Ingay—Ang Magagawa Mo Rito
SA PAGTATAPOS ng isang nakapapagod na araw, ikaw ay nakatulog nang mahimbing. Walang anu-ano, ikaw ay nagising sa tahol ng mga aso ng kapitbahay. Ikaw ay pumihit sa iyong kama at umaasang hihinto rin ang nakayayamot na ingay. Subalit nagpatuloy ito. Paulit-ulit, patuloy sa pagtahol ang mga aso. Palibhasa’y nayamot na, hindi na makatulog, at ngayo’y gising na gising, nagtataka ka kung paano natitiis ng iyong mga kapitbahay ang gayong ingay.
Lubhang nagkakaiba ang mga tao sa hangganan ng kanilang pagtitiis sa ingay. Ang mga empleado sa paliparan na nakatira malapit sa runway ay hindi gaanong nagagambala sa ingay ng eroplano kaysa roon sa ang trabaho’y walang kaugnayan sa mga eroplano. Nakakaya ng maybahay na gumagamit ng de-kuryenteng food processor ang ingay nito nang higit kaysa sa isang tao sa kabilang silid na gustong magbasa ng isang aklat o manood ng TV.
Ano ba ang Polusyong Ingay?
Iba-iba ang pagpapakahulugan ng mga bansa sa polusyong ingay. Sa Mexico, ang ingay ay “ang anumang hindi kanais-nais na tunog na nakaiinis o nakapipinsala sa mga tao.” Itinuturing naman sa New Zealand na labis-labis na ang ingay kapag ito ay “di-makatuwirang nakasasagabal sa kapayapaan, kaginhawahan at kaalwanan ng sinumang tao.”
Dalawang kilalang siyentipiko, si Alexander Graham Bell, ang imbentor ng telepono, at si Heinrich Hertz, isang pisikong Aleman, ang iniuugnay sa pagsukat ng tunog. Ang mga bel, o mas karaniwang mga decibel (isang ikasampu ng isang bel), ay sumusukat sa lakas ng tunog, samantalang ang hertz naman ay sumusukat sa tono, o frequency, ng isang tunog. Kapag sinusukat ang ingay, karaniwan nang tinutukoy ng mga ulat ang antas ng decibel ng tunog.a
Subalit sino ang tumitiyak kung gaanong ingay ang nagagawa ng tunog? Ikaw, ang tagapakinig! “Para matantiya ang nakayayamot na ingay, ang tainga pa rin ng tao ang pinakamahusay na detektor,” ang sabi ng The Independent ng London.
Ang mga Epekto ng Ingay
Yamang ang tainga ang “pinakamahusay na detektor” ng ingay, maliwanag na ito ang sangkap na mas malamang na mapinsala nito. Ang pinsala sa sensitibong mga selula ng nerbiyo sa iyong panloob na tainga ay maaaring pagmulan ng permanenteng pagkabingi. Totoo, iba-iba ang pagtugon ng tao sa maiingay na tunog. Subalit ang paulit-ulit na pagkalantad sa mga tunog na mahigit sa 80 hanggang 90 decibel ay maaaring humantong sa pagkabingi. Oo, mientras na mas malakas ang antas ng ingay, dapat na mas kaunting panahon ang gugugulin mo araw-araw sa kapaligirang iyon upang maiwasang mapinsala ang iyong pandinig.
Ang magasing New Scientist ay nag-uulat na maraming personal na stereo na ipinagbibili sa Pransiya ang may pinakamataas na inilalabas na tunog na 113 decibel. Sa pagbanggit sa isang pagsusuri, sinabi nito na ang “musikang rock na pinatutugtog nang napakalakas sa loob ng isang oras sa personal na mga compact disc player ay halos palaging higit sa 100 decibel sa karamihan ng panahon at umaabot sa pinakamataas na antas na mga 127 decibel.” Mas masahol pa nga ang epekto ng ingay na naririnig kung panahon ng aktuwal na mga konsiyerto. Natuklasan ng isang imbestigador ang mga taong nagsisiksikang malapit sa mga talaksan ng laudispiker na parang tulala. “Nanlalabo ang aking paningin, nayayanig ang aking katawan na sabay sa kumpas ng bajo,” aniya, “at masakit sa aking tainga ang ingay.”
