Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/09 p. 26-29
  • Kaya Mong Patalasin ang Iyong Memorya!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaya Mong Patalasin ang Iyong Memorya!
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Napakalaking Kapasidad
  • Patalasin ang Iyong Memorya
  • Nakakatulong ang Mnemonic
  • Kung Paano Pasusulungin ang Iyong Memorya
    Gumising!—1992
  • Maaari Mong Mapatalas ang Iyong Memorya
    Gumising!—1996
  • Ang Iyong Utak—Paano Ito Gumagana?
    Gumising!—1999
  • Mapasusulong Mo ang Iyong Memorya
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
Iba Pa
Gumising!—2009
g 2/09 p. 26-29

Kaya Mong Patalasin ang Iyong Memorya!

“Masaya at maayos ang takbo ng buhay dahil sa memorya. Kung wala ito, hindi natin matatandaan ang sunud-sunod na pangyayari sa ating buhay at tuwing gigising tayo sa umaga, pagtingin natin sa salamin, hindi natin kilala kung sino tayo. Hindi natin mapag-uugnay-ugnay ang bawat araw at pangyayari; hindi tayo matututo sa nakaraan at hindi rin tayo makapaghahanda para sa kinabukasan.”​—“MYSTERIES OF THE MIND.”

BAKIT pagkalipas ng ilang buwan ay natatandaan pa rin ng ilang ibon kung saan nila itinago ang buto ng halaman na kakainin nila sa panahon ng taglamig at naaalaala ng mga squirrel kung saan nila ibinaon ang kanilang nuwes, pero nakakalimutan natin kung saan natin nailagay ang ating susi isang oras pa lamang ang nakalilipas? Oo, marami sa atin ang nagrereklamo dahil sa mahinang memorya. Pero kahit hindi perpekto ang utak ng tao, kahanga-hanga ang kakayahan nitong matuto at makatanda. Ang sekreto ay gamitin natin ito nang lubusan.

Napakalaking Kapasidad

Ang utak ng tao ay mga 1.4 kilo ang timbang at halos kasinlaki lamang ng maliit na suha, pero naglalaman ito ng mga 100 bilyong neuron, o mga selula ng nerbiyo, na bumubuo ng napakasalimuot na network. Sa katunayan, isang neuron lamang ay maaaring konektado na sa 100,000 iba pa. Dahil sa network na ito, kaya ng utak na magproseso at mag-imbak ng napakaraming impormasyon. Siyempre pa, ang hamon para sa tao ay maalaala ang impormasyon kapag kailangan na ito. May ilang tao na napakahusay sa bagay na ito, may pinag-aralan man sila o wala.

Halimbawa, sa Kanlurang Aprika, saulado ng mga griot, mga mananalaysay ng tribo na hindi marunong bumasa at sumulat, ang pangalan ng mga tao sa kanilang lugar na nabuhay sa iba’t ibang henerasyon. Sa tulong ng mga griot, natunton ng Amerikanong si Alex Haley, awtor ng aklat na Roots na nanalo ng gantimpalang Pulitzer, ang kaniyang talaangkanan sa Gambia hanggang anim na henerasyon. Sinabi ni Haley: “Napakalaki ng utang-na-loob ko sa mga griot ng Aprika​—sa ngayon, masasabi na kapag namatay ang isang griot, parang isang aklatan ang nasunog.”

Isa pang halimbawa ang sikat na Italyanong konduktor ng orkestra na si Arturo Toscanini, na “nadiskubreng” mahusay na konduktor sa edad na 19 nang kunin siya para pumalit sa isang konduktor. Kahit malabo ang kaniyang mata, napangunahan niya ang opera Aida​—nang walang tinitingnang anumang nota!

Humahanga tayo sa gayong kakayahan. Pero kaya ng karamihan ng tao na maalaala ang higit kaysa iniisip nilang kaya nila. Gusto mo bang tumalas pa ang iyong memorya?

Patalasin ang Iyong Memorya

May tatlong hakbang na nasasangkot sa proseso ng memorya: pagpasok, pag-iimbak, at pag-alaala. Pumapasok sa iyong utak ang impormasyon kapag nakilala at naunawaan niya ito. Maaari na ngayong iimbak ang impormasyong ito para maalaala sa hinaharap. Hindi gagana ang memorya kapag pumalya ang isa sa alinman sa tatlong hakbang na ito.

