Maaari Mong Mapatalas ang Iyong Memorya
“Napakahina ng aking memorya.” Nasabi mo na ba iyan? Kung nasabi mo na, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang ilang simpleng mungkahi at kaunting pagsisikap ay makapagdudulot ng nakagugulat na pagsulong. Huwag mong maliitin ang iyong utak. Ang mga kakayahan nito ay kahanga-hanga.
PAANO isinasagawa ng utak ang kahanga-hangang mga gawa nito? Nitong huling mga taon ang utak ay siniyasat nang higit kailanman. Bagaman ang kaalaman hinggil dito ay lumalago, kakaunti pa lamang ang ating nalalaman kung paano talaga naisasagawa ng utak ang bagay-bagay.
Kung paano natin natututuhan at natatandaan ang impormasyon ay hindi maliwanag, subalit ang mga mananaliksik ay nagsisikap na tuklasin ang misteryong ito. Sa proseso ng pagkatuto at pagtatanda, tinatayang tayo’y nagtataglay ng 10 bilyon hanggang 100 bilyong selulang nerbiyo, mga neuron, sa utak. Subalit may mga koneksiyon sa pagitan ng mga neuron na humigit-kumulang ay sampung libong ulit ng gayong bilang. Ang isang teorya ay na habang ang mga koneksiyon, o mga synapse, ay pinalalakas sa pamamagitan ng paggamit, nagaganap ang pagkatuto.
Habang tayo ay tumatanda, ang mental na kakayahan ay maaaring mabawasan; maaaring bumagal ang ating mga pagtugon. Hindi na nababago-muli ang mga selula sa utak, at ang mga nasa hustong gulang ay maliwanag na patuloy na nababawasan nito. Subalit hangga’t ginagamit natin ang ating utak, maaari nating maingatan ang ating mental na mga kakayahan sa mas mahabang panahon.
Ang ating mental na saloobin ay nakaiimpluwensiya sa ating utak. Ang isang optimistiko, masayang pananaw ay nagpapaunlad sa gawain ng utak sa anumang edad. Ang ilang kaigtingan ay maaaring kapaki-pakinabang, subalit ang patuloy, labis-labis na kaigtingan ay humahadlang sa kahusayan ng utak. Ang ehersisyo ng katawan ay makatutulong upang mapabawa ang mental na kaigtingan.
Bagaman ang bagay na ito ay nakapagpapasigla, maaari pa rin nating malimutan ang mahahalagang bagay, anuman ang ating edad. Maaari ba tayong sumulong? Ang isang bagay kung saan nahihirapan ang karamihan ay sa pagtanda ng mga pangalan ng taong nakikilala natin.
Pagtanda sa mga Pangalan ng Tao
Ang ilang simpleng mungkahi ay makatutulong nang malaki sa iyo upang matandaan mo ang mga pangalan nang mas mabuti. Ang interes sa tao ay nakatutulong. Ang pangalan ng isang tao ay mahalaga sa kaniya. Kalimitang hindi natin natatandaan ang pangalan sapagkat hindi natin ito naunawaan nang banggitin sa atin. Kaya kapag ipinakilala, alaming mabuti ang pangalan. Hilingin sa tao na ulitin ito kung kailangan o ipabaybay pa nga ito. Gamitin ito nang ilang ulit sa inyong pag-uusap. Kapag kayo’y nagpapaalam na, banggitin ang pangalan ng tao. Magugulat ka kung paano makatutulong ang ilang puntong ito.
Ang isa pang mungkahi na maaaring magpahusay ng iyong memorya sa mga pangalan ay ang pag-uugnay ng pangalan ng tao sa isang bagay na maaari mong ilarawan sa iyong isip. Kung malalagyan mo ng aksiyon ang larawan, mas mabuti.
Halimbawa, isang tao ang nahirapang tandaan ang pangalan ng taong di pa niya gaanong kakilala, na si Glenn. Kaya nang makita niya ang taong ito, naisip niya ang kahulugan ng salitang “glen,” iyon ay, “isang liblib at makitid na libis.” Inilarawan niya ang lalaki sa libis na ito, na nakatanaw sa magandang kapaligiran. Lagi itong naging mabisa; biglang sumagi sa kaniyang isip ang pangalang Glenn.
Maraming pangalan ang maaaring walang kahulugan sa iyo, kaya kailangan mong halinhan ng isang salita na kahawig ng pangalan. Hindi mahalaga kung ang iyong inihaliling salita ay hindi katugmang-katugma ng tunog ng pangalan. Ang iyong memorya ay mas mahusay na makatatanda ng pangalan dahil sa pag-uugnay. Kapag gumawa ka ng sarili mong mga salita at larawan sa isip, mas matindi ang impresyon nito.
Halimbawa, ikaw ay ipinakilala kay Gng. Bettina Auchincloss. Maaari mong halinhan ito ng button organ-gloss. Ilarawan mo sa iyong isip ang isang butones na tumutugtog sa isang makintab na organ.
