Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 1/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Alkoholismo sa Mexico
  • Mga Tip Para sa mga Biyahero sa Himpapawid
  • Ang Nagbibiyaheng mga Uwak sa Tokyo
  • Nanganganib ang Likas na Yaman
  • Si Maria ba ang Unang Nakakita sa Ibinangong Kristo?
  • Panganib ng Tag-araw sa Timugan
  • “Labis na Pahirap” sa Trabaho
  • Babala Kung Taglamig
  • Ang Masalimuot na Kawing ng Buhay
    Gumising!—2001
  • Nanganganib Malipol na “Species”—Ang Lawak ng Problema
    Gumising!—1996
  • Sinisira ba ng Tao ang Kaniya Mismong Pinagkukunan ng Pagkain?
    Gumising!—2001
  • Kailangan Mo ba ng Air-Condition?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 1/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Alkoholismo sa Mexico

Ipinahiwatig ng pag-aaral na ginawa ng Mexican Institute of Social Security na may mahigit na apat na milyong alkoholiko sa Mexico noong 1991. Ngunit nitong 1997, ang bilang na iyan ay maaaring nadoble, ulat ng pahayagang El Universal ng Mexico City. Sinipi nito ang Alcoholics Anonymous sa pagsasabing sa walong milyong alkoholiko sa Mexico, tatlong milyon ang nasumpungan sa Mexico City. Ayon sa El Universal, karamihan sa mga krimen sa Mexico ay ginawa sa ilalim ng impluwensiya ng alkohol. Ang pag-abuso sa alkohol ay nagbunga ng pagliban sa trabaho at mababang marka sa paaralan. Sinabi ni José Manuel Castrejón, kinatawan ng National Council Against Addiction, na “50 porsiyento ng mga kaso ng karahasan sa pamilya at sang-kalima ng mga aksidente sa trabaho ay may malapit na kaugnayan sa paggamit ng alkohol.”

Mga Tip Para sa mga Biyahero sa Himpapawid

Ang mahabang paglalakbay sa himpapawid ay nagdudulot ng igting sa isip at katawan, at ang pahayagang The Times ng London ay nagbibigay ng ilang mungkahi para guminhawa. Kasama rito ang “pag-iwas sa alkohol pero dapat ay uminom ng maraming soft drinks, kumain ng mga madaling matunaw at gunigunihin ang iyong sarili na nasa isang kaayaayang lugar.” Ang matagal na pagkakaupo ay nakapagpapamaga ng paa at maaaring makadama na parang lalong sumisikip ang kasuutan. Kung gayon, ulat ng The Times, “iminumungkahi ng mga doktor na luwagan ang damit, alisin ang mga sapatos at hilingin ang upuang nasa may daanan upang patuloy na makapaglakad-lakad patungong palikuran.” Ang pagbaluktot at pag-uunat ng mga braso at mga binti habang naglalakbay ay nakatutulong upang maiwasan ang mga problema sa sirkulasyon. Upang malabanan ang jet lag, “kung minsan ay patiunang itinatama ng mga sanay na manlalakbay sa kanilang biyahe ang kanilang rutin sa araw-araw. Yaong mga papunta sa silangan ay isang linggong maagang gumigising at yaon namang papunta sa kanluran ay hatinggabi na kung matulog.”

Ang Nagbibiyaheng mga Uwak sa Tokyo

Naging ugali na ng mga uwak sa Tokyo, Hapón, ang magbiyahe palabas at papasok ng lunsod araw-araw, ulat ng The Daily Yomiuri. Sinasabi ng mga eksperto sa mga ibon na ito’y nagsimula ilang taon na ang nakalilipas nang ang populasyon ng uwak sa mga parke at sa kapaligiran ng templo sa Tokyo ay dumami nang gayon na lamang anupat ang mga uwak ay napilitang gumawa ng mga pugad sa ibang lugar. Noon nila natuklasan ang ginhawa ng buhay sa labas ng lunsod. Gayunman, ang isang bagay na nawawala sa kanila ay ang masasarap na pagkain sa lunsod​—mga basura at itinapong tira-tirahan. Napagtagumpayan nila ang problemang ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “sistema ng pagbibiyahe na gaya ng sa mga suwelduhang trabahador. Sila’y lumilipad papasok sa siyudad sa umaga upang maghanap ng pagkain,” sabi ng The Daily Yomiuri, “pagkatapos ay bumabalik papalabas ng lunsod sa gabi.”

