland, ang Russia noong 1609, at nang maglaon, isang kasunduan ang nilagdaan na kumikilala sa kaniyang anak na si Władysław IV Vasa bilang ang czar ng Russia. Nang mapasok ng mga Polako ang Moscow noong 1610, ang lunsod ay sumailalim sa pamamahala ng Polako. Subalit di-nagtagal ay nagtulung-tulong ang mga Ruso laban sa mga Polako at pinaalis ang mga ito mula sa Moscow sa pagtatapos ng 1612.
Ang kahila-hilakbot na mga panahong ito ng kabagabagan ay nagpangyari sa Moscow na maging ‘isang tiwangwang na lupa na tinubuan ng mga dawag at mga panirang-damo na milya-milya ang lawak sa lugar ng dating mga lansangan.’ Ang pader ng Wooden City ay tinupok ng apoy, at ang mga gusali sa Kremlin ay sira. Ganito ang nahinuha ng isang dumadalaw na sugo ng Sweden: “Iyan ang kahila-hilakbot at kapaha-pahamak na wakas ng bantog na lunsod ng Moscow.” Subalit, nagkamali siya.
Isang czar ng Russia mula sa pamilyang Romanov ang nahalal noong 1613, at ang bagong dinastiyang ito ng mga czar na Romanov ay tumagal ng mahigit na 300 taon. Bagaman ang bagong czar na bata, si Michael, ay iniulat na “walang matirhan” dahil sa pagkawasak, ang Moscow ay muling itinayo at minsan pang naging isang malaking lunsod sa daigdig.
Noong 1712, inilipat ng czar na si Peter the Great, apo ni Michael, ang kabisera ng Russia mula sa Moscow tungo sa St. Petersburg, na itinayo niya sa Baltic Sea. Subalit ang Moscow ay nanatiling ang minamahal na “puso” ng Russia. Sa katunayan, ang emperador na Pranses na si Napoléon Bonaparte, na naghahangad manaig, ay iniulat na nagsabi: ‘Kung mabibihag ko ang Petersburg, mapipigilan ko ang Russia sa ulo nito, at kung mabibihag ko ang Moscow, wawasakin ko ang puso nito.’
Nasakop nga ni Napoléon ang Moscow, subalit gaya ng ipinakikita ng kasaysayan, ang puso niya ang nawasak, hindi ang Moscow. Ang nangyari sa Moscow ay totoong kahila-hilakbot anupat ito ang maliwanag na dahilan kung bakit iniugnay ng ilan ang lunsod sa Armagedon.
Bumangon Mula sa Abo ang Moscow
Noong tagsibol ng 1812, sinalakay ni Napoléon ang Russia kasama ang hukbong militar na umabot ng mga 600,000. Habang sinusunod ang isang patakarang “sunog na lupa,” umurong ang mga Ruso at walang iniwan para sa kaaway. Sa wakas, ipinasiya nilang iwan ang abandonadong Moscow sa mga Pranses!
Sinasabi ng maraming awtoridad na ang mga taga-Moscow mismo ang tumupok sa kanilang lunsod sa halip na pakinabangan ito ng mga Pranses. “Isang napakalakas na hangin ang nagpaliyab sa apoy na mistulang impiyerno,” ulat ng isang kasaysayang Ruso. Ang mga Pranses ay naiwang walang pagkain o dayami, gaya ng paliwanag na ito ng kasaysayan: “Wala ni isang sako ng arina o isang kariton ng dayami ang itinira ng mga Ruso sa hukbong Pranses.” Palibhasa’y walang mapagpipilian, nilisan ng mga Pranses ang Moscow pagkaraan ng wala pang anim na linggo pagkatapos pumasok dito at halos maubos ang kanilang buong hukbo sa kanilang pag-urong.
Ang lakas ng loob ng mga taga-Moscow ay nagligtas sa kanilang maningning na lunsod, at taglay ang determinadong pasiya ay ibinangon nila ito mula sa mga abo. Si Aleksandr Pushkin, kadalasa’y itinuturing na pinakadakilang makata ng Russia, ay 13 nang salakayin ni Napoléon ang Moscow, ang minamahal na lupang tinubuan ni Pushkin. Sumulat siya tungkol sa Moscow: “Anong dami ng nasa isip ng bawat tunay na Ruso hinggil sa salitang iyon! Gayon na lamang kalalim ang alingawngaw na naririnig!”
