“Tsetse Fly”—Salot sa Aprika?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
KALILIPAT lamang namin sa isang lalawigan sa Kanlurang Aprika. Nakapaligid sa amin ang makapal na kagubatan. Isang hapon nagtungo ang aking maybahay sa closet at napasigaw: “May horsefly rito!”
Lumabas ang langaw mula sa closet at nagtungo sa banyo. Kinuha ko ang lata ng pamatay-insekto at sinundan ko ito, isinara ko ang pinto. Hindi ko na makita ang langaw. Walang anu-ano lumipad ito sa mukha ko. Inaatake ako nito! Pinaghahahampas ko ito, pero hindi ko naman matama-tamaan. Lumipad ito sa bintana. Naharangan ng iskrin ang pagtakas nito. Lumapag dito ang langaw.
Inasinta ko at tinira ko ang langaw ng pamatay-insekto. Karaniwan na ang tuwirang pag-iisprey na gaya niyaon ay agad na papatay sa anumang insekto. Pero hindi para sa langaw na ito. Lumipad ito at nagpatuloy na humiging sa palibot ng banyo.
Matibay ang langaw na ito! Inaasahan ko na magiging mabisa ang pamatay-insekto na ito at ang langaw ay babagsak kapagdaka sa sahig. Subalit hindi ito bumagsak. Nang sumunod na lumapag ito, inispreyan ko ito sa ikalawang pagkakataon. Lumipad na naman ito.
Anong uri ng pagkatibay-tibay na langaw ito? Dalawa pang tuwirang pag-isprey sa wakas ang pumatay rito.
Isinuot ko ang aking salamin sa mata at sinuring mabuti ang nilikhang ito. Mas malaki ito kaysa karaniwang langaw, bagaman hindi kasinlaki ng isang horsefly. Ang mga pakpak nito ay magkasalikop sa likod nito, nagpapangyaring magmukha itong mas maliit kaysa pangkaraniwang langaw. Isang mahaba tulad-karayom na tubo na panipsip ang nakausli mula sa bibig nito.
Sinabi ko sa aking asawa: “Hindi ito horsefly. Ito’y isang tsetse fly.”
Pinag-isip ako ng engkuwentrong iyon tungkol sa hirap ng pagsisikap na palisin ang langaw sa Aprika na pinaninirahan nito na may lawak na 11.7 milyon kilometro kudrado, isang lugar na mas malaki pa sa Estados Unidos. Bakit ibig ng mga tao na lipulin ito? Tatlong paratang ang iniharap laban dito. Ang unang paratang ay:
Sumisipsip Ito ng Dugo
May 22 iba’t ibang uri ng tsetse fly. Ang lahat ay nakatira sa timog ng Sahara sa Aprika. Ang lahat, kapuwa lalaki at babae, ay nagpapakabusog sa dugo ng may gulugod na nilikha, sumisipsip ng kasindami ng tatlong ulit ng bigat ng dugo ng mga ito sa isang kagat nito.
Nagpapakasawa ang mga ito sa pagkarami-raming nanginginaing hayop—kapuwa ang mga hayop na katutubo sa Aprika at yaong hindi katutubo roon. Kinakagat din ng mga ito ang mga tao. Ang kagat nito ay malalim, sumisipsip ng dugo na biglang kagat, mahapdi at makirot. Makati ito at masakit din naman. Nagpapantal ito.
Ang mga tsetse fly ay bihasa sa kanilang gawain. Hindi nito inaaksaya ang panahon na palipad-lipad sa iyong ulo. Ang mga ito’y maaaring lumipad sa isang tao na gaya ng isang bala at para bang pumepreno at dumadapo sa mukha nang dahan-dahan anupat ang mga ito’y hindi nararamdaman. Ang mga ito’y para bang mga magnanakaw; kung minsan ay hindi mo alam na nakunan ka na ng dugo hanggang sa makaalis na ang mga ito—kapag ang magagawa mo na lamang ay suriin ang pinsala.
Karaniwan nang gusto nila ang bahagi ng katawan na nakalantad. (Para bang gustung-gusto nila ang batok ko!) Gayunman, kung minsan, iniisip ng mga itong gumapang sa pinakabinti ng pantalon o sa mga manggas ng kamisadentro bago ito sumipsip ng dugo. O kung napili nila, maaaring kumagat ang mga ito mula sa damit—hindi iyan problema para sa isang insekto na maaaring kumagat maging sa makapal na balat ng rhinoceros.