Anu-ano ang maaaring epekto sa iyo ng ingay? Ganito ang sabi ng isang awtoridad: “Ang walang-tigil na ingay sa mga antas na katamtaman hanggang mataas ay pinagmumulan ng igting, pagod, at pagkayamot.” “Kapag pinahihirapan ng ingay, hindi lamang ito nag-aalis ng kagalakan sa buhay, maaari rin itong makapagod sa isang tao sa pisikal at sa emosyonal na paraan,” ang sabi ni Propesor Gerald Fleischer, ng University of Giessen, Alemanya. Kapag ang ingay ay idinagdag sa iba pang maiigting na kalagayan, ayon kay Propesor Makis Tsapogas, maaari itong pagmulan ng panlulumo gayundin ng organikong mga sakit.
Ang matagal na pagkalantad sa ingay ay nakaaapekto sa iyong personalidad. Nang tanungin ng Britanong mga mananaliksik ng gobyerno ang mga biktima ng polusyong ingay kung ano ang nadarama nila sa mga may pananagutan dito, binanggit nila ang tungkol sa pagkapoot, paghihiganti, at pagpaslang pa nga. Sa kabilang dako naman, ang mga nag-iingay ay madalas na nagiging agresibo kapag sila ang tudlaan ng paulit-ulit na mga reklamo. “Binabawasan ng ingay ang pagkamakatao at lumilikha ito ng kapusukan at pakikipag-alit,” ang sabi ng isang nagkakampanya laban sa ingay.
Napapansin ng karamihan na pinahihirapan ng polusyong ingay ang unti-unting panghihina ng kanilang resistensiya sa ingay. Inuulit nila ang pangmalas ng isang babae na may maiingay na kapitbahay na palaging nagpapatugtog ng malakas na musika: “Kapag ikaw ay napipilitang makinig sa isang bagay na hindi mo gusto, ito’y nakapanghihina. . . . Kahit huminto na ang ingay, hinihintay natin ang pagsisimula nitong muli.”
Kaya nga, wala na bang paraan upang mapaglabanan ang polusyong ingay?
Ang Magagawa Mo
Palibhasa’y napakalaganap ng ingay, hindi talos ng maraming tao kung sila’y nakaaabala na sa iba. Kung alam nila, tiyak na ihihinto ng ilan ang nakayayamot na gawain. Sa kadahilanang ito kung kaya ang palakaibigang paglapit sa isang maingay na kapitbahay ay maaaring magtagumpay. Isang tao ang nagalit sa opisyal na reklamo ng kaniyang mga kapitbahay na siya ay maingay. Sinabi niya: “Ipinalagay ko na haharapin nila ako kung naiinis sila sa ingay.” Isang ina na nagsaayos ng isang salu-salo para sa ilang bata ang labis na nagtaka nang harapin ng isang opisyal na nag-iimbestiga sa inireklamong ingay. “Sana’y kumatok sa pinto ko ang mga nagrereklamo at nagsabi sa akin kung sila’y naiinis,” aniya. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na isang Britanong opisyal sa kalusugang pangkapaligiran ang namangha nang matuklasang 80 porsiyento ng mga nagrereklamo tungkol sa ingay ng mga kapitbahay ang hindi kailanman nakiusap sa kanilang mga kapitbahay na huwag mag-ingay.