May iba’t ibang uri ng memorya, kabilang na ang memoryang nauugnay sa pandama, ang panandaliang memorya, at ang pangmatagalang memorya. Ang memoryang nauugnay sa pandama ay tumatanggap ng impormasyon sa pamamagitan ng mga pandama, gaya ng pang-amoy, paningin, at pandamdam. Sa panandaliang memorya, kaunting impormasyon lamang ang naiimbak at hindi ito nagtatagal. Dahil sa panandaliang memorya, nakapagkukuwenta tayo kahit sa isip lamang, natatandaan natin ang unang kalahati ng isang pangungusap habang binabasa o pinakikinggan natin ang natitirang bahagi nito, at kung may tatawagan tayo, pansamantala nating natatandaan ang numero ng teleponong kasasabi lang sa atin. Pero gaya ng alam nating lahat, may limitasyon ang panandaliang memorya.

Kung gusto mong manatili sa iyong alaala ang impormasyon, kailangang pumasok ito sa iyong pangmatagalang memorya. Paano? Makatutulong ang sumusunod na mga simulain.

◼ Interes Maging interesado ka sa paksa, at alalahanin mo ang mga dahilan kung bakit mo iyon pinag-aaralan. Marahil batay sa karanasan mo, mas madali mong matandaan ang isang bagay kapag nasasangkot ang iyong emosyon. Malaking tulong ito sa mga estudyante ng Bibliya. Kapag ang tunguhin nila sa pagbabasa ng Bibliya ay ang mas mapalapít sa Diyos at magturo sa iba tungkol sa kaniya, lalo nilang natatandaan ang kanilang pinag-aaralan.​—Kawikaan 7:3; 2 Timoteo 3:16.

◼ Atensiyon “Kadalasan nang ‘nakakalimutan’ natin ang isang bagay dahil hindi natin ito binibigyan ng atensiyon,” ang sabi ng aklat na Mysteries of the Mind. Ano ang makatutulong sa iyo na magpokus ng atensiyon? Maging interesado at, kung posible, kumuha ng nota. Bukod sa makapagpopokus ng atensiyon ang isip kapag kumukuha ka ng nota, may marerepaso ka pa sa hinaharap.

◼ Pagkaunawa “Sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa,” ang sabi ng Kawikaan 4:7. Kapag hindi mo naiintindihan ang isang turo o ideya, malamang na mahirapan kang tandaan ito, o baka hindi mo na nga ito matandaan. Ang pagkaunawa ay tumutulong para makita natin kung paanong ang iba’t ibang ideya ay bumubuo ng isang konsepto. Halimbawa, kung nauunawaan ng isang estudyante sa pagmemekaniko kung paano gumagana ang isang makina, mas matatandaan niya ang mga detalye tungkol sa makina.

◼ Pag-oorganisa Pagsama-samahin sa isang kategorya ang magkakatulad o magkakaugnay na mga ideya. Halimbawa, mas madaling tandaan ang listahan ng mga bibilhin sa groseri kung ikakategorya ang mga ito​—karne, gulay, prutas, at iba pa. Bukod diyan, hati-hatiin ang impormasyon sa maliliit na grupo nang di-hihigit sa lima hanggang pitong bagay sa isang kategorya. Ang mga numero ng telepono ay karaniwan nang hinahati sa dalawang bahagi para mas madali itong matandaan. Baka makatulong din kung aayusin mo ang iyong listahan, halimbawa ayon sa alpabeto.

◼ Paglalahad, o pagbigkas Ang paulit-ulit na pagbigkas ng gusto mong matandaan (halimbawa, banyagang salita o parirala) ay makapagpapatibay sa mga koneksiyon ng neuron. Paano? Una, sa pagbigkas ng salita, mapipilitan kang magpokus ng atensiyon. Ikalawa, masasabihan ka agad ng iyong guro kung tama o mali ang pagkakabigkas mo. At ikatlo, sa pakikinig​—maging sa iyong sarili​—gumagana ang iba pang bahagi ng iyong utak.