Pinararatangan ng mga tao ang tsetse fly na hindi lamang matalino kundi tuso rin naman. Minsan nang subukin kong patayin ito ng pamatay-insekto, lumipad ito sa aking closet at nagtago sa aking swimming trunks. Pagkalipas ng dalawang araw nang isuot ko ang aking trunks, dalawang beses akong kinagat nito! Sa isa pang pagkakataon, isang tsetse fly ang nagtago sa pitaka ng aking maybahay. Dinala niya ang kaniyang pitaka sa isang opisina, at nang dumudukot siya, kinagat ng langaw ang kaniyang kamay. Pagkatapos ay lumipad ito sa silid, nagpangyaring magkagulo ang mga nagtatrabaho sa opisina. Ang lahat ay huminto sa pagtatrabaho upang hampasin ito.
Kaya ang unang paratang laban sa tsetse fly ay na ito’y sumisipsip ng dugo na may makirot na kagat. Ang ikalawang paratang ay:
Pumapatay Ito ng mga Hayop
Ang ilang uri ng mga tsetse fly ay naglilipat ng isang sakit na dala ng maliliit na parasito na tinatawag na mga trypanosome. Kapag ang tsetse fly ay sumipsip ng dugo ng hayop na may sakit, nilululon nito ang dugo na may mga parasito. Ang mga ito ay lumalaki at dumarami sa loob ng langaw. Kapag kinagat ng langaw ang isa pang hayop, naililipat ang mga parasito mula sa langaw patungo sa daluyan ng dugo ng hayop.
Ang sakit ay trypanosomiasis. Ang sakit na dumadapo sa mga hayop ay tinatawag na nagana. Ang mga parasito ng nagana ay nabubuhay sa mga daluyan ng dugo ng maraming hayop na katutubo sa Aprika, lalo na ang antelope, buffalo, bushpig, diuker, reedbuck, at warthog. Hindi pinapatay ng mga parasito ang mga hayop na ito.
Subalit pinipinsala ng mga parasito ang mga hayop na hindi katutubo sa Aprika—mga kamelyo, aso, asno, kambing, kabayo, mola, baka, baboy, at tupa. Ayon sa magasing National Geographic, ang nagana ay pumapatay ng tatlong milyong baka sa bawat taon.
Ang mga nag-aalaga ng baka, gaya ng mga Masai sa Silangang Aprika, ay natuto kung paano iiwasan ang mga lugar kung saan napakarami ng mga tsetse fly, subalit kung minsan ang tagtuyot at kawalan ng damuhan ay nagpapangyaring maging imposible ito. Nito lamang nakaraang tagtuyot, apat na pamilya na nag-alaga ng kanilang 600 baka na magkakasama ang namamatayan ng isang hayop araw-araw dahil sa langaw. Si Lesalon, isang matanda sa pamilya na kabilang sa kanila, ay nagsabi: “Kaming mga Masai ay mga taong malalakas ang loob. Sinisibat namin ang leon at hinaharap ang sumasalakay na buffalo. Binabambo namin ang itim na mamba at nilalabanan namin ang galít na elepante. Subalit sa orkimbai [tsetse fly]? Wala kaming kalaban-laban.”
May mga gamot para sa nagana, subalit pinahihintulutan lamang ng mga pamahalaan ang paggamit ng mga ito sa ilalim ng pagsubaybay ng isang beterinaryo. May mabuting dahilan para riyan, yamang ang bahagyang dosis ay hindi lamang nakasásamâ sa hayop kundi nagpaparami rin ng mga parasito na lumalaban sa mga gamot. Maaaring mahirap para sa isang nag-aalaga ng baka sa iláng na makasumpong ng isang beterinaryo upang gamutin ang kaniyang naghihingalong mga hayop.
Ang dalawang naunang paratang laban sa tsetse fly ay napatunayang hindi matututulan—sumisipsip ito ng dugo at nagkakalat ng sakit na pumapatay ng mga hayop. Subalit mayroon pa. Ang ikatlong paratang ay:
Pumapatay Ito ng mga Tao
Ang mga tao ay hindi nahahawahan ng nagana trypanosome. Subalit ang tsetse fly ay naglilipat ng isa pang uri ng trypanosome sa mga tao. Ang anyo ng trypanosomiasis na ito ay tinatawag na sleeping sickness. Huwag mong isipin na ang taong may sleeping sickness ay basta tulog lamang nang tulog. Ang sakit ay hindi isang masarap na tulog. Nagsisimula ito sa pananamlay, pagkahapo, at sinat. Pagkatapos niyan ay makararanas ng nagtatagal na pag-aantok, mataas na lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, pamamagâ ng mga himaymay ng kalamnan, at paglaki ng atay at apdo. Sa huling mga yugto, habang nanunuot ang mga parasito sa central nervous system, ang taong maysakit ay humihina ang isip, inaatake, nakokoma, at namamatay.
