Ang Nakasusuyang mga Langaw na Iyon—Mas Kapaki-pakinabang ba Kaysa Inaakala Mo?
ITINUTURING ng karamihan sa atin ang mga langaw na alin sa isang sagabal o isang tunay na panganib sa lipunan. Subalit natutuklasan ng mga biyologo na ang mga langaw, na nakaaabala, ay mas kapaki-pakinabang kaysa inaakala natin.
Ginugugol ng maraming uri nito ang karamihan ng araw sa pagdalaw sa mga bulaklak, na parang mga kainan ng fast-food na nag-aalok sa kanilang mga kliyenteng insekto kapuwa ng nektar at polen. Ang ilang langaw na kayang mag-alis ng mga nutriyente mula sa polen—isang kahanga-hangang gawa sa ganang sarili—ay dumidepende sa sagana-sa-enerhiyang pagkaing ito upang mangitlog.
Samantalang dumadalaw mula sa isang bulaklak tungo sa ibang bulaklak, tiyak na nadadampot ng mga langaw ang madikit na mga butil ng polen, na dumidikit sa kanilang mga katawan. Ang isang langaw na maingat na sinuri ng mga biyologo ay may 1,200 butil ng polen sa kaniyang katawan! Habang higit na pananaliksik ang ginagawa tungkol sa bahagi ng mga langaw sa polinasyon, natuklasan ng mga siyentipiko na ang ilang bulaklak ay dumidepende sa kanila para sa kanilang kaligtasan.
Inilalarawan ng magasing Natural History ang isang serye ng mga eksperimento na isinagawa sa Colorado, Hilagang Amerika. Ang karaniwang uring muscoid na langaw, na kahawig ng mga langaw sa bahay, ay nilagyan ng matitingkad na kulay upang ang mga ito’y madaling matunton. Pagkatapos masubaybayan ang kanilang pang-araw-araw na gawain, ang mga mananaliksik ay nagulat na matuklasan na para sa ilang ligaw na mga bulaklak ang mga langaw ay mas mahalagang mga nagpapangyari ng polinasyon kaysa mga bubuyog at na ang mga ito ay mas maraming uri kaysa mga bubuyog.
Gaano kahalaga ang gawain ng mga langaw? Ang ilang bulaklak ay natatakpan ng mga net anupat ang mga ito ay hindi madalaw ng mga insekto. Ang mga bulaklak na ito ay hindi nakagagawa ng binhi—kung ihahambing sa mabungang mga bulaklak sa malapit na napo-pollinate ng mga langaw. Bagaman ang ilang bulaklak ay pangunahin nang pino-pollinate ng mga bubuyog, sa kalagayan ng ibang uri ng bulaklak na gaya ng ligaw na flax o ligaw na geranium, sa ilang elebasyon ginagawa ng mga langaw ang mahigit na 90 porsiyento ng gawaing ito.
Ano ba ang konklusyon nina Carol Kearns at David Inouye, dalawa sa mga mananaliksik? “Para sa maraming ligaw na bulaklak sa Colorado Rockies, kung gayon, nahihigitan ng mga langaw ang mga bubuyog, mga paruparo, at mga hummingbird . . . Kung wala ang mga insektong ito, na bahagyang nakasusuya sa karamihan ng mga tao, hindi magkakabinhi ang maraming ligaw na bulaklak na nagpapangyaring kalugud-lugod ang pagdalaw sa parang ng alpino.” Walang alinlangan tungkol dito, ang mga langaw ay kapaki-pakinabang!