Ang pagsasawalang-kibo ng mga tao na makipag-usap sa maiingay na kapitbahay ay nagpapahiwatig din ng kawalan ng paggalang. ‘Kung gusto kong magpatugtog ng aking musika, magpapatugtog ako. Karapatan ko ito!’ ang tugon na inaasahan nila at madalas nilang nakukuha. Natatakot silang ang isang may kabaitang mungkahi na hinaan ito ay maaaring humantong sa komprontasyon yamang itinuturing ng kanilang kapitbahay ang kanilang reklamo bilang panghihimasok. Anong lungkot ngang pagpapabanaag ito ng kasalukuyang lipunan! Katulad nga ito ng pananalita sa Bibliya na sa “panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na ito, ang mga tao sa pangkalahatan ay magiging ‘maibigin sa kanilang sarili, palalo, mabangis, at matigas ang ulo’!—2 Timoteo 3:1-4.
Depende ito sa paglapit na ginagawa ng biktima. Ang magasing Woman’s Weekly ay nagbigay ng sumusunod na tagpo sa kung paano lulutasin ang isang maigting na kalagayan pagkatapos ng isang agresibong reklamo na ikinagalit ng nilapitan: “Ang isang palakaibigan at maunawaing, ‘Ikinalulungkot ko—nagalit ako kasi napapagod ako nang husto kapag hindi ako nakakatulog’ ay malamang na sapat na upang makipagkasundo [sa nangangatuwirang mga kapitbahay].” Marahil ay may kagalakang ililipat nila ang kanilang maingay na gamit na malayo sa katabing dingding at sa paano man ay mababawasan ang ingay.
Totoo, sulit naman na mapanatili ang mabuting kaugnayan sa iyong mga kapitbahay. Ang ilang lokal na awtoridad ng pamahalaan ay nag-aalok ng paglilingkod na mamagitan upang papagkasunduin ang magkagalit na magkakapitbahay. Dahil sa matinding galit na udyok ng opisyal na reklamo, ang pagtawag sa isang ahenteng tagapagpatupad ay dapat na ituring bilang “isang tiyak na huling hakbang.”
Kung binabalak mong lumipat sa isang bagong tirahan, masusumpungan mong makabubuting suriin muna ang posibleng pinagmumulan ng nakasusuyang ingay bago ka pumirma sa kontrata. Inirerekomenda ng mga nagbebenta ng bahay-at-lupa na dumalaw ka sa iyong binabalak bilhing bahay sa iba’t ibang panahon sa maghapon upang alamin ang tungkol sa ingay. Maaari mong tanungin ang mga kapitbahay kung ano ang kanilang masasabi. Kung may makaharap kang mga problema pagkatapos mong lumipat sa iyong bagong bahay, sikaping lutasin ang mga ito sa palakaibigang paraan. Ang pagdedemanda ay karaniwan nang nagiging dahilan ng matinding poot.
Subalit paano naman kung ikaw ay nakatira sa isang maingay na pook at hindi mo kayang lumipat sa ibang dako? Ikaw ba’y nakatakda nang magdusa magpakailanman? Hindi naman.
Kung Paano Magkakaroon ng Proteksiyon sa Ingay
Tingnan kung ano ang magagawa mo upang lagyan ng insulasyon ang inyong bahay mula sa ingay sa labas. Tingnan ang mga dingding at sahig upang malaman kung may anumang butas na maaaring takpan. Tingnan lalo na kung nasaan ang mga saket ng kuryente. Ligtas ba ito?
Ang ingay ay kadalasang pumapasok sa bahay mula sa mga pinto at bintana. Ang paglalagay ng ikalawang suson ng salamin sa mga bintana (double glazing) ay makatutulong upang mabawasan ang ingay. Maging ang pagdaragdag ng manipis na pilas ng foam sa hamba ng pinto ay titiyak na ang pinto ay lapat na lapat. Marahil ang pagtatayo ng isang balkon na may pangalawang pinto ay mag-iingat sa inyong sala mula sa nakayayamot na ingay ng trapiko.