Sa unang bahagi ng siglong ito, ang biglang paglitaw ng sleeping sickness ay sumalot sa kontinente ng Aprika. Sa pagitan ng 1902 at 1905, ang sakit ay pumatay ng halos 30,000 katao malapit sa Lake Victoria. Noong sumunod na mga dekada, ang sakit ay kumalat sa Cameroon, Ghana, at Nigeria. Sa maraming nayon sangkatlo ng mga tao ang nahawahan, na nangailangan ng malawakang paglikas ng mga tao mula sa mailog na mga libis. Ang mga pangkat na nag-iikot ay gumamot ng daan-daang libo katao. Hanggang nitong magtatapos lamang ang dekada ng 1930 naglaho at huminto ang epidemya.
Sa ngayon ang sakit ay nagpapahirap sa halos 25,000 katao taun-taon. Ayon sa World Health Organization, mahigit na 50 milyon katao sa 36 na mga bansa sa timog ng Sahara ang nanganganib na mahawahan ng sakit. Bagaman ang sleeping sickness ay nakamamatay kung hindi magamot, may mga gamot upang lunasan ito. Kamakailan lamang isang bagong gamot na tinatawag na eflornithine ang ginawa upang gamutin ang sakit—ang kauna-unahang gamot para sa sakit na iyon sa loob ng 40 taon.
Malaon nang nakipagbaka ang mga tao laban sa tsetse fly at sa sakit na dinadala nito. Noong 1907, naglunsad si Winston Churchill ng isang kampanya upang lipulin ang tsetse fly: “Tulad ng isang masinsing net ang hinahabi upang walang-awang sugpuin ito.” Kung gugunitain ang nakaraan, maliwanag na ang “masinsing net” ni Churchill ay nagkaroon ng malalaking butas. Sabi ng aklat na Foundations of Parasitology: “Hanggang sa ngayon, ang 80 taon ng paglipol sa tsetse ay kakaunti ang naging epekto sa paglaganap ng tsetse.”
Ang Pagtatanggol
Ang Amerikanong makata na si Ogden Nash ay sumulat: “Dahil sa karunungan ng Diyos nilikha Niya ang langaw, at pagkatapos ay nalimutang sabihin sa atin kung bakit.” Bagaman totoo na ang Diyos na Jehova ang Maylikha ng lahat ng bagay, tiyak na hindi totoo na siya’y makakalimutin. Maraming bagay ang hinayaan niyang matuklasan mismo natin. Ano naman ang tungkol sa tsetse fly? May bagay ba na masasabi upang ipagtanggol ang waring kalaban na ito?
Marahil ang pinakamatibay na pagtatanggol dito ay na ang bahagi nito sa paglipol sa bakahan ang siyang nag-ingat sa katutubong mga hayop sa iláng sa Aprika. Ang napakalawak na mga lugar sa Aprika ay tulad niyaong sa mga pastulan sa kanluraning dako ng Estados Unidos—ang lupain mismo ay may kakayahang mapakain ang mga inaalagaang hayop. Subalit dahil sa tsetse fly, ang mga domestikadong hayop ay napatay ng mga trypanosome na hindi naman pumapatay sa katutubong nanginginaing mga hayop.
Ipinalalagay ng marami na kung hindi dahil sa tsetse fly, ang napakaraming katutubong mga hayop sa iláng ng Aprika ay matagal nang napalitan ng mga kawan ng baka. “Nagpaparami ako ng tsetse,” sabi ni Willie van Niekerk, isang giya sa isang reserve para sa mga hayop sa iláng sa Botswana. “Kung lilipulin ninyo ang tsetse, daragsa ang mga baka, at ang mga baka ang sumisira sa Aprika, ang kumakalbo sa buong kontinente na maging isang malawak na tiwangwang na lupa.” Ganito pa ang sabi niya: “Kailangang manatili ang langaw.”
Mangyari pa, hindi lahat ay sumasang-ayon. Ang pangangatuwiran ay di-gaanong nakakukumbinsi sa isang tao na nakikita ang kaniyang mga anak o ang kaniyang bakahan na pinahihirapan ng trypanosomiasis. Ni nakukumbinsi man nito ang mga taong nangangatuwiran na kailangan ng Aprika ang mga baka upang mapakain ang sarili mismo nito.
Gayunman, walang alinlangan na marami pa ring kailangang matutuhan tungkol sa bahaging ginagampanan ng tsetse fly sa kalikasan. Bagaman ang mga paratang laban dito ay waring matibay, marahil napakaaga pa upang gumawa ng paghatol.
Kung ang pag-uusapan ay mga langaw, kalilipad lamang ng isa sa loob ng silid. Ipagpaumanhin ninyo at titiyakin ko lamang na hindi ito isang tsetse.
[Picture Credit Line sa pahina 11]
Tsetse fly: ©Martin Dohrn, The National Audubon Society Collection/PR