Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagigiyagis na mga Pag-aasawa
  • Ang Pagbabalik ng Halos Nalipol Na
  • Ang Ganap na Panlamig
  • Nahihimatay na mga Tagahanga
  • Libreng Pag-aalaga ng Bata?
  • Nanganganib na mga “Dune”
  • Naaapektuhan ang Kalusugan ng Hapones Dahil sa Impluwensiya ng Kanluran
  • Kung Saan Napupunta ang Panahon
  • Mas Maraming Ipinagbibiling Simbahan
  • Lubusang Nabago
  • Ang Karilagan ng Buhangin
    Gumising!—2003
  • Ang Kahanga-hangang Gawa sa Inhinyerya ng Osong Polo
    Gumising!—1991
  • Ang Kamangha-manghang Kabundukan ng Buhangin sa Baybayin ng Poland
    Gumising!—2004
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nagigiyagis na mga Pag-aasawa

Maraming asawang babae sa Kobe, Hapón, ang naghihinanakit sa pag-uugali ng kani-kanilang mga asawang lalaki noong panahon mismo at pagkatapos ng lindol na nagwasak sa rehiyong iyon noong pasimula ng 1995. “Hindi lamang nagkaroon ng mga bitak sa aming mga tahanan kundi sa aming relasyon din naman yamang nababatid ko ngayon na hindi ko mapagkakatiwalaan ang aking asawang lalaki,” sabi ng isang maybahay na sinipi sa Asahi Evening News. Ang mga asawang lalaki ay binatikos sa pagiging walang pakiramdam, sa panahong kailangan ang kaaliwan, at higit sa lahat, sa pagsisikap na iligtas lamang ang kanilang mga sarili. Isang asawang babae “ay nagulat na kinain lahat ng kaniyang asawang lalaki ang binilog na mga kanin na ipinamigay sa kanila, nang hindi man lamang nagtira sa kaniya,” ulat ng Hyogo Prefecture Women’s Center. Isa pang asawang babae ang nagsabi sa center: “Talagang nawala ang lahat ng pagtitiwala ko sa aking asawang lalaki pagkatapos na tawagin niya ang aming mga anak pero hindi binanggit ang aking pangalan.” Gayunman, sinabi pa ng center na gayundin karaming tao ang nagsabi na ang kanilang mga relasyon ay napatibay ng lindol.

Ang Pagbabalik ng Halos Nalipol Na

Isang “himala sa Italya”​—ayon sa pahayagang Corriere della Sera sa Milan, ganiyan inilarawan ng ilan kung paano nakabalik ang ilang uri ng mga hayop mula sa halos pagkalipol na. Dahilan sa iniingatang mga lugar sa kabundukan ng Alps at ang Apennines, ang mga hayop na gaya ng usang chamois, fallow, at roe ay dumarami sa Italya. Ang lobong Apennine, na nagtatamasa ng labis na pagdami, ay nakapangalat ngayon mula sa Italya hanggang sa French Maritime Alps. Gayunman, may mga uri pa rin ng hayop na nanganganib, gaya ng otter at ang monk seal, subalit kumbinsido ang mga dalubhasa na ang dibdibang mga programa sa pangangalaga “ay hindi maaaring mabigo sa pagdudulot ng matagalan, tunay, at positibong mga resulta,” sabi ng Corriere della Sera.

Ang Ganap na Panlamig

Ang mga siyentipiko na nagtatangkang makita ang mga polar bear mula sa eroplano ay totoong nahirapan​—at hindi lamang sa maliwanag na dahilan na ang mga oso ay puti at namamalagi sa mga tuktok ng niyebe. Ayon sa Popular Science, ang mga siyentipiko ay waring nagkaroon ng matalinong solusyon sa problema: gumamit sila ng infrared film, nangangatuwiran na madali nitong matututop ang init sa katawan na lumalabas mula sa pagkalaki-laking mga nilalang na ito. Subalit ang pilm ay blangko! Wari bang ang balahibo ng polar bear ay napakabisa bilang isang insulasyon anupat kaunting-kaunting init lamang ang lumalabas mula sa hayop. Sinasabi rin ng magasin na ang buhok ng balahibo ay waring mabuting konduktor ng ultraviolet rays ng araw, hinihigop ang mga ito sa tila “selulang solar” na nasa oso anupat nagagawa nitong gawing init ang gayong liwanag.