Nanganganib ang Likas na Yaman

◆ Ang hilagang-silangang rehiyon ng India, na sagana sa buhay halaman at hayop, ay nagtatala ngayon ng 650 uri ng halaman at 70 uri ng hayop na nanganganib. Ang maselan na ekosistema sa estado ng Meghalaya, sa hangganan ng Bangladesh, ay nakitang isa sa 18 ‘delikadong lugar’ na doo’y nanganganib ang biyodibersidad. Gaya ng iniulat sa The Asian Age, ang ekosistema ay sumailalim na ng pagsalakay at walang-pahintulot na pangangaso ng tao, bukod pa sa ibang bagay. Ang biyodibersidad ng pitong estado ng India sa hilagang-silangan ay itinuturing na mayroong mas delikado at sensitibong ekolohiya kaysa sa ibang bahagi ng bansa.

◆ Sa Italya ang bilang ng nanganganib na mga uri at mga kauring halaman ay dumarami rin. Noong 1992, 458 ang itinuturing na nasa panganib, ngunit pagsapit ng 1997, ang bilang na iyan ay dumami hanggang 1,011. “Mga sang-kapito ng pagkakasari-sari na bumubuo ng mga halaman sa Italya ay nanganganib sa ilang paraan, at umaabot sa 29 na uri ang nalipol na nitong nakaraang ilang taon,” paliwanag ng Corriere della Sera. Mahigit na 120 uri ang “nasa matinding panganib ng pagkalipol sa pinakamalapit na hinaharap,” at halos 150 ang maaaring humantong sa panganib sa malapit na hinaharap. Sa pangmalas ng botanikong si Franco Pedrotti, ng Unibersidad ng Camerino, “ang mga bilang na ito ay nagsisiwalat ng nakababahalang kalagayan.” Isang halaman ang nalipol sa likas na kinaroroonan nito nang ang tanging lugar na tinutubuan nito ay gawing laruan ng soccer.

◆ Sa Argentina 500 sa 2,500 katutubong uri ng hayop ang nanganganib, ayon sa ulat ng pahayagang Clarín sa Buenos Aires. “Bagaman ang pag-iingat ng biyodibersidad ang siyang susi ng pagbibigay-katiyakan sa pangkasalukuyan at panghinaharap na kapakanan ng tao, marami pa ring hayop ang nanganganib na mawala,” ayon kay Claudio Bertonatti, coordinator ng departamento sa pangangalaga ng Wildlife Foundation. Kabilang sa mga hayop na nanganganib sa Argentina ay ang uri ng armadillo, jaguar, vicuña, balyena, at mga pagong sa lupa. “Bagaman ipinagbabawal na ipagbili ang mga ito,” ayon sa ulat, sa kalakhang Buenos Aires “mga 100,000 pagong ang ipinagbibili bawat taon.” Sabi ni Bertonatti: “Ang tao, na dapat sana’y siyang maging kauna-unahang interesado sa pag-iingat sa pinagmumulang ito ng yaman, ang siyang may pananagutan sa nakahihigit na panganib na nagdadala sa maraming kaurian tungo sa bingit ng pagkalipol.”

Si Maria ba ang Unang Nakakita sa Ibinangong Kristo?

Iginiit ni Pope John Paul II na “nararapat lamang isipin na ang Ina [ni Jesus, si Maria] ang malamang na siyang unang tao na pinagpakitaan ng ibinangong si Jesus.” (L’Osservatore Romano) Walang binabanggit mula sa ulat ng apat na Ebanghelyo na naroroon ang ina ni Jesus nang makitang walang laman ang kaniyang libingan. Gayunman, sinabi rin ng papa: “Paanong ang Pinagpalang Birhen, na kabilang sa unang komunidad ng mga alagad (cf. Gawa 1:14), ay hindi mapapasama sa mga nakakita sa kaniyang banal na Anak matapos buhayin ito mula sa mga patay?” Gumamit ang papa ng sari-saring argumento upang sikaping ipaliwanag kung bakit wala sa ulat ng Ebanghelyo ang anumang pagkikita ni Jesus at ng kaniyang ina. Nananatili ang katotohanan na hindi kinasihan ng banal na espiritu ang mga manunulat ng Ebanghelyo upang banggitin ang gayong pangyayari. Ni nabanggit man lamang siya sa apostolikong liham.​—2 Timoteo 3:16.