◼ Paglalarawan sa isip Ilarawan sa isip ang gusto mong matandaan. Baka makatulong din kung idodrowing mo ito sa papel. Gaya sa pagbigkas, gumagana ang iba’t ibang bahagi ng iyong utak kapag inilalarawan mo sa isipan ang ideya. Mas maraming pandama ang ginagamit mo, mas matatanim ang impormasyon sa iyong utak.

◼ Pag-uugnay Iugnay mo sa dati mo nang alam ang mga bagong bagay na natututuhan mo. Kung iuugnay mo ang mga ideya sa mga nakaimbak na sa iyong utak, mas madali mo itong maipapasok sa isip at mas madali mo itong maaalaala, anupat tinutulungan nito ang utak na makaalaala. Halimbawa, para maalaala ang pangalan ng isang tao, iugnay ito sa isang kapansin-pansing katangian ng kaniyang hitsura o sa anumang makatutulong sa iyo na maalaala ang kaniyang pangalan. Mas nakakatawa o kakatwa ang pag-uugnay, mas madali itong maaalaala. Sa maikli, kailangan nating mag-isip tungkol sa mga tao at bagay na gusto nating matandaan.

Ganito ang sabi ng aklat na Searching for Memory: “Kung hindi natin pinaplano ang ating ginagawa o hindi natin pinag-iisipang mabuti ang ating situwasyon at karanasan, hindi tayo magkakaroon ng magagandang alaala ng ating nakaraan at ng ating mga nagawa.”

◼ Pagkikintal Maglaan ng panahon para maproseso ang impormasyon, o matimo ito sa iyong isip. Ang isa sa pinakamahusay na paraan para magawa ito ay repasuhin ang iyong natutuhan, marahil sa pamamagitan ng pagkukuwento nito sa iba. Kung mayroon kang magandang karanasan o nabasa sa Bibliya o sa publikasyon tungkol sa Bibliya na nakapagpapatibay, ibahagi mo ito sa iba. Sa gayong paraan, pareho kayong makikinabang​—tatalas na ang iyong memorya, mapatitibay mo pa ang iyong kaibigan. Talagang nakakatulong ang pag-uulit ng impormasyon para hindi ito makalimutan.

Nakakatulong ang Mnemonic

Sa sinaunang Gresya at Roma, nabibigkas ng mga orador ang kanilang mahahabang talumpati nang hindi tumitingin sa anumang nota. Paano nila ito nagagawa? Sa tulong ng mnemonic. Ito ay isang paraan o pantulong sa pag-iimbak ng impormasyon sa pangmatagalang memorya at sa pag-alaala sa mga ito kapag kailangan na.

Isang uri ng mnemonic na ginamit ng mga orador sa sinaunang Gresya ay ang location method, o pagpoposisyon, na unang inilarawan ng makatang Griego na si Simonides ng Ceos noong 477 B.C.E. Ginagamit sa teknik na ito ang mga simulain ng pag-oorganisa, paglalarawan sa isip, at pag-uugnay sa pamilyar na mga bagay, tulad ng palatandaan ng lugar sa kalsada o isang bagay sa iyong kuwarto o bahay. Ginuguniguni ng mga gumagamit ng location method na naglalakad sila. Sa kanilang “paglalakad,” iniuugnay nila ang bawat impormasyong gusto nilang matandaan sa isang lugar o bagay. Kapag gusto na nilang alalahanin ang impormasyon, babalikan lamang nila ang kanilang “nilakaran.”​—Tingnan ang kahong “Kunwari Naglalakad Ka.”

Ayon sa pananaliksik, hindi dahil sa pambihirang talino kaya napakatalas ng memorya ng mga nangunguna sa World Memory Championships na ginaganap taun-taon. Aba, karamihan pa ng kalahok ay edad 40 hanggang 50. Ano ang kanilang sekreto? Marami ang nagsabi na dahil ito sa mabisang paggamit ng mnemonic.

