LANGAW
[sa Heb., zevuvʹ, mga langaw].
Insektong may dalawang pakpak at kabilang sa genus na Musca na kadalasa’y nangingitlog sa mga bagay na nabubulok o sa mga basura. Ang maliliit na balahibong bumabalot sa katawan at mga binti ng langaw at pati na ang mga sapin ng madidikit na balahibo sa dalawang paa nito ay may dalang baktirya—milyun-milyon sa bawat langaw.
Sumulat ang tagapagtipon: “Mga patay na langaw ang nagpapabaho at nagpapabula sa langis ng manggagawa ng ungguento.” Ang pagkabulok ng mga patay na langaw ay nagpapabaho sa langis at nagpapaasim dito, anupat sinisira ito, kung paanong ang kaunting kamangmangan ay makasisira sa reputasyon ng isa na kilala sa kaniyang karunungan at kaluwalhatian.—Ec 10:1.
Binanggit ni Isaias na sisipulan ni Jehova ang mga langaw sa dulo ng mga kanal ng Nilo sa Ehipto at ang mga bubuyog ng lupain ng Asirya upang ang mga ito’y dumapo sa matatarik na agusang libis, mga awang ng malalaking bato, mga palumpungan ng mga tinik, at sa lahat ng mga dakong tubigan ng Juda. Maliwanag na dapat itong unawain sa diwang makatalinghaga, anupat ang mga langaw ay tumutukoy sa mga hukbo ng Ehipto at ang mga bubuyog naman ay sa mga hukbo ng mga Asiryano.—Isa 7:18, 19.
Ang pangalan ng diyos na pinakundanganan ng mga Filisteo sa Ekron ay “Baal-zebub,” na nangangahulugang “May-ari ng mga Langaw.” Kaya naman posibleng inisip ng mga mananamba niya na kaya niyang kontrolin ang mga insektong ito. Yamang iniuugnay kay Baal-zebub ang pagbibigay ng mga orakulo, iminumungkahi ng iba na maaaring ipinahihiwatig ng pangalan ni Baal-zebub na nagbibigay siya ng mga orakulo sa pamamagitan ng paglipad o paghiging ng langaw.—2Ha 1:2, 6; tingnan ang BAAL-ZEBUB; LANGAW NA NANGANGAGAT.