Nahihimatay na mga Tagahanga

Bakit napakaraming nahihimatay na mga tagahanga sa mga konsiyertong rock? Isang neurologo sa University Hospital sa Berlin, Alemanya, ang kamakailang nag-imbestiga sa pangyayaring ito. Sa isang konsiyertong rock sa Berlin na pangunahing pinuntahan ng mga kabataang babae, mga 400 ang nahimatay sa panahon ng pagtatanghal. Ayon sa magasing Discover, natuklasan ng neurologo na 90 porsiyento ng mga nahihimatay ay nakatayo sa harapan mismo. Upang makuha ang pinaglulunggatiang mga upuang ito, napakahabang oras na pumila ang mga kabataang babae, at marami ang hindi pa nga kumain o natulog sa nagdaang gabi. Ang iba pang salik​—ang kanila mismong pagsigaw at ang pagsisiksikan ng mga tao sa likod​—ang umiipit sa kanilang dibdib, na nagpapababa sa presyon ng dugo. Ito naman, ang nagdudulot ng kakulangan ng suplay ng dugo sa utak nito. Susunod ang pagkahimatay. Bagaman iminumungkahi ng neurologo na kumain at matulog muna ang mga tagahanga, manatiling nakaupo, at maging kalmado at lumayo sa maraming tao sa panahon ng pagtatanghal, sinabi niya na iilang tin-edyer na tagahanga ang malamang na susunod.

Libreng Pag-aalaga ng Bata?

Natuklasan ng nababalisang mga magulang na nakatira malapit sa lungsod ang isang bagong paraan upang mabantayan ng iba ang kanilang mga anak upang malaya silang makapamili. Iniiwan nila ang kanilang mga anak sa isang tindahan ng laruan o tindahan ng multimedia computer. Pinaglalaruan ng mga bata, na tuwang-tuwa sa mga makinang high-tech, ang mga modelong pandemonstrasyon hanggang sa makabalik ang mga magulang. Kaya, hindi kataka-taka na hindi matuwa ang mga nagtitinda sa kausuhang ito, ulat ng magasing Newsweek. Ang masama pa nagrereklamo sila na, hinahadlangan ng mga bata na gamitin ng maaaring bumili ang mga modelong nakalabas; pinakamasama pa, sinisira nila ang mga ito. Natuklasan ng iba na ang ilang magulang ay bumabalik at nagrereklamo kung walang nakapansin sa kanilang mga anak o dinala man lamang ang mga ito sa palikuran! Kaya, sinusugpo ng mga tindahan ang kausuhang ito​—alin sa inilalagay sa di-maaabot na lugar ang mga computer na nakalabas o tumatawag ng mga guwardiya kung nakakita sila ng mga batang walang bantay.

Nanganganib na mga “Dune”

“Ang Israel ay nauubusan ng buhangin.” Gayon ang ulat kamakailan ng magasing New Scientist. Bakit may di-magandang pakinggang kakulangan? Buweno, ang buhangin ang pangunahing sangkap sa kongkreto, kung saan ang lumalagong negosyo sa konstruksiyon ng bansa ay may malaking pangangailangan. Kaya sa nakalipas na 30 taon, na may kakaunting alituntunin ng pamahalaan, ang mga developer ay kumukuha ng buhangin nang maramihan mula sa napakalawak na baybayin ng buhangin, na minsang nasa kahabaan ng Jaffa hanggang sa Gaza. At nagnanakaw ang mga magnanakaw ng isang milyong tonelada ng buhangin sa isang taon upang ipagbili sa ilegal na mga pamilihan. Nababahala ang mga ekologo na ang umuunti, humihinang sistema ng ekolohiya ng sand dune, kung saan kakaunting uri lamang ng halaman at mga hayop ang nabubuhay, ay napipinsala na. At nag-iisip ang mga developer kung saan sila kukuha ng buhangin kapag naubos na ang panustos ng Israel.

