Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/22 p. 15-18
  • Kung Paano Umani ng Papuri ang Ginawa Nila sa Moscow

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Umani ng Papuri ang Ginawa Nila sa Moscow
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Saksi sa Moscow
  • Dahil sa Bagong Dakong Pinagtitipunan
  • Pagsasakatuparan sa Gawain
  • Moscow—Ang Ika-850 Anibersaryo Nito
    Gumising!—1997
  • Nagtagumpay sa Korte ang Bayan ni Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Pagkakaisa na Hinahangaan ng Daigdig
    Gumising!—1993
  • Isang Muling Pagdalaw sa Russia
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/22 p. 15-18

Kung Paano Umani ng Papuri ang Ginawa Nila sa Moscow

NOONG 1998, isinampa ang isang demandang sibil sa hukumang munisipal ng distrito ng Golovinsky sa Moscow upang ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya waring balintuna na ang mga Saksi ay pinuri kamakailan ng lokal na mga opisyal sa Golovinsky District Administration.

Bakit tumanggap ng papuri ang mga Saksi mula sa mga opisyal ng Moscow, gayong kasabay nito, sinisikap ng ilang tao na ipagbawal sila sa lunsod? Ang maikling pagrerepaso sa gawain ng mga Saksi roon ay magbibigay ng mga kasagutan.

Ang mga Saksi sa Moscow

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1950, ang Moscow ay isa sa ilang kabiserang lunsod sa daigdig kung saan walang isa mang Saksi ni Jehova ang nakatira. Ang dahilan? Sapagkat ang mga Saksi sa Moscow ay ipinatapon, gayundin ang libu-libong iba pa na nasa Unyong Sobyet. Saan? Ang karamihan ay dinala sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Siberia.

Sa paglipas ng panahon, ilang taga-Moscow ang nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa tulong ng mga publikasyon ng Saksi, na noong panahong iyon ay ipinagbabawal sa Russia. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ang ilan na naging mga Saksi noon ay nagtatagpo para sa pag-aaral ng Bibliya sa apartment ni Murat Shakirov sa Moscow. Noong dekada ng 1980, napukaw ng mga miyembro ng maliit na grupong ito ang interes ng maraming iba pa sa pag-aaral ng Bibliya.

Nang maging legal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet noong Marso 1991, isang malaking kongregasyon ng mga Saksi sa Moscow ang nagsimulang gumawa roon nang hayagan. Libu-libong tao ang sabik na malaman kung bakit ang mga Saksi ay pinag-usig. At nais nilang malaman kung ano nga ba ang itinuturo ng Bibliya. Kaya nang idinaos ang isang kombensiyon sa Kiev, Ukraine, noong Agosto 1991, mahigit sa 2,000 mula sa Moscow ang naglakbay ng mga 890 kilometro upang dumalo. Marami sa mga ito ang kabilang sa 1,843 na nabautismuhan doon.

Nang idinaos ang isang malaking pang-internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1993 sa Locomotive Stadium sa Moscow, 23,743 katao mula sa mahigit na 30 bansa ang dumalo. Sa pagtatapos ng taóng iyon, ang bilang ng mga kongregasyon sa kalakhang Moscow ay dumami tungo sa 21. Sa ngayon, pagkalipas ng mga walong taon, mayroon nang 104 na kongregasyon sa lugar ding iyon.

Noong Hunyo at Hulyo ng taóng ito, 18,292 katao ang dumalo sa apat na pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow, at 546 ang nabautismuhan. Ang mabilis na pagdami sa bilang ng mga sumasama sa mga Saksi sa pag-aaral ng Bibliya ay nagpangyari sa mga lider ng Simbahang Ruso Ortodokso na sikaping impluwensiyahan ang mga opisyal sa Moscow na ipagbawal ang kanilang gawain.

Noong mga unang buwan ng 1998, isinampa sa hukuman sa Golovinsky ang kaso na naghahangad na ipagbawal ang mga Saksi. Sa wakas, noong Pebrero 23, 2001, ipinasiya ng hukom na ang mga Saksi ay walang kasalanan sa mga paratang na ibinibintang laban sa kanila. Gayunman, nang inapela ng nagsasakdal ang kaso sa mas mataas na hukuman sa Moscow, ipinag-utos na ito’y muling isaalang-alang ng unang hukuman.

Gayunman, bakit, sa kabila ng mga pagsisikap ng ilang tao na ipagbawal ang mga Saksi, pinapurihan ng lokal na mga opisyal ng lunsod ng Golovinsky District Administration sa Moscow ang mga Saksi?