Bagaman ang ingay ng trapiko ay patindi nang patindi, ang mga manggagawa ng kotse ay palaging gumagawa ng mga bagong materyales at pamamaraan upang di-gaanong marinig ang ingay sa loob ng iyong sasakyan. Makatutulong din ang hindi gaanong maingay na mga gulong sa inyong kotse. Sa maraming bansa ang mga eksperimentong ginawa sa iba’t ibang uri ng daan ay nakagawa ng produktong gaya ng “whisper concrete,” kung saan ang ilan sa mga halo ng semento ay hinahayaang di-makinis at sa gayo’y hindi gaanong lumalapat ang gulong. Ang paggamit sa ganitong daan ay iniulat na nakababawas sa mga antas ng ingay nang dalawang decibel para sa magagaang na sasakyan at isang decibel para sa malalaking trak. Bagaman ito sa wari’y hindi mahalaga, ang pagbaba ng tatlong decibel sa katamtaman ay katumbas ng pagbabawas ng kalahati sa ingay ng trapiko!
Ang mga gumagawa ng daan ngayon ay dumidisenyo ng mga haywey na nakakubli sa mga halang o mga bunton ng lupa, sa gayo’y mabisang nababawasan ang ingay. Kahit na sa mga lugar na walang dako para rito, ang pantanging idinisenyong mga bakod, gaya niyaong isa na nasa silangan ng London na yari sa sala-salang usbong ng sause (willow) at luntiang mga halaman, ay nagsasanggalang sa mga residenteng malapit sa haywey mula sa inaayawang ingay.
Ang pagtatago ng nakagagambalang mga tunog sa pamamagitan ng tinatawag na puting ingay—halimbawa, istatik o humihihip na hangin—ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa ilang kapaligiran, gaya ng mga opisina.b Mayroon na sa pamilihan sa Hapón ng tahimik na mga piyano. Sa halip na hampasin ang kuwerdas, pinagagana ng panghampas ang isang elektronikong sirkito na siyang lumilikha ng tunog sa mga earphone ng tumutugtog.
Ang mga siyentipiko ay gumugol na ng mahahabang oras sa pananaliksik tungkol sa paggawa ng tinatawag nilang panlaban sa ingay. Pangunahin na, ito’y nagsasangkot ng paggamit ng iba pang pinagmumulan ng tunog upang lumikha ng mga pagyanig na mag-aalis sa mga epekto ng ingay. Mangyari pa, ito’y nagsasangkot ng karagdagang kagamitan at higit na gastos at hindi nito talagang inaalis ang pinagmumulan ng problema. “Hanggang sa ituring ng mga tao ang ingay bilang isang sonic litter,” sabi ng U.S.News & World Report, “ang panlaban sa ingay ay saka lamang magiging ang tanging paraan upang magkaroon ng sandali ng katahimikan.” Maaari nga, subalit ang katahimikan ba ang panlaban sa polusyong ingay?
May anumang pag-asa nga ba ng kapayapaan at katahimikan para sa inyong tahanan at sa inyong purok? Ang ating susunod na artikulo ay nagbibigay ng isang tunay na pag-asa.
[Mga talababa]
a Ang mga antas ng ingay ay karaniwang tinitiyak sa paggamit ng isang metro na sumusukat ng tunog sa mga decibel. Yamang ang tainga ay nakaririnig ng ilang frequency nang mas matalas kaysa iba, ang metro ay dinisenyo upang tumugon sa katulad na paraan.
b Kung paanong ang puting liwanag ay paghahalo ng lahat ng frequency sa spectrum ng liwanag, ang puting ingay ay tunog na naglalaman ng lahat ng frequency sa layong naririnig, sa humigit-kumulang na magkakaparehong antas ng lakas ng tunog.
[Kahon sa pahina 6]
Kung Paano Mo Maiiwasang Maging Isang Maingay na Kapitbahay
● Isaalang-alang ang inyong mga kapitbahay kapag may ginagawa kang isang bagay na maingay, at ipaalam sa kanila nang patiuna.