Naaapektuhan ang Kalusugan ng Hapones Dahil sa Impluwensiya ng Kanluran

Ang mga tao sa Hapón ang may pinakamahabang buhay sa daigdig, subalit ang impluwensiya ng Kanluraning istilo ng buhay ang maaaring magpabagsak sa katayuang iyan. Iniulat kamakailan ng New Scientist na sa 2.1 milyon katao na nagkaroon ng pisikal na pagsusuri noong 1994, 18 porsiyento lamang ang may mabuting kalusugan. Sampung taong mas maaga rito, ang bilang na iyan ay 30 porsiyento. Ayon sa isa sa may-akda ng ulat ng Japan Hospital Association, ang may kagagawan ay ang napakaraming taba at kolesterol na mga pagkaing istilong Kanluranin, kasama pa ang dumaraming naninigarilyo at umiinom ng alak. Ang pinakamalaking pagguho sa kalusugan ay nakita sa napakaindustriyalisadong mga lugar, gaya ng lugar na Osaka-Kobe. Sa kabaligtaran, ang pinakamalusog na rehiyon ay nasa hilaga, sa lalawigang bahagi ng isla ng Hokkaido.

Kung Saan Napupunta ang Panahon

Saan napunta ang panahon? Marami ang paretorikang nagtatanong niyan, subalit sinikap ng kamakailang pagsusuri na sagutin ito sa makasiyentipikong paraan. Isang kompanya ng pananaliksik sa Illinois, E.U.A., ang nagsagawa ng tatlong-taon na pagsusuri sa pang-araw-araw na mga gawain ng 3,000 tao na hinilingang mag-ingat ng patuluyang mga rekord kung paano nila ginugugol ang kanilang panahon. Ang grupo ay mula sa edad na 18 hanggang 90 at may malawak na saklaw ng mga pinagmulan. Ang nangungunang umuubos ng panahon ay ang pagtulog. Sinundan ito ng trabaho, na gumugugol sa katamtaman ng 184 na minuto sa isang araw. Ang panonood ng TV at mga video ang sumunod, na may 154 na minuto. Ang mga gawain sa bahay ay gumugugol ng 66 na minuto, ang paglalakbay at pagsakay ay 51, ang pag-aayos sa sarili ay 49, at pangangalaga sa bata at hayop ay 25. Malapit sa dulo ng talaan ay ang pagsamba, na gumugugol sa katamtaman ng 15 minuto sa isang araw.

Mas Maraming Ipinagbibiling Simbahan

Ang mga namumuhunan ay nag-uunahan sa bihirang-gamitin na mga simbahan sa kabisera ng hilagang estado ng Brisbane sa Queensland sa Australia, ayon sa mga ahente ng real estate. Dalawang salik ang diumano’y may pananagutan: ang pag-unti ng mga nagsisimba at paghahangad ng mga namumuhunan na bumili ng “isang bagay na namumukod-tangi.” Iniulat ng pahayagang The Courier-Mail na mahigit sa labindalawang simbahan ang kasalukuyang ipinagbibili at ang ilan ay ginawa nang mga tahanan at mga opisina sa Brisbane. Ganito sinipi ng isang pahayagan ang direktor ng komersiyal na bilihan na nagsasabi: “Ang ilan” sa mga simbahan ay “ginamit bilang mga restawran, galeriya, mga tindahan ng antigo, opisina, o mga tahanan.” Isang ahente ng real estate ang nagsabi nang ganito: “Sana’y marami pang ganito ang maipagbili ko.”

Lubusang Nabago

Ang estado ng Alemanya na Bavaria ay saradong Katolika Romana. Sa katunayan, ginawang sapilitan ng mga alituntunin sa paaralan ng Bavaria ang paglalagay ng krusipiho sa bawat silid-aralan sa lahat ng paaralang pag-aari ng estado. Gayunman, ipinahayag ngayon ng Federal Constitutional Court na mapawalang-bisa ang batas na ito dahilan sa hindi ito kasuwato ng Saligang Batas ng Alemanya, na tumitiyak sa kalayaan ng relihiyon, ulat ng Süddeutsche Zeitung, isang pahayagan sa Alemanya. Isang “napakalungkot na araw sa kasaysayan ng ating bayan,” hinanakit ni Arsobispo Meisner ng Cologne, ayon sa Westfälische Allgemeine Zeitung. Ang ilan ay mas nagulat sa kontrobersiya kaysa sa pasiya mismo. Tutal, ang lipunang Aleman “ay nagbago na nang lubos,” sulat ng pahayagang Die Zeit sa Hamburg, at “nagpapahalaga sa materyalismo, pagbili ng mga produkto, at pawang pansariling pagkilala sa katauhan ng isa.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share