Kaligtasan at Kasaganaan
Nagugunita ng maraming nabubuhay ngayon, mula sa alaala o mula sa mga pelikula, ang lubhang mahihirap na panahong naranasan ng Moscow noong panahon ng rebolusyon sa Russia na nagsimula noong 1917. Gayunman, ang lunsod ay hindi lamang nakaligtas—ito’y umunlad din. Nagtayo ng metro, na gaya ng Moscow-Volga Canal upang magtustos ng tubig sa lunsod. Ang mga tao’y natutong bumasa’t sumulat, at sa huling mga taon ng dekada ng 1930, nagkaroon ng mahigit na isang libong aklatan sa Moscow.
Noong 1937 isang dating alkalde ng Manchester, Inglatera, ang sumulat sa aklat na Moscow in the Making: “Kung hindi magkakaroon ng malaking digmaan, . . . naniniwala akong sa pagtatapos ng sampung taóng plano ang Moscow ay uunlad sa pagiging, kung tungkol sa kalusugan, kaginhawahan, at mga kaalwanan sa buhay ng lahat ng mamamayan nito, ang pinakamagaling ang pagkakaplanong malaking lunsod na kailanma’y nakilala ng daigdig.”
Subalit noong Hunyo 1941, sinalakay ng Alemanya ang Russia, isang kakampi kung saan wala pang dalawang taon ay pumirma ito ng isang kasunduan na mapayapa nilang lulutasin ang mga pagtatalo. Noong Oktubre, ang mga sundalong Aleman ay nakarating hanggang 40 kilometro ng Kremlin. Tila tiyak na ang pagbagsak ng Moscow. Halos kalahati ng 4.5 milyong naninirahan sa Moscow ang inilikas na. Inimpake ng mga 500 pagawaan ang kanilang mga makina at ipinadala ito sa bagong mga lugar sa gawing silangan ng Russia. Subalit, hindi sumuko ang Moscow. Ang lunsod ay literal na naghukay, nagbarikada, at itinaboy ang mga Aleman.
Kahila-hilakbot ang dinanas ng Moscow, gaya ng dinanas ng maraming iba pang lunsod sa Russia. “Napakaraming naranasan ng Moscow sa loob ng isang siglo,” ang sulat ng isang Amerikanong reporter na tumira roon noong mga dekada ng 1930 at 1940, “anupat nagtataka ako’t ito’y nakaligtas pa.” Tunay, kamangha-manghang nanaig ang Moscow upang maging isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang lunsod ng modernong daigdig.
Sa ngayon, ang Moscow ay may populasyon na mahigit na siyam na milyong tao at may lawak na halos 1,000 kilometro kudrado, anupat nagpapangyari ritong maging mas malaki at mas matao kaysa New York City. Isang hilera ng paikot na mga lansangan ang pumapalibot sa Kremlin, na may mahigit na 100 kilometrong Moscow Ring Road na nag-aanyong panlabas na hangganan ng Moscow. May maluluwang na lansangan na papalabas, parang mga rayos ng isang gulong, mula sa sentro ng lunsod.
Gayunman, karamihan ng mga taga-Moscow ay bumibiyahe sakay ng kahanga-hangang Metro ng lunsod, na lumawak pa upang ilakip ang siyam na mga ruta at mga 150 istasyon, na naglilingkod sa lahat ng bahagi ng lunsod. Ang mga istasyon ng Metro sa Moscow ay tinatawag ng World Book Encyclopedia na “ang pinakamagara sa buong daigdig.” Ang ilang istasyon ay parang mga palasyo, na nagagayakan ng mga aranya, istatuwa, salamin na may kulay, at napakaraming marmol. Sa katunayan, ang unang 14 na istasyong ginawa ay naglalaman ng mahigit na 70,000 metro kudrado ng marmol, na higit pa sa lahat ng nasa palasyong itinayo ng mga Romanov sa loob ng 300 taon!
Ang Lunsod ay Binago
Nang dumalaw kami noong nakaraang tag-init, sumakay kami sa Metro upang tingnan ang isa sa pinakamalaking proyekto ng pagbabago—ang pagkalaki-laking 103,000-upuang Lenin Stadium, na itinayo sa timog ng Moscow noong dekada ng 1950. Ikinakabit ang bagong mga upuan nang dumating kami, at nakini-kinita namin ang natatanggal na bubong na magpapaging posibleng pagdausan ito ng mga sosyal na mga okasyon doon sa buong taon.