Kailangang isagawa mo ito nang masikap nang sumandali, subalit talagang mabisa ito. Ganito ang paliwanag ni Harry Lorayne sa paraang ito sa kaniyang aklat na How to Develop a Super-Power Memory, at ginamit na niya ito sa maraming pampublikong mga okasyon. Aniya: “Kalimitang ako’y ipinakikilala sa isang daan hanggang dalawang daan katao sa loob ng labinlimang minuto o wala pa, nang hindi ko nalilimutan ang isang pangalan!”
Kung Paano Magsaulo ng mga Talaan
Paano mo mapasusulong ang iyong kakayahan na tandaan ang isang talaan ng mga bagay na hindi magkakaugnay? Ang isang simpleng paraan ay tinatawag na sistemang pag-uugnay. Ganito ito ginagawa: Ilarawan mo sa iyong isip ang bawat bagay sa talaan at pagkatapos ay iugnay mo ang larawan ng unang bagay sa larawan ng ikalawang bagay, pagkatapos ay gayundin ang gawin sa ikalawa at ikatlong mga bagay, at iba pa.
Halimbawa, kailangan mong bumili ng limang bagay sa supermarket: gatas, tinapay, bombilya, sibuyas, at sorbetes. Magsimula sa pamamagitan ng pag-uugnay ng gatas sa tinapay. Ilarawan na iyong ibinubuhos ang gatas mula sa pandeunan. Bagaman parang katawa-tawa ang larawan, makatutulong ito upang maikintal sa iyong memorya ang mga bagay. Gayundin, sikaping pakilusin ang mga tagpo sa isip na kasali ka sa pagbubuhos ng gatas.
Pagkatapos na iugnay ang gatas sa tinapay, lumipat sa susunod na bagay, ang bombilya. Maaari mong iugnay ang pandeunan sa bombilya sa pamamagitan ng paglalarawan na ikinakabit mo ang pandeunan sa saket ng ilaw. Pagkatapos ay iugnay ang bombilya sa sibuyas sa pamamagitan ng paglalarawan mo sa iyong sarili na nagtatalop ng malaking bombilya at umiiyak ka habang ginagawa mo ito. Mangyari pa, mas makabubuti kung ikaw ang gagawa ng pag-uugnay. Magagawa mo bang mapag-ugnay ang dalawang huling bagay, ang sibuyas at sorbetes? Baka maaari mong gunigunihin ang pagkain ng sorbetes na sibuyas!
Suriin kung maaalaala mo ang talaan. Pagkatapos ay subukin mo ang iyong memorya sa sarili mong talaan. Gawing mahaba ang talaan hangga’t ibig mo. Tandaan, upang gawing higit na natatandaan ang pag-uugnay, maaari mong gawing katawa-tawa ito o baligho o hindi magkakabagay. Sikaping lagyan ng aksiyon ang larawan, at ihalili ang isang bagay sa ibang bagay.
Ang ilan ay tututol na ang paraang ito ay mas matagal kaysa basta isaulo ang talaan. Gayunman, mas matagal na magpaliwanag kaysa gamitin ito. Minsang makasanayan mo na ito, mas madali mong magagawa ang pag-uugnay, at ang iyong pagtatanda, gayundin ang bilis ng iyong pagkatuto, ay magiging mas madali kaysa kung sisikapin mong matuto nang walang sistema. Nang hilingan ang 15 katao na tandaan ang talaan ng 15 bagay na magkakahalo ang pagkakatala nang walang ginagamit na sistema, ang kanilang katamtamang iskor ay 8.5. Nang gamitin ang sistema ng pag-uugnay na may paglalarawan sa isa pang talaan, ang grupo ring iyon ay nagkaroon ng katamtamang iskor na 14.3. Mangyari pa, kung aalalahanin mong magdala ng nakasulat na talaan ng mga bagay kapag namimili ka, magkakaroon ka ng 15 iskor—100 porsiyento!
Pagtanda sa Iyong Nabasa
Sa panahong ito na pagkarami-raming impormasyon, ang isa pang bagay kung saan kailangan natin ang tulong ay sa pag-aaral nang mabisa. Ang pag-aaral ay mahalaga sa paaralan, negosyo, para sa ikasusulong ng sarili, at sa paghahanda para sa pagsasalita sa publiko. Karagdagan pa, kailangang maglaan ang isang Kristiyano ng panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya.—Juan 17:3.
‘Pero nahihirapan akong tandaan kung ano ang pinag-aralan ko,’ maaaring sabihin mo. Ano ang maaaring gawin? Ang pagkatuto na gawing sulit ang iyong panahon ng pag-aaral ay makatutulong sa iyo na matandaan kung ano ang iyong binasa. Narito ang ilang mungkahi.