Panganib ng Tag-araw sa Timugan

Sa Timugang Hemispero, ang Enero ang isa sa pinakamainit na buwan. Mahalagang mag-ingat sa heatstroke kung mainit ang panahon, paliwanag ng magasing FDA Consumer. Bagaman ang heatstroke ay nagiging dahilan ng daan-daang kamatayan bawat taon, ito’y lubusang maiiwasan, sabi ng endokrinologong si Dr. Elizabeth Koller. Maaaring magkaroon ng heatstroke bilang resulta ng pagpapagal sa kainitan ng araw, ngunit umaatake rin ito sa nakatatandang adulto na walang air-condition at may problema na sa kalusugan, gaya ng diyabetis o sakit sa puso. Kapag tumaas ang temperatura, ipinapayo ng FDA Consumer na uminom ng maraming tubig​—isang litro sa isang oras kung nag-eehersisyo. Kung nasa arawan, maglagay ng pamahid na proteksiyon sa araw, malapad na sumbrero, at magsuot ng maluwang na damit. Kung wala kayong air-condition at nanganganib na ma-heatstroke, “maligo ng malamig na tubig, madalas na wisikan ng tubig ang sarili, at maupo sa harap ng bentilador. Kung ikaw ay nahihilo, tumawag kaagad ng doktor para sa dagling lunas.” Nagbabala si Dr. Koller: “Kung ang isa’y na-heatstroke, mayroon ka lamang ilang minuto upang makagawa ng paraan.”

“Labis na Pahirap” sa Trabaho

“Sakit ng ulo, pagod, mahinang memorya, panlalabo ng mata, pagkahilo, paninikip ng paghinga, pamimingi dahil sa sipon, tinnitus, [at] sakit sa balat”​—lahat ay maaaring dahil sa sick building syndrome, o SBS, sabi ni Jack Rostron, mananaliksik ng John Moores University. Ang SBS, na opisyal na kinilala ng World Health Organization noong 1986, ay maaaring “magpabago sa nakaiinip na gawain ng pagpasok sa trabaho tungo sa labis na pahirap,” sabi niya. Ang centralized air-conditioned na mga gusali na sarado ang mga bintana ay nakapag-iipon ng mga dumi sa hangin, gaya ng mga nakalalasong gas at pagkaliliit na butil na nanggagaling sa mga photocopier at mga printer, pag-uulat ng The Independent ng London. Upang maiwasan ang SBS, ang mga air-condition ay dapat linisin nang madalas at lubusan. Sabi ni Rostron: “Bumubuti ang pagtatrabaho kapag kaunting tao lamang ang magkakasama sa maliit na opisina na may mga bintanang nabubuksan.”

Babala Kung Taglamig

Sinumang nagtatagal sa labas kung malamig at mahangin sa panahon ng taglamig ay nanganganib na magkaroon ng hypothermia, isang mapanganib na pagbaba ng temperatura ng katawan, sabi ng pahayagang The Toronto Star. Ito’y nangyayari “kapag mas mabilis na nawawala ang init sa katawan bago pa ito muling mag-init,” sabi ng ulat, at idinagdag na “hindi kailangang maging mas mababa pa sa sero ang temperatura para magkaroon ng hypothermia.” Madalas na hindi na makayanang tumbasan ng metabolismo ng mga may edad ang nawalang init. Sila, kasama ng mga bata, ang higit na nanganganib. Kapag ang isang tao ay “giniginaw, basa, pagod, gutom, nanginginig, dumaraing, [at] hindi nasisiyahan sa labas,” baka siya ay nanganganib na magkaroon ng hypothermia, sabi ng Wilderness First Aid Handbook. Ang gayong tao ay dapat bigyan ng masisilungan, tuyong damit, pagkain, at maiinom subalit huwag alkohol o caffeine. Kung walang makitang pagbuti sa kaniya, dapat na tumawag agad ng doktor.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share