● Makipagtulungan kapag hiniling ng isang kapitbahay na bawasan ang ingay.
● Tantuin na ang iyong pagsasaya ay hindi dapat na humantong sa pagdurusa ng iyong kapitbahay.
● Tandaan na ang ingay at pagyanig ay madaling naihahatid sa mga pasilyo at sahig.
● Lagyan ng pading ang ilalim ng maingay na kagamitan sa bahay.
● Tiyaking may matatawag upang ayusin ang di-kinakailangang pagtunog ng mga alarma sa bahay at sa kotse.
● Huwag gumawa ng maingay na trabaho o gumamit ng maiingay na gamit sa bahay sa kalaliman ng gabi.
● Huwag magpatugtog ng musika sa antas na nakayayamot sa inyong mga kapitbahay.
● Huwag iwan na nag-iisa ang mga aso sa loob ng mahabang panahon.
● Huwag pahintulutan ang mga bata na tumalon sa sahig at sa gayo’y maistorbo ang mga tao sa silong.
● Huwag magbusina ng kotse, isara nang malakas ang mga pinto, o irebolusyon ang makina sa gabi.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Ang Ingay at Ikaw
“Ang ingay ang pinakamalaganap na industriyal na panganib sa Britanya ngayon,” sabi ng The Times, “at pagkabingi ang karaniwang resulta nito.” Ipinakikita ng ilang pagsusuri sa kalusugang-panghanapbuhay na ang ingay na mahigit sa 85 decibel ay makapipinsala sa isang ipinagbubuntis na sanggol. Nasisira ang pandinig ng sanggol, at ang sanggol ay maaaring magkaroon ng diperensiya sa hormon gayundin ng mga depekto sa pagsilang.
Ang pagkalantad sa malakas na ingay ay nagpapasikip sa mga daluyan ng dugo at nagbabawas sa pagdaloy ng dugo sa mga sangkap ng iyong katawan. Ang iyong katawan naman ay tumutugon sa pamamagitan ng paggawa ng mga hormon na nagpapataas sa presyon ng dugo at nagpapabilis sa tibok ng iyong puso, kung minsan ay humahantong sa mabibilis na pagtibok o maging pagsakit ng dibdib.
Kapag sinisira ng ingay ang iyong rutin, maaaring lumitaw ang iba pang problema. Ang nagambalang tulog ay nakaaapekto sa iyong mga ikinikilos sa araw. Maaaring hindi baguhin ng ingay ang panlahat na bilis ng iyong paggawa, subalit maaaring maimpluwensiyahan nito ang dami ng nagagawa mong mali.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Proteksiyon sa Trabaho
Kung nasusumpungan mong isang problema sa trabaho ang ingay, isaalang-alang ang pagsusuot ng ilang uri ng proteksiyon sa tainga.* Ang mga earmuff na sukat sa iyong ulo na parang earphone ay karaniwan nang mabisa sa lugar na matindi ang ingay. Ang mga ito ay may bentaha na maririnig mo pa rin ang berbal na mga mensahe at ang mga nagbababalang hudyat ng makina, bagaman maaaring gawin nitong mahirap para sa iyo na maituro kung saan nanggaling ang tunog. Ang mga earplug ay kailangang tama ang sukat sa iyo at hindi angkop kung ikaw ay may sakit sa tainga o may iritasyon sa kanal ng tainga.
Ang mabuting pagmamantini ng makina ay nakababawas sa mga pagyanig. Ang paglalagay ng kagamitan sa patungang goma ay makababawas sa polusyong ingay, na katulad ng paglalagay ng maingay na makina sa bukod na dako.
*Hinihiling ng batas sa maraming bansa na tiyakin ng mga maypatrabaho na ang kanilang mga manggagawa ay nakasuot ng sapat na proteksiyon sa pandinig.
[Larawan sa pahina 8]
Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili mula sa ingay na likha ng isang lipunan na gumagamit ng mga sasakyan?