Kapag ikaw ay nag-aaral, mahalaga ang personal na kaayusan. Ihanda ang mga aklat, gagamitin sa pagsulat, at papel. Sikaping mag-aral sa isang maaliwalas na lugar na kakaunti ang nakagagambalang bagay at may tamang liwanag. Isara ang radyo at telebisyon.
Magkaroon ng regular na oras sa pag-aaral. Para sa ilan, ang pag-aaral sa bawat araw sa loob ng maiikling panahon ay maaaring higit na mabisa kaysa gumugol ng mahabang oras sa isang upuan. Makabubuting hati-hatiin ang iyong oras. Sa halip na mag-aral nang dalawang oras na tuluy-tuloy, mas makabubuti na hatiin ang panahon nang tig-25 hanggang 40 minuto sa bawat sesyon, na may maiikling pagitan ng ilang minuto sa bawat pag-aaral. Ipinakita ng pananaliksik na ito’y nakatutulong sa mas madaling pagtatanda.
Tiyakin kung anong materyal ang ibig mong suriin sa panahon ng iyong pag-aaral. Ito’y nakatutulong sa pagtutuon ng isip. Bago simulang basahin ang aklat, patiunang suriin ito nang ilang minuto. Tingnan ang pamagat. Suriin ang nilalaman, na bumubuod sa aklat. Pagkatapos ay basahin ang paunang salita o ang introduksiyon. Maaaring nakasaad dito ang layunin o pangmalas ng may akda.
Bago simulang basahin ang isang kabanata, suriin muna ito. Tingnan ang mga subtitulo, larawan, tsart, mga buod, at pambukas at pansarang mga parapo. Pahapyaw na basahin ang unang pangungusap ng bawat parapo. Kalimitang tinataglay ng mga pangungusap na ito ang pangunahing pangangatuwiran. Kunin ang pangkalahatang idea. Tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ang ibig patunayan ng sumulat? Ano ang magiging pakinabang ko mula sa materyal na ito? Ano ang pangunahing mga argumento?’
Ang pagtutuon ng isip ay mahalaga. Dapat na maging buhos na buhos ang iyong isip. Ang lihim ay gawing nakapagpapasigla ang oras ng iyong pag-aaral hangga’t maaari. Pasidhiin ang interes sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa praktikal na mga aspekto ng impormasyon. Ilarawan ito sa isip. Gamitin ang mga pandamdam sa pamamagitan ng paglalarawan sa isip ng amoy, lasa, at hipo kung ito’y angkop sa materyal.
Minsang maunawaan mo ang kahulugan ng materyal, handa ka na ngayong kumuha ng nota. Ang mahusay na pagkuha ng nota ay makapagpapabilis ng iyong pag-unawa at pagtanda sa impormasyon. Hindi kinakailangang buo ang mga pangungusap sa mga nota kundi mga pangunahing mga salita o parirala na makatutulong sa iyo na matandaan ang pangunahing mga idea.
Ang pag-unawa sa impormasyon ay hindi naman nangangahulugan na matatandaan mo ang lahat sa hinaharap. Ang totoo sa loob ng 24 na oras ng pagkatuto, kasindami ng 80 porsiyento ng impormasyon ay maaaring malimutan, sa paano man ay pansamantala lamang. Waring nakasisira ng loob iyan, subalit ang ilan o karamihan ng 80 porsiyentong iyan ay mapananauli sa pamamagitan ng pagrerepaso sa materyal. Pagkatapos ng bawat sesyon ng pag-aaral, magrepaso sa loob ng ilang minuto. Hangga’t maaari, magrepaso uli pagkalipas ng isang araw, pagkatapos ay pagkalipas ng isang linggo, at muli pagkalipas ng isang buwan. Ang pagkakapit mo ng mga puntong ito ay makatutulong sa iyo upang makinabang nang lubusan sa iyong mahalagang oras ng pag-aaral at matandaan mo kung ano ang iyong binasa.
Kaya huwag mong maliitin ang iyong utak. Ang iyong kakayahan na matandaan ang mga bagay ay maaaring mapasulong. Tinukoy ng isang siyentipiko ang utak bilang “ang pinakamasalimuot na bagay na natuklasan natin sa kasalukuyan sa ating sansinukob.” Ito’y isang pagpaparangal sa kahanga-hangang karunungan at kapangyarihan ng Maylikha nito, si Jehova.—Awit 139:14.
[Dayagram sa pahina 15]
Upang matandaan ang talaan, gamitin ang sistema ng pag-uugnay: Bumuo ng isang larawan sa isip para sa bawat bagay. Pagkatapos ay iugnay ang larawan ng unang bagay sa ikalawa, at patuloy
Talaan ng bibilhin:
1. Gatas Pinag-ugnay ang 1 at 2
2. Tinapay Pinag-ugnay ang 2 at 3
3. Bombilya Pinag-ugnay ang 3 at 4
4. Sibuyas Pinag-ugnay ang 4 at 5
5. Sorbetes