Kailangan mo bang magmemorya ng mga salita? Mabisang mnemonic para dito ang akronim​—pagsasama-sama ng unang titik o mga titik ng isang grupo ng mga salita para bumuo ng bagong salita. Natatandaan ng maraming taga-Hilagang Amerika ang pangalan ng limang Great Lakes​—Huron, Ontario, Michigan, Erie, at Superior​—sa tulong ng akronim na “HOMES.” Ang isa pang pantulong sa memorya na hawig nito ay ang akrostik, na karaniwang ginagamit ng mga sinaunang Hebreo. Halimbawa, sa marami sa mga awit, ang unang salita ng bawat taludtod o grupo ng mga taludtod ay nagsisimula sa sunud-sunod na titik ng alpabetong Hebreo. (Tingnan ang Awit 25, 34, 37, 111, 112, at 119.) Sa paggamit ng akrostik, naisasaulo ng mga mang-aawit ang lahat ng 176 na taludtod ng Awit 119!

Oo, kaya mong sanayin at patalasin ang iyong memorya. Gaya ng ipinakikita ng mga pag-aaral, parang kalamnan ang ating memorya. Miyentras ginagamit natin ito, lalo itong tatalas, kahit matanda na tayo.

[Kahon sa pahina 27]

KARAGDAGANG MUNGKAHI

◼ Patalasin ang iyong memorya sa pamamagitan ng pag-aaral ng bagong kasanayan, ibang wika, o instrumento sa musika.

◼ Ipokus ang iyong atensiyon sa pinakaimportanteng mga bagay.

◼ Pag-aralan ang mga teknik na mnemonic.

◼ Uminom ng sapat na dami ng tubig. Puwedeng maging sanhi ng pagkalito ang dehydration, o pagkaubos ng tubig sa katawan.

◼ Matulog nang sapat. Habang natutulog, nag-iimbak ng impormasyon ang utak.

◼ Magrelaks habang nag-aaral. Kapag tensiyonado, naglalabas ang katawan ng cortisol na puwedeng makasira sa mga interaksiyon ng nerbiyo.

◼ Umiwas sa paninigarilyo at pag-abuso sa alkohol. Hindi mabuti ang epekto ng alkohol sa panandaliang memorya, at ang alkoholismo ay puwedeng maging sanhi ng kakulangan sa thiamine​—bitamina B na mahalaga sa maayos na paggana ng memorya. Ang paninigarilyo ay nagpapababa sa dami ng oksiheno sa utak.a

[Talababa]

a Batay sa impormasyong inilathala sa magasing Brain & Mind na mababasa sa Internet.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 28, 29]

KUNWARI NAGLALAKAD KA

Paano mo matatandaan ang listahan ng kailangan mong bilhin sa groseri, tulad ng tinapay, itlog, gatas, at mantikilya? Gamit ang teknik na location method, puwede mong “makita” ang mga ito sa pamamagitan ng kunwari ay paglalakad sa inyong sala.

Ilarawan sa isip ang tinapay na kutson sa inyong silya

ang mga itlog na nililimliman sa ilalim ng lampshade

ang iyong alagang isda sa akwaryum na punô ng gatas

ang iskrin ng TV na pinahiran ng mantikilya

Mas nakakatawa o kakaiba ang maisip mo, mas makakatulong! Pagdating mo sa tindahan, balikan mo lang ang larawan sa iyong isipan.

[Kahon sa pahina 29]

MABUTI NGA’T NAKAKALIMOT KA!

Paano kaya kung natatandaan mo ang lahat ng bagay, importante man ito o hindi? Matatambakan ng hindi mahahalagang bagay ang iyong utak. Sa katunayan, sinabi ng magasing New Scientist na “inilarawan [ng isang babaing natatandaan ang lahat ng bagay na nangyari sa kaniyang buhay] na ang kaniyang madalas na pag-alaala ay ‘walang tigil, di-makontrol at talagang nakakapagod’ at ‘pabigat.’” Mabuti na lamang at hindi problema ng karamihan sa atin ang bagay na iyan dahil ayon sa mga mananaliksik, ang ating utak ay may kakayahang alisin ang mga hindi importante o luma nang impormasyon. Ayon sa New Scientist “ang wastong paglimot ay mahalaga sa maayos na paggana ng memorya. Kapag may mahalagang bagay tayong nakalimutan, . . . nagpapakita lamang iyon na medyo napapasobra na ang ating utak sa pag-aalis ng di-kinakailangang impormasyon.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share