Ang harap ng kilalang GUM department store, sa kabila ng Red Square mula sa Kremlin, ay may bagong magandang anyo. Sa isa pang panig ng Kremlin, kung saan dating dumadaloy ang Neglinnaya bago ito inilihis sa ilalim ng lupa noong nakaraang siglo, ang magandang tanawin doon ngayon ay may batis upang gayahin ang dating ilog. Sa tapat mismo ng batis, may itinatayong isang napakalaking shopping mall na may ilang palapag sa ilalim ng lupa, na may mga restawran at iba pang pasilidad. Tinawag ito ng isang manunulat sa Moscow na “ang pinakamalaking shopping centre sa Europa,” subalit idinagdag pa, “o ganiyan nga ang paniwala nila sa Tanggapan ng Alkalde.”
Sa isa pang lugar hindi kalayuan mula sa Kremlin, waring nasa lahat ng dako ang mga crane na gamit sa pagtatayo, at puspusan ang konstruksiyon. Natuklasan ang arkeolohikal na mga kayamanan sa mga dakong pinaghukayan, kabilang dito, sa isang dako, ang isang baul ng mahigit na 95,000 barya mula sa Russia at Kanlurang Europa na may petsang mula noong ika-15 hanggang ika-17 siglo.
Ang mga simbahan ay kinumpuni at ang ilan ay muling itinayo. Ang Katedral ng Our Lady of Kazan, sa Red Square, na nasira noong 1936 at ginawang palikurang bayan, ay tapos na. Ang napakalaking Katedral ng Christ the Savior, na itinayo upang ipagdiwang ang tagumpay laban kay Napoléon, ay pinasabog noong 1931 sa kampanya ng Komunista laban sa relihiyon. Noong panahon ng pagdalaw namin ito ay malapit nang matapos sa dating lugar nito, na sa loob ng mga taon ay siyang kinaroroonan ng isang pagkalaki-laking pinainit na swimming pool sa labas.
Ang pamamasyal sa mga dako ng konstruksiyon ay kahali-halina, lalo na habang dinidili-dili namin ang pinagandang anyo ng Moscow sa pagtatapos ng taon. Subalit, ang dahilan kung bakit napamahal na sa amin ang Moscow ay dahil sa mga tagarito. “Ang bisita ay tuwang-tuwa dahil sa pakikipagkaibigan ng mga taga-Moscow,” ang minsa’y nasabi ng isang tagapag-ulat sa Moscow. Napatunayan naming totoo iyan, lalo na nang kami’y nagsisiksikan sa palibot ng maliit na mesa sa kusina, habang nagtatamasa ng maibiging kasiglahan at pagkamapagpatuloy ng isang pamilyang Ruso.
Nakatutuwa naman, napag-alaman din namin na natutuhan na ng maraming taga-Moscow ang tunay na kahulugan ng Armagedon, isang digmaan na doo’y lilinisin ng ating Maylalang ang buong lupa. Pangyayarihin nito ang isang panahon na lahat ng tunay na umiibig sa kaniya ay maaaring mabuhay nang sama-sama, nang walang pagtatangi at paghihinala, kundi taglay ang pang-unawa at pagtitiwala, bilang mga anak ng Diyos, na umiibig sa isa’t isa at naglilingkod sa Diyos nang may pagkakaisa. (Juan 13:34, 35; 1 Juan 2:17; Apocalipsis 21:3, 4)—Isinulat.
[Talababa]
a Commentary on the Holy Bible, ni Adam Clarke, Isang-Tomong Edisyon, pahina 1349.
[Larawan sa pahina 13]
Ang Katedral ng St. Basil at ang mga pader ng Kremlin, na kilalang-kilalang mga sagisag ng Moscow
[Larawan sa pahina 15]
Sa lahat ng dako, may mga paalaala tungkol sa ika-850 anibersaryo
[Larawan sa pahina 16]
Ang kilalang GUM department store, na may bagong anyo nito
[Larawan sa pahina 16, 17]
Maraming istasyon ng Metro ang parang mga palasyo
[Credit Line]
Tass/Sovfoto
[Larawan sa pahina 16, 17]
Pagkumpuni sa Lenin Stadium
[Larawan sa pahina 17]
Bagong tanawin sa labas ng Kremlin
[Mga larawan sa pahina 18]
Waring nasa lahat ng dako ang mga crane na gamit sa pagtatayo, at puspusan ang konstruksiyon