Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Gamit ang mga teleskopyong Subaru at Keck sa Mauna Kea [Hawaii], nadiskubre ng isang pangkat ng mga astronomo ang dambuhalang tatluhang-dimensiyong mga pilamento ng mga galaksi na mga 200 milyong light year ang lawak.” Ang mga pilamentong ito ang bumubuo sa pinakamalaki sa lahat ng istrakturang natuklasan.—SUBARU TELESCOPE WEB SITE, HAPON.
◼ Iniulat ng Office for National Statistics ng United Kingdom na “ang bilang ng mga nagpakasal [sa Inglatera at Wales] noong 2006 ang pinakamababa sa loob ng 110 taon. Dumarami ang mas gustong magsama nang hindi kasal.”—THE GUARDIAN WEEKLY, BRITANYA.
◼ Ayon sa Pew Forum on Religion and Public Life, “44% ng mga adulto ang alinman sa nagbago ng relihiyon, dating walang relihiyon at sumapi sa isang relihiyon, o tumiwalag at hindi na sumapi sa anumang relihiyon.”—E.U.A.
“Hookup” Sex sa mga Kolehiyo
“Maliban sa ilang kolehiyo ng ebanghelikal na mga relihiyon . . . , walang gaanong pagkakaiba ang mga kolehiyo at unibersidad na pampubliko, pribado, at yaong pinatatakbo ng mga Katoliko, pagdating sa ‘nauusong pakikipag-hookup’ sa mga kampus—kung saan ang isang estudyante ay nakikipag-sex sa iba’t ibang kapareha.” Ganiyan ang sinabi ng teologong Katoliko at assistant professor sa unibersidad na si Donna Freitas matapos magsagawa ng pananaliksik tungkol sa relihiyon at seksuwal na mga paggawi sa mga kolehiyo sa Amerika. Ayon sa National Catholic Reporter, sinabi ni Freitas na ang kawalan ng impluwensiya ng mga relihiyon sa pamantayang moral hinggil sa seksuwal na paggawi ay nagpapakitang hindi lamang “matindi ang impluwensiya ng nauusong pakikipag-hookup” kundi “mahina at walang kakayahan ang pangunahing mga relihiyon na hadlangan ito.”
Binabayaran ang mga Magulang Para Magpalaki ng Anak na Babae
Ang pamahalaan ng India ay nag-aalok sa mahihirap na magulang ng katumbas ng halos $3,000 (U.S.) para magpalaki ng anak na babae, ayon sa ulat ng BBC News. Ang mga pamilya ay binibigyan ng pera sa panahong maisilang ang anak na babae at sa kasunod na mga yugto ng kaniyang buhay hanggang edad 18. Bagaman ipinagbawal noong 1994 ang pagpapalaglag ng anak depende sa kasarian, laganap pa rin ito. Sa katunayan, tinataya na sa nakalipas na 20 taon, mga 10 milyong babaing sanggol sa sinapupunan ang ipinalaglag, anupat lumaki nang husto ang agwat ng dami ng lalaki sa babae sa ilang lugar. Ayon sa isang sensus sa buong bansa noong 2001, may 927 mga batang babae sa bawat 1,000 batang lalaki na wala pang anim na taóng gulang at patuloy na lumalaki ang agwat na ito. Sa isang lugar sa bansa, ang proporsiyon ng isinisilang ay 793 babae sa bawat 1,000 lalaki.
Reaksiyon ng Ibon sa Ingay
Ginagawa ng ilang ibon ang lahat para lamang marinig sila sa maingay sa lunsod. Kung sa tao ay nakakairita ang ingay, para sa mga ibon, nangangahulugan iyon ng “buhay o kamatayan,” ang sabi ng magasing New Scientist, yamang umaawit ang mga lalaking ibon para “makaakit ng kapareha at makapagtatag ng mga hangganan ng kanilang teritoryo.” Mas maingay sa lunsod kapag mas mababa ang frequency ng mga tunog, kaya para marinig sila, ang ilang ibon ay sa gabi umaawit o kaya nama’y umaawit sila nang mas malakas o mas matinis. At hindi lamang mga ibon sa lunsod ang gumagawa nito, ang sabi ng magasin. Ang mga ibong nakatira malapit sa “mga talon at rumaragasang ilog ay umaawit din nang mas matinis.”