Maliliit na Dalubhasa sa Paglipad
WIIISS! Tinangay ng panghampas ng langaw ang hangin patungo sa lumilipad na langaw. Subalit nailagan ng langaw ang panghampas, sandaling sinuong ang malakas na pag-alog sa hangin, inilagay sa ayos ang sarili at pagkatapos, sa pag-ikot at paglapag nang pabaligtad sa kisame, ay nililibak ang iyong di-mahusay na pagtatangka na patayin ito. Kahanga-hanga ang mga pamamaraang ito ng paglipad! Sa katunayan, ipinagmamalaki ng nasa-lahat-ng-dako na pamilya ng langaw ang pinakasirkero ng mga lumilipad sa daigdig ng mga insekto, ito’y dahilan na rin sa dalawang kamangha-mangha ang pagkagawang panimbang na mga dagdag na bahagi sa katawan na tinatawag na mga haltere.
Parang maliliit na tambo na may mga tatangnan sa dulo, ang dalawang haltere ay nakausli mula sa gitnang bahagi ng katawan ng langaw, na nasa likod lamang ng dalawang pakpak nito. (Tingnan ang ilustrasyon sa susunod na pahina.) Kapag nagsimulang pumagaspas ang mga pakpak ng langaw, ang mga haltere ay nagsisimula ring pumagaspas—nang magkasindalas, daan-daang beses bawat segundo. Sa katunayan, ang mga haltere ay tulad ng maliliit na gyroscope na tumutulong sa insekto na lumipad. Nagpapadala ang mga ito ng senyas sa utak ng langaw sa tuwing nagbabago ng direksiyon ang langaw, tulad halimbawa kapag ang maliit na insektong ito ay tinamaan ng bugso ng hangin o ng pagsabukay ng hangin dahil sa isang panghampas o ng malapit na paghaginit ng isang diyaryo. Sinasabi agad ng mga haltere sa langaw na ang katawan nito ay pumaling, umikot, o pumaimbulog (o kaya’y bumulusok), kung paanong sinasabi rin ng gyroscope ng isang sasakyang panghimpapawid sa piloto ang gayon ding mga bagay, bagaman hindi kasinghusay. Mabilis at madaling nailalagay sa ayos ng langaw ang paglipad nito.
Di-tulad ng pangkaraniwang umiikot na mga gyroscope, ang mga haltere ay mas mukhang mga pendulo. Ngunit ang mga ito’y hindi nakabitin o nakalawit sa langaw; ang mga ito’y nakausli sa mga tagiliran nito. Minsang iginalaw, ang mga haltere, gaya ng mga pendulo, ay nauuwi sa patuloy na pag-uguy-ugoy, o pagduyan-duyan, sa parehong direksiyon o patag bilang pagsunod sa mga batas ng paggalaw. Kaya kapag binabago ng langaw ang posisyon ng katawan nito sa himpapawid, binabaluktot ng panlabas na mga puwersa ang umuuguy-ugoy na mga haltere sa pinakapuno ng mga ito, kung saan nadarama ng mga nerbiyo ang pagbaluktot. Sinusuri ng utak ang mga senyas na ito ng nerbiyo at kusang inuutusan ang mga pakpak na ilagay sa ayos ang langaw—lahat ng ito nang kasimbilis ng kidlat.
Sa katunayan, ang mga haltere ay isa sa pambihirang katangian na bukod-tangi sa mga langaw, dalawang-pakpak na kapamilya ng halos 100,000 uri na kinabibilangan ng mga horsefly, housefly, blowfly, fruit fly, tsetse fly, sand fly, at mga crane fly. Ang kanilang napakahusay na mga gyroscope ay nagbibigay sa mga langaw ng isang antas ng kakayahang magmaneobra sa hangin na nakahihigit sa iba pang kapamilya ng lumilipad na mga insekto. Tunay, ang insektong ito na madalas hamakin ay nagbibigay patotoo ng pagiging henyo sa siyensiya ng Maylalang.
[Larawan sa pahina 24]
Pagpaling
[Larawan sa pahina 24]
Pag-ikot
[Larawan sa pahina 24]
Pag-imbulog o kaya’y pagbulusok
[Larawan sa pahina 25]
Soldier fly (pinalaki), na ipinakikita ang mga haltere
[Credit Line]
© Kjell B. Sandved/Visuals Unlimited
[Mga larawan sa pahina 25]
Housefly
Crane fly
[Credit Line]
Animals/Jim Harter/Dover Publications, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Century Dictionary