Dahil sa Bagong Dakong Pinagtitipunan

Noong Disyembre 1998, ang mga Saksi ay nakabili ng isang malaki at dalawang-palapag na gusaling katabi ng Mikhalkovsky Park. Ito ay dating sentrong pangkultura. Kamakailan lamang, sinimulang baguhin ng mga manggagawang Saksi ang malaking gusaling ito. Kasama rito ang limang Kingdom Hall, o mga dakong pinagtitipunan, para sa 22 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Nitong nakaraang Abril 15, hiniling ng isang administrador sa distrito ng Golovinsky na linisin ng mga Saksi ang Mikhalkovsky Park noong Abril 21. Karaniwan na sa Russia para sa mga residente at mga grupo ng pamayanan na makibahagi sa lubusang paglilinis ng komunidad sa mga parke at mga haywey. Noong Abril 17, ang mga Saksi ay nagtipon upang magplano para sa gawain. Napagpasiyahan sa pulong na kakailanganin ang mga 700 manggagawa.

Pagsasakatuparan sa Gawain

Noong Abril 18 nang ipagbigay-alam ng mga Saksi sa mga opisyal sa distrito ng Golovinsky kung gaano karaming kalaykay at iba pang mga kagamitan ang kakailanganin, hindi naniwala ang mga opisyal na may tutugon na 700 manggagawa. Gayunman, sa ganap na 9:30 n.u., noong Abril 21, nang dumating sa parke ang mga empleado ng pangasiwaan, naroon na ang daan-daang Saksi, subalit mayroon lamang 200 kagamitan sa paghahalaman na magagamit nila. Nang maglaon, nakakuha ng karagdagang 200 kalaykay na magagamit. Yaong mga walang kagamitan ay nagtrabaho sa pamamagitan ng kanilang mga kamay upang tipunin ang basura at ilagay ito sa mga plastik na supot. Nagdala pa nga ang mga Saksi ng matataas na mga botang pangisda at isang bangka upang linisin ang malaking lawa.

Namangha ang mga kinatawan ng pangasiwaan sa trabahong isinasagawa. Napansin nila na ang mga tao’y nagtatrabaho nang husto na parang nililinis ang kanilang sariling pag-aari, anupat ginagawa ang trabaho taglay ang kagalakan at kasiglahan. Lahat-lahat, halos isang libong Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa gawain sa Mikhalkovsky Park, at mahigit na 250 toneladang basura ang naalis. Yaong mga nakatira sa lugar na iyon ay nagsabi na hindi pa nila nakita ang parke na gayong kalinis sa loob ng mahabang panahon.

Gaya ng nabanggit sa pasimula, humanga ang mga opisyal sa naisagawa at sila’y lubhang nagpapasalamat. Isang opisyal sa distrito ng Golovinsky ang sumulat: “Ang Golovinsky District Administration ng North Administrative Region sa Moscow ay nagpapasalamat sa relihiyosong grupo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pakikibahagi sa paglilinis ng Mikhalkovsky Park.” Isang pangalawang opisyal ang nagpahayag ng katulad na pananalita ng pagpapahalaga, bilang pagtatapos: “Ang marangal at mahalagang gawain na ito ay nagdudulot ng kapakinabangan at kagalakan sa lahat ng dumadalaw sa parke.”

Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na pagandahin ang mga lugar sa palibot ng kanilang mga pag-aari​—at makibahagi sa mga proyektong binanggit dito​—​ang kanilang pangunahing gawain sa ngayon ay ang ibahagi sa mga tao ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang pamahalaan na magdadala ng Paraisong mga kalagayan sa buong lupa. (Mateo 24:14) Habang nililinis nila ang Mikhalkovsky Park, ang ilan ay narinig na nagsabing ang ginagawa nila ay isang mabuting pagsasanay para sa gawaing pagpapaganda sa buong lupa pagkatapos ng Armagedon.​—Apocalipsis 16:14, 16.

Oo, ang lahat ng umiibig sa Bibliya ay umaasa sa panahon na ang buong lupa ay magiging isang maganda at tulad-parkeng dako ng kagandahan, gaya ng nilayon dito ng Diyos nang lalangin niya ang unang mag-asawa.​—Genesis 1:28; 2:8, 9, 15; Apocalipsis 21:3, 4.

[Larawan sa pahina 15]

Isang muling pagkikita ng mga nagtipon sa apartment ni Murat Shakirov noong kalagitnaan ng dekada ng 1970

[Mga larawan sa pahina 16]

Ang apat na kombensiyon na idinaos sa Moscow sa taóng ito ay nagkaroon ng kabuuang bilang ng dumalo na 18,292

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang dating sentrong pangkultura na ito ay inayos upang magkaroon ng limang Kingdom Hall

[Mga larawan sa pahina 18]

Mahigit na 250 toneladang basura